"Tumawag ka kapag may problema, ha? nandito lang ako sa bahay. Pero kapag hindi ako nakasagot ay baka natutulog ako non. Magpapamasahe kasi ako pero hindi na sa spa. Pinatawag ko na lang si Tita Samra mo, marunong mag-massage iyon kaya siya na ang magma-massage sa akin."
Iyon ang mensahe sa akin ni Tita Rechie. Nandito na ako ngayon sa rancho kung saan ako maglilinis ng kwadra ng mga kabayo. Ang sabi ni tita ay matandang italyano daw ang may-ari nito at ipinapalinis dahil naibenta na.
Inilibot ko ang tingin sa buong lugar. Maganda nga, maluwang at malinis naman walang mga tuyo na dahon sa damuhan. Mukhang alagang-alaga o naipalinis lang? dahil nga may bago nang may-ari.
"Ciao buongiorno! (Hello, Good morning!)"
Napalingon ako nang marinig ang boses na iyon. Isang lalake ang bumati sa akin at nakangiti. Ito na kaya ang may-ari na sinabi ni tita? ay, hindi, sabi matanda, eh.
"Buongiorno, signore! (Good morning, sir!)"
Yumuko ako at nagbigay galang. Nagpakilala sa akin ang italyano at siya raw ang caretaker ng lugar na ito. Nakakaintindi na ako at nakakapagsalita ng italian dahil pinag-aralan ko rin talaga. Nakatulong ng malaki iyong Filipino church community kung saan ako isinasama ng mga tita. Wala kasing bayad doon at libre ang pag-aaral ng lenggwahe.
Sinamahan ako ng lalakeng nagpakilalang si Roberto.Tatlumpu't pitong taong gulang daw siya at limang taon nang namamahala ng rancho na iyon. Napamahal na daw ang lugar sa kaniya pati ang mga hayop kaya nalulungkot siya dahil ibinenta na. Nalugi daw ang may-ari sa mga negosyo at nabaon sa utang kaya ang rancho ang naisakripisyo nito ngayon.
Madaldal si Roberto, mabait rin at hindi ako iniwan hangga't hindi naituturo sa akin kung ano ang mga gagawin at kung nasaan ang mga kakailanganin sa paglilinis. Binigyan rin niya ako ng suit na maisusuot at bota para hindi ako marumihan. Binigyan niya rin ako ng panali sa aking buhok. Sinabi niya na tiyak raw na makakasagabal iyon sa pagyuko-yuko ko mamaya.
"Grazie, Roberto!" pagkatapos kong magpasalamat ay hinarap ko ang kwadra ng mga kabayo. Sayang! Wala ang mga alaga nila dito! inilabas daw at ililipat dahil may darating nang mga bago. Binili daw nung bagong nagmamay-ari ng rancho.
Eh, saan naman dadalhin iyong mga luma? Kawawa naman. O baka kukunin ng may-ari dahil itong lugar lang ang binili.
Pagkaalis ni Roberto ay kinuha ko na kaagad ang walis na nasa gilid at nagsimula nang maglinis. Patingin-tingin ako sa oras dahil baka hindi ko mamalayan at mahuli ako sa pagpasyal kay Terrivo iyong aso ng matandang babae na inalagaan ko last year. Nakalipat na kasi iyong mga anak niya dito sa Rome at ang mga ito na ang nag-aalaga pero dahil napamahal na daw ako sa kaniya ay ayun ginawa akong tagapag-alaga na lang ng aso nila.
Winalisan ko ang buong kwadra. May mga pupu pa nga. Dinakot ko ang mga iyon at inilagay sa sako na ibinigay ni Roberto. Naka-facemask naman ako kaya hindi ko naman amoy ang mga dumi saka tuyo na rin ang iba at hindi na mabaho.
Naalala ko bigla ang tatay nang mapatingin sa buong kwadra. Ang sabi ko pa naman ay kukuhanan ko ng mga larawan ang mga kabayo. Akala ko ay narito.
Nagsimula na ako sa pag-brush. Nilagyan ko rin ng sabon ang timba na may tubig at isinaboy iyon sa dingding at sa sahig. Lumipas ang oras at nakakalahati ko na ang buong kwadra.
"Lina!"
Abala ako sa paglilinis nang biglang marinig ko ang ang boses ni Roberto. Naku, Lizianna iyon.
"Si? perche? (yes, why?)"
Pinunasan ko muna ang aking mga kamay at inalis ko ang facemask sa aking mukha bago ko siya nilapitan. Ngiting-ngiti sa akin si Roberto. Mayroon siyang basket na hawak.
"Mangiamo, Lina! (Let's eat, Lina!)"
May mga tinapay sa loob ng basket at mayroon rin na inumin. Sinabi sa akin ni Roberto na mag-iisang oras na raw akong naglilinis at mag-break time daw muna ako. Ito at naisipan niya akong dalhan ng meryenda.
“Grazie, Roberto!”
Ang bait!
Naupo kami sa gilid, sa harapan ng mga kwadra. May lamesang kahoy doon. Pinalisan iyon ni Roberto upang malinis at pagkatapos ay ibinaba ang basket. Hindi na ako nahiya pa. Kumain na ako kasi tiyak na pagkatapos ko dito ay wala na akong oras sa pagkain dahil sa sunod-sunod na ang trabaho.
Sinabi niya sa akin na bibigyan daw niya ako ng mga alak. Marami daw alak ang kaniyang amo na ibinigay sa kaniya at babahagian daw niya ako. Um-oo na lang ako dahil masarap daw ang mga iyon at mapilit siya.
Ang dami niyang kwento. May pamilya na raw siya, dalawa ang anak kaya ngayon ay wala na siyang trabaho dahil naibenta na itong rancho. Nakakalungkot naman. Kaya rin pala ganoon na lang ang nararamdaman niyang pagkahinayang. Hindi lang ang mga hayop ang mawawala sa kaniya kung hindi ang pera para sa pamilya.
Sige lang kami sa kwentuhan at nang maalala ko ang mga kabayo ay tinanong ko si Roberto. Makakabalik pa kaya kako ang mga ito bago ako makatapos sa paglilinis. Ngunit bago siya sumagot ay napatayo siya nang makarinig ng tunog ng yabag ng mga kabayo. Ako rin ay napatayo.
"Penso che stano qui! (I think they're here now!)"
Sino?
Ilang sandali pa nga ay ang mga yabag na aming naririnig ay nasa harapan na namin. Napatingin ako sa tatlong lalake na nakasakay sa mga kabayo na huminto mismo sa aming tapat. Mga nakasuot ng cowboy hat.
Nakuha ng isang lalake ang atensyon ko dahil sa suot niyang facemask na itim at sunglasses. Tanggal rin ang mga butones ng kaniyang suot na pulang checkered long sleeve. Kitang-kita ko ang pawis sa dibdib nito hanggang sa kaniyang tiyan!
Nang bumaba ang mga ito ay napataas ang aking mga kilay ng sabay. Ang tatangkad nila!
“Roberto!” tawag ng isang lalake. Kaagad naman na lumapit dito si Roberto. Nag-usap sila at sa intindi ko ay sinabing maganda daw ang lugar at nais pang manatili ng ilang araw.
Bumalik ang aking mga mata sa lalakeng naka red checkered long sleeve. Hinihimas niya ang leeg ng itim na kabayo na sakay niya kanina.
"Ang bilis mo naman, Sancho! hindi na kami nakahabol. Masyado mo bang nagustuhan itong lugar?"
Nagulat ako nang magtagalog!
Hala! mga pinoy pala!
“No.”
Napatingin ako sa lalakeng tagong-tago ang mukha dahil sa suot na facemask at sunglasses. Bukod tangi na siya lang ang mayroon non dahil ang dalawang kasama niya ay wala naman.
Sancho...
"Lina, Lina."
Napatingin ako kay Roberto, aba, hindi ko namalayan na nakabalik siya sa akin dahil ang aking atensyon ay naroon sa isang lalake. Lumapit siya at sinabing ang bagong may-ari raw ng lugar na iyon ay ang nakapulang kasuotan na nasa harapan namin.
Ang naka facemask. Kaya pagkatapos niyang sabihin iyon ay napabalik ang tingin ko sa lalakeng patuloy pa rin na hinihimas ang kaniyang kabayo.
Ang yaman… siya ang bumili ng rancho?
Dito kaya siya nakatira sa Italya?
"Roberto."
Kaagad na lumapit si Roberto nang tinawag naman siya nung lalake–ang bagong may-ari. Nag-usap sila at hindi ko na narinig pa dahil lumakad palayo. Nang makuha naman ng oras ang aking atensyon ay napasinghap ako. Naku! kailangan ko nang bilisan sa paglilinis! kaunti na lang naman at patapos na ako!
Pumasok akong muli sa loob ng kwadra nang hindi ko na tinawag pa si Roberto. Pero nang maglakad ako papasok ay nakita ko sa gilid ng aking mga mata na gumalaw ang ulo ng lalaki na nagngangalang Sancho.
Tumingin siya sa gawi ko!
Napansin ko rin ang pagsalubong ng mga kilay niya hanggang sa makapasok na ako sa loob.
"Kakaiba, kung siya ang bumili nitong rancho ay hindi ba at napakabata pa niya? ang nasa isip ko ay matandang mayaman, isang italyanong bilyonaryo... tiyak kasi na hindi biro ang halaga ng lugar na ito dahil sa lawak at ganda."
"Ay! bakit ko ba iyon iniisip!"
Ipinilig ko ang aking ulo at saka ako nagpatuloy sa paglilinis. At pagkatapos nga ng isang oras ay malinis na ang buong kwadra.
"Tapos!" Inalis ko na ang suit na ibinigay ni Roberto. Itinupi ko iyon ng maayos at inilagay sa gilid. Inayos ko rin ang pagkaka-tuck in ng aking damit at inayos ang sintas ng aking boots. Inalis ko rin ang tali sa aking buhok at iniladlad iyon. Mas nakulot tuloy dahil sa pagkaka-bun ko kanina.
“Anong oras na ba…” tumingin ako sa aking cellphone. Makakahabol pa naman pala ako. May isang oras pa para kay Terrivo.
Inilibot ko ang aking mga mata sa buong kwadra. Pagkatapos naman ng dalawang oras ay nakayari rin ako. Ang luwang rin kas pero ito at malinis na malinis na ang lugar. Wala nang kadumi-dumi ang buong kwadra at mabango na rin ang amoy.
Bigla kong naalala yung lalake kanina. Iyong ang pangalan ay Sancho. Tiyak na sobrang yaman niya nakaya niyang bilhin ang lugar na ito, eh.
Mukha siyang nasa edad trenta pataas pero may pambili na siya ng ganito kagandang lugar. May mga tao talagang biniyayaan ng magandang buhay. Hindi na kailangan magbanat ng buto para kumita ng pera.
“Pero, ‘di bale, Lizianna! Soon, magkakaroon ka ng business, hindi mo na iintindihin ang mga bayarin. Tiyaga at sipag lang!”
Pagkalabas ko ng kwadra ay hinanap ko kaagad si Roberto. Ang sabi ni Tita Rechie ay bago ako umalis ipaalala ko ang bayad. Nakakahiya naman sabihin. Hindi ba kusang ibibigay nila sa akin? Sasabihin ko pa?
“Ang tagal ata na bumalik? Sinamahan niya pa kaya palabas iyong bagong may-ari?”
Patingin-tingin ako sa oras. Sampung minuto na ang lumipas. Hindi ko namalayan, naging labing-limang minuto na. At nang magdalawampung minuto ay tinungo ko na ang villa sa likod.
Hindi ako maaaring magtagal dahil may mga trabaho pa ako pagkatapos dito. Ang kabilin-bilinan rin ni tita ay huwag akong aalis ng hindi ako nababayaran.
“Roberto?”
Kumatok ako sa pinto na nakaawang. Malaki itong villa. Hanggang dalawang palapag lang pero ang lawak.
Napatingin akong muli sa oras. Naku, maghihintay si Mrs. Terri sa akin. Baka hindi ko maipasyal ang aso niya.
“Roberto?”
Saan na ba kasi nagpunta iyong si Roberto? Hindi naman siya nagsabi at basta na lang siyang nawala kasama iyong bagong may-ari. Sana nagsabi siya kung saan ko siya pupuntahan ‘no?
“Dalawang oras rin ang paglilinis ko sa buong kwadra. Sayang kung hindi ako mababayaran dito.”
Napakamot ako sa likod ng aking tainga. Tawagan ko na kaya si Tita Rechie? Para masabi niya doon sa may-ari?
Nang mapagdesisyunan ko na ngang tawagan ay bigla ko naman narinig ang boses ni Roberto.
“Spiacente,( sorry) Lina!”
Sa wakas!
Humingi siya ng paumanhin. Kababalik lang daw niya. Bumaba pala siya sa bayan at bumili ng mga bagong gamit para sa mga kabayo. Tuwang-tuwa siya dahil hindi na raw siya mawawalan ng trabaho at siya pa rin daw ang mangangalaga sa rancho. Kinuha siya ng bagong may-ari.
Ahh… mabait naman pala ang bagong amo niya.
Sinabi ko na masaya ako para sa kaniya. Patingin-tingin ako sa oras sa aking cellphone. Hindi ko mabanggit iyong bayad sa paglilinis! Nahihiya ako! kaya ang sinabi ko na lang ay aalis na ako dahil may susunod pa akong mga trabaho.
“Oh! Il pagamento! Aspettare! (the payment! wait!)”
Nagpasalamat ako sa isip ko nang mabanggit niya ang bayad. Ayan! Trenta minutos na akong nandito, Roberto!
Sinamahan niya ako. Nang makapasok kami sa isang silid ay sinabi niyang hintayin namin doon ang kaniyang amo. Darating daw iyon ngayon para sa pagbibigay ng dokumento ng rancho.
“Oh, il vino! (the wine!)”
At naalala pa nga niya! Nagpaalam rin siya sa akin sandali na kukuhanin niya ang mga alak na ipinangakong ibibigay.
Hindi naman ako umiinom si Tita Joi at Tita Gemini iyon sila ang mahihilig sa alak kaya ibibigay ko na lang sa kanila.
Inilibot ko ang aking mga mata sa silid. Hindi moderno ang disenyo at mahahalata ang pagkaluma. Kanina rin sa hagdan ay noong umaakyat kami rinig na rinig ang paglangit-ngit. Nakakatakot parang lulusot ako kanina anumang oras.
“Matagal na siguro ang villa na ito? Saka parang walang namamalagi.”
Sa pagtingin ko sa buong silid napalapit ako sa isang painting. Ang naroon ay isang babae na sobrang ganda at isang lalake. Nakapulupot ang mga kamay ng lalake sa baywang ng magandang babae. At ang huli naman ay nakalapat ang palad sa pisngi nito.
“Pero, bakit ganoon?”
Kumunot ang aking noo nang mapansin ang kakaiba sa painting.
“Bakit walang mukha ang lalake?”
Umangat ang aking kamay para hawakan ang painting ngunit napatigil ako nang may biglang magtakip sa aking mga mata mula sa aking likuran.
"S-Sino--"
“What are you doing here?”