CHAPTER THREE
3 months later...
"PASENSIYA ka na, ha. Malay ko bang ngayon pa 'ko bibiguin ng sapatos ko," alanganin ang ngiting sabi ni Sonja sa kaibigang si Jeffree.
Nasa makeshift dressing room sila ng hotel at naghahanda para sa event na iyon. Ngumanga kasi ang suot niyang closed shoes sa bandang takong. Wala na siyang panahon para lagyan pa iyon ng glue. Mabuti na lang at may dalang ekstrang sapatos ang kaibigan niya.
"Tanggapin mo na kasi, Sonja. Hindi na kayang solusyunan ng shoes glue ang problema ng sapatos mo. Girl, bumili ka na ng bago." Abala naman sa paglalagay ng foundation si Jeffree.
Isang talented na singer si Jeffree at isang transwoman. Magaling itong magboses-lalaki at magboses-babae. Sa katunayan ay sumali na ito sa mga international singing contests. Hindi ito pinalad na manalo pero naging malaki pa rin ang tulong niyon sa career ng kaibigan. Marami itong kinakantahang event sa loob ng isang buwan at maswerte siyang maisabit ng kaibigan sa mga raket nito.
Nginusuan lang niya ang kaibigan habang isinusuot ang cigarette heels nito. Totoo naman kasi iyon. Inilalaan niya ang ipon sa expansion ng Tres Marias. Plano nilang magkakapatid na maging restaurant na rin iyon. Pero hindi pa sa ngayon dahil nag-iipon pa sila. Sa ganoong paraan ay lalong lalaki ang kita nila at hindi na kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa ang Nanay Suzette nila.
"Bibili na nga ako bukas kapag nabayaran na tayo." Iginalaw-galaw niya ang mga paa. "Jeff, masyado ngang mataas ang heels mo, girl. Hindi kaya ako matumba nito?" Tumayo siya sa pagkakaupo sa monobloc at napatukod nang kamuntikan na siyang matapilok.
"Pagtiyagaan mo na. Alam mo namang hindi ako katangkaran, 'di ba?" sabi naman ni Jeffree. "Bagay nga sa'yo, e." Nginitian pa siya nito. "Ang sexy mo, girl."
"Ay, 'sus," natawang pakli niya. Inayos-ayos niya ang laylayan ng kanyang off-shoulder lace dress. Kulay light pink iyon at abot lang sa ibabaw ng kanyang tuhod. Mukha siyang pa-virgin sa suot niya. "Salamat talaga. Buti na lang, nandiyan ka."
INILIBOT ni Sonja ang paningin sa venue. Hindi ganoon karaming tao ang mga dumalo sa birthday ng isang mayamang negosyante nang gabing iyon. Nakita niya ang ilang mga businessman kasama ang asawa ng mga ito, ang iba naman ay mga bata at sexy ang kasama. Hindi na bago sa paningin niya ang ganoong scenario. Pati na rin ang paglapit ng kung sinong mayaman at matandang lalaki sa kanya para kunin ang kanyang cellphone number at pangalan.
Nakatayo lang siya sa tabi ng piano, sa baba ng makeshift stage at naghihintay ng kanyang pagkakataon. Sana hindi siya mahirapan sa pag-akyat at pagbaba sa stage mamaya.
"Ma'am, upo ho kayo," sabi ng lalaking staff ng hotel sa kanya. May dala na itong upuan para sa kanya.
"Thank you, Kuya," nakangiting sabi niya rito.
"Basta po magagandang katulad n'yo," biro naman nito.
Natawa naman siya at naupo.
Umakyat ang emcee sa stage at sinimulan na ang party. Umakyat ang birthday celebrant na presidente ng isang malaking shipping company para mabigay ng speech. Hindi nakinig si Sonja sa mga pinagsasasabi nito at muling naglililikot ang kanyang mga mata.
Bakit si Jared ang unang pumapasok sa isip niya kapag nakakakita siya ng mga businessman? Kung pagwapuhan lang, wala namang binatbat ang mga nakikita niya ngayong gabi sa kagwapuhan nito.
Pero gago talaga siya.
Napangiti na lang siya sarili dahil sa naisip. Sa totoo lang, nami-miss na niya ito.
Napatingin siya sa stage nang marinig ang intro ng kakantahin ni Jeffree. Nandoon na pala ang kaibigan niya. Nang pumalakpak ang mga tao ay pumalakpak din siya at ngumiti.
She will only perform four songs after Jeffree's first set. Malaki ang bayad sa kaibigan niya sa event ngayong gabi. Si Jeffree na talaga.
BAHAGYANG nag-bow si Sonja sa audience nang matapos ang panghuli niyang kanta. Masibagong palakpakan ang ibinigay ng mga ito. Hindi niya napigilan ang mapangiti.
Mamaya na uli kakanta si Jeffree dahil habang nagpe-peform sila ay isini-serve na ng waiters ang pagkain ng mga bisita. Dahan-dahan siyang naglakad pababa ng stage. She was careful of her steps. Mahirap nang matapilok sa hagdan, mabalian pa siya ng buto.
Bago pa man niya maihakbang ang paa sa pinakataas na baitang ay may malaking kamay nang nakalahad sa kanya. Agad niyang tinanggap iyon at nagpasalamat dahil hindi na siya mahihirapan.
Nang nasa ikalawang baitang na siya ay nag-angat siya ng tingin para makita ang maginoong tumulong sa kanya. Para lang manlaki ang kanyang mga mata. At wala sa loob na inihakbang niya ang isang paa sa pinakahuling hagdan at natapilok!
Napatakip siya sa kanyang bibig para pigilan ang impit na pagtili. Jared's other hand quickly grabbed her by her waist and hugged her close. Yes, it was no other than Jared. Hindi siya makapaniwalang nandito rin ito sa event!
Bumilis nang husto ang t***k ng puso niya. Hindi niya alam kung para sa pagkakatapilok niya o sa pagkakakita nang hindi inaasahan kay Jared nang gabing iyon. Parang kakapusin talaga siya ng paghinga.
"A-aray," napangiwing sambit niya nang sumigid ang munting kirot sa kanang paa niya.
"Are you okay?" alalang tanong ni Jared.
Gosh, he felt so warm and he smelled so good. Parang gusto na lang niyang matunaw sa mga bisig nito.
Umayos ka, Sonja! saway niya sa sarili.
Tumayo siya nang tuwid at lumayo rito. Bumuga siya ng hangin at kinalma ang sarili. Matamis niya itong nginitian.
"Yes, I am okay. Thank you. Excuse me."
Naglakad na siya papunta sa likod ng stage. Kailangan na niyang mahubad ang sapatos ni Jeffree at baka hindi lang tapilok ang abutin niya.
She was happy to see Jared again. Pero naroon din ang pagkurot sa puso niya. Ayaw man niyang aminin pero may tampo siya rito. Umasa kasi siya. Pero hindi niya sinisisi si Jared doon. Hindi naman ito nangako ng kung ano.
"SALI KA sa audition. Siguradong makakapasa ka do'n," ani Jeffree habang kumakain na sila ng hapunan sa dressing room.
Doon na lang nila piniling kumain dahil nahihiya sila sa mga guest. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa isang kilalang singing contest sa TV. Ilang beses nang nagtangka si Sonja pero pinipigilan siya ng self-doubt. Hindi kasi pambirit ang boses niya.
"Mananalo naman kaya ako?" tanong niya.
"Ano ka ba? Iba na ang singing contests ngayon. Kahit anong boses, kapag nagustuhan ang kiliti ng hurado at ng madla, pasok ka. Subukan mo na."
Nagkibit-balikat siya.
"Sige."
"Miss Sonja?"
Napatingin sila ni Jeffree sa staff na lumapit.
"Yes, Kuya?" aniya.
"May gusto raw hong kumausap sa inyo. Kaibigan n'yo raw po. Si Mr. Jared Yap."
Sumikdo na naman ang puso niya nang marinig ang pangalan ni Jared. Napatingin siya kay Jeffree. Nagtatanong ang mga mata nito. Natawa naman si Sonja nang mapakla.
"S-sinabi niyang kaibigan ko raw siya?"
"Opo."
"Sabihin mo sa kanya na busy pa ako ngayon, Kuya," sabi niya. "Sabihin mo rin na pasensiya na."
"Makakarating po, Miss." Iniwan na rin sila ng staff.
"Sinong Jared Yap? 'Yong Jared Yap ng Yap-Silverio Food Corp?"
Tumango si Sonja at itinuon sa pagkain ang atensiyon.
"Oh!" Jeffree gasped. "Paano kayo nagkakilala?"
"Mahabang istorya."
"Well, I must say he's hot. Lalo na noong wala pa siyang peklat sa mukha."
"Hot naman siya kahit meron siyang peklat sa mukha, ah?" giit niya.
"Well, tama ka naman doon," anito at nagkibit-balikat. "Nakapagtataka lang na pwedeng-pwede naman niyang ayusin ang mukha niya through surgery para kahit papaano, bumalik sa dati. Bakit hindi niya ginagawa?"
"Oo nga."
Naisip na rin ni Sonja iyon. Dahil ba busy ito palagi at mas gusto nitong pagtuunan ng pansin ang negosyo kaysa ang pag-ayos sa mukha nito? Kung si Sonja ang tatanungin, hindi naman na kailangan.
Napainom siya sa pineapple juice niya.
"Kuha lang muna ako ng dessert, ha? Gusto mo, ikuha rin kita?" mayamaya ay tanong ni Jeffree.
Napatingin siya sa kaibigan at umiling.
"Ikaw na lang. Okay na 'ko rito," bahagya pang nakangiting tugon niya.
"Okay!" Matamis ang ngiti ni Jeffree nang kunin nito ang pinggan at lumabas ng dressing room.
Inisod ni Sonja sa mesa ang pinggang pinagkainan. Tapos na siya kahit hindi gano'n karami ang kinain niya. Uubusin na lang niya ang pineapple juice niya dahil masarap iyon.
Napaigtad siya nang biglang may umupo sa upuang binakante ni Jeffree. Nataranta na naman ang buong sistema niya. Si Jared na naman.
"A-ano'ng ginagawa mo rito?" nautal na tanong niya.
"Ayaw mo 'kong kausapin, e. Kaya ako na lang ang pumunta sa'yo."
Napabuga siya ng hangin nang wala sa oras. Bakit parang bigla yatang sumikip ang silid na iyon para sa kanila?
"Ano'ng kailangan mo?"
"Kinukumusta ka."
Mapakla siyang ngumiti.
"Hindi naman por que nakita mo 'ko rito, kailangan mo na akong batiin. But I'm surprised to know na kilala mo pa pala ako."
"Ako rin. I'm surprised to know na kilala mo pa rin ako."
"Hindi ka siguro gano'n kadaling kalimutan."
"Bakit nakapaa ka lang? Hindi ka ba lalamigin niyan?" Nakatingin ito sa paa niya.
Nakaramdam naman siya ng pagkailang.
"Natapilok na ako kanina sa sapatos na suot ko kaya minabuti kong hubarin na. Sira na kasi 'yong sapatos ko kaya nanghiram ako. Bibili na lang ako ng bago."
"Kawawang bata." Pabirong ginulo ni Jared ang buhok niya.
Pinalis naman ni Sonja ang kamay nito.
"Hindi na kaya ako bata. Hindi na nga ako virgin, e."
"Oh." Tumaas ang isang kilay nito at ilang sandali pa ay ngumisi.
Lalong nag-init ang mukha ni Sonja. Loko talaga.
"Bakit mo 'ko iniiwasan, Sonja?" Seryoso na si Jared sa pagkakataong iyon.
"Ano'ng ibig mong sabihing—ah." Napatango siya. "Hindi ba 'yon naman dapat ang ginawa ko? Three months uli bago tayo nagkita at hindi pa sadya. In-assume ko na lang na ayaw mo na 'kong makita."
At iyon talaga ang ipinugpuputok ng butse niya kasi dakila siyang umaasa.
"It's not like that." Sandali itong natahimik at para bang pinag-iisipan nang husto ang sinabi. Bumuka ang mga labi nito pero parang hindi rin nito alam ang sasabihin. He looked at her face and there was so much emotion she could not fathom. "f**k, I miss you." Hinawakan nito ang kanyang baba at siniil ng halik ang kanyang mga labi.
Agad na sinakop ng nakakakiliting sensasyon ang buong sistema ni Sonja. Naglaho ang kung ano mang pagtatampo niya kay Jared at tinugon ang mga halik nito. She kissed him as if it was the last time.
Sandaling naghiwalay ang kanilang mga labi para mahila siya ni Jared at mapaupo sa kandungan nito. Yumakap siya sa batok nito at muling itinuloy ang paghalik dito. Yes, she missed him, too. So much.
Jared snaked his arm around her waist and his other hand went under her dress and caressed her thigh. Napasinghap si Sonja at may kumawalang impit na ungol mula sa kanyang lalamunan.
"SONJA, asikasuhin mo muna 'yong customer. Ihing-ihi na talaga ako," sabi sa kanya ng Ate Sanya at tuloy-tuloy na pumasok sa banyo ng opisina nito.
"A-ate, kitang may sakit ako, e," hindi napigilang reklamo niya habang kumakain ng sopas sa mesa.
Isang linggo na siyang walang boses at naaasar na siya dahil ang daming gig nang pinalampas niya. Tumayo siya at nilapitan ang pinto ng CR.
"Baka may napili na siyang vase. Ikaw na umasikaso sa bayad niya," sagot naman ng kapatid niya mula sa loob ng banyo.
Naiikot na lang niya ang kanyang paningin at lumabas ng opisina. Isinuot niya ang kanyang face mask at lumapit sa POS. Nakita niya ang isang maliit na vase na may painting ng isang magandang babae na nagtsatsaa sa counter. Nasaan na ang bibili n'on?
Nakita niya ang isang lalaking tumitingin-tingin sa mga iba pa nilang display na vases. Nahahati sa tatlo ang kanilang shop at tatatlo rin ang kanilang cashier. Matangkad ito at kapansin-pansin ang kagwapuhan kahit naka-sideview. Sa unang tingin, mapagkakamalan itong artista—pang-leading man, in fact. Nakasuot ito ng three-piece suit. At mukhang mayaman pa. Single pa kaya ito?
"Sir?" tawag-pansin niya sa namamaos na boses. Sana talaga gumaling na siya. Kaboses na niya ang palaka.
Lumingon naman sa kanya ang lalaki at nagulat siya nang makita ang kabuuan ng mukha nito. Gwapo ito pero maliit na parte ng mukha nito ang merong peklat—sa bandang kilay at mata nito.
"S-sa inyo po itong vase?"
Lumapit naman ang lalaki sa kanya at may dinukot sa loob ng coat nito.
"Ah, yes. Tumatanggap kayo ng card, Miss?"
Ang ganda rin ng boses nito. Lalaking-lalaki. Pang-hero ang datingan. Sige na nga, hindi na baleng may peklat ito sa mukha.
"O-opo, Sir," tugon niya. Pigil na pigil niya ang sarili na mapatulala rito.
Inilabas nito ang wallet at may kinuhang card.
"Here."
Tinanggap niya iyon.
"Para kanino po ang vase, Sir? Sa Mommy n'yo?" kaswal na tanong niya. Binasa niya ang pangalan sa card. Jared James Yap. Wow. Bagay na bagay sa gwapo nitong mukha ang pangalan nito.
"Yes. It's her birthday at nahihilig siyang magtanim lately." His voice was so formal but not intimidating.
Ilang sandali pa ay ibinalik na niya ang card nito nang ma-recognize na ng system ang payment. Kumuha si Sonja ng box sa paanan niya kung saan magkakasya ang vase. Tinalian din niya ng ribbon nang matapos na at idinikit sa box ang resibo nito.
"Okay na po, Sir. Siguradong magugustuhan 'yan ng Mommy n'yo. Just handle with care," masayang sabi niya.
Bahagya naman itong ngumiti at binuhat na ang box.
"Thank you. Pagaling ka."
Hindi inaasahan ni Sonja ang huling sinabi nito. Natawa na lang siya.
"Salamat, Sir. Balik kayo."