Chapter 6

2361 Words
"Uhhh..." Inihawak ko sa aking balakang ang aking mga kamay at lumiyad ako upang maibaluktot ang aking likod na nangawit na dahil sa matagal na pagkakaupo. Ito naman na ang huling basket na aking lalabhan at nakatapos na rin naman ako sa iba. Naisampay ko na dahil automatic naman itong gamit ko na washing machine. Napatingin ako sa orasan sa aking likuran. Alas nuwebe trenta y singko na ng umaga. Sakto lang dahil tiyak na mga alas diyes ay tapos na ako. Makakapamalengke pa ako bago makapunta sa trabaho. "Magandang umaga, Lili..." Nakangiti ako nang lumingon. Ayan at gising na rin si Tita Rechie, isa rin siya sa mga kasama namin dito sa apartment. Ang totoo ay siya ang dahilan kung bakit napasok ako sa isang filipino restaurant dito sa italy. Siya rin at si Tita Marjorie ang kasama ko sa bar kung saan naman gabi na nagta-trabaho. Hindi talaga ako nahihirapan masyado lalo nung bagong pasok pa lang ako dahil sa gabay nila. Kaagad akong lumapit kay tita at hinawakan ko siya sa braso. "Tita, kape? gatas? pagtimpla na kita!" Kalahati pa ng mga mata niya ang bukas. Hinawakan niya ako sa ibabaw ng ulo at saka naglakad siya at naupo na. Umikot naman ako at kaagad na kumuha ng tasa, hinihintay ko pa rin ang sagot niya. Ganito ako tuwing umaga, hindi ko lang naabutan kanina si Tita Joi dahil nga nakatimpla na siya ng mainit na inumin. Sinasabi nila sa akin na huwag ko na daw iyon ginagawa dahil kaya naman na nila pero kaligayahan ko rin kasi na pagsilbihan sila. Ang mga tita ko na dito at kapwa pinoy na malalapit sa akin ang ikalawang pamilya ko. Hindi na sila ibang tao para hindi asikasuhin. "Hmmm... milo?" Nagsalubong ang mga kilay ko sa isinagot niya sa akin. Ay, wala naman kaming milo! "Tita, wala naman po tayong milo," kakamot-kamot ako sa aking batok at tumalikod. Nang titingnan ko kung mayroon bang nabili si Tita Joi ay saka siya ulit nagsalita. "Joke! sige, kape na lang. Feel ko ngayon ang kape. Ano ba ang ating agahan, pala? ang sakit ng ulo ko, legit!" Tumalima kaagad ako at nagtimpla ng kaniyang kape. Mabuti na lang at marami iyong iniinit kong tubig at mayroon pa sa thermos. Nanghingi kasi kanina si Tita Gemini nasira daw ng kaniyang asawa ang kurdon ng initan ng tubig kaya ayon at dito na nanghingi. "Nagluto po ako ng bacon, may pritong itlog rin saka nagsangag po ako ng kanin. May iba po ba kayong gusto? hotdog po? mahilig po kayo sa hotdog, 'di ba?" ibinaba ko ang tasa na naglalaman ng mainit na kape. Sandali akong muli na tumalikod para naman kumuha ng gamot sa sakit ng ulo at nang makabalik ay inilapag iyon sa tapat niya. "Ay, hindi ako 'yon. Ang Tita Gemini mo ang mahilig sa hotdog, pero kung ano na lang ang nariyan ay iyon na lang ang kakainin ko. Mabilis lang rin dahil nga may raket ako ngayong araw." Akala ko ay pahinga niya! "Saan 'yan, tita? ikaw lang?" Humigop siya sa kape na itinimpla ko at ang aking buong atensyon ay nasa kaniya. Gulo-gulo pa ang buhok at kalahati pa rin ng mga mata ang nakabukas. Sa itsura ni tita ay mas kailangan niya ata ng pahinga. Siya rin kasi ay talagang napakasipag. Marami rin na trabaho. Sabi nga ni Tita Amor sa akin, kung may kaugali raw ako si Tita Rechie dahil parehas daw kaming galit sa trabaho. Iyong gusto ng maraming trabaho. Marami rin kasi ang umaasa kay Tita Rechie sa Pilipinas kaya hindi ko siya masisisi kung kabilaan at taas-baba ang kaniyang mga trabaho. "Oo, maglilinis lang ng kulungan ng mga kabayo. Ayaw ko nga sana kasi medyo hindi okay ang pakiramdam ko at napuyat ako sa trabaho kagabi. Hindi nagsabi yung isang italyana biglang absent na lang kaya na-short kami sa tao." Wala ako kagabi sa bar dahil nag-afternoon work ako. Ganoon kasi, umiikot ang oras namin kapag may nawawala. Tapos may biglang umabsent pa pala. "Gusto mo tita ako na lang ang maglinis? maghapon po ba 'yan? Maluwang ba ang kwadra na lilinisin?" Umangat ang tingin niya sa akin. Napatayo naman ako at iniayos ko ang plato niya dahil nakabingit iyon at baka mahulog. "Sigurado ka? eh, 'di ba at igagala mo ang aso ni Mrs. Terri? saka may appointment ka sa salon na pinapasukan ni Tita Amor mo tapos may duty ka pa sa bar mamayang gabi." Sunod-sunod ang ginawa kong pag-iling. "Keri ko po! kaya naman! saka tapos na po iyang isang labahin at isasampay ko na lang. Puwede na po akong gumayak para makapunta. Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po kayo mapapahiya sa paglilinis ko. Sisiguruhin ko po na malinis na malinis." Ngumiti sa akin si tita at nagsandok na siya ng sinangag. "Wala naman akong duda kapag ikaw ang naglinis. Ang iniintindi ko ay ang pahinga mo” “Kaya ko po!” hindi ko pinuputol ang tingin kay tita. Nang bumuntong hininga siya ay napangiti ako. “Oh, sige, pero sasabihin ko muna sa amo ko, ha? para hindi siya mabigla na ikaw ang dumating para maglinis ng kwadra ng mga kabayo. Baka magtanong kapag walang pasabi kang pumunta doon." Pinagkiskis ko ang aking mga palad. Malapad ang aking naging pagngiti. "Ngayon rin iaabot ang bayad non. Hindi ba at magpapadala ka ng pera sa pamilya mo?" "Opo!" Iyon rin ang dahilan. Ilang oras na trabaho lang naman ito, saka paglilinis naman. Maalam ako kahit ano pang linisin iyan. Dagdag na rin ito sa kikitain ko at maihahabol ko pa sa padala. Nais ko na rin kasing pasimulan ang bahay namin. Para kapag umuwi ako ay sulit na sulit talaga. "Naku, Lili, ha? baka naman bumigay ang katawan mo nito. Hindi ka nagte-take ng day-off para mag-enjoy. Puro ka na trabaho. Mapagsasabihan ka na naman ni Tita Amor mo. Saka naku, sesermunan ako ni Joi niyan. Pag-isipan ko kaya muna ulit kung ikaw ang papupuntahin ko?" Napaawang ang mga labi ko sa narinig na sinabi ni tita. Kaagad akong lumapit at pumwesto sa likod niya at minasahe siya. "Touch move! wala na pong bawian yun! saka kitang-kita ko po ang pagod sa mukha mo, tita, punta po kaya kayo ng spa? pa-massage po kayo? baka yun rin ang kailangan ninyo, eh. Sabi ninyo nga po mag-enjoy rin." Nilingon niya ako at tinaasan ng kilay. Binitawan ni tita ang kaniyang kutsara at mahina akong kinurot sa tagliran na ikinabaluktok ng aking katawan. "A-Aray..." natatawa akong umiwas. "That's for you, Lizianna. Simula nang makilala ka namin ay puro ka trabaho. Hanga na lang rin kami dahil hindi ka nga nagkakasakit dahil sa sunod-sunod mong schedule at kahit puyat ay sige pa rin. But don't overwork yourself. Kayamanin rin natin ang ating katawan. Huwag natin kalimutan iyon." Yumuko ako kay tita at nagdagdag ako ng sinangag sa plato niya. "Opo, tita. Hindi ko po malilimutan. Sige po, pagkatapos ng araw na ito ay bukas lalabas po ako para magsaya." Nag-thumbs up siya sa akin at nagpatuloy naman muli sa pagkain. At nang marinig ko naman ang tunog ng washing machine ay saka ko iyon nilapitan at inalis na ang mga laman. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong tumayo si tita, mukhang kinuha iyong cellphone niya. Siyang paglabas naman ni Tita Joi. Nakagayak na siya. Mukhang si Tita Rechie lang ang matitira ngayon sa apartment. Hindi kasi umuwi si Tita Amor dahil mukhang magsstart na siyang maglive in doon sa salon. Nais kasi ng owner na doon na siya sa bahay nito tumira. Nakagiliwan ba. "Lili, gagabihin ako ng uwi, ha? mga alas diyes. Kapag hindi ako nakauwi ng alas diyes tawagan ninyo ako. At kapag hindi ako sumagot ng tatlong beses ay ireport ninyo na ako sa mga pulis na missing." Maayos na maayos at sexy na sexy si tita sa suot niyang fitted red dress. "Dala ninyo naman po ang susi ninyo, 'di ba?" "Yes, darling. Oh, sige na. Baka ma-late ako. babay!" Sanay na kami dito kay Tita Joi. Iba ang trip niya sa buhay. Kung siguro ibang tao ang nakarinig ay baka matakot dahil sa sinabi niya. “Ayos. Okupado ang buong maghapon ko.” Isa-isa ko nang isinampay ang mga damit. Naglagay na rin ako ng tanda para hindi ko mapagsama-sama. Nang makatapos ako ay pinagpatong-patong ko muna ang mga laundry at inilagay iyon sa gilid. Hinugot ko na sa saksakan ang machine at pagkatapos ay nagwalis ako ng mga kalat. Itinapon ko na rin sa basurahan ang plastic ng mga sabon na nagamit ko. Wala na akong masyadong lilinisin pa dahil malinis naman dito sa apartment. "Lili, okay na, natawagan ko na ang amo ko. Sinabi ko na baka pwedeng mga alas dose na. Hindi naman daw sila nagmamadali. Ayos ka ba ng ganoong oras? naisip ko kasi na marami rin iyang nilabhan mo at magpapahinga ka pa. Hindi naman pwedeng maligo ka kaagad dahil baka mapasma ka aba ay disgrasya 'yon." Teka... okay lang kaya' yon? kaso baka mahuli ako sa mga susunod kong pupuntahan. "Mga bente minutos na pahinga siguro, tita, tapos gagayak na ako. Mag-a-alas diyes pa lang naman tita. Kaya na po siguro ng alas onse." Ipinakita sa akin ni tita ang lokasyon. Hindi naman pala babyahehin ng isang oras kaya naman sinabi kong kahit mga alas onse o alas onse trenta ay kaya kong makarating doon. Nang makapahinga ako ay nagpaalam ako kay tita na gagayak na pero bago iyon kinuha ko ang aking cellphone at tinawagan si Nico. Alas kwatro doon ng hapon. Tamang-tama. Itinapat ko sa aking mukha ang screen at ilang ring pa lang ay sumagot na siya. Aba, parang alam na tatawag ako, ah? hindi naman ako nagsabi dahil ang alam ni Nico ay diretso ako ngayon kahit pa sabado. "Ate." Binatang-binata na na talaga ang kapatid ko at kay gwapo! siguro maraming nagkakagusto dito na mga babae? nasa section 1 din ito, eh. Tapos kung magtutuloy-tuloy ang magandang grado ay baka makatapos pa na valedictorian. Naku, sana nga. Sobrang nakakatuwa iyon. "Kamusta, Nico? Si nanay, nasaan? si tatay?" Naupo ako sa aking kama. Kinuha ko ang pamaypay sa gilid at ipinaypay iyon sa akin nang makaramdam ako ng init. Hindi ko na kasi ibinukas ang aircon. Sayang naman dahil malamig naman sa gabi. "Ito, ate. Hinihintay nga nila ang tawag mo. Ito, nanay..." Ilang sandali pa ay nakita ko ang nanay na malapad ang ngiti at kumakaway pa sa screen. "Wow! tumaba ang nanay! matambok ang mga pisngi, ah!" Nang nakaraang linggo ko po ito napansin. Tumataba nga talaga ang nanay. Mukhang dahil iyon sa vitamins na nirecommend ng doktor na inumin nila ni tatay. "Ay, bakit hindi tataba, binubusog mo ng sobra, anak tapos may mga binatamina. Kamusta ka? hindi ba at sabado ngayon, bakit sabi ni Nico ay may trabaho ka raw maghapon? 'nak, dire-diretso ang trabaho mo. Hindi ko pa ata narinig na may pahinga ka." Nahimigan ko kaagad ang pag-aalala at nakita kong unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni nanay kaya mas pinasigla ko ang ekspresyon ng aking mukha. "Ngi, si nanay, hindi naman rin ganoon kabigat ang mga trabaho ko at mababait ang mga kasama ko po dito, 'nay. Saka kung magde-dayo off ay wala rin po akong gagawin sa apartment. Pero, sige po! huwag po kayo mag-alala, bukas po ay balak ko na lumabas. Isasama ko po kayo! video call po tayo!" Totoo rin naman kasi. Puro nga ako trabaho kaya pati ang mga tita ko na super supportive dito ay nag-aalala na rin sa kalusugan ko. Ang katwiran ko kasi palagi ay kaya ng katawan ko. Kinakaya naman talaga at hindi ako nagkakasakit pero napansin nila ang pagbaba ng timbang ko. "Sinabi mo iyan, ha? pruweba ang pag-video call mo, 'nak. Oh, ito si tatay mo, tuwang-tuwa kasi dun sa relo. Dumating na ang ipina-package mo. Nabahagian na rin namin ang mga kapitbahay ng mga chocolate at sabon. Ay, iyong mga minatamis wala naman rin hilig kami roon, si Nico rin, kaya sa mga kapitbahay na lang.Tuwang-tuwa ang mga bata, kay hihilig kasi sa chocolate." “Pinaparating pala nila ang pasasalamat, anak. Saka mag-iingat ka raw diyan.” Nakatanggap nga ako ng mensahe sa mga kapitbahay namin na friends ko sa epbuk. Nagpasalamat at nag-send pa ng larawan ng mga sabon at chocolate na ipinamahagi sa kanila ni nanay. "Anak! ang ganda ng relo! pero lumulutang kasi ang itim ko, hehe, saka nakakatakot rin isuot sa labas, anak, baka naman manakaw ito sa akin. Naisasangla ba ito?" Napangiti ako sa sinabi ng tatay. Maitim kasi ang tatay ko dahil nga babad noon sa bukid. "Opo, 'tay puwede ninyo isangla. Iyong mga ipinadala ko rin na mga alahas kay nanay ay maaaring isangla. Maganda po na investment ang mga gintong alahas kaya gusto ko rin mag-ipon. Kung sakali po na magkaproblema ako sa sahod, ma-delay o hindi kaya ay mag-cost cutting sa work at malasin ay may mahuhugot pa rin po tayong pera." Si Tita Rechie ang nagturo sa akin non. Naranasan na rin daw kasi niyang mawalan ng income noong narito sa Italy at talagang ang nakatawid sa kaniya ay ang mga alahas na naipundar niya. Tumataas rin kasi ang value non at napaisip nga ako kaya ayun, nagsimula akong bumili at ipinadala ko kay nanay. Nang makita ko ang oras sa taas ng aking cellphone ay napasinghap ako. Hala! kailangan ko nang gumayak! "Ay, 'tay ibababa ko na po. May raket po ako ngayon. Maglilinis ako ng kwadra ng mga kabayo. Magse-send po ako sa inyo ng picture ng mga kabayo mamaya!" Nakagawian ko na magpadala ng mga larawan pag nasa trabaho. Nung nakaraan naman ay namitas kami ng mga oranges. Tuwang-tuwa si tatay. Malalaki daw pala ang mga orange dito. "Oh, siya, ay mag-iingat, ha, Lizianna," sabi niya sa akin. Ngayon ay ipinahiga nila ang cellphone para magkasya silang tatlo. "Opo! kayo rin, ho! magse-send po ako ng pictures kay Nico mamaya!" Pagkatapos ng sandaling pag-uusap kasama sa aking pamilya ay kumuha ako ng itim na pantalon, fitted army green blouse at boots. "Okay, Lili! mahaba pa ang araw! go!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD