HAPON na nang bumalik ang mga ito ng bahay. Naabutan naman ng mga ito ang Tiyahin ni Leon na kasalukuyang nasa harapan ng bahay na abala sa paglabas ng mga kamoteng kahoy mula sa sako. Kaagad bumaba si Noah at Haden na tinulungan ang ginang habang nakaalalay naman si Leon sa asawa nito na bumaba ng wrangler. "Tita, magandang hapon po!" Panabay na pagbati nila Haden at Noah na nagmano at beso pa sa matandang napangiti na malingunan ang mga bata. "Kaawaan kayo ng Diyos, mga anak. Ang babait niyong mga bata," saad ng Tiyahin ng mga itong ikinangiti ng dalawa. "Tulungan na po namin kayo, Tita. Saan po ba ang mga ito?" presinta ni Haden. "Gagawa sana ako ng nilupak na kamoteng kahoy eh. Naku, pagkasarap sarap no'n ipares sa kapeng barako," nasasabik nitong saad na ikinangiti ng dalawa.

