Monica’s Point of View
MONDAY NA! Ito ang kauna-unahang araw upang simulan ang unang araw sa eskwela. Alas singko pa lang ng madaling araw ay gising na ako. Matagal nga akong natulog kagabi dahil nagkukuwentuhan pa kami ni Chepai ng mga kung anu-anong topic tungkol sa SJU.
Alam niyo na, mga bagay-bagay na dapat kong iwasan at tandaan kapag mag-aaral na ako sa kolehiyo. Napag-usapan din namin ’yong mga strict na instructors at professors ng SJU. Binigyan din niya ako ng mga tips kung paano maka-survive sa college since sophomore na rin naman siya rito.
Dahil first day of school ngayon, magkakaroon muna raw ang mga freshmen students ng orientation about sa university rules and policies. Whole day raw iyon at kailangan daw muna na um-attend ang lahat ng freshmen students kasi ito-tour din daw kami sa university kasama ang isang old student representative para raw hindi kami maligaw sa SJU kung sakaling papasok na kami sa kanya-kanya naming subjects.
At dahil may pasok din si Chepai ngayong umaga, hindi ko siya masasabayan papunta ng SJU. Bukod doon, may kasama rin daw siya. ’Yong kaibigan daw niyang lesbian na ka-kurso rin niya ang susundo sa kanya. Nakalimutan ko lang ang pangalan no’n pero nabanggit iyon ni Chepai sa akin kagabi.
Matapos kong mag-ayos ng sarili, sabay na kami ni Chepai na lumabas ng kuwarto. Sabay na rin kaming bumaba sa hagdanan pababa ng boarding house at saktong pagbaba ko ay kakarating lang din ni John sa boarding house.
“Nandiyan na pala ang asawa mo,” bulong na panunukso pa sa akin ni Chepai sabay kurot niya sa tagiliran ko. Napatili ako sa ginawa niya at sinaway siya. Simula ng i-kuwento ko sa kanya si John ay hindi na niya ako tinigilan sa panunukso rito. Bagay raw kami ni John, iyon ang saad ni Chepai. Pero sinabihan ko na siya na wala akong gusto sa kababata ko pero hindi siya naniwala dahil—alam niyo na—sa pagkakaibigan daw nagsisimula ang lahat sabi pa niya sa ’kin.
“Good morning,” bati ni John sa akin nang makalapit ako sa gate ng boarding house. Maayos ang postura nito dahil sa suot nitong bagong polo shirt na kulay maroon, fitting jeans, at no lace rubber shoes na kulay itim. Sakbit-sakbit naman niya sa kanyang likuran ang bagong bag na hindi gaano kaumbok dahil kakaunti pa lang ang laman.
Sinadya talaga naming dalawa na bumili ng mga damit nang matanggap namin ang aming allowance sa scholarship. Regalo na lang din namin sa aming sarili.
Babati na sana ako kay John nang biglang pinutol iyon ni Chepai.
“Good morning, John!!” pangisi-ngisi pa niyang bati kay John. Kilala na rin ni John si Chepai kasi nga naiku-kuwento ko na rin naman kay John itong roommate kong madaldal.
Kinawayan lang siya ni John at mabilis siyang napalingon sa akin. Tiningnan niya ang suot kong violet na dress na medyo malapit sa tuhod ang haba. Hinayaan ko lang din na nakalugay ang mahaba at maalon-alon kong buhok, at nakasuot lang ako ng doll shoes na kulay beige na walang takong. Sakbit-sakbit ko naman sa aking kaliwang balikat ang isang tote bag.
“Ang ganda mo ngayon,” pagbibigay compliment ni John sa akin habang nakangiti siya na abot tenga.
Napatili tuloy si Chepai nang sabihin ni John iyon kaya tinutukso na naman niya ako. “Ayyieeeehhh! Maganda ka raw, teh!” Kumembot pa siya sa tagiliran ko para mang-asar. Pabirong napangiwi ako sa kanya at tiningnan siya habang nakakunot ang noo. Pagkatapos ay naibaling ko ulit ang tingin ko sa kaharap kong si John.
“Matagal na akong maganda. Hindi mo lang napapansin,” sagot ko na lang sa kababata ko at saka ako ngumiwi sa kanya.
“Ba’t mo naman nasabi ’yan? Alam ko namang maganda ka na noon pa,” birit pa ni John sa akin kaya itong si Chepai ay wala ng ginawa kundi magtitili sa gilid ko dahil sa kilig.
“Ayyiieeeeehhhhh! Bahala na nga kayong dalawa diyan. Pati ako lalanggamin sa ka-sweet-an niyo. Maiwan ko na kayo at may pasok pa ako. Babye. See you later, Monics.”
“Okay. Bye,” saad ko pa sa roommate ko. Bago siya umalis, humarap muna siya kay John at nag-iwan ng salita rito. “Ikaw, John. Ngayon pa lang, pagsasabihan na kita kahit hindi pa ito ang tamang panahon para sabihin ko sa iyo ito.”
Sumalubong ang dalawang kilay ni John dahil sa pagtataka. Wala yata siyang ideya kung ano ang pinagsasabi nitong si Chepai. Pati rin ako, wala akong alam sa pinagsasabi niya.
“Ano ’yon?” naitanong na lamang ni John pagkuwan.
“’Wag mong sasaktan ang roommate ko. Mahalin mo siya. Sige na, bye!” Pagkatapos niyang sabihin iyon, saka siya kumaripas ng paglakad papalabas ng gate. Gusto ko sanang sawayin siya sa sinabi niya kasi kahit kelan talaga ay iba ang iniisip niya sa aming dalawa ni John, pero hindi ko na nagawa. Mamaya talaga itong si Chepai sa akin!
Napangisi na lang si John sa tinuran sa kanya ni Chepai at saka siya lumapit sa akin. “Tara na?” yaya niya. Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. Kukunin na sana niya ang tote bag na dala ko upang siya na ang magdala pero hindi ako pumayag na mangyari iyon.
Sabay kaming lumabas ng gate at naglakad upang maghanap ng tricycle na masasakyan. Mga ilang minuto ang nakalilipas, nasa tapat na kami ng gate ng SJU. Marami na ring mga estudyante ang nagsisipasukan sa loob. ’Yong iba, maayos ang suot na uniform sa kani-kanilang kinuhang kurso. ’Yong iba, labis ang saya na makita nila ang mga kaibigan nila matapos ang dalawang buwang bakasyon. At ’yong iba naman, disgusyo ang mga mukha kasi baka iniisip nila na pasukan na naman at tinatamad silang pumasok ngayon.
Pero ako, masaya ako kasi makakapag-aral na naman ako. At napakasuwerte ko kasi sa St. Joseph University ako napalad na pumasok sa kolehiyo. Sabi ng iilan, private university raw ito. Maganda ang pangangalakad ng pagtuturo rito. At kung gaano kaganda ang quality ng education sa university na ito, ay ganoon din kamahal ang tuition dito.
Mabuti na lang isa akong scholar para makapag-aral sa university na ito. Wala akong poproblemahin sa pagbabayad ng tuition. Saka may allowance kaming makukuha sa scholarship na iyon buwan-buwan. Ang tanging babayaran ko lang dito ay ang boarding house na tinutuluyan ko na medyo may kamahalan.
Naisip ko nga na maghanap na lang din ako ng part time job na puwedeng pasukan every weekend para may pagkakakitaan ako minsan. Napag-usapan na namin ni John iyan at pumayag din siya.
Kaya sa darating na Sabado, napagplanuhan namin na maghanap ng part time job. Sana makakita kami.
“Kinakabahan ka?” biglang tanong ni John sa akin na nasa tabi ko na pala. Nauna kasi akong bumaba ng tricycle kasi siya na ’yong nagbayad ng pamasahe para sa aming dalawa.
Napalingon ako sa kanya at ngumiti. Nasa tabi ko na pala siya. Oo, kinakabahan ako. Lagi namang ganito tuwing first day of school, ’di ba? Kinakabahan at nagdududa ako sa mga mangyayari sa akin dito sa university na ito. Bagong environment na kasi at bago rin ang mga taong makakasalamuha ko.
“Ako rin. Kinakabahan din ako,” dagdag na tugon pa ni John sa akin.
“Natural lang ’yan. Tara na?” yaya ko sa kanya at siya nama’y tumango bilang sagot. Sabay na kaming dalawa ni John na pumasok sa gate ng SJU.
Nang makapasok na kaming dalawa, nagkaroon bigla ng hiyawan doon sa school ground nang may pumasok na itim na kotse sa university.
Napatigil din kami ni John sa paglalakad dahil sa nangyayari at naki-isyuso na rin sa mga tao na naroon. Nagbubulungan ang iilan, ang iba naman ay namamangha sa porma ng sasakyang bagong dating dahil makikita naman na sobrang ganda at gara ng sasakyang iyon. Masasabi talaga na mayamang tao ang nakasakay sa loob niyon. At ’yong iba naman ay hinuhuluan at pinag-uusapan kung sino ang taong sakay ng magarang sasakyan na iyon.
“Ano’ng meron?” tanong sa akin ni John habang pinagmamasdan namin ’yong kotseng bagong dating at ngayon ay nakaparada na.
“Hindi ko alam,” sagot ko na lang habang tutok na tutok ang mata ko sa nangyayari.
Maya-maya, mas lalo pang naging maingay ang lahat ng mga estudyanteng nanunuod doon nang biglang bumukas ang passenger seat ng sasakyan at niluwa niyon ang isang matangkad at matipunong lalaki.
Nagtitilian na ang ibang kababaihan. ’Yong iba naman ay nagbubulungan tungkol sa lalaking iyon. At ’yong iba naman ay bale-wala lang.
Pero ako, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon nang makita ko kung sino ang lalaking bumaba roon galing sa sasakyan.
Napatulala na lang ako sa kanya. Napangiti nang malaman na sa SJU rin pala mag-aaral ang lalaking minsan ay tinulungan ako roon sa palengke.
Si Kent, wala ng iba.
Siya ’yong lalaking pinagmamasdan ko ngayon sa malayo. At inaamin ko na talaga sa sarili ko na sobrang guwapo talaga niya kahit na malayo ang distansya naming dalawa. Paano na lang kaya kung sa malapitan?
Para siyang artista sa tindig ng kanyang pagkakatayo. Hindi na rin maipagkakailang kilala talaga siya rito sa SJU kasi may mga ilang kababaihan na nagulat at nagtitilian ng makita siya.
Sa pagtitig ko kay Kent, hindi ko namalayan ang sarili ko na nakangiti na pala ako. Nagulat ako nang biglang magtama ang mata namin kasi napatingin siya sa kinatatayuan ko ng hindi sinasadya.
Ang lakas ng kabog ng puso ko ng mga oras na iyon. May kung anong weird na feeling akong naramdaman mula sa dibdib ko nang magtama ang mata namin sa isa’t isa. Hindi ko alam kung ano iyon. Pero kaagad naman iyon nawala ng alisin ni Kent ang tingin niya sa akin.
Kinalabit ako bigla ni John kaya naputol ang pagtingin ko kay Kent. Napalingon na ako sa kasama ko.
“Monics, tara na. Male-late na tayo,” atat na pagyaya pa ni John sa akin habang hinihila na niya ang kamay ko.
“Oh, sige. Susunod na ako,” sabi ko pa sa kanya at saka ko muling ibinaling ang mata ko kay Kent na kasalukuyan ng naglalakad papalayo sa sasakyan nito.
John’s Point Of View
First day of school nga pala. Gaya ng dati ay kasama ko si Monica ngayon papunta ng SJU. Nagpresinta ako sa kanya na ako muna ang magbabayad ng pamasahe namin sa tricycle. Nang matapos kong magbayad, kaagad na kaming pumasok ng kababata ko sa loob ng university.
Kinakabahan ako. Ngunit sabi nga ni Monica kanina sa akin na normal lang daw itong kabahan kapag first day of school, medyo nawawala na ’yong kaba sa dibdib ko. Lalo na’t kasama ko ang babaeng sikreto kong minamahal.
Habang naglalakad kami ay nagkaroon ng isang atensyon doon sa school ground nang may pumasok na magarang sasakyan. Napatingin naman kami ni Monica kasi nga nagtataka rin kami kung ano ang nangyayari.
Nang may bumabang isang lalaki galing ng sasakyan, narinig ko ang tilian ng ibang kababaihan doon kasi mukhang kilala sa SJU ’yong tinitilian nila.
Maputi ’yong lalaki, matangkad, mayaman, chinito, at magara ang damit na suot. Wala iyon para sa akin.
Pero ang hindi ko lang maintindihan ay no’ng tingnan ko si Monica. Nahuli ko ang napaka-seryoso niyang pagtitig doon sa lalaking iyon. Parang may kutob ako na iba na ang pagtitig niya sa lalaking intsik na ’yon. Lalo na no’ng magtama ang tingin nila sa isa’t isa.
Hindi iyon gaanong matagal. Pero para sa akin, ayoko ’yong pagtitinginan nilang dalawa.
Kasi nagseselos ako.
Ngayon pa lang, nararamdaman ko na kay Monica na may interest siya sa lalaking iyon. At ayokong mangyari iyon sa totoo lang kahit na hindi ako sigurado sa kutob ko.
Kaya ang ginawa ko ay hinawakan ko na ’yong kamay niya upang makaalis na sa lugar na kinatatayuan namin. Ayoko na makita siyang may tinitingnang ibang lalaki. Dapat ako lang!
Grabe! Ganito ba talaga ako magselos? Na kahit hindi pa kami ni Monica—na wala yatang pag-asa na magiging kami—ayoko na maagaw ang atensyon niya sa ibang lalaki.
Gusto ko kasi na ako lang muna ang magiging sentro ng isip niya, at hindi ang iba.
Gusto ko rin sanang ipadama sa kanya na mahal ko siya. Pero paano? Kung sasabihin ko naman sa kanya ang totoong nararamdaman ko, natatakot din ako. Saka torpe akong tao. Baka layuan niya ako kapag malaman niya ang totoo. Ayokong mangyari iyon.
Nababaliw na ako. Kinakain ako ng selos ko kahit wala naman akong karapatan para magselos. Dahil wala naman kami ni Monica.