Chapter 3

2336 Words
Hindi naging madali ang nangyari sa amin ng pamilya ko. Ang pangarap ko ay mataas simula nang bata pa dahil nakita ko ang paghihirap ng aking mga magulang. Kinailangan namin ng malaking pera para sa tatay dahil mas nagmahal ang mga gamot na kinailangan niya. Hindi sapat ang kinikita ng nanay sa pagbebenta ng gulay. Kahit na tumutulong ako ay hindi pa rin kaya para sa aming pamilya. Kaya nang makatapos ako ng sekondarya ay hindi na ako nag-aral pa at naghanap na lang kaagad ng trabaho. Napasok ako sa isang canteen sa bayan. Maliit man ang sahod ay nagtiyaga pa rin ako dahil sa kalagayan namin sa buhay. Mabilis lamang na lumipas ang araw. Sa pagtatiyaga sa bayan at pagbebenta ng mga puto na ginagawa ko ay kahit papaano nasusuportahan ko na ang aking pamilya. "Bente dos ka na anak, 'di ba?" Ngayon ay nasa harapan ako ni Tita Amor. Iyong may-ari ng salon sa may kanto. Tita Amor ang tawag ko sa kaniya kahit hindi kami magkaano-ano. Iyon rin kasi ang tawag ng ibang mga kadalagahan sa kaniya. Narito siya ulit at sinasabi niya na naman sa akin na sumama ako sa kaniya sa ibang bansa upang doon magtrabaho. "Mas malaki nga ang kita, Lili, ayaw mo ba non? maipapagawa mo na ang bahay ng mga magulang mo tapos mapapagtapos mo si Nico." Si Nico ay ang aking nag-iisang kapatid. First year high school pa lang. Malayo ang agwat sa akin. Masipag naman na mag-aral tapos may nakukuha pa kaming tulong sa barangay. Skolar kasi siya. Kinuskos ko ang lababo ng mabuti. Hindi ko pa rin siya nililingon. Siguro ay pang sampung beses na niya itong binanggit sa akin ngayon. Natatakot kasi ako, baka kung ano ang mangyari sa akin, hindi ganoon kalakas ang loob ko para makipagsapalaran sa ibang bansa. "Siguro nasa singkwenta mil ang pinakamababa na sahod." Napahinto ako sa pagkuskos nang marinig ang sinabi ni Tita Amor. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko na napatingin siya sa akin kaya't nagpatuloy akong muli. Mukhang napansin niya na napatigil ako nang marinig ang maaaring sahod na makuha ko. Pero, kahit na. Hindi ko pa kayang malayo kina nanay. Iisip-isipin ko sila palagi. Lalo pa at kaka-recover lang ng tatay ko sa sakit na tuberculosis. Ilang taon rin namin iyon nilabanan. Nais kong mas matutukan ang paggaling niya. "Hindi mo kikitain iyon sa paglilinis, pag-uurong at pagse-serve dito sa canteen. Baka ilang daang piraso na basahan rin iyon, ikaw, Lili? binibigyan na kita ng oportunidad, oh. Ang sipag mo na bata kaya ikaw ang napili ko na isama saka yong pamangkin ko. Ano?" Hanggang ngayon kasi ay gumagawa pa rin ako ng mga basahan. Nagluluto ng mga puto at inilalako pagkatapos ay diretso ako dito sa canteen para magtrabaho ulit. Sa dami ng raket ko ay naibibigay ko naman ang kailangan nila nanay. Pero... kung iisipin, mas maganda nga kung ganoon kalaki ang sahod. Maipapagawa ko ang bahay namin. Makakapagpaayos ako ng palikuran. Hindi na rin mag-iigib si nanay ng tubig sa kapitbahay kasi maaari na akong magpatayo ng nawasa. Iyong de-gripo. Naipikit ko ng mariin ang aking mga mata. Wala pa man, andito pa lang ako sa pilipinas ay ang layo na ng narating ng imahinasyon ko sa kung ano ang maaaring mangyari sakaling sumama ako kay Tita Amor. "Saan nga po ulit?" tanong ko. Ibinaba ko ang basahan sa gilid at sumandal sa lababo. Nakita ko ang malapad na ngiti ni Tita Amor. Itinapon niya ang sigarilyo sa basurahan at nilapitan ako habang nakahalukipkip. Ang itim ng eyeliner niya ngayon mas umitim kaysa kahapon. "Sa Italy. Kapag masipag ka at marami kang nakuhang trabaho ay hindi lang singkwenta mil ang maaari mong sahurin. Puwedeng umabot ng isang daan. Depende na iyon sa 'yo." I-Isang daan? ang laking halaga non. Kung dadalhin ko ang sipag ko dito doon ay... naku, ang laking pera. Makakapagpaayos ako ng bahay kaagad! maise-secure ko ang buhay nila nanay! "Saka, malay mo rin makahanap ka doon ng fafa mas makakaraos ka sa hirap." "Tita..." sabi ko. Nagsalubong ang mga kilay ko na ikinatawa niya. Naku, hindi ko iyon nais. Ang gusto ko ay magkaroon ng trabaho na maayos para masuportahan ko ang pamilya ko. Nais kong bigyan ng maayos na buhay ang tatay at nanay at mapagtapos si Nico. Tama rin naman kasi si Tita Amor hindi ko kikitain ang ganoong kalaking pera sa pagtatrabaho dito lalo at hindi naman ako tapos ng kolehiyo. "Pag-iisipan ko po, tita," sagot ko sa kaniya. Pinagsalikop niya ang mga kamay at pagkatapos ay hinawakan ako sa balikat. "Oo, pero huwag matagal, huh? kasi mag-aayos pa tayo ng papel mo. Huwag kang mag-alala dahil ako ang sagot sa gastos mo. Para na rin kitang anak at talaga naman na natutuwa ako sa iyo kasi napakasipag mo at maintindihin ka sa pamilya. Nakikita ko sa 'yo ang sarili ko dati noong dalaga pa lang ako." Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Tita Amor sa canteen sa bayan tungkol sa pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi na mawala-wala sa isip ko ang halaga na sinabi niya na maaari kong kitain. Mapagkakatiwalaan naman si Tita, mabait siya sa akin simula noon, siya rin ang nagpapautang pag delay ang sahod ko sa canteen. "Kaso ang layo... sa Italy?" Napalunok ako. Kung papayag ako at ang nanay at tatay ay ito ang unang beses na malalayo ako sa kanila. Iyong sobrang layo. "Ate..." Pagkadating ko sa bahay ay sinalubong kaagad ako ni Nico. Kabababa ko lang ng gamit ko nang may iabot siya sa akin na brown envelope. "Nanalo ako sa quiz bee may prize money. Dalawang libo iyan." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Nang buksan ko ang sobre ay nakita kong dalawang malutong na isang libo nga. Kaagad kong inakbayan si Nico at inipit ko siya sa aking kili-kili. "Aba at hindi lang talaga gwapo ang kapatid ko! matalino rin! naku nakakatuwa naman! nasaan si nanay st tatay? alam na ba nila ito?" tanong ko. Humiwalay ako sa kaniya at tinungo ko ang silid at hinawi ang kurtina. Wala naman. Nasaan kaya? "Ano ba at ang ingay mo ata, anak? may nangyari ba?" Malawak ang aking naging ngiti nang pumasok si Nanay at tatay. Mukhang galing sila sa likod kina Mang Gaston. Doon sila madalas mamalagi pag hapon at nakikipagkwentuhan. Itinaas ko ang sobre at inilabas ko ang laman. Lumapit ako sa kanila at nagmano. "Nanalo si Nico sa quiz bee sa school, 'nay! naku, may pambili tayo ng bigas saka pambayad ng kuryente! maliwanag ulit ang bahay sa susunod na buwan!" Sabay silang napatingin sa kapatid ko. Kakamot-kamot si Nico habang nakayuko. Hindi ito palakibo pero nambibigla na lang palagi sa mga napapanalunan. Mahilig kasi itong sumali sa mga contest na ginagamit ang talas ng isipan. At dahil talagang matalino ang aking kapatid ay madalas rin itong manalo. "Kaygaling naman talaga," sabi ng tatay at lumapit sa amin. Inakbayan niya si Nico. Masaya akong nakatingin sa aking pamilya. Ganito sana palagi, iyong tipong kahit naghihirap ay kumpleto at masaya. Nang mapatingin ako sa nanay ay nakita ko na hinihimas niya ang dibdib niya. Nawala ang ngiti sa akin. Hindi ito ang unang beses na napansin ko ang paghilot niya sa parte ng dibdib niya na iyon. "Nay?" tanong ko. "Nay may masakit po?" Umiling ito ngunit hindi ako kumbinsido. "Nanay, hindi po ba at napag-usapan na natin ito nila tatay noon? kapag may sumakit sa kahit saang parte ng katawan ay sasabihin ninyo po kaagad sa akin? wala pong lihiman." Sandaling natahimik ang nanay. Napatingin na rin sa amin ang tatay at si Nico. Nang magtagpo ang aming paningin ng nanay ay huminga siya ng malalim. "Ito kasing dibdib ko, pati ang tuktok, madalas manakit. Minsan ay parang naninigas at namamaga." Napapikit ako ng mariin. Napatingin ako sa dalawang libo na hawak ko. "Ipa-check up na po natin bukas, ha?" "Anak..." Hinawakan ko sa braso ang nanay. "Alam ninyo po kung gaano ako kaingat sa inyo ng tatay. Gumaling na po siya, ayoko na po masundan ang sakit niya at lalo na po kayo kaya kung anuman po ang maramdaman ninyo ng tatay ay sabihin po ninyo kaagad sa akin upang mapatinginan. Huwag na po ninyo isipin ang magagastos." Tumango si nanay at niyakap ako ng mahigpit. "Salamat, salamat, anak. Napakapalad namin dahil nagkaroon kami ng responsableng anak na katulad mo. N-Nahihiya na nga kami sa iyo ng tatay mo dahil puro ikaw ang kumikilos. Pati pag-aaral mo ay nahinto para asikasuhin kami, p-pasensya na." Hinimas ko ang likod ng nanay at pinatahan ko ito sa pag-iyak. Kinabukasan katulad ng napag-usapan ay tinungo nga namin ang ospital sa bayan upang mapatingnan at malaman kung ano ang problema kay nanay. "Kailan mo pa ito nararamdaman?" tanong ng doktor. "M-Maglilimang buwan na po." L-Limang buwan? ganoon na katagal? "Iu-ultra sound ka namin, ha? may mga tests na kailangan gawin," dagdag pa nito. Tahimik lang ako at hindi maalis ang kaba sa akin. Nang ma-test ang nanay ay sinabi sa akin ng nurse na bumalik ako bukas para makuha ang resulta. Kabado ako nang umuwi kami ni nanay. Tahimik lang rin siya. Nang makarating kami sa bahay ay naghihintay na si Nico at si Tatay sa may sala. "Ano raw? kamusta ang nanay mo? ano ang sakit?" sunod-sunod na tanong ni tatay. Naglakad ako at nagmano tatay. "Wala pa po ang resulta, bukas pa po makukuha 'tay." Para akong hapung-hapo na naupo sa kahoy na upuan. Tiningnan ko ang nanay. Nahilot ko ang aking sintido nang maalala na limang buwan na pala ang nararamdaman niya at ngayon lang niya sinabi. "Nay... may usapan po tayo, 'di ba?" Hindi siya makatingin sa akin. Hindi naman ako galit, ang buong pagkatao ko ngayon ay punong-puno ng pag-aalala at takot para sa kaniyang kalusugan. Nagsisimula pa lang kami ulit sa buhay at ito mukhang susubukin na naman. "A-Akala ko kasi ay mawawala rin agad anak saka ayoko maging pabigat, sapat na sapat lang ang pera na kinikita mo sa pagtatrabaho, eh," sagot niya sa akin. "Kahit na po, palagi ko naman po sinasabi kung gaano kayo kahalaga sa akin kaysa sa pera po, 'di ba? kayo ang dahilan bakit ako nagsisikap, kayo po ang dahilan ng lahat ng ito kaya nagkaroon po tayo noon ng usapan na kung may mararamdaman po kayong sakit ay sabihin ninyo rin po kaagad." "Gusto ko po na masaksihan ninyo ang pag-ahon natin sa hirap. Pero... p-pero dapat ho na maalagaan ko ang kalusugan ninyo ni tatay para makita ninyo ang unti-unting pag-ayos ng buhay natin." Nang tanghaling iyon ay naiyak na lang si nanay. Niyakap ko siya at hinimas ang likod. Nanalangin ako nang gabi na sana huwag naman maging malala ang nararamdaman ng aking nanay. Pero, kinabukasan laglag ang aking balikat sa aking narinig. "Stage 1 breast cancer." B-Breast cancer. Cancer. Napapikit ako ng mariin sa sinabi ng doktor. "This is still curable, Lili. Mabuti at nalaman kaagad. Marami ang gumagaling kaya't huwag kayong panghinaan ng loob." Pero tiyak na malaking pera ang kailangan. Saan ako kukuha ng pera pampagamot? "Puwede kang kumita ng isang daang libo kapag masipag ka." Bigla ay pumasok sa isipan ko si Tita Amor. Pagkatapos kong makuha ang resulta ng tests ni nanay ay tinungo ko ang kaniyang salon. Hinanap ko kaagad sa loob si Tita Amor. "Madam A! hinahanap ka ni Ganda! may sasabihin ata sa 'yo!" sigaw ng isang manikurista niya. Ilang sandali pa ay lumabas na nga si Tita. Hinihingal pa ako at pawisan nang lapitan niya. Salubong ang mga kialy niya sa akin at nang hindi ko kinaya ang takot nang malaman na may sakit na breast cancer ang nanay ay napayakap ako sa kaniya. "Lili, ano ang angyari, anak?" "M-May cancer ang nanay, Tita, b-breast cancer s-stage 1," sabi ko at humiwalay ng yakap sa kaniya. Pinunasan niya ang magkabilang pisngi ko na puno ng luha. Nakita ko ang awa sa mukha ng tita habang nakatingin sa akin. "S-Sasama na po ako, tita, sasama na po ako sa inyo sa Italy para magtrabaho doon. Kailangan ko po ng p-pera. K-Kailangan kong maipagamot si nanay, ayokong mawala si nanay." Nang hapon na iyon ay pumunta sa bahay si Tita Amor. Humarap siya sa aking mga magulang at doon ko na rin sinabi ang plano ko na pagsama sa kaniya sa ibang bansa upang magtrabaho. Nakita ko ang pag-a-alinlangan sa mukha ng nanay at tatay. Nakita ko rin ang takot na malayo ako sa kanila pero kinakailangan. Kailangan magsakripisyo. Nang malaman ng nanay na may sakit siyang breast cancer ay sobra ang iyak niya at paghingi sa akin ng tawad. Sinabi ko na ang pagsubok na ito ay parte ng aming buhay na kailangan namin lagpasan. Positibo ako na makakaya namin. Malalagpasan namin at gagaling siya sa sakit niya. Ngayon mas nadagdagan ang aking pagnanais na magtrabaho at kumita ng malaki. Wala na rin ang takot sa puso ko kahit na sa malayong lugar ako makikipagsapalaran. "Ready ka na?" tanong sa akin ni Tita Amor. Nasa sala ako ng aming bahay. Niyakap akong muli ng aking mga magulang at tinapik sa likod. Umiiyak ang nanay at tatay. "Mag-iingat ka doon, tumawag ka, mag-video call ka palagi, huh?" sabi ng nanay. "Mag-iingat ka, anak, salamat, maraming-salamat," ang tatay na patuloy pa rin sa pagdaloy ang mga luha. "Ate..." Nilapitan ko si Nico at niyakap. "Ikaw ang maiiwan dito at may tiwala ako sa iyo na hindi mo pababayaan ang nanay at tatay, Nico. Mag-iingat kayo, ha?" Sa unang pagkakataon ay nakita ko na tumulo ang luha ng aking kapatid. Tumango siya ngunit matatag ang mukha na siyang ikinangiti ko. "Ako ang bahala kay nanay at tatay, ate." Tumango ako at muling niyakap ang aking pamilya. Nang marinig ko ang busina ng van sa labas ay bumitiw na ako. "Mahal na mahal ko kayo, mag-iingat po kayo palagi dito." Pagtalikod ko ay saka tumulo ng sunod-sunod ang aking mga luha. Para sa paggaling ni nanay. Para sa aking pamilya. Para sa magandang kinabukasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD