“Ikaw Nika may boyfriend ka na ba?” tanong bigla ni Gigi.
Naiintindihan kong ayaw niyang mapag-usapan pa namin or should I say nila ang lovelife niya pero mali ata na ang sa’kin naman ang alamin. Wala naman silang malalaman.
Lima kaming magkakasama sa table ngayon ako, si boy tindero, Miles, Gigi at Bryant. Napansin ko rin na napukaw ng tanong niyon ang atensyon nila maliban nalang kay boy tindero na busy parin pagsasagot kaya pinili kong ibaling muna sa kanila ang tingin. Kahit papaano nama’y hindi ako bastos. Sumasagot ako kapag may itinatanong sa akin.
“Wala” sagot ko at ibinalik ang tingin sa libro.
“Ex-boyfriend?” tanong naman ni Miles dahilan ng pag-iling ko.
“Naks NBSB” ani Bryant na nginitian ko lang.
“Anong tipo mo sa lalaki?” dagdag pa nitong tanong.
Tipo?
“Required ba na may standard?” tanong ko naman pabalik sa kanya.
Course nga ay hindi ako sigurado iyon pa kayang tipo sa lalaki?
“Syempre naman girl! Ako ang tipo ko yung mabait tapos matangkad at may respeto” sagot ni Miles na sinabi pa ang mga tipo nito na parang pinipilit pa ako mag-isip.
“Ayoko sa lalaki” simple kong sagot na agad namang nagpaexcite kay Gigi. Napatigil din sa pagkocompute si boy tindero. Si Miles naman ay napatakip pa sa bibig.
“OMG girl, kalahi kita? Babae gusto mo or bisexual ka?”
Hays.
“Babae ako, hindi lang interesado sa mga lalaki” paliwanag ko sa kanila.
“Osige girl baguhin ko yung tanong. Kung magmamahal ka, anong klase ng tao ang gusto mo?” tanong ulit ni Gigi.
Ba’t ba interesadong interesado to sa buhay pag-ibig ko?
“Siguro yung may substance” wala akong ideya sa sinasabi ko. Basta ang mahalaga masagot ko tanong nila. Bahagya silang natigilan sa tapos kalaunan ay napapalakpak naman si Gigi sa sinabi ko kaya ang nangyari ay pinalabas kami ng librarian.
Aapila pa sana si boy tindero kaso wala narin siyang nagawa kaya tumambay nalang kami sa kubo sa gilid ng library.
Ang totoo hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon nakasunod parin ako sa kanila.
Pwede naman siguro akong umalis diba?
“Guys hindi raw makakapasok si Sir. Marcoleta. Ibig sabihin wala na tayong klase” maya’y sabi ni Miles habang nagtatype sa cellphone. Mukhang may kachat. Napaapir naman sa isa’t isa sila Bryant at boy tindero. Akala mo nanalo sa kung saan.
Sabagay, kahit ako ay masaya.
“Ibig sabihin more time to review with you guys” saad ni Gigi, akmang nagdedemand ng group hug.
“Awat na, wala akong naaaral kapag kasama kayo e. Lalo ka na!” pagkontra ni Miles na nakaturo kay Gigi. Napapansin niya rin pala yun. Paano walang ibang ginawa kundi magkwentuhan.
“Bakit parang kasalanan ko pa?” ani Gigi na nakahawak pa sa dibdib. Nakaalalay naman yung dalawang lalaki sa kanya. Si Bryant pinapaypayan pa si Gigi at yung isa na inaabutan pa ito ng tubig. Mabuti nalang at kami lang ang tao sa loob ng kubo. Agaw atensyon kasi masyado ang ginagawa nila at mukhang wala silang pakialam kahit makakuha sila ng atensyon.
“Gaga! Seryoso kasi. Kailangan natin magreview ng maayos” nakangiting wika ni Miles.
“At mahirap gawin yun kapag magkakasama tayo. Self-study nalang muna okay?” dagdag pa niya.
“Fine! But let’s make a bet. Ang lowest score sa ating lima ay manlilibre” pagsuko ni Gigi. Na agad namang inilingan ni Miles.
“Girl! Rich kid ka e, kung ikaw may panlibre pwes ako wala hanggang pitik at kutos lang ang kaya kong ipusta no”
“Sigurado ka ba dyan Miles? Malakas kaming pipitik at kukutos ni pareng Aled” paninigurado ni Bryant.
“O bakit? May iba pa ba kayong pwedeng ipusta dyan?” panghahamon ni Miles at tiningnan kami isa-isa.
Kayang ipusta?
Teka
Bakit pati ako kasali?
“Puri nalang ang meron ako” Ani Boy tindero na nakataas pa ang kamay. Seryosong seryoso pa siya sa pagkakasabi. Tinawanan naman siya nung tatlo.
Puri?
“Yes naman fafa gagalingan ko para sa puri mo” pursigidong wika ni Gigi na tinawanan din nila. Kulang nalang ay magkorteng puso ang mata nito.
“Seryosong usapan guys ang lowest score pipitikin sa ilong para masaya” Ani Miles na nakangiting demonyo.
Agad namang napahawak si Gigi sa ilong niya.
“Girl naman sundalo na nga tong sa’kin baka lalo pa tong dumapa sa pitik niyo”
“Kaya nga galingan mo! Magreview ka huwag puro harot!” panenermon ni Miles.
“Nahiya naman ako sa may jowa!”
Mukhang ganito na talaga sila kaingay.
“So ano guys? Uwi na tayo? Hiwalay na? Goodbye na?” tanong ni Bryant. Agad naman akong tumango.
Hindi naman halata na uwing uwi na ako diba?
Buti nalang mukhang uwing uwi narin si Miles dahil nagdire-diretso lang ito ng lakad pagkatapos magpaalam. Ako naman ay dumiretso narin sa North Wing ng school dahil mas malapit sa apartment kung doon ako dadaan. Kabaligtaran ng daang tinungo nila Bryant.
Basta ang alam ko lang ay naiwan dun si Gigi na bumubulong sa sarili. Mukhang hindi parin tanggap na kailangan naming maghiwalay na lima.
“Eheeeem”
“Eheeeeeeeeeem”
“Dimaano”
“Dito ka rin dadaan? Sakto sabay na tayo” Ani boy tindero na bigla nalang umulpot sa aking harapan.
Akala ko ba kasama nila Bryant to?
Imbis na sagutin ay tinanguan ko nalang siya at nagpatuloy sa paglalakad pero agad din akong napatigil dahil kamuntikan na akong matapunan ng kung ano sa damit ko.
“O masarap ‘yan!” Ani niya habang inaabot sa’kin ang hawak.
Wala bang problema ang isang to? Palaging nakangiting tagumpay.
“Ano na Dimaano? First time makakita ng taho?” pagrereklamo niya nang tinitigan ko lang siya.
Tatanggapin ko ba o hindi?
“Tatanggapin mo o tatanggapin mo?”
“Woy!” sigaw niya pagkatapos ko siyang lagpasan.
“Suplada a! Parang hindi classmate!” dinig ko pang atungal niya.
Hindi ko naman intensiyon na lagpasan siya pero nakita ko kasi hindi kalayuan mula sa likod ni boy tindero si Eli. Busy ito sa pagbabasa habang naglalakad papunta sa direksiyon namin kaso mukhang sinuswerte siya ngayong araw kasi bigla nalang siyang nadapa. Nagkataon pang may mga papel din siyang dala na pinagpapatungan ng librong binabasa kaya nakakalat ang mga yun. Mabuti nalang at sementado ang kinaroroonan niya kaya hindi nagkadumi ang mga ito.