Kabanata 1: Celestino

1806 Words
1898, Danao Cebu. Sa ilalim ng bubong na yari sa luma at kalawanging yero, umuusok ang maliit na gasera habang sinisinagan nito ang pawisang mukha ni Celestino. Malakas man ang ihip ng hangin na nagmumula sa mga puno at halaman ng kagubatan, tumutulo pa rin ang pawis sa noo ng apa’t na pu't pitong taong gulang na lalaki at bumabagsak ang patak nito sa metal na hawak. Ang mga mata niya ay determinado at nakapokus lamang sa iisang bagay, sinusuri ang butas ng barrel at kung may makitang imperpeksyon, gagamit muli ng liha o umiikot na metal rod upang maayos ito. Mapamaraan. Matyaga. Hindi takot na sumubok ng mga gawa. Iyan ang ugali ng mga panday na katulad niya. Maliwanag ang paligid dahil hindi pa naman kumakagat ang kadiliman sa gitna ng kagubatan, gayunman mausok at mabigat ang hangin. Nangangamoy langis at metal ang paligid at ang tanging maririnig ay ang pukpok ng martilyo, kaskas ng metal at minsang biruan at tawanan ng magkakaibigan. May mga bakal at kahoy na tira-tira sa sahig, may mga bote rin ng langis. Nakasabit sa pader ang mga prototype na b***l, ang iba ay buo pa at ang iba ay kalahati na lamang. Sa isang sulok, matiyagang kinikiskis ni Carlo ang isang piraso ng bakal gamit ang lumang liha na pangmetal — paulit-ulit, marahan pero may bagsik. Sa ibabaw ng lamesang kahoy na nasa tapat ng binata, nakalatag ang mga parte ng isang b***l — firing pin, trigger guard, isang barrel na kalahati pa lamang ang hugis. Maingay ang paligid dahil sa kalansing ng mga kahoy at metal, pero parang musika ito sa pandinig ng mga panday. Si Carlo, labing-pitong taong gulang, ang pinakabatang panday sa grupo na parating nasa tabi ng kaniyang amo na itinuring din niyang ama, sapagkat kinalinga siya nito nang maulila. Dumaan sa harap ni Carlo si Pancho, ang nag-iisang anak ni Celestino. Naglapag ito ng mga metal sa sahig at nakangiting lumapit sa kaniya. Limang taon lang ang tanda nito sa kaniya subalit may asawa na at anak ang lalaki. "Pare, nakadungog naka?" Binuksan nito ang isang kaha at nagyaya ng tabako. Saglit na natigilan si Carlo sa paggawa at nagtatakang napatingin kay Pancho. Nang makita ang tabako. Umiling siya. Hindi talaga siya naninigarilyo. Kumbaga, hindi siya nakikiuso sa mga napapanahong mga produkto lalo na kung galing iyon sa ibang bansa. “Hindi mo pa alam? Sabagay. Hindi ka naman nakakaunawa ng Bisaya, kaya hindi mo naiintindihan iyong mga tsismis sa kabahayan,” wika ni Pancho na tila nang-aasar pa. Inipit nito sa bibig ang tabako, nakadagdag pa tuloy iyon sa usok sa paligid. Umupo ito sa lamesa, katapat ni Carlo. Kumunot ang noo ni Carlo. “Bakit? Ano po ba ‘yon?” “Nanalo ang mga Amerikano sa Look ng Manila. Halos nawasak daw ang hukbong pandagat ng mga Kastila eh,” wika ni Pancho, “Buti nga sa kanila!” “Akala ko ba may kasunduan na?” singit ni Sofronio, pinupunasan nito ang hawak na paltik. Nasa edad tatlumpu’t pito ang lalaki, matangkad, matikas at mukhang galing sa mayamang pamilya. Nagmamay-ari ito ng talyer sa syudad at nagsu-supply ng bakal, pulbura, at minsan surplus na piyesa ng sundalong Amerikano. Marunong si Sofronio sa under-the-table bribery at kilala ng mga corrupt na sundalo. At dahil galing sa mayamang pamilya, kaya marami ding kapit sa mga pulitiko at businessman. Gayunman, mapaglaro sa mga babae ang lalaki kaya hanggang ngayon ay wala pa ring asawa. “Kasunduan?” inulit ni Carlo ang narinig. “Kasunduan ng mga Kastila at Pilipino, doon sa Bulacan,” ulit din ni Sofronio. Tinutukoy niya ang naganap sa Biak na bato. “Iyon ba? Naniwala ka naman doon? Kahit na may kasunduan pang naganap doon, hindi pa rin mapapawi ang galit ng iilan dahil sa naganap na digmaan. Dalawa na ang kalaban ng mga Kastila ngayon, mga Pilipino at Amerikano. Sumuko na dapat sila!” tugon ni Pancho na pinagkrus ang mga braso. "Mga buang! Dili na ni ato'ng away!" Mga bobo! Hindi na natin ito laban! Natigilan sila sa pag-uusap nang marinig ang boses ni Celestino. Nakatalikod ito sa kanila ngunit humarap upang dugtungan ang sinasabi. “Hindi na ito digmaan ng mga Kastila at Pilipino. Laban na ito sa pagitan ng mga Kastila at Amerikano…” Saglit silang natahimik nang mapagtanto iyon. Sa kasawiang palad, may malaking alitan din sa pagitan ng mga Amerikano at Kastila. Nagdeklara ng digmaan ang Amerika laban sa Espanya matapos ang paglubog ng USS Maine sa Havana Harbor, Cuba. Noong Pebrero pa sila nagdeklara ng giyera. Kaya siguro nagdesisyon ang pamahalaan ng America na tulungan ang mga Pilipino laban sa mga Espanyol. “Maiba po ako, Tata. Hindi kaya nandoon din si Captain Cornelius sa Manila?” usisa ni Pancho sa kaniyang ama. “Kaya pala hindi na siya dumadalaw dito sa Cebu. Abala siguro sila roon.” Si Celestino naman ang natigilan, na para bang may naalalang nakakalungkot. Naging mailap ang mga mata nito. “At kung nandoon din siya, baka nandoon din si Margret.” Nang banggitin ni Pancho ang pangalan ng babae, napatingin si Carlo nang diretso sa kaibigan. Naisip ni Carlo, ilang buwan na ba niyang hindi nakikita si Margret. Naaalala rin kaya siya ng dalaga? “Hah! Kumislap mata nito nang marinig si Margret!” Nanukso pa si Pancho at dinuro si Carlo. Nahalata agad nito ang kaharap. “Gago.” Minura ni Carlo ang itinuturing na kapatid. Hinawi niya ang hintuturo nito. “Hindi! Baliw ka ba? Kano ‘yon!” “Eh, ano kung Kano. ‘Di ba sabi mo noon, ang ganda ng mga mata ni Margret. Parang langit. Wow, Carlo, langit at lupang pag-ibig!” pero patuloy pa rin sa panggagantso si Pancho. Kahit si Sofronio ay napatawa sa gilid. Hindi makatingin si Carlo dahil sa hiya at halatang naaasar na sa mga ito. “Tigilan mo na nga ‘yan, Pancho! Kalalaki mong tao, napakadaldal mo. Puro ka tsismis.” Tumigil naman si Pancho nang pagalitan ng kaniyang ama, subalit nandoon pa rin ang malaking ngisi sa mukha. “Mabuti pa, ibigay n’yo na ito kay Kidlat! Tandaan ninyo, mas marami tayong magiging suki ngayon,” bilin ni Celestino. Itinuro niya ang mga nagawang b***l, karamihan ay mga revolver at mga .45 caliber pistol. Nakabalot ang mga ito sa itim na tela. “Negosyo lang ba ang mahalaga sa inyo, Tata? Hindi n’yo ba naiisip ang kalagayan ng bansa natin ngayon?” tanong pa rin ni Pancho. “Saka paano kaya itong pag-ibig ni Carlo?” Nanudyo na naman ang loko. Itinaas na ni Carlo ang kamao, kapag hindi pa ito tumigil ay mananapak na talaga siya. “Naiisip, kaya nga mas kailangan natin ng mga armas. Pero syempre, mas uunahin ko ang kapakanan ng pamilya ko. Responsibilidad ko na hindi tayo magutom lalo na sa panahon ng digmaan,” tugon ni Celestino. “At ikaw, Pancho, umayos-ayos ka na! Isa ka nang ama pero loko-loko ka pa rin. At tandaan mo, ikaw rin ang magmamana nitong kabuhayan natin sa pagdating ng panahon. Kayo lang ni Carlo ang inaasahan ko.” Dahil gumagawa sila ng b***l para sa mga kilusang gerilya o rebelde, pinoprotektahan din sila ng mga ito bilang mahahalagang asset. Kadalasan ay binibigyan ang pamilya nila ng pagkain o suportang pinansyal kapalit ng serbisyo nila. Sa ilalim ng panganib, tumataas ang presyo ng b***l. Ang isang b***l na gawa-kamay ay maaaring ipalit hindi lang sa pera kundi sa pagkain, kabayo, ginto, o iba pang ari-arian. Samakatuwid, mayaman na ang pamilya ni Celestino. Ganito kabilis magkaroon ng pribilehiyo ang mga panday na illegal na nagbebenta ng armas sa underground market. Subalit, mapanganib sapagkat may mga kastila pa rin sa bayan na humihuli sa mga katulad nila. Ngunit matagal nang kasama ni Celestino ang mga katrabaho, sila ay mga dating rebelde noon, dati ring kaalyansa ng mga Amerikano sa paglaban sa mga kastila. Lubos ang katapatan nila sa isa’t isa at lahat ay may nakukuha sa negosyo kaya siguradong walang magtataksil sa kanilang grupo. “Oh, siya! Tama ka na sa panenermon, Tata. Lalo tuloy dumadami ang kulubot ninyo sa mukha at uban ninyo.” — si Pancho. Dinitdit muna niya ang sindi ng tabako sa mesa bago itinapon sa labas ng kubo. Napahawak tuloy si Celestino sa mukha at buhok dahil sa komento ng anak. “Pupunta na po kami ni Carlo sa bayan.” Kinuha ni Pancho ang mga gamit. Inilagay niya ang supot ng mga b***l sa loob ng bag. Mukhang napipilitan pa si Carlo pero sumunod din siya sa lalaki na nauna nang lumabas sa kubo. Hindi na nagsalita pa si Celestino, itinuloy na lamang niya ang pagpapaganda sa ginagawang revolver. Nang makaalis ang dalawa, sinubukan naman ni Sofronio na iputok ang hawak na b***l sa parang. Natuwa siya sa ganda ng tunog ng putok nito. Halatang sanay sa paggamit ng armas ang lalaki. “Maayos talaga gumawa ang pamilya mo, Mang Tino. Pulidong-pulido. Gayang-gaya ang mga b***l ng mga Amerikano. Salamat din kay Capt. Cornelius na nagdala ng mga prototype dito…” wika ni Sofronio. Pangalawang beses na narinig ni Celestino ang pangalan na iyon ngayong araw. Sa totoo lamang, hindi niya alam kung anong itutugon. Nanatili siyang tahimik at ipinagpatuloy na lamang ang ginagawa. “Kung nanalo ang mga Amerikano sa mga Kastila, ibig-sabihin ba nito ay malapit na ang kalayaan ng Pilipinas?” pagkuwa’y nag-iba ng usapan si Sofronio. Sa ganitong punto, sumagot na si Celestino. “Dapat ba tayong magtiwala sa kanila? Sa tingin mo, walang kapalit ang pagtulong ng mga Kano?” “Ha? Hindi ba’t kaibigan mo ang mga Amerikano?” “Naging kaibigan ko si Cornelius, pero hindi ibig-sabihin ay kaibigan ko silang lahat.” Napaisip si Sofronio. Kumunot ang noo niya. “Anong ibig-mong sabihin?” Muling bumalik ang paningin ni Celestino sa b***l na ginagawa. Napakaganda ng kulay nito at kumikislap pa ang metal. "Tayo ang lumikha ng b***l—isang kasangkapan upang protektahan tayo, ipagtanggol ang ating mga tahanan, ang ating mga paniniwala, at ang ating mga mahal sa buhay.” Hinaplos niya ang ulo ng hawak na sandata. “Sa kamay natin ito isinilang, sa pagitan ng apoy, bakal, at pawis. Ngunit tulad ng bawat nilikhang may kakayahang pumatay, ang b***l ay nananatiling isang bagay na walang puso. Walang utang na loob. Walang pagkakaibigan. Sa isang iglap, maaari nitong ibalik ang bala sa kanyang tagapaglikha. Ganyan din ang pagtataksil. Hindi ito dumarating mula sa mga kaaway na hayagang nagbabantang wasakin ka. Dumarating ito mula sa mga palad na minsang nagtiwala sa’yo, sa mga matang minsan ay sumang-ayon sa ‘yo… mula sa tinig na minsang nakasabayan mong umawit sa gitna ng digmaan. Ang tunay na panganib ay hindi ang b***l sa kamay ng kaaway, kundi ang b***l na ibinigay mo mismo sa kaibigan." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD