CHAPTER SIXTEEN
"ANG GAGANDA nila..." manghang anas ni Sonja habang naglalakad sila ni Jared sa paligid ng pond ng koi fish.
Nasa likurang parte iyon ng restaurant. Lumabas sila doon ni Jared para magpahangin. Maganda rin pala doon. May mga puno at mga hilera ng kalamansi. Maggagabi na. Ang mga bisita ni Keith Clark ay nag-iinuman na sa loob.
"Sabihin mo lang kung gusto mo nang umuwi, ha," sabi naman sa kanya ni Jared. Nakaakbay ito sa kanya habang nakayakap naman siya sa baywang nito.
Sumunod lang sila doon nang makita ni Sonja na pumunta doon sina Keith Clark at Sanya. Pero hindi niya makita sa paligid ang dalawa. Hindi kaya may ginawa nang milagro ang mga 'yon?
"Mamayang kaunti. Gusto ko pa rito."
"Sabihin mo lang kung pagod ka na." Hinalikan ni Jared ang buhok niya.
"How sweet..."
Napalingon silang dalawa sa lalaking nagsalita. Napakunot-noo si Sonja nang makita si Karlos. Susuray-suray itong maglakad. Mukhang marami na itong nainom. Naramdaman pa niya ang paghigpit ng yakap sa kanya ni Jared.
"Huwag kang manggulo dito, Karlos," mariing sabi ni Jared.
"What?" Kumunot ang noo ni Karlos pero agad din itong tumawa nang nakakaloko. "Hindi ba, party 'to? I'm just here to have fun. Long time no see, ex-brother-in law."
"Lasing ka na. Umuwi ka na."
"Come on! Hindi ka nagtagumpay na makontrol ang kapatid ko kaya pinatay mo siya. Ngayon naman, gusto mo 'kong diktahan sa kung ano ang dapat kong gawin? Ang lakas ng loob mo, por que malaki ang utang-na-loob namin sa'yo!"
Natigilan si Sonja. Pinatay? Imposibleng magagawa ni Jared kay Kimberly iyon. Napatingin siya kay Jared. Nakita niya ang pag-igting ng panga nito habang hindi nilulubayan ng tingin si Karlos.
Nalipat ang tingin sa kanya ni Karlos. Bumundol ang kaba sa kanyang dibdib. Ano ba ang pinagsasasabi nito?
"Poor girl," nang-uuyam na komento nito habang umiiling. "Ano ang ginawa niya para makuha ka? Huh? Ginipit din ba niya ang pamilya mo para mapilitan kang pakisamahan siya? Of course, sa yaman niyang 'yan, wala namang imposible sa kanya. Bakit hindi ka pa tumakbo palayo at iniligtas ang sarili mo habang maaga pa? O baka huli na ang lahat? Binantaan ka ba niyang papatayin niya kapag iniwan mo siya?"
"Stop lying, Karlos!" ang malakas na sita ni Keith Clark na bigla na lang sumulpot sa likuran ni Karlos kasama si Sanya. "Kalalaki mong tao, ang galing mong gumawa ng kwento. Sabi ko na nga ba't pumunta ka lang dito para manggulo. You were not invited in the first place! Pasalamat ka't nirerespeto ko ang mga magulang mo. Bakit ka nila pinalabas sa rehab? Hindi ka pa magaling."
"Oh, the high and mighty Senator Escudero," nang-uuyam na ani Karlos nang lingunin si Keith. "Bakit ka nakikialam? Hindi naman ikaw ang kinukumusta ko. Bitter ka pa rin ba sa 'kin dahil inagaw ko ang girlfriend mo noon? Man, it's not my fault na mas magaling ako sa kama kaysa sa—"
Lumipad ang kamao ni Keith Clark sa pagmumukha ni Karlos at bumagsak ito sa pond. Nabasa pa sila ng tubig dahil sa malakas na pagbulusok nito sa tubig.
Sonja found herself locked in Jared's tight embrace. Umahon si Karlos sa pond na habol ang paghinga at gulat na gulat sa sinapit. Hindi ito makapagsalita.
"Magpapasalamat dapat talaga ako sa pang-aagaw mo sa ex ko. Wala, e. Hindi nakisama ang kamao ko," parang walang ano man na sabi ni Keith Clark, obviously unapologetic.
"Keith, hindi mo dapat ginawa 'yon," sabi ni Jared pero hindi sa tonong naninita. It was as if he was partly thankful that Keith did it.
"Minsan, may sariling isip 'tong kamao ko."
"Nasaktan ka ba?" Kinuha ni Sanya ang kamay ni Keith at marahang minasahe ang nasaktan nitong kamao.
"It's okay, cupcake. Wala 'to." Ang bilis lumambot ng eskpresyon nito.
Napaangat ang isang kilay ni Sonja. Ano ang itinawag ni Keith Clark sa kapatid niya? Cupcake?
Yikes.
"Ano'ng nangyayari rito?" Magkasunod na dumating ang mag-asawang Silverio at si Jai.
"Are you okay?" tanong naman ni Jai sa kanila.
Tumango lang si Jared.
"Karlos!" si Mr. Silverio sa galit na galit na mukha. Idinuro nito ang anak. "You are so disappointing! Umuwi na tayo!"
HABANG nasa biyahe ay wala silang kibuan ni Jared. Hinihintay ni Sonja na ito ang maunang magsalita pero mukhang malabong mangyari iyon. Tahimik at tutok na tutok ito sa pagmamaneho.
Sumasakit ang ulo niya sa kaiisip ng mga nangyari kanina. Hindi siya naniniwala sa mga pinagsasasabi ni Karlos pero gusto rin naman niyang malaman kung ano ang pinanggagalingan nito. Hindi magagawang pumatay ni Jared. Hindi nito magagawang patayin ang babaeng mahal nito.
"Mauna ka na sa kwarto. Ihahatid ko lang si Jamie sa room niya," sabi sa kanya ni Jared nang makarating na sila sa condo. Karga-karga na nito si Jamie na nakatulog habang nasa biyahe sila kanina.
Tumango lang siya. Sumunod naman dito si Manang Nadia.
Malalim na bumuntong-hininga si Sonja matapos niyang i-on ang switch ng ilaw. Naupo siya sa kama at hinubad ang kanyang sapatos. Hindi siya mapalagay. Alam niyang hindi siya mapapanatag hangga't hindi niya nalalaman mula kay Jared ang totoo. Bago umalis ang mga Silverio sa restaurant kanina ay hingi nang hingi ng paumanhin sa kanila si Mrs. Silverio.
Tumayo si Sonja at pumunta sa closet. Kumuha siya ng bathrobe. Kailangan niyang mag-shower para mapreskuhan siya at makapag-isip.
BINUKSAN ni Sonja ang shower at itinapat ang sarili doon. Naghilamos siya. Ilang sandali pa lang siya doon nang maramdaman niya ang presensiya ni Jared sa likuran niya. Niyakap siya nito at dinampian ng halik ang balikat niya.
"Red," sambit niya at pumiksi. Hindi siya nito pinakawalan.
Patuloy siyang hinalikan ni Jared sa kanyang balikat, leeg, ilalim ng tainga at pisngi.
"Hindi ko yata kayang maghintay nang matagal," napabuntong-hiningang sabi pa niya. "Kailangan nating mag-usap."
Pinaharap siya ni Jared at marahang isinandal sa dingding ng banyo. Parang hindi siya nito narinig. Itinukod nito ang mga kamay sa magkabilang gilid niya upang hindi siya makawala. He looked at her with desire in his eyes. Gusto man niyang labanan ang kagustuhang magpaangkin dito, nabigo lang din siya.
Dahan-dahang bumaba ang mukha ni Jared at inangkin ang mga labi niya—marahan, masuyo, at mariin. Pinigilan niya ito sa dibdib.
"Naririnig mo ba 'ko, Red?" tanong niya sa mapait na tono.
Tinangka siya nitong halikan uli pero iniiwas niya ang mukha. Dumapo ang mukha nito sa kurba ng kanyang panga. Jared kissed her there instead. Napasinghap si Sonja nang gumapang ang mga labi nito sa kanyang leeg.
"HINDI mo 'ko ihahatid sa school, Daddy?" tanong ni Jamie habang nag-aagahan na sila.
"Hindi muna ngayon, anak. Pero tinawagan ko na ang Uncle Jai mo. He's on his way here. Siya na ang maghahatid sa'yo," sagot naman ni Jared.
"Oh, okay." Sa kanya naman nabaling ang tingin ni Jamie. "Mama, are you okay? I hope you're not sick or else my baby brother is sick, too."
Sinikap ni Sonja na ngumiti kahit na ang totoo, wala siya sa mood nang mga sandaling iyon. Hindi sila nagkikibuan ni Jared o mas tamang hindi niya ito kinikibo. He made love to her last night. Dapat ay masaya siya. Pero alam niyang ginawa lang iyon ni Jared para hindi sagutin ang mga tanong niya. At iyon ang ipinaghihimagsik ng kalooban niya.
Wala ba talaga itong pakialam sa iniisip at nararamdaman niya? Ano ba talaga siya para rito?
"Okay lang ako, Jamie," sagot niya. "Galingan mo mamaya sa school, ha?"
"I will make you proud, Mama," sagot naman nito.
Simula nang gabing tanggapin niya ang alok ni Jared na magpakasal ay 'Mama' na rin ang tawag ni Jamie sa kanya. Pakiramdam niya, buong-buo na ang pagkatao niya nang mga sandaling iyon.
"Tapos ka na? Ihahatid ko na kayo ni Manang Nadia sa labas," mayamaya ay sabi pa ni Jared.
Tumayo na si Jamie. Hinalikan siya nito sa pisngi at niyakap pa ang tiyan niya. Niyakap din niya ito nang mahigpit.
NANG umalis na ang mga ito ay iniligpit naman niya ang mga pinagkainan nila. Habang naghuhugas ay hindi napigilang tumulo ng mga luha niya. Ang sabi niya noon, kakayanin niyang palakihin nang mag-isa ang anak niya sakaling hindi siya panindigan ni Jared. Hindi lang niya masyadong napaghandaan ang sakit.
Napatingin siya sa suot niyang singsing. Umaasa pa rin siya kay Jared. Alam niya sa sarili niyang handa siyang bigyan ito ng pagkakataon nang paulit-ulit.
Natapos siyang maghugas ng pinggan at hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin bumabalik si Jared. Tumuloy siya sa sala at nilapitan ang wedding picture nina Jared at Kimberly. Mapait ang ngiting pinagmasdan niya ang magandang mukha ng huli.
Sa dinami-rami naman ng magiging karibal, bakit iyon pang taong wala na? Hindi na ba talaga nito kayang magmahal nang mas higit pa sa pagmamahal nito kay Kimberly?
Kailan ka ba kasi niya makakalimutan?
Huminga siya nang malalim. Nakita niya ang drawer. Binuksan niya iyon at itinago doon ang wedding picture. Hayan, wala nang masakit sa paningin niya. Naupo siya sa sofa at matiyagang naghintay kay Jared.
Hawak ang cellphone ay tumawag siya kay Sanya.
"A-ate?"
"Sonja? Kumusta? Ayos ka lang ba?" sunod-sunod na tanong naman ng kapatid niya.
"Pwede mo ba akong sunduin mamaya?"
TAHIMIK na lumapit sa kanya si Jared. Hindi naman kumibo si Sonja. Sumikip ang dibdib niya dahil sa pagpipigil ng emosiyon nang mga sandaling iyon. Imbes na tumabi sa kanya ay lumuhod ito sa harap niya. Hinawakan nito ang kamay niya kaya napatitig siya rito.
Hindi niya maisa-isa ang emosiyong nakikita niya sa mukha nito. Napakalungkot ng mga mata ni Jared at parang pinipiga ang puso niya habang pinagmamasdan ito. He looked vulnerable at that very moment.
"Nakilala ko si Kim nang um-attend ang pamilya niya sa wedding anniversary ng parents ko. She was so beautiful and sophisticated in her red backless dress. She was smart, nice, and very friendly. Since that night, hindi na siya nawala sa isip ko. I thought it was love at first sight.
"I was scared to approach her. I was scared she would turn me down. Nagdesisyon ako na kalimutan na lang siya. Pero nagbiro ang tadhana. Lumapit ang mga magulang niya sa mga magulang ko dahil papalugi na ang negosyo nila. Niloko sila ng business partner nila at itinakbo ng taong 'yon ang pera nila. Malaking pabor ang hinihingi nilang tulong mula sa amin para maisalba ang kompanyang matagal na itinaguyod ng angkan nila.
"I was the vice-president that time at pinagkakatiwalaan ako ni Papa bilang tagapagmana ng posisyon niya. Kinumbinse ko siya na sumugal sa mga Silverio kapalit ng pagpapakasal ni Kimberly sa akin. Ang akala ko, doon pa lang magkakaproblema na. Pero tinanggap ng mga Silverio ang kondisyong hinihingi ko. The next thing I knew, engaged na kami ni Kimberly.
"We own the biggest bank in the country. Nang bilhin namin ang majority ng shares ng Silverio Food Corp, napalago namin ito, earning us the billionaire status. At sa loob ng ilang taon, nakapag-invest kami sa iba pang negosyo. Kim and I got married and I thought I was the happiest man alive.
"No'ng nagsimula na kaming magsama, saka ko lang unti-unting napagtanto na ako lang pala ang nagmamahal sa aming dalawa. Saka lang nag-sink in sa akin ang katotohanan na nagpakasal lang naman sa akin si Kimberly para maisalba ang negosyo at pangalan ng pamilya niya.
"That I wasn't the man of her dreams in the first place." Humigpit ang pagkakahawak ni Jared sa kamay ni Sonja. His eyes watered and his voice broke. "I-I know how hard she tried to be a good wife to me and a mother to Jamie. Pero hindi talaga niya ako kayang mahalin sa paraang mahal ko siya. For almost four years that we are together, palagi niyang nakakalimutan ang anniversary namin at ang birthday ko.
"And then I found out, she was having an affair. With her one great love. Na siya sana niyang pakakasalan kung hindi lang ako dumating sa eksena. I didn't know, Sonja. I didn't know she was already in love with someone else. And I didn't care enough to know. Because all I wanted was for her to be mine!"