CHAPTER SEVENTEEN
"ANG sabi niya, pupunta lang siya sa yoga session niya, sa event ng kaibigan niya, sa party ng pinsan niya, at kung saan-saan. She was lying all along. Ginagamit niya ang mga pagkakataong 'yon para makipagkita sa lalaking 'yon. Nang may nagsabi sa 'kin, hindi agad ako naniwala. Iniisip ko lang noon na sinisiraan lang niya si Kimberly. Ayokong pagdudahan ang sarili kong asawa. Kasi mahal ko siya.
"Pero ano pa ba ang posibleng rason kung bakit hindi niya 'ko magawang mahalin? Hindi ba dahil meron na siyang minamahal umpisa pa lang? Pinasundan ko siya kung saan man siya magpunta, para malaman ko kung ano ang ginagawa niya, kung sino ang mga kasama niya, at kung nagsasabi ba siya ng totoo sa 'kin."
Sa nanlalabong mga mata ay nakita ni Sonja ang pagdilim ng anyo ni Jared. Hindi siya makapaniwalang kahit limang taon na ang lumipas ay sariwang-sariwa pa rin dito ang lahat. Mas malalim pa pala kaysa sa inaakala niya ang sugat na iniwan dito dahil sa pagkawala ni Kimberly.
"P-para akong... para akong pinagsakluban ng langit at lupa noon. All those years na nagsasama kami, she was cheating on me. Para akong masisiraan ng bait. Pinaghigpitan ko siya. Halos ikulong ko siya sa bahay. Hindi ko siya hinahayaang lumabas nang walang kasamang bodyguard para lang masiguro ko na hindi na siya makikipagkita sa lalaking 'yon.
"At sa unang pagkakataon, simula nang ikasal kami, nakita ko kung gaano niya ako kinamuhian. Lumabas din ang totoo. Na napilitan lang naman siyang magpakasal sa 'kin dahil pinilit siya ng mga magulang niya, dahil iyon lang ang tanging paraan para maisalba ang kabuhayan at kahihiyan nila. Na kahit ano'ng pilit niya..." Yumugyog ang balikat nito. "Hinding-hinding niya 'ko matututunang mahalin. Na kung hindi lang dahil kay Jamie, matagal na siyang nakipaghiwalay sa 'kin..."
Natutop ni Sonja ang bibig nang umalpas ang isang mahinang hikbi mula sa kanyang lalamunan. Matagal na niyang gustong malaman ang lahat mula kay Jared, lahat-lahat ng itinatago nito. Pero nang mga sandaling iyon, parang gusto na lang niya itong patigilin dahil ayaw niyang nakikita itong nasasaktan.
Sa huli, kapakanan pa rin nito ang iniisip niya.
"Nagalit ako sa kanya. Ikinulong ko siya. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa ang mga 'yon. P-pagkatapos..." Napaupo sa sahig si Jared habang sinasabunutan ang sarili. "Nalaman ko na buntis siya at hindi ako ang ama ng batang dinadala niya..."
ILANG metro pa ang layo ni Jared sa gate ng bahay nila ni Kimberly pero sigurado siyang sa labas ng gate nila galing ang hindi pamilyar na kotseng kaaalis lang. Pero sino naman kaya iyon at ano ang pakay nito?
Pinagbuksan siya ng katulong ng gate. Ginabi siya ng uwi dahil marami pa siyang tinapos sa opisina. Nakipag-usap din sa kanya ang mga magulang ni Kimberly at nakiusap ang mga ito na pagpasensiyahan na lang niya ang asawa. Pero hanggang kailan? Kimberly wanted her freedom!
Kabababa pa lang niya sa kotse nang salubungin siya nito.
"Sir, si Jamie po, ayaw tumigil sa pag-iyak."
"Ano? Bakit ayaw tumigil sa pag-iyak?" nagtatakang tanong niya. Binundol ng kaba ang kanyang dibdib habang nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay.
"Jamie, tama nang iyak, baby," pang-aalo ng yaya nito.
Jamie was three years old.
"Mommy, sama ako, Mommy!" Pulang-pula na ang mukha ni Jamie sa pag-iyak. Pilit itong kumakawala sa pagkakahawak ng yaya nito. Ni minsan ay hindi pa niya ito nakitang umiiyak habang nagwawala nang ganoon.
Mabilis niyang dinaluhan ang anak.
"Jamie, Jamie, stop crying." Binuhat nito ang anak at hinahagod ang likod para patahanin.
"Daddy, sama ako kay Mommy, Daddy!"
"Ano'ng nangyayari, Vicky? Nasaan si Kimberly?" mariing tanong niya sa yaya ni Jamie.
"Sir... umalis ho si Ma'am Kimberly. Sumakay sa kotse n'ong lalaki, dala-dala ang mga gamit niya..." hindi mapakaling sagot ni Vicky. "S-sinubukan ko naman pong pigilan pero hindi nakikinig si Ma'am. 'Tapos nakita siya ni Jamie. Gustong sumama n'ong bata, Sir, e..." Naiyak na ito nang tuluyan.
Hindi na naituloy ni Vicky ang paliwanag nito dahil mariin siyang napamura. Ang kotseng kaaalis lang, si Kimberly ang sakay n'on kasama ang lalaki nito! Magtatanan ang mga ito!
Ibinigay niya si Jamie kay Vicky.
"Bantayan mo si Jamie. Tawagan mo si Mama, humingi ka ng tulong."
"Saan po kayo pupunta, Sir?"
"Ibabalik ko rito ang babaeng 'yon."
Lumabas ng bahay si Jared at muling sumakay sa kotse niya. Hindi pa nakakalayo ang mga 'yon. Mahahabol pa niya ang mga ito. Sisiguraduhin niyang pagsisisihan ni Kimberly ang panggagago nito sa kanya.
"TAMA si Karlos. Pinatay ko ang kapatid niya. Kung ibinigay ko lang ang kalayaan ni Kimberly noon, kung hindi ko lang sila hinabol, hindi sana kami maaaksidente. Hindi siya mamamatay sa pagsabog ng kotse, at hindi ko makukuha ang mga peklat na 'to. Hindi ko mapatawad ang sarili ko. Halos gabi-gabi akong binabangungot dahil kinakain ako ng konsensiya ko. Napabayaan ko na ang anak ko..."
Naupo sa sahig si Sonja at kinabig si Jared. Niyakap niya ito nang mahigpit habang patuloy silang dalawa sa pag-iyak.
"Kahit paulit-ulit nilang sabihin na hindi ko kasalanan, na hindi ko ginusto ang lahat, hindi pa rin n'on mababago ang katotohanan na wala na si Kimberly. Wala nang nanay ang anak ko... Hindi ako pinatulog ng konsensiya ko. Hindi ko alam kung paano ipagpapatuloy ang buhay ko..." Pumiksi si Jared pero hindi niya ito hinayaang makawala sa yakap niya. "Tinangka kong i-overdose ang sarili ko sa sleeping pills. At na-realize ko na nabigo ako kasi... narinig ko pa 'yong boses ng anak ko, pinipilit akong gumising kasi nami-miss na raw niya ako. Ayaw daw niyang mawalan ng daddy kasi bata pa siya..." Isinubsob ni Jared ang mukha sa manggas ng damit nito habang patuloy pa rin sa pag-iyak. "Kung sa tanda kong 'yon, gusto ko nang sumuko, paano na lang kaya ang anak ko? Wala pa kaming maraming alaala na magkasama. Kung pati ako mawawala sa kanya, ano nang mangyayari sa kanya?"
"O-okay na, Red. Huwag mo nang pilitin ang sarili mo..." Idinantay ni Sonja ang mukha sa ulo nito. "I-I'm sorry. Hindi ko alam kung ga'no 'yon naging mahirap para sa'yo..."
"Hindi. Ayoko. Tama nang pagtatago sa'yo. Tama nang pagtakas sa nakaraan ko. Napapagod na 'ko. Gusto ko nang matahimk ang kalooban ko... Natatakot ako na baka merong magbago kapag nalaman mo ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit iniiwasan kong mapag-usapan natin ang tungkol sa bagay na 'to. Natatakot akong lumayo ka sa 'kin. Ngayon na lang uli ako naging masaya. Ayokong masira 'yon kapag nalaman mo kung sino talaga ako. But you deserved to know everything..."
"Hindi mo kasalanan, Jared, hindi..." Pinahid ni Sonja ang mga luha gamit ang kanyang palad.
"P-pasensiya ka na...."
"Tumayo ka, Jared, sige na." Tumayo si Sonja at hinawakan ito sa braso. "Sige na, Red, tumayo ka na diyan," sabi niya nang hind man lang ito kumilos.
Tumayo naman ito at pinilit niyang maupo sa sofa. Hind magawang mag-angat ng tingin ni Jared dahil hilam pa rin sa luha ang mga mata nito.
"Halika." Kinabig niya ang ulo nito at pinahilig sa dibdib niya. "Okay lang 'yan. Hindi kita hinuhusgahan. Walang nagbago sa pagtingin ko sa'yo, okay? Mahal pa rin kita. Tumahan ka na..." Napasinghot si Sonja at maagap na pinahid ang sariwang luhang pumatak sa mga mata niya.
Naramdaman naman niya ang pagyakap ng mga braso ni Jared sa kanyang baywang.
"Hindi ka nagawang mahalin ni Kimberly noon pero ako, mahal kita. Ang sarap-sarap mo kayang mahalin..."
"PAPUNTA na 'ko. Sure ka na ba talagang magpapasunod ka?" tanong ni Sanya sa kabilang linya.
"Oo, Ate. Hinihintay ko lang magising si Jared."
Nasa kusina si Sonja habang ipinaghahanda ng pagkain si Jared. Nakatulog ito kanina habang yakap-yakap niya at iniwan niya itong natutulog sa sofa. She saw Jared in a different light. Kaya naman pala ito palaging seryoso at hindi showy sa nararamdaman. He was hurt once and he was hurt badly.
Hindi rin naman niya masisisi si Kimberly. Sinunod lang nito ang puso kahit pa nga ba mali sa paningin ng ibang tao. Nangyari ang mga nangyari na dahil sinunod lang nito at ni Jared ang kanilang mga puso. Sayang lang at sa ganoon humantong ang lahat.
"Okay ka lang?"
"Okay lang ako. Mas okay na ako kumpara kanina. Kailangan kong gawin 'to para sa 'ming dalawa. Mahal ko si Jared, Ate. At gusto kong maging masaya siya."
"Sige. Dahil sinabi mo, naniniwala ako. Maghihintay na lang ako sa convenience store. Tatawag ako kapag nasa baba na 'ko. Ingat ka."
"Ingat din, Ate. See you later."
Kababa pa lang ni Sonja ng cellphone niya nang maramdaman niya ang mahigpit na pagyakap ni Jared sa kanyang likuran. Nagising na pala ito.
"Masaya akong malaman na hindi ka nagkukumahog tumakbo palayo mula sa 'kin matapos mong malaman ang totoo," sabi nito.
"Red..." Hinaplos niya ang mga braso nitong nakayakap sa kanya. "Ikaw lang ang nag-iisip na kasalanan mo ang mga nangyari. Huwag mong hahayaang pumasok sa sistema mo ang mga sinabi ng Karlos na 'yon. Hindi niya makontrol ang sarili niya kaya bakit mo hahayaang kontrolin ka ng mga salita niya? Umupo ka na." Kinalas niya ang mga braso nito sa kanyang baywang at pinaupo ito. "Kumain ka uli. Para mabawi mo ang lakas mo."
"Ikaw, hindi ka ba kakain?"
"Nakakain na 'ko."
"Samahan mo 'ko."
"Sige." Kahit nga siguro bundat na bundat na siya sa pagkain ay sasamahan pa rin niya ito. Ganoon siya karupok. Umupo siya sa tabi ni Jared. "Okay ka na ba?"
Tumango naman ito. "Better than ever." Imbes na kunin ang mga kubyertos ay ang kamay niya ang kinuha ni Jared at inilapat sa peklat nito sa mukha. "Paano mo 'ko nakuhang mahalin kahit ganito ako, Sonja?"
"Red..." Hinaplos niya ng kanyang hinlalaki ang peklat nito pati na ang ilalim ng namumugto nitong mata. "Hindi naman mahirap, e."
"Naiilang ako kapag hinahawakan mo ang peklat ko nang hindi nandidiri. Ito ang naging paalala ko sa sarili ko kung gaano kalaking pagkakamali ang nagawa ko at wala akong karapatang lumigaya. But you came and overlooked my scars. Hindi ko alam na posible pala na may isang katulad mo..." Hinalikan ni Jared ang palad niya. Mariin itong pumikit. Nagbabadya na naman ang pagpatak ng luha sa mga mata nito. "I-I'm sorry," he said, clearing his throat. "I haven't cried in a long time. Ang akala ko, manhid na ako." Tiningnan siya nito sa mga mata. "Mahal kita, Sonja. Ngayon lang uli ako natakot nang ganito na baka mawala ka."
"Alam ko," pigil ang ngiting sabi naman ni Sonja. "Imposibleng hindi ka ma-in love sa ganda kong 'to."
Jared smiled.
"Natakot lang akong aminin na mahal kita kasi paano kung mahal mo nga ako, pero mas mahal mo pa rin si Kimberly? Ayokong makipag-compete sa patay na, Jared. Mahal kita pero ayokong maging second best. Sana lang, hindi mo ako mahal dahil napunan ko ang pagkawala ni Kimberly. I don't deserve that."
"Mali ka. Mahal kita dahil mahali kita, Sonja," pagsusumamo nito.
"Okay. Patunayan mo, kung gano'n." Her phone rang. Binawi niya ang kamay kay Jared at sinagot iyon. Si Sanya. "Ate?"
"Nandito na 'ko, ha," sabi ni Sanya.
Wala nang atrasan pa.
"Nandiyan na 'ko," tugon niya at pinutol na ang tawag. "Sinusundo na ako ni Ate Sanya."
"Aalis ka? Iiwan mo 'ko?" gulat na tanong ni Jared. "B-bakit, Sonja?"
"Kasi..." Hinubad niya ang singsing at inilagay sa palad nito. Hindi makapaniwala si Jared habang nakatingin sa singsing. "Pagkakataon mo naman para patunayan sa 'king mahal mo 'ko. 'Yong ako na talaga. Hindi ka pwedeng magpakita sa 'kin habang hindi ka pa sigurado. Kung hindi, dadagdagan ko 'yang peklat mo." Tumawa siya. "Biro lang. Gwapo ka pa rin madagdagan ang peklat mo." Bumuntong-hininga siya at sumeryoso. "See you soon?"
Hindi nakatugon si Jared. Puno ng pagtutol ang mga mata nito.
"Umaasa ako sa 'ting dalawa, Red. Umaasa ako sa'yo." Dinampian niya ng magaang halik ang mga labi nito. "Huwag mong patagalin, please."
Nang tumayo siya ay tumayo rin si Jared. He tried to speak but he failed. Niyakap na lang siya nito nang mahigpit.