“BILIS-BILISAN mo ang pinapatrabaho ko sa iyo, Carreon. Kailangan ko ng resulta sa lalong madaling panahon,” utos ni Jaime sa kausap sa telepono.
“Yes, sir. Pinaplantsa ko lang ang mga detalye. Gusto kong malinis na malinis ang report ko kapag dinala ko sa inyo.”
“Good. Ipadala mo na lang kay Rico ang billing statement at ipapahanda ko sa kanya ang tseke mo.”
“Okay, sir. Maraming salamat.”
Matapos siyang makipag-usap ay hinarap niya ang mga papeles sa kanyang mesa. Pinirmahan niya ang mga dapat pirmahan. Eksaktong nakumpleto niya iyon ay muling tumunog ang kanyang direct line.
“Dela Merced here,” sagot niya.
“Kuya!” tila patili na wika agad ni Mary Grace. “Napaka-stiff ng boses mo. May kaaway ka na naman?”
“Alam mong wala akong nagiging kaaway kung hindi rin lang ako ang unang binabangga,” seryosong sabi niya. “Where are you, young lady? Napag-isipan mo na ba ang sinabi ko sa iyo kagabi?”
Nauna sa pagsagot nito ang isang tawa na ikinainis niya. “Alam mo, Kuya, you’re asking for the sun and moon! Grabe ka, sasabihin mong huwag kong ituloy ang kasal samantalang ready na ang lahat? Actually, ikaw na lang ang hindi naka-ready. Wala ka pang isusuot na damit! Don’t tell me, ang isinusuot mo sa boardroom ang isusuot mo rin sa kasal ko?”
“Mary Grace, I’m serious. Napakabata mo pa para magpakasal. At ang lalaking pakakasalan mo, ni hindi mo pa ganap na kilala. Hindi naman ako kahapon lang tumutol. Mula’t sapul ay hindi na maganda ang kutob ko. Ilang beses na ba kitang pinagsabihan? Hindi ka naman nakikinig.”
“Kuya, hindi naman kasi ako naniniwala sa long engagement. I know Jason is the right man for me. Sigurado na ako diyan. Bakit pa kami maghihintay nang matagal? Isa pa, sa aming dalawa, ako lang naman ang bata. He’s already twenty-seven and very much ready to get married. At saka sabi nga ng iba, kahit naman daw gaano katagal na mag-boyfriend ang isang couple, hindi naman talaga maging lubos na magkakilala unless they are going to live in one roof.”
“Paano kung sabihin ko sa iyo na hindi talaga karapat-dapat sa iyo ang lalaking iyan?”
“I won’t believe you,” stubborn na sagot nito. “Sanay ka lang na kinikontra mo ako palagi. Minsan mo pa nga lang nakaharap si Jason para husgahan mo siya. Kuya, give him a chance, okay? He’s a nice guy.”
“Dahil may vested interest siya sa mamanahin mo.”
“That’s foul!” nagtatampong sabi nito. “Jason is far richer than me kahit na idagdag pa ang mamanahin ko. Imposibleng magkaroon siya ng interes sa mana ko. Hindi mo ba alam, may mga investments siya sa US? Kumikita ang lahat ng iyon. In fact, kahit hindi na siya magtrabaho at maghintay na lang ng kita at dividends ng mga iyon ay mabubuhay kami na nang mariwasa sa buong buhay namin.”
“I doubt it.”
“Hay, naku! Alam mo, Kuya, nagsa-sour grape ka lang kasi, hindi mo pa aminin. Hindi mo kasi matanggap na malaki na ang kid sister mo. Why can’t you just be happy for me? Huwag kang mag-alala, Kuya, babawi ako agad sa iyo. Gagawin kitang uncle as soon as possible. Malay mo kambal pa ang maging anak namin? May lahi sina Jason na kambal so hindi imposible iyon.”
Napailing na lamang si Jaime. He was always soft kapag si Mary Grace na ang kausap niya. Pero hindi siya dapat na magpadala sa pagkakataong iyon dahil mismong kinabukasan ng pinakamamahal niyang kapatid ang nakataya doon.
“HELLO, Jenna!”
Nagulat si Jenna pero agad ding ngumiti nang makitang bisita si Mary Grace. “Come in. Napasyal ka nang wala sa oras?”
“May ikokonsulta kasi ako sa iyo. Iyong mga kaibigan ko kasi, nangungulit na magbigay daw kami ng engagement party. Iyon daw ang nakaligtaan ko sa mga plano. What do you think?”
“Kulang dalawang buwan na lang at kasal mo na. Kausap ko ang printer kanina lang. Siniguro niya sa akin na sa darating na weekend ay tapos na ang imbitasyon mo.”
“What if a small party? Mga around fifty lang ang guests? Malalapit na kaibigan lang ang iimbitahin ko. Gusto ko lang kasi silang pagbigyan.” At ngumiti ito. “Bina-blackmail kasi nila ako. Hindi daw nila ako bibigyan ng bridal shower kapag hindi kami nagpa-party.”
“Well, nasa sa iyo naman iyan kung talagang gusto mo.”
“Posible kaya this weekend? By the way, may usapan tayong dinner this Saturday, di ba? Kung gawin na lang nating engagement party ang araw na iyon? I mean, ikaw na rin ang kukunin kong event planner. Bahala ka nang magpa-reserve ng function room sa isang hotel. Informal lang naman ang party. Ikaw na rin ang bahala sa pagkain. Cocktail style lang naman ang kailangan. Okay, ganito na lang, Ikaw na ang bahala sa lahat-lahat. Just send me the bill.”
“That will be four days from now, Mary Grace. Hindi ko alam kung may makukuha pa akong function room lalo at weekend pa.”
“Kung venue ang problema, then sa bahay na lang namin sa Greenhills. Iyong caterer mo na lang ang bayaran natin para mag-prepare ng pagkain. Tapos konting decor sa paligid para mas may party vibe. What can you say?”
“P-puwede.” Hindi niya maiwasang biglang magtaka sa kaharap. Ngayon lang ito naging impulsive sa desisyon nito. Pero naisip niyang wala din namang mali doon.
“Okay, sa bahay na namin ang venue. Magkano ang dapat kong ibigay sa iyo na downpayment? Okay lang sa akin na may extra charge since rush naman ito. Basta ibilin mo sa caterer mo, sarapan ang food, ha? Saka iyong drinks, dapat iyong mag-e-enjoy ang lahat. I don’t mind paying extra.”
“Tatawagan ko na ngayon si Sam. Kailangang masiguro ko rin sa kanya na kaya niya tayong pagbigyan sa araw na iyon.”
“Gawin na nating mga bandang eight pm ang affair. Siyangapala, kumuha ka na rin ng emcee para maging lively ang gabi. Hindi bale na iyong imbitasyon. Tatawagan ko na lang ang mga imbitado. And Jenna, don’t forget, you’re one of my special guests. Siyempre, kaibigan na rin ang turing ko sa iyo.”
“Thanks,” aniya dito at sandaling itinuon ang atensyon sa pagtawag sa telepono. Eksakto namang si Samantha mismo ang nakasagot sa kanya. “Cocktail party sa Saturday night, kaya mo? For fifty pax lang.”
“Bakit biglaan? May natanguan na akong children’s party sa hapon.”
“Simple lang naman itong affair. Informal. Marami ka namang staff, di ba? Saka party ito ni Mary Grace. You know, iyong ikakasal this October. Ikaw rin ang caterer sa mismong kasal niya.”
“Oo, natatandaan ko siya. Okay, imi-meeting ko na lang iyong staff ko. Are you sure, for fifty pax lang iyan, ha? Kung malaking party iyan, hindi ko kakayanin. Kapos ako sa preparasyon dahil nga may party pang mauuna bago iyan. Tapos may catering pa ako sa kinabukasan.”
“Malalapit na kaibigan lang ang imbitado.”
“Wait, ano ang theme ng party?”
Bumaling siya kay Mary Grace. “Ano ang gusto mong theme sa party mo?”
“Nothing in particular. Basta ikaw na ang bahala. Mas interesado ako sa wedding details kaysa sa engagement party.”
“Walang maisip na theme si Mary Grace, Sam,” wika niya uli sa telepono.
“Okay, ako na ang bahala. Hintayin mo diyan iyong fax ng menu. Ipe-prepare ko sandali para makapili siya.”
Nang ibaba ni Jenna ang telepono ay sinabi niya kay Mary Grace ang mensaheng iyon. “By the way, nasaan nga pala si Jason? Hindi mo yata siya kasama?” tanong niya.
“May inaasikaso siya sa office niya, eh. Pero napag-usapan na namin itong engagement party. Sa akin na nga niya ipinabahala ang tungkol sa party. Ang mga lalaki talaga, basta tungkol sa party ang pag-uusapan, walang interes. Ang gusto nila ay iyong dadaluhan na lang nila ang party.”
Napatango na lang siya bilang pagsang-ayon.
Mayamaya ay kumatok si Noemi. “Ma’am, may pinadalang fax si Ma’am Samantha. I-forward ko daw po sa inyo.”
Kinuha niya iyon at pahapyaw na binasa at ipinasa din kay Mary Grace. “Ikaw ang pumili ng menu. Nakalagay na rin diyan kung magkano per head.”
Tila hindi na pinag-isipan ni Mary Grace ang nakasulat doon. Tiningnan nito kung alin ang pinakamahal per head at iyon ang pinili. Mabilis naman siyang nagkuwenta. Mabilis din naman itong naglabas ng cash bilang downpayment.
“By the way, ano ang gagawin mo halimbawang gusto mong magpakasal at mayroong isang member ng family na tutol sa plano mo?” kaswal na tanong nito.
Bahagya lang nagulat si Jenna. Alam niyang sitwasyon nito mismo ang sinasabi nito. At hindi rin naman niya naiisip na dapat niyang banggitin dito na nakaharap na niya ang mismong kontrabida sa kasal nito.
“Depende. Bakit ba tumututol?”
Tumitig sa kanya si Mary Grace. “Ang kuya ko kasi, eh,” amin na rin nito. “Until now, against na against siya sa plano namin ni Jason. You see, inihahanda na ang lahat pero ayun siya, tutol na tutol pa rin. Ipinipilit na huwag akong magpakasal. Bata pa raw kasi ako. But, Jenna, alam mo rin naman na kahit bata ako, sigurado ako sa desisyon ko, di ba? Papatunayan iyan ng marriage counsellor na nag-conduct ng session sa amin ni Jason.”
Napatango siya. “Ano ba sa palagay mo ang gagawin ng kuya mo?”
“Ewan ko ba sa kanya. Parang obsessed na hadlangan ang kasal ko. Siya lang naman ang ganoon. The rest, excited na para sa wedding ko.”
“Di, hayaan mo na lang. Huwag mo na lang pansinin. Malay mo sa araw ng kasal mo, hindi ka rin matitiis ng taong iyon. Dalawa lang kayong magkapatid, hindi ba?”
“Yeah. Parang tatay ko na rin siya sa layo ng agwat namin. Kaya lang, siyempre gusto ko pati siya supportive din sa kasal ko. After all, this is a major decision for me.”
“Sabi mo nga, parang tatay mo na rin ang kuya mo. Maybe, that’s the reason why he’s still reluctant to your wedding. Feeling niya siguro maagawan siya. Usually, ganoong ang pakiramdam ng mga father of the bride. Malamang ganoon na rin ang feeling niya.”
“Hay, naku, wish ko lang na mauntog ang kuya ko at magbago ang isip. Palibhasa, puro kasi trabaho ang nasa isip ng taong iyon kaya walang romantic bone sa katawan. Isipin mo naman, lampas treinta na, puro kumpanya at stocks pa rin ang buhay. Wala siyang love life!”
Napangiti na lang siya sa tono ni Mary Grace.
“Magtawagan na lang tayo,” anito at tumayo na rin. “And don’t forget, hindi ka lang event planner. You’re one of my guests.”
Nakangiti pa ring tumango siya.