Kabanata 2: Smugglers

1199 Words
Ang mga armas na ito ay maaaring magdulot ng dugo, kaguluhan at kasawian. Alam nilang lahat ang katotohanang iyon. Gayunman, ito ang kanilang piniling landas upang maprotektahan ang mga taong importante sa kanila — o ang iba para lang manatiling mabuhay—- dahil dito nga sa panahon ng digmaan, mahirap maghagilap ng lamang-tiyan. Nang makarating sina Pancho at Carlo sa palayan, bitbit nila ang isang sako ng mga tuyong dayami. Nakatago sa pinakailalim ng mga dahon ang mga b***l na ginawa ng kanilang ama. Huminto sila sa tapat ni Kidlat na nag-aani ng mga palay gamit ang karit. Ngumiti si Pancho, napabuntong-hininga at nagpamaywang. "Oooh, kapoya ug trabaho!" malakas na sabi ni Pancho. Natigilan si Kidlat sa ginagawa at tumingin sa mga bagong dating. Tagiktik ang pawis ng magsasaka dahil sa init at pagod ng trabaho. Halata sa kutis nito na sanay ito sa pagbabad sa araw. Ang tunay nitong pangalan ay Tolome pero Kidlat ang palayaw. "Nabalitaan mo ba ang nangyari noong Tres de Abril?" simula ni Pancho ng usapan ngunit hindi pa rin umimik ang lalaki. Ang tinutukoy ni Pancho ay ang naganap na labanan ng mga Cebuano at Espanyol noong ika-3 ng Abril. Sa pamumuno ng nangangalang Leon Kilat kasama ang mga rebelde, naghimagsik ang grupong iyon laban sa mga kastila. Nagawa ng grupo na mapasuko ang mga kalaban at nagtago ang mga kastila sa Fort San Pedro. Naging kliyente nila ang grupong iyon. Sila ang palihim na gumawa at nagpuslit ng mga b***l sa mga rebelde. Hindi sumagot ang lalaki sa sinabi ni Pancho. Nginuso lamang nito ang kamalig at nagwika. "Dalhin na ninyo ang sako roon." Katulad ng inaasahan ni Carlo. Hindi talaga palaimik ang lalaki. Napasimangot naman nang malaki si Pancho at nasabi, "Tig­matao nga taas-gisi." Samantala, inikot ni Carlo ang paningin sa kabuuan ng palayan. Tama na ang pagkahinog ng mga palay at kitang-kita iyon sa ginintuang kulay. Ang palay ay simbolo ng kabuhayan. Bawat butil ay mahalaga, kasing-halaga ng butil ng mga pawis na tumulo sa pangangalaga at pag-aani nito. Subalit ito rin ang naging daan upang maisaayos nila ang ilegal na transaksyon na bumubuhay sa kanilang lahat sa gitna ng digmaan. Nang magtungo sa kamalig, itinabi muna nila ang dalang sako, pagkatapos kumuha sila ng mga tuyong palay. Pumatong sila sa isang patag na kahoy na nandoon at sa papag ng malaking kahoy nakalapag ang malalaking bilao. Doon nila pinapalo ang mga palay upang makuha ang mga butil ng bigas. Pagkatapos ng paggawa ng b***l, ito naman ang kanilang trabaho. Mano-mano rin kahit ang pagtatanggal ng dumi sa mga butil. Hanggang tanghali, tumutulong sila pag-ani sa palayan. At pagsapit ng ika-apat ng hapon, bumabalik sila bilang mga panday. Sa ganitong paraan, makapagtatago sila ng katauhan. Sa mata ng madla, sila'y mga magsasaka lamang. *** Sakay ng karwahe na hila-hila ng kalabaw, katabi nina Carlo at Pancho ang tambak ng mga sako ng bigas. Samantalang si Kidlat naman ang nagmamanipula ng karwahe at kalabaw— nasa unahan ang lalaki at nakahawak sa tali. Dadalhin nila ang mga sako sa labas ng palayan. Sa gitna ng lubak-lubak na kalsada, nakasalubong nila ang pamilyar na bulto na mukhang patungo sa kabilang direksyon. "Maayong hapon, father," bati agad ni Pancho. Ito ang pari sa parokya ng kanilang munting barangay. Ngumiti at tumango lamang ang pari na mukhang mas bata pa kina Pancho at Kidlat. Nagbigay-galing din si Kidlat sa pamamagitan ng paggalaw ng sumbrero. Si Father Ernesto, noong nasa seminarya pa ito ay palihim na sumanib sa kilusan ng mga rebelde. Magaling ito sa pagbasa at paggawa ng mga mapa. Ito ay isa rin sa kanilang mga informant na nagsasabi kung saan ligtas na dumaan, marami din itong alam na taguan at may hawak ng mapa ng bundok kung saan nananatili ang pamilya ni Celestino. Isa siya sa mga utak ng pagpuslit ng mga b***l. Magtrabaho sa dilim upang mabuhay ang mga tao sa liwanag — ito ang pilosopiya ni Father Ernesto sa buhay. Bago sila makarating sa lungsod, kailangan muna nilang tumawid sa ilog. Dito makikipaghiwalay si Kidlat sa kanilang dalawa, ngunit tutulong ang magsasaka sa pagbubuhat ng mga sako patungo sa dalawang bangka. At sa gilid ng ilog, naghihintay si Joselito— isang mangingisdang kabilang din sa grupo kasama nito ang anak na lalaki, Pilo ang ngalan. Sila ang tumutulong sa pagtawid ng mga produkto patungo sa pamilihan. Nagmano si Pilo sa kanyang tiyuhin na si Kidlat. Nagkakumustahan naman sina Pancho at Joselito. Parehong madaldal ang dalawang ito kaya nagkakasundo. "Oy Dong! Maayong hapon! Kumusta man ang dagat? Daghan ba'g nanga-ipit sa imong pukot?" "Maayong hapon pud! Hahaha, ay sus, murag mi-outing ang mga isda. Gasige silag dagan! Gamay ra kaayo akong dakop." Nakakarindi ang ingay ng dalawang lalaki habang tahimik na nagbubuhat si Carlo ng sako patungo sa bangka. At siguradong magtitiis pa siya ng ilang minuto sa ingay ng dalawa. Pagkatawid sa ilog, madadatnan nila sa tagpuan si Marko. Nakatambay roon ang lalaki, naghihintay ito roon kasama ang dalawang karwahe at dalawang kabayo. Si Marko naman ang kanilang kutsero, tagadala ng mga produkto patungo sa pamilihan. Isang pribadong alagad ng gobernadorcillo ng lugar at ang pulitiko ding iyon —- ay isa sa mga malalapit kay Celestino. Gayunman, walang silang ideya kung ano ang relasyon ni Celestino sa gobernador. Palabiro at masayahin din si Marko subalit may pagka-pilosopo sa mga salita katulad ni Celestino. Nang maikarga na ng mga lalaki ang mga sako sa loob ng dalawang karwahe, nagpaalam na sina Joselito at Pilo. Bumalik ang dalawa sa kanilang mga bangka at nagpatuloy din sila sa pagbaybay ng kalsada. Nakasakay na din sina Carlo at Pancho katabi ang mga sako. Sa dulo ng daan, naghihintay ang ilang kastila na nagmamanman at naghihigpit sa seguridad. Huminto naman si Marko, nagpakita ng sedula at hindi na nagtanong pa ang mga guardia sibil na nandoon. Alam ng mga ito na ang may-ari ng karwahe at ang kutcherong nakasakay ay personal na trabahador ng gobernadorcillo. Nagpatuloy sila sa pag-usad hanggang sa makarating sila sa pamilihan. Napakalayo ng kanilang nararating para lamang sa iilang b***l na nakatago sa mga butil ng bigas. Nang makatunton sa likod ng palengke, nakita nilang naghihintay doon ang isa sa mga utusan ng kliyente. Nakahanda na rin ang karwahe nito upang kunin ang bibilhin na produkto. Si Marko ang bumaba sa sasakyan upang salubungin ang hindi kilalang lalaki. Nag-abot ng supot ang huli at tinanggap naman iyon ni Marko. Kumilos sina Pancho at Carlo, binuhat nila ang sako na naglalaman ng pinaghalong bigas at armas. Sila ang naglagay niyon sa karwahe ng lalaki. Pagkatapos makipagkamay at magbayaran, lumulan muli sina Pancho at Carlo sa karwahe. Didiretso naman sila ngayon sa tindahan ni Aling Isabel—- ang kapatid na babae ni Sofronio na nagmamay-ari ng pamilihan ng bigas sa pampublikong palengke. Doon nila itatambak ang mga sakong hindi nakuha. Karamihan niyon ay tunay na mga bigas ang laman, subalit ang iilan ay naglalaman ng sandata. Sa gabi, kinukuha iyon ni Sofronio upang itago. Babalik sina Pancho at Carlo sa mga dinaanan upang mabigay naman sa mga kasabwat ang kanilang parte sa kita. At sa simbahan naman, dadaan si Carlo sa misang panggabi upang ibigay ang 'donasyon' kay Father Ernesto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD