Monica’s Point of View
MALAPIT ng mag-alas siyete ng gabi nang makauwi kaming tatlo sa boarding house. Naging masaya ang dinner naming tatlo nina John at Chepai dahil maraming mga banat at jokes ang pinagbibitaw ng roommate kong ito kanina, na naging dahilan upang maging masaya ang gabing ito.
Nasa tapat na kaming tatlo sa boarding house na tinutuluyan ko nang magpaalam na si Chepai sa aming dalawa ni John. Nauna na siya sa akin pumasok sa loob at tiningnan na lang namin siya na makapasok na, hanggang sa balingan ko na ng tingin si John na mukhang masaya naman.
Biglang natahimik kaming dalawa nang magtama ang mga mata namin ng kababata ko. Nagpapakiramdaman lang kami. Hindi namin alam kung sino ang unang magsasalita. Pero dahil sa naiilang na ako, ako na mismo ’yong unang nagsalita.
“Pasensyahan mo na si Chepai sa sobrang kadaldalan kanina, ah. Hayaan mo, masasanay ka rin sa kanya. Kahit ako na roommate niya ay nasanay na rin ako sa kaingayan niya. Hindi mapreno-preno ang bibig pero masaya naman siyang kasama,” sabi ko kay John.
Kinampay ni John ang isa niyang kamay sa akin bago nagsalita. “Wala ’yon. Marami na rin akong taong nakilala na katulad ni Chepai na maingay. Nasanay na ako.”
“So paano? Bukas ulit?” mahinang tugon ko ulit sa kanya. Napansin ko na tumango ng ulo si John sa tanong ko.
“Bukas ulit,” dagdag pa niya.
“Papasok na ako. Mag-iingat ka sa pag-uwi, ah.”
Akmang tatalikod na sana ako ng biglang hawakan ni John ang kaliwa kong kamay kaya’t napalingon muli ako sa kanya.
“Monica,” malamyang sambit pa niya sa pangalan ko. Nang lingunin ko ulit siya, nakita ko kung gaano kaseryoso ang mukha at mata niyang nakatutok sa akin. Bigla rin ako kinabahan dahil iba yata ang tingin niyang iyon sa akin. May problema ba siya?
“A-Ano ’yon?” nauutal ko pang tanong kasi ang tagal ng pagkakatitig niya sa akin. Naaatat ako sa sasabihin niya.
“Ahm… m-may sasabihin nga pala ako sa iyo. Kung okay lang?” ani John na mas lalong ikinabilis ng t***k ng puso ko dahil sa kaba. Nagsalubong na rin ang dalawa kong kilay dahil sa sinabi niya.
Imbes na ipahalata ko sa kanya na kinakabahan ako sa sasabihin niya, ipinakita ko na lang kay John na masaya ako at interesado akong makinig sa sasabihin niya sa akin.
“Bakit? May problema ka ba?” pag-aalala ko pang tanong na mabilis na ikinailing ng ulo niya.
“Wala,” sagot ni John. Napahawak ang kanan niyang kamay sa likod ng kanyang ulo at napakamot doon, habang nananatiling nakahawak pa rin ang isa niyang kamay roon sa kaliwang kamay ko. “M-May aaminin lang ako sa iyo. ’Wag kang magagalit, ah.”
Bigla akong natahimik sa kinatatayuan ko. Mas nilamon pa ako ng kaba dahil sa sinabi niyang iyon. Ano naman ang aaminin niya sa akin?
“Bakit? May kasalanan ka ba sa akin?” tanong ko na lang.
“Wala. Iba ito.”
“Ano iyon? ’Wag mo ng patagalin.”
Wala akong natanggap na kasagutan galing sa kanya pagkatapos. Nananatiling nakatitig lang siya sa akin. Napapansin ko na nagdadalawang-isip pa siya kung itutuloy ba niya ang sasabihin o hindi.
Hanggang sa bigla na lang niya akong hinila papunta sa katawan niya. Doon, naramdaman ko ang mahigpit niyang yakap habang nakabaon ang mukha niya sa aking leeg.
Nalilito ako kung bakit ako niyayakap ni John. Hindi ko na rin itatago ang nararamdaman ko ngayon. Inaamin ko sa sarili ko na iba ang pakiramdam na iyon nang yakapin niya ako. Feeling ko, parang ligtas ako kapag nasa bisig niya. Feeling ko, masaya ako habang kayakap siya.
Subalit hindi ko sinuklian ang yakap niyang iyon. Para akong nanigas sa kinatatayuan ko’t hindi man lang gumalaw. Naroon pa rin kasi sa isip ko kung bakit niya ako niyayakap.
Maya-maya ay kumalas na siya sa pagkakayakap niya sa akin. Saka siya ngumiti nang harapin niya muli ako.
“T-Thank you,” iyon na lamang ang sabi niya kahit pa na nauutal siya.
“Akala ko ba may sasabihin ka sa akin?”
Umiling siya. “Wala. Gusto ko lang magpasalamat sa iyo.”
“Talaga bang wala kang problema?” pag-aalala ko pang tanong kay John kasi baka nahihiya lang siya sa akin.
Walang pagdadalawang-isip na muling umiling siya at saka pilit na ngumiti. “W-Wala. Uuwi na ako. Pumasok ka na sa loob.”
Hindi ako kumilos. Nag-aalalang nakatingin pa rin ako sa kanya at baka magbago pa ang isip niya. Bigla tuloy siyang natawa dahil sa hitsura ko. “Wala talaga akong sasabihin. Joke lang ’yon. Gusto lang kitang yakapin,” dagdag pa ni John habang nakangisi siya.
Napangiwi ako. Doon na rin nawala ang kaba na kanina ko pa nararamdaman. Nakahinga na ako nang maluwag. Pero naroon pa rin ’yong pagdududa ko kay John na napipilitan lamang siyang huwag aminin sa akin ang kanyang sasabihin. Alam kong may gusto talaga siyang sabihin, ayaw lang niyang ibuking.
“Papasok na ako. Mag-iingat ka sa pag-uwi, ah,” pagre-remind ko pa kay John pagkatapos ay kumaway na ako sa kanya.
Matapos din niya akong kawayan upang magpaalam, napag-isipan ko na pumasok na sa loob ng boarding house. Hindi na ako lumingon pa kay John kasi malalim ang iniisip ko sa nangyari kanina. Ano kaya iyon? Ano kaya ang ibig sabihin ng yakap na iyon?
Wala akong ideya.
Pagkapasok ko sa loob ng kuwarto, kaagad kong nadatnan doon si Chepai na nakatunghay ang ulo sa bintana. Nang tingnan niya ako, ang nakakalokong ngiti niya ang bumungad sa akin, na sadyang nahulaan ko kaagad kung bakit ganyan siya makangiti sa harap ko.
Kasi, hula ko, mukhang nakita na naman niya kami ni John kanina roon sa baba na magkayakap, at iba na naman ang namumuo sa loob ng isipan ng kaibigang kong ito na mahilig sa issue.
“What’s that?” maarteng tanong pa niya sa akin. Ang tinutukoy niya ay ’yong yakapan na nangyari sa aming dalawa ni John.
“Bakit? Hindi ba puwedeng magyakapan ang dalawang magkaibigan?” tanong ko sa kanya. Dumaretso ako sa higaan ko at inilagay roon ang tote bag na kanina ko pa dala.
“Ang corny mo, Ses! Noong nakaraang araw ko pa yata sinasabi sa iyo na iba ang tingin sa iyo ni John. Ikaw lang ’tong malakas kung maka-deny. May gusto sa iyo iyon. Maniwala ka sa akin,” pang-aasar pa ni Chepai sa akin.
“Wala. Hindi totoo at imposibleng mangyari ’yang sinasabi mo sa akin, Chepai. Walang gusto sa akin si John. Magkaibigan lang kaming dalawa. At saka ’wag mong basehan ’yong nakita mo sa aming dalawa kanina. Close lang talaga kami ni John. Natural lang sa magkababata ’yong mga ganun.”
“Hmmm… bahala ka.” Umirap pa siya sa akin at saka siya napahandusay sa malambot niyang kama. “Basta ako, malakas ang pang-amoy ko na may gusto sa iyo si John. Ikaw lang ’tong nagbubulag-bulagan. Manhid ka ba o nagmamanhid-manhidan ka lang?”
Natigilan ako bigla sa paghubad ng damit ko upang magbihis. Hindi kaagad ako nakasagot sa tanong na ibinato ni Chepai sa akin. Nakaharap lang ako sa human size mirror na nakadikit sa isang pader at biglang may sumulpot sa isipan ko na palaisipan.
Naalala ko ulit ’yong yakap ni John sa akin kanina. ’Yong naudlot na sasabihin niya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang sasabihin niya sa akin. Nakaka-curious. Gusto ko tuloy malaman.
Pero kung ang sinasabi ni Chepai, na may gusto nga ang kababata ko sa akin, ang dahilan kung bakit ako niyakap ni John, hindi ko talaga iyon gagawing basehan na tama ang sinasabi ng roommate kong ito. Puwedeng magyakapan ang mga tao, magkaibigan o magkapamilya man. Wala malisya roon. Ang utak lang ni Chepai ang meron.
Kaya hindi pa rin ako maniniwala na may gusto si John sa akin.
At kung meron man… hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Kasi nga… wala naman akong gusto sa kanya. Kasi nga… kaibigan lang ang turing ko kay John.
“Oh? Hindi ka makasagot sa tanong ko, ’no? So meaning, na-realize mo na ang sinasabi ko,” dagdag pa ni Chepai sa akin. Bumuntong-hininga ako at lumingon sa kanya.
“Walang gusto si John sa akin. Magkaibigan lang kaming dalawa, okay?” Sabay talikod ko ulit upang ipagpatuloy ’yong naudlot kong pagbibihis ng damit.
“Okay. Sinabi mo iyan. Wala akong magagawa. Pero kapag dumating sa punto na malaman mo ang lahat o ang katotohanan, ’wag ka sanang magsisi sa huli, ah. ’Yon lang ang maipapayo ko sa iyo, Ses. Baka kasi masaktan ka lang.”
Pagkatapos niyon ay wala na akong ibang narinig na salita mula kay Chepai. Nagpatuloy lang ako sa pagbibihis ng damit doon hanggang sa napansin ko na busy na kaka-cell phone si Chepai habang nakahiga ito sa kanyang kama.
Naisipan ko na rin na humiga sa kama upang magpahinga. Bukas ay alas siyete ang klase ko kaya kailangan kong matulog ng maaga.
Pero kung kailan na gusto ko ng matulog, doon naman ako hindi dinalaw ng antok kasi mas malayang nakakapag-isip ang utak ko sa lahat na nangyayari, lalo na sa nangyari sa aming dalawa ni John kanina.
John’s Point of View
“OH? BA’T parang biyernes santo yata ’yang mukha mo, Pre?” tanong sa akin ni Dino nang makapasok siya sa kuwarto. Kagagaling niya lang sa labas dahil kumain siya kanina sa kusina.
“Wala, Pre. May iniisip lang,” sagot ko sabay hilamos ng mukha ko gamit ang dalawa kong kamay.
“Parang ang laki ng problema mo, ah. Ano ba ’yan? Pera ba iyan… o babae?” nanunuksong tanong muli ni Dino sa akin. Nakaupo na siya roon sa dati niyang puwesto kung saan kaharap niya muli ang kanyang laptop na malayang nakabukas.
Napangisi’t napailing na lang ako sa tanong niyang iyon. At saka tumayo upang kunin ang luma kong cell phone na nakapatong lang sa isang lamesa.
“Ano sagot mo, hoy!? Babae ba? ’Yong kababata mo ba ang iniisip mo ngayon?” dagdag pa niya nang hindi ko siya sagutin.
Bumuntong-hininga tuloy ako kasi kahit na anong gawin ko ay alam pa rin ni Dino ang nililihim ko. Sabagay, nasabi ko na rin naman sa kanya ang lahat, eh. Wala akong takas sa kanya. Kaya napatango na lang ako ng ulo nang bumalik ako sa puwesto ko roon sa kama.
Napakamot pa ng ulo si Dino dahil sa pagtango ko. “Hayyyss! Akala ko kung ano na. O bakit? Ano’ng problema? Puwede mo iyan sabihin sa akin at baka makatulong ako.”
Napakamot pa tuloy ako sa likuran ng ulo ko. Nagdadalawang-isip pa ako kung sasabihin ko ba kay Dino kung ano ang gumugulo sa isipan ko ngayon. Sa huli, ikinuwento ko na lang sa kanya. Baka kasi makatulong nga siya sa akin at bigyan niya ulit ako ng advice.
“Muntikan ko ng sabihin kay Monica. Pero natakot ako kaya hindi ko na naituloy,” pagkukuwento ko kay Dino na siyang nakikinig naman sa sinasabi ko. Kanina kasi, no’ng hinatid ko si Monica at Chepai sa kanilang boarding house, bigla ko na lang naisip na magtapat kay Monica ng pagmamahal sa kanya.
Kasi, para sa akin, iyon na ang tamang oras para sabihin ko sa kanya ang lahat. Pero katulad ng dati, natakot ako bigla kaya hindi ko na lang itinuloy. Niyakap ko na lang siya kasi gusto ko talaga maramdaman niya na mahal ko siya, na kahit sa totoo lang ay nagmukha akong tanga sa harap niya kasi hindi ko man lang nasabi sa kanya ang gusto kong sabihin.
Sana sa pamamagitan ng yakap na iyon, mapansin ni Monica na may nararamdaman ako para sa kanya.
“Bigla kang natorpe, ganun?”
“Oo,” sagot ko sabay tango ulit ng ulo. “Eh, pasensya na. Hindi ko talaga kaya, eh. Inuunahan kaagad ako ng pagkatorpe ko. Alam mo naman na hindi ako katulad ng ibang lalaki riyan na mabilis makapagtapat ng nararamdaman sa babae. At baka kung ano pa ang isipan niya kapag sinabi ko na may gusto ako sa kanya. Layuan pa niya ako.”
“Naku! Malaking problema iyan sa iyo. Mas lalong gugulo ang isipan mo kapag laging negative ang iniisip mo. Hindi mo pa nga nagagawang sabihin diyan sa kababata mo na mahal mo siya, ’tapos mag-iisip ka na diyan ng kung ano-anong hindi pa nangyayari. Ang advance mo naman mag-isip, Pre. ’Wag ka masyadong mag-overthink.”
“Eh, pasensya na. Hindi ko talaga kaya, eh. Baka may advice ka para sa akin.”
Napasagitsit si Dino sa akin. “Ayan tayo sa advice-advice na iyan, eh. ’Tapos hindi mo lang gagawin. But anyways, dahil kaibigan at roommate kita, hindi kita tatanggihan. Pero sana naman, gawin mo ang advice na maipapayo ko sa iyo. Kasi sa huli, ang sarili mo lang talaga ang makakatulong sa iyo at hindi ako.”
“Salamat, Pre. So, ano nga ang susunod kong gagawin?”
Umaktong nag-iisip pa si Dino sa upuan niya hanggang sa nagsalita siya. “Ganun pa rin. Aaminin mo pa rin sa kababata mo na gusto mo siya.”
Talaga? Wala na bang iba? Ganun din naman. Iyon pa rin ang magiging advice niya sa akin. Sana hindi na lang ako humingi ng payo sa kanya.
“Eh, wala na bang iba?” naiinip kong tanong.
“Wala. Kasi ’yan lang ang paraan para matapos na ang problema mo sa love life mo,” sagot ni Dino sa akin at saka siya bumaling doon sa laptop niya.
“Sige. Salamat, Pre.”
Hayy naku! Akala ko meron pa siyang maibibigay na payo sa akin. Katulad lang din pala ng dati.
’Di bale, hahanap na lang siguro ako ng tamang tiyempo at panahon para masolo ko si Monica. Sa pagkakataong makahanap ako, nangangako ako sa sarili ko na magiging matibay ako. Doon ko na talaga sasabihin kay Monica ang lahat. Kaya ko ’to.
Matapos naming mag-usap ni Dino ay naibaling ko n ang sarili ko sa luma kong cell phone na kasalukuyang hawak ko. Saktong bigla itong tumunog at nakita ko kaagad ang isang text message na galing sa isang unknown number. Nagtatakang binuksan ko ito at binasa.
“Good evening, Ms. Bautista. This is Stephanie, the Assistant Manager/HR of the **** Juice Bar. We are glad to inform you that we would like to give you a special job interview this coming Saturday at 10:00 AM. No need to bring anything. Just beep me here if you are still interested for the job. Thank you.”
Mas lalong ikinakunot ng noo ko iyon. Dahil nga sa walang cell phone si Monica, sa pagkakaalam ko ay ’yong cell phone number ko ang inilagay niya roon sa bio data niya.
Pero bakit ganun? Bakit may pa-ganitong interview siya sa in-apply-an naming juice bar? Ano’ng meron sa special job interview na iyon? Nakakapagtaka.