Two years later...
"Ay, pwet mo!"
Hindi na ako magkandaugaga sa pagbubuhat sa mga lalabhan na mga damit na hawak ko. Hindi naman kasi sa akin ang mga iyon. Tuwing weekend ay ito at nangunguha ako ng mga labahin ng mga kilala kong OFW dito sa Italy.
Dagdag kita para sa pampadala sa pamilya. Binibiro tuloy ako madalas nila Tita Rechie, pakiramdam daw nila ay sampu ang mga anak ko.
Biglang bumukas ang pinto na nadaanan ko at dumungaw doon si Tita Gemini ang isa ko pa na nakilalla dito sa Italy. Mga tita ang tawag ko sa kanila kahit hindi ko sila kaano-ano.
"Lili yung sa amin rin, ha? hindi ko na maaasikaso dahil nga may lakad kami ni Tsong Lando mo! alam mo na date! anniversary, eh! kakaratehin ko 'to mamaya!"
Pinoy rin ito at halos pitong taon nang nagtatrabaho dito. Nakakatuwa nga kasi ang sipag niya at narito na ang kaniyang dalawang anak at ang kaniyang asawa. Nakuha na niya dahil sa pagsisikap sa trabaho.
"Tita Gemini! sige po! enjoy po kayo ni Tito Lando! Happy 21st anniversary po sa inyo!" sabi ko naman at kaagad na tinungo ko ang aking silid.
"Thank you, Lili! baka makapangatlo pa!" sagot niya at kinindatan pa ako.
Natawa ako sa kaniyang sinabi. Ang kulit talaga ni Tita!
"Pakisabi po kay Haddie na dadaanan ko na lang po diyan ng mga alas otso, mag-aagahan na po muna ako.”
Tiyak kasi na tulog pa ang mga anak niya ng ganitong oras dahil weekend.
Pagkasarado ng pinto ay tinungo ko na ang apartment namin nila Tita Amor.
Sa totoo lang ay puwede naman silang magdala ng kanilang mga maruruming damit sa laundry shop pero ito nga at kinapalan ko na ang mukha ko. Sinabi ko noon na kung pwede sa akin na lang ipalaba at ako na lang ang bayaran nila. Lumaki kasi ang gastos ng aking pamilya. Pagkaopera ni nanay ay hindi naman natigil ang gamutan tapos dumarami ang bilihin na kinakailangan sa school ni Nico. 3rd year high school na siya at isang taon na lang ay magtatapos na.
Nag-iipon na ako para hindi ako mabigla dahil alam kong mas magiging magastos siya kapag nagkolehiyo.
Ang mga gamot rin ng tatay at nanay. Hinding-hindi ko pinapawala. Tuloy-tuloy ang gamutan sa breast cancer ng nanay at palagi kong kinakausap ang kapatid ko kung kamusta na ang lagay ng aming magulang. Tiyak kasi na kapag si nanay ang tinanong ko ay sasabihin lang niya sa akin na maayos siya at wala siyang nararamdaman
Kabisadong-kabisado ko na.
Dalawang taon na ang lumipas nang maging OFW ako dito sa Italy. Napakalaki ng naging tulong sa akin ni Tita Amor at sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kaniya dahil simula nang dumating ako dito ay hindi niya talaga ako iniwan. Marami rin siyang ipinakilala sa akin na mga kaibigan niya at nabigla ako dahil isang buong pamilya na halos ang mga pinoy na narito.
Alam at pansin noon ni Tita ang hirap ng kalooban ko sa paglayo kina tatay kaya nang unang araw pa lang ay ipinasyal niya ako kasama sina Tita Joi.
Dalawampu't dalawang taong gulang lamang ako. Takot, nangungulila dahil nahiwalay sa pamilya at napakaraming pumasok sa isipan ko sa bansa na ito. Hindi ako marunong magsalita ng Latin at kaunting ingles lang ang alam ko. Mabuti na lamang at to the rescue ang mga tita ko dito dahil unang buwan ay sinabi na nila sa akin kung ano ang mga dapat kong gawin at mga dapat iwasan.
Pumasok rin ako sa simbahan ng isang pinoy community na nagtuturo ng libre kung paano ang tamang pagsasalita ng italyano.
Pagdating ko dito noon ay 1 week lang akong nagpahinga. Sinabi ko rin kasi kay Tita Amor na nais ko nang magsimula at kung may mga dapat pang matutunan ay pag-aaralan ko na.
Ang dahilan naman kung bakit ako nasa bansang ito ay para maghanapbuhay at kumita ng pera para sa pagpapagamot kay nanay. Ayokong mag-aksaya ng oras lalo pa at hindi basta-basta ang sakit ng nanay. Iyon ang ikinababahala ko.
Sobrang nakakaiyak.
Isang buwan pa lang ako noon dito sa Italy ay sa tuwing tatawag ako ng video chat kay Nico at makikita ko sila nanay ay pigil na pigil ko na maging emosyonal. Miss na miss ko na sila pero kailangan kong panatilihin ang ngiti sa aking mga labi para hindi sila mag-alala.
Palagi iyon. Pagkagaling sa trabaho tumatawag ako kay Nico at pag nakita ko na silang tatlo ay nababawasan ang pagod na nararamdaman ko.
Pero sa totoo lang? iba yung pagod sa Pilipinas sa maghapon na trabaho. Iyong pag-uwi mo sa bahay sasalubungin ka ng mga magulang mo at magmamano ka. May meryenda na nakahanda sa lamesa na luto ng nanay o binili ng tatay sa palengke, may tanong na "kamusta ang maghapon?" tapos mapapalingon ka kapag nasa silid dahil sa amoy mo ng inilulutong hapunan.
Iyon ang mga hinahanap-hanap ko.
Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses akong umiyak sa banyo para hindi makita ni Tita Amor. Ang sakit kasi. Miss na miss ko na sila tatay, yung boses nila, yung luto ni nanay. Hinahanap-hanap ko at hindi pa ako nagtatagal non. Nahihiya na lang rin ako kay Tita Amor dahil nasa iisang apartment lang kami kaya sa tuwing inaatake ako ng kalungkutan ay bumabangon ako ng madaling araw para pumunta sa banyo at umiyak.
Pero ganito ang buhay ng OFW. Namulat ako sa hirap lalo nang magsimula akong mag-training at makwentuhan ako ng aking mga kasama. Nung training, nakaramdam ako ng takot dahil mga bagong mukha ang nakasama ko, mga hindi pinoy, nagsasalita sila ng lenggwahe na hindi ko maintindihan. Pero nagpapasalamat ako sa gabay ng Diyos dahil ang dinadala niyang mga tao sa buhay ko ay puro mabubuti.
Tanda ko pa, unang araw ng training mag-isa lang ako. Iyong mga kasamahan ko na trainees ay magkakasama at nag-uusap-usap. Hindi ako makasama sa kanila dahil hindi pa ako maalam noon sa pagsasalita ng Italian. Wala rin ibang trainee na pinoy at ako lang. Hindi ko rin maiwasan noon ang magkamali sa trabaho pero mabait naman ang may-ari ng restaurant na pinagtatrabahuhan ko at hindi naman siya nagagalit.
Isa rin sa sobrang ipinagpapasalamat ko. Mahirap man dahil hindi lang iisa ang trabaho ay napakabubuti ng mga taong nakapaligid sa akin.
"Ang aga mo kumuha ng mga lalabhan? hindi ba at magbe-baby sit ka pa ng aso? ililibot mo? Tapos mamayang gabi ay sa bar naman. Dapat bukas na iyan," sabi sa akin ni Tita Joi.
Napatingin ako sa kaniya sandali. Kasama namin siya dito ni Tita Amor sa apartment. Pang limahan na itong tinitirhan namin at kalilipat lang namin noong nakaraan na buwan. Kagigising lang niya at umuusok pa ang mainit niyang gatas na itinimpla. Nag-aalumusal na rin siya. Ako ang nagluto non kaninang alas sais. Pasasalamat ko sa kanila na mga kasama ko dito dahil ang buti-buti nila sa akin.
Dalawang taon ko na silang kasama pero talagang ipinaramdam nila sa akin na parte ako ng pamilya nila.
"Pang check up po ni nanay, tita. Para masiguro po na wala na talaga ang sakit niya," ngumiti ako kay Tita Joi habang isa-isang inilalagay sa gilid at nilalagyan ng mga pangalan ang bawat laundry basket na may lamang mga damit.
Tutok ako sa kalusugan ng aking mga magulang dahil sila ang aking kayamanan. Sila ang dahilan kung bakit ako sobrang nagsisikap dito sa ibang bansa.
Ipon ako ng ipon para sa aking pamilya dahil ang kalusugan ng aking mga magulang ay gusto kong masigurado na maayos. Saka ko sila dadalhin sa mga magagandang lugar.
Napakarami ko talagang pangarap para sa amin kaya hindi lang isang trabaho ang sinabi ko noon kay Tita Amor na nais kong pasukan.
Nasa ibang bansa man ako ay alam kong sipag, tiyaga, at lakas ng loob ang kailangan ko upang makayanan ang mga trabahong ibibigay sa akin.
Isa pa, may pamilya ako na babalikan. May nanay at tatay akong pinapanatili ang magandang kalusugan at may kapatid ako na masipag mag-aral at marami ring pangarap. Kailangan kong magtiyaga at magtrabaho sa malayo para sa kanila.
"Ay, eh, kamusta na ba ang nanay mo, Lili? hindi ba at last year siya naoperahan?"
Ang aking mga mata ay nasa laundry basket na may mga pangalan. Nasa likod ko naman si Tita Joi at naririnig ko pa ang tunog ng mga kubyertos sa tuwing ibababa niya ang mga iyon upang kumuha ng pagkain.
"Maganda po ang resulta. Wala rin pong negatibong balita ang kapatid ko sa nangyaring pag-opera kay nanay. Pero ito po at tuloy-tuloy pa rin ang check up niya at pag-inom ng mga gamot. Ipina general check up ko na rin po ang tatay para masiguro rin na maayos ang kaniyang katawan at walang kahit anong sakit."
Nang malagyan ko na ng mga pangalan ang limang laundry ay pumunta naman ako sa kusina namin at kumuha ng tasa. Hindi pa ako nagkakape at wala pa rin almusal. Ito kasing damit ni Tita Lerma ay nasa kabilang building pa. Pinuntahan ko pa doon. Maaga kasi siyang aalis dahil sa trabaho.
“Ang sipag!”
"Kung may anak lang ako na lalake ay naku, irereto ko sa 'yo. Ang sipag-sipag mo saka ang ganda mo pa. Ang suwerte ng mga magulang mo sa 'yo, Lili saka swerte rin ang mapapangasawa mo! ano ba ang tipo mo? pinoy? italyano? kailan ka ba magbo-boyfriend at anong edad mo balak mag-asawa?"
Naupo ako sa harapan ni Tita Joi at kinuha ko ang lalagyanan ng aming mga kape, asukal at creamer. Nagsalin ako doon habang hindi na maalis ang ngiti sa aking mga labi dahil sa sunod-sunod niyang mga tanong.
"Wala rin naman po sa isipan ko ngayon ang pagnonobyo, tita. Ang dahilan po kung bakit ako narito sa Italy ay para sa aking pamilya. Marami pa po akong pangarap kaya siguro po, kapag nai-secure ko na ang pamilya ko at may maayos nang trabaho si Nico saka po ako magiging bukas sa usaping pag-ibig."
Ang pag-ibig naman ay makapaghihintay pero sa ngayon ang pokus ko ay nasa aking mga trabaho at sa pamilya ko na umaasa sa akin.