Kabanata 31: Si Neroz

2705 Words
Sa isang malayong kabundukan na kung tawagin ay Websa'a (Web-saya) ay nananahan ang mga majezan na walang kapangyarihan, ngunit mga mandirigma na sanay sa panganib ng mga kagubatan. Sila ang mga Jezam, kilalang may malilikot na mga kamay at mga mapagsamantalang nilalang dahil para may maipanglamang-sikmura sila o di kaya'y kumita ng bulawan (pera sa Majezenty) ay nagnanakaw sila sa mga bayan o kaharian. Magkagano'n man ay hindi pa rin sila nananakit o pumapaslang, mga gamit lamang at pagkain o di kaya'y kayamanan ang kanilang pinag-iinteresan. Sa kanilang tribo dinala noon ni Fellian ang itinakas niyang prinsipe ng Celestia, si Evdan, na ngayon ay binata na at kinikilala bilang si Neroz, ang anak ng pinuno ng mga Jezam. S'ya ay may makisig na pangangatawan, matikas na tindig at matangkad! Bagamat isang mandirigma at sanay sa dumi ay hindi pa rin maikakailang maganda siyang lalaki. May matang nakakaakit, morenong kulay ng balat at matangos ang ilong! Ngunit magpa-sa-hanggang ngayon ay hindi niya batid na hindi s'ya tunay na anak ng kaniyang kinikilalang ama at lalong hindi niya batid na isa s'yang dugong bughaw. Kailangan pa ring panatilihing lihim na siya'y nabubuhay pa. "Magandang umaga aking mga kasama!!" pagbati ng binata sa mga kapwa n'ya mandirigma. "Tila maganda ang iyong gising kaibigan!?" tanong ni Pando, ang isa sa mga kaibigan niya. "Oo, Pando! Kaya tawagin mo si Almer dahil ngayon din ay mamimitas tayo ng masasarap na prutas!" sagot ni Neroz na may kasama pang ngiti. "At saan kayo patutungo, mga pasaway?!" pagdating ni Adan, ang tumatayong ama ni Neroz. "Mangunguha lamang kami ng makakain ama, hayaa't mo't magbabalik rin kami kaagad!" saad ni Neroz at dinampot na ang roba niya at isinukbit ito sa balikat "Damihan n'yo ang inyong makukuha!" bilin ni Adan. "Masusunod! Tayo na, Pando!" tawag ni Neroz sa mga isasama n'ya at nauna na s'yang lumakad. ... (Sa Goltus) "Ano kaya ang maaari kong gawin ngayon?" bagot na tanong ni Sype sa kaniyang sarili habang mag-isang nakadungaw sa balkonahe ng palasyo. "Salutem, regium Sype! Ano't naririto kayo? Wala ba kayong pagsasanay ng inyong mga kapatid?" dumating ang sisne na si Gloris. "Wala, Gloris. Pahinga namin ngayong araw, kaya tignan mo ako at bagot na bagot na rito..." matamlay na sagot ni Sype at ipinatong ang mukha sa pasamano, "may maipapayo ka bang magandang gawin? Hmm?" "Sa nakikita ko'y inip ka na nga ah?" natatawang sabi ni Gloris, "bakit hindi ka muna maligo sa batis?" Biglang nawala ang pagkabagot ng regium at tumindig... "Oo nga ano?! Tamang tama! May dadalawin akong kaibigan!" pagtatanto nito. "Hayaan mong samahan kita, mahal na regium!" pagbubukas palad ni Gloris. "Mainam, hintayin mo ako rito at magpapalit lang ako ng gayak!" paalam ni Sype at dali-daling nagtungo sa kaniyang silid upang magpalit ng kasuotan. Mula sa gayak pam-palasyo ay isinuot n'ya ang gayak pang lakbay niya na isang kulay asul na pang itaas na may disenyong iba-iba, pang-ibabang kulay puti at bota na may kataasan ang takong. Pagkatapos ay saka niya ipinatong sa gayak na ito ang isang mahaba at kulay asul rin na roba. Lumabas s'ya na nga ng palasyo at sinabi sa mga kawal na may pupuntahan lamang s'ya, saka sila magkasamang naglakbay ni Gloris sa kagubatan ng Romalum dahil patungo ito sa  karatig pang kagubatan kung saan naroroon ang batis na paliliguan niya. Habang binabaybay nila ang daan ay nakasalubong pa sila ng napaka raming sisne kung kaya't marami na ang kasama ng regium nang s'ya ay makarating na sa Saghara. Sa isang malaking tipak ng bato nakita ni Sype ang kaniyang kaibigan, si Vappo na ang isa ring dambuhalang lobo na kagaya ng mga alaga nila sa Goltus. Kalimitang sa pwesto na iyon naghihintay ang nilalang na ito para sa kaniya dahil s'ya lang ang umaamo rito, s'ya lang din ang pinakikisamahan nito dahil kilala ngang mailap itong si Vappo. "Salutem, kaibigan! Kanina ka pa ba nariyan?" masayang bati ni Sype sa cerapal at tinabihan n'ya ito. Kinamot-kamot n'ya ang ulo nito at pumikit naman si Vappo na talagang nagpapalambing pa. Maya-maya pa ay nagdatingan din ang iba pang mga nilalang ng tubig 'gaya ng sirena at siyokoy dahil kapwa sila mga kaibigan rin ng regium. "Salutem, regium Sype! Mabuti at nagawi ka ulit rito?!" pagbati ni Doris, isang sirena. "Ikinatutuwa kong makita kayong muli, mga kaibigan!" Sype Nasa kagubatang rin iyon sila Neroz at nakikisalamuha naman sa mga nimpa, habang abala sila ng mga kasama n'ya sa pamimitas ng mga bunga ay napansin niya ang kumpol ng mga nilalang sa di kalayuan, pati ang isang higanteng lobo. Napatigil s'ya sa pagkilos at pinagmasdan ang mga natatanaw n'ya. Hanggang sa mapalingon sa kaniya si Sype at nagtama ang kanilang mga mata!— Biglang tumibok ng kakaiba ang puso ni Neroz at nakaramdam s'ya ng hindi n'ya maipaliwanag. Mabilis lang ang pagsulyap ng kanilang mga mata pero s'ya ay naiwang tulala sa prinsipeng iyon! "Neroz, ayos ka lang?!" tanong ni Almer. "Sadyang nakakapang-akit ang mga sorsero ng Goltus!" sabi ng isa sa mga nimpa, "maging ako ay magnanais na magkaroon ng kabiyak mula sa kanilang lahi!" maharot nitong sabi at nagtawanan ang iba pang mga nimpa. "Kay pilya mo talaga, Eul!" "D'yan na nga kayo, mga ginoo! Sasali lang kami sa kanilang usapan!" paalam ng nilalang at lahat nga ng nimpang kasama nila Neroz ay nagsi-puntahan na rin sa kinaroroonan ni Sype. "Hoy, Neroz? Tila titig na titig ka sa sorsero? Wag mong sabihing natitipuhan mo s'ya?" tanong ni Pando na nagtataka sa hitsura ng kaibigan niya ngayon dahil para itong naloloko na tulala lang at ngumingiti ang mga labi. "Kakaiba ang itsura n'ya! N-ngayon lamang ako nakakita ng — ng gano'n ka-bighaning mukha!" nakangiting sabi ni Neroz. Nagkatinginan agad sina Pando at Almer... "Teka nga, Neroz? Isa ka bang feri?" tanong ni Almer at biglang napatingin sa kanila ang kaibigan. -------------------------------------- FERI, nangangahulugang "binabae" -------------------------------------- "Ano?!" tanong nito. "Grabe ang titig mo sa sorsero eh! May pagtingin ka ba sa kaniya?" deretsahang bigkas ni Almer. "H-hindi! Ewan ko! E-ewan! Hindi ko alam!" naguguluhang sagot nitong isa na tila nahiya dahil sa itinanong sa kaniya. "Hay — iba yata 'yan kaibigan!" nang-aasar na bulong ni Pando kay Neroz at inambaan lang siya nito na sasapakin. "Nagbibiro lang, kaibigan! Ikaw naman! Hehe!" pag-atras nitong si Pando na natatawa. Muli ay sinulyapan ni Neroz ang nakita n'yang sorsero at muli s'yang ngumiti. ... Nang gumabi... Magkahiwalay ng kinaroroonan ang dalawang nilalang na kanina'y nagkita sa kagubatan. Mula sa kaniyang duyan, sa napaka sukal na kagubatan ay masayang nakatingala sa mga bituin si Neroz at iniisip ang nakita n'ya kanina. "Bakit ba ganito ang nararamdaman ko?" naguguluhang tanong niya sa sarili dahil nagtatalo ang isip n'ya. May bahaging sinasabi na talagang nakaka-akit ang sorsero ngunit may bahagi rin na nagsasabing mali ang nararamdaman n'ya... Na mali ang humanga sa katulad niya. "Sino ka ba... Bakit ganito ang pakiramdam ko?!" tanong ni Neroz sa sarili at bumangon dahil gulong gulo talaga s'ya sa nangyayari sa kaniya. Sa Goltus naman ay nakatanaw mula sa balkonahe si Sype, gising na gising pa rin ang diwa niya at nag-iisip s'ya ng ilang mga bagay. "May lalaki kayang nakalaan para sa akin?" tanong ng regium sa kaniyang isipan. "Malalim na ang gabi regium Sype..." tinig ng isang lalaki. Lumingon si Sype at nakita ang kapatid niya, si Axus. "Axus! Ikaw pala?! Damhan ad vesperum!" nakangiting bati ni Sype nang tabihan s'ya ng bunsong kapatid. "Damhan ad vesperum din! Ano't naririto ka pa?" tanong ni Axus. "Hindi lamang ako makatulog dahil... m-may iniisip lang ako." sagot ni Sype na may kasamang ngiti. "Napapaisip ako kung — may lalaki bang naka-laan para sa akin..." dagdag nito at biglang napalingon sa kaniya si Axus. Hindi ito nakabigkas ng anumang salita kaya lumingon na ring muli si Sype. "Axus... Iba ako. Hindi katulad ninyo..." wika niya, "matagal ko nang batid na sa puso ko'y mayroong kakaiba..." Medyo naluluha agad si Sype kaya ibinaling n'ya ang kaniyang paningin sa kalangitan... "Alam kong pansin mo naman — maging ng ating ibang kapatid... Pero, iba pa rin 'di ba ang ipagtapat ko sa 'yo ang tunay na ako. Kung sino talaga si Sype!" ngumiti siya ng napaka tamis ngunit kita naman ang lungkot sa mga mata kaya si Axus at nag-alala para sa kaniya. Inakbayan siya nito at hinimas ang kaniyang balikat. "Humahanga ako sa 'yo, Sype! May lakas ka ng loob para umamin ukol sa ganitong mga bagay." nakangiting puri nito at hinimas-himas naman ang buhok ng kapatid at ipinatong ito sa kaniyang balikat. "Magkagano'n man ay asahan mo na hindi magbabago ang pakikisama at pagtingin ko sa 'yo... Kapatid kaya kita!" dagdag nito at naiyak na nga sa tuwa si Sype. "'Wag mo itong ipapaalam sa lahat Axus! Lalo na sa 'ting ama. Maaasahan ko ba iyan?" tanong nito. "Ngunit bakit naman? K-kailangan n'yang malaman ang ganitong mga bagay!" pagtataka ni Axus. "Basta! H-hindi nya ako maiintindihan! Kaya mangako ka Axus, pakiusap! Tayo lang dapat na dalawa ang makaalam nito!" pagpipilit ni Sype. "Tiyak na mauunawan ka ng ating ama, Sy! Dahil ama natin s'ya eh!" tugon ni Axus ngunit hindi sumang-ayon itong isa. "N-ngunit kung iyan ang nais mo ay oo — sige! Pangakong hindi mkakarating kaninuman ang mga bagay na ito!" pagpayag na nito. Matapos ang kanilang masinsing usapan ay nagkwentuhan na sila, itong si Sype ay napaka raming baong kwento kaya buong magdamag silang naka-tayo sa balkohane at hindi namalayang mag-uumaga na pala. Kinaumagahan... Tahimik sa bukana ng Goltus at masayang nagta-talastasan ang mga mamayan nito, ngunit naantala ang mapayapang sandaling iyon dahil nagkagulo nang makapasok ang isang uri ng cerapal! Balot ito ng matutulis na tinik at mabilis pang gumalaw, may kalakihan rin ito kung kaya't natakot talaga ang lahat! Naghiyawan ang mga babae na naroroon at ang mga kawal ang silang nagtangkang humuli sa nilalang. "SANCTE!!" dumating ang regium Adro at inawat ang mga huhuli sa cerapal! ------------------ SANCTE - Tigil ------------------ "'Wag n'yong sasaktan ang aking kaibigan." sabi nito at agad na dinampot ang mabintog na parkupino. "Magdahan-dahan ka mahal na regium, baka ka masugatan!" paalala ni Emprido ngunit nakita nilang lahat na lumiit ang naturang cerapal hanggang sa isang palad na lamang ni Adro ito kumasya. "Hay! Pinagod mo ako sa paghahabol, sadyang mailap ka pa rin!" sambit ng regium at inilagay sa maliit na lagayan ang kaniya palang alaga. "Anong kaguluhan ang nangyayari dito?!" pagdating ng amang haring Roman at nadatnan sa bukana ang kaniyang anak at ang mga kawal. "Ama!" bati ni Adro at agad na nag-bigay galang, "magandang umaga sa iyo!" sambit nito. "Magandang umaga rin, ano't — ganiyan na naman ang iyong hitsura?!" tanong ng hari sa anak dahil sa kausotan at madungis nitong ayos. "Para kang bulao! Ayusin mo ang iyong sarili, ngayon na!" ------------------------------------- BULAO - nangangahulugang "pulubi" Bigkas: bu-LAW ------------------------------------- "Masusunod po!" natatawang tumungo si Adro at dali-daling pumasok sa loob upang hindi na siya ma-sermunan pa. Dito na lumapit si Emprido kay Roman upang humingi ng dispensa... "Paumahin kamahalan, sadyang makulit talaga ang inyong anak at hirap kami na tumanggi sa kaniya." paumanhin nito. "Kakaiba talaga itong si Adro... Batid naman niyang hindi naangkop para sa isang regium ang maglagalag sa labas, hay!" dismayadong pa nitong sabi dahil ito ngang si Adro ay may kakulitang taglay. At sa katunayan ay kakaiba ang regium na ito kumpara sa mga kapatid niya dahil siya ay sanay sa buhay at dumi ng labas, lalo't hilig pa niya ang pangangaso kaya malimit rin siyang babad sa kainitan ng araw at umuuwing madungis. Ngunit, sa kanilang anim naman ay s'ya ang hindi pihikan, kahit sa mga mababababang uri ng majezan ay kaya n'yang makihalo at makisama. Samantala, ang isa pang regium na si Sype ay muling lumabas ng palasyo at maluwag s'yang pinapayagang umalis dahil alam naman ng lahat na iisa lang ang pinupuntahan n'ya kapag s'ya ay lumalabas. Sa kagubatan ay nag-aabang naman si Neroz at ang mga kaibigan nito, hinihintay kung magpapakita bang muli ang nakita nilang sorsero. Sa pag aabang ay nakatulog na silang tatlo sa ilalim ng malaking puno at muntik nang hindi mamalayan ang pagdating ni Sype. "Neroz! Neroz! Gumising ka!" pag-yugyog ni Pando sa kaibigan, "Neroz! Nariyan na ang sorsero!" "Neroz! Ang sorsero! Patawid na s'ya!" Napabalikwas si Neroz at agad na bumangon, pagkatapos ay kumumbli s'ya sa pinaghihintayan nilang puno at panakaw na sumulyap sa tumatawid na si Sype. "Hindi ko lubos mawari kung bakit ba natin inaabangan ang sorserong 'yan? May pag-tingin ka na ba sa kan'ya ha, Neroz?" iritang tanong ni Almer na nagising din dahil sa pangungulit ni Pando. Habang humahakbang si Sype ay napalingon s'ya sa paligid at nakita n'ya si Neroz! Nagkatitigan sila at talagang natigilan itong nasa kabilang dako. "Kay amo talaga ng kaniyang mukha!" nakangiting sambit ni Neroz at tila lutang na lutang ang pag-iisip. "Ang mga mata n'ya! — tila ba nagtatanong kung kami'y nagkakilala na?" Nagkatinginan sina Pando at Almer na talagang naguguluhan sa pinagsasasabi ng kanilang kaibigan. "—iba na talaga 'to!" sabay nilang bigkas. Bahagyang ngumiti si Sype sa binatang natatanaw n'ya at muli na siyang tumuloy sa paglalakad, habang itong si Neroz ay talagang natutuwa at malaki ang ngiti nang lumingon sa kaniyang mga kasama. "Neroz! Ano bang nangyayari sa 'yo? Ayos ka lang ba?" tanong muli ni Almer. "Hi—hindi ko mawari kung bakit tila gustong gusto ko palagi na makita ang sorserong iyon?! Ano kaya ang kaniyang ngalan?" may ngiti pa ring sambit ni Neroz at ang mga kasama n'ya ay napakamot nalang ng ulo. ... (Sa isang bayan) Maraming nasasakop na bayan ang lupain ng Goltus, isa na riyan ang Hermosa na karaniwang pinapasyalan ng mga sorsero upang tignan kung maayos ba ang pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan. Kasalukuyang naglilibot sa nasabing bayan ang amang hari at kasama ang mga anak na sina Axus at Verdem, pati ang mga ilan lang na mga kawal. Sa bawat madadaanan nilang tindahan ay binabati at ginagalang sila ng mga majezan, may mga ilan pa na nagbibigay ng handog na prutas o di kaya'y kasangkapan at malugod ring pinasasalamatan ng haring Roman. "Kita ang kasaganahan ng kanilang pamumuhay, hindi ba?!" nakangiting sabi ng hari kay Axus. "Oo nga ama, nakatutuwa silang pagmasdan!" Maya-maya pa ay may lumapit na batang babae sa kanila at inabutan sila nito ng bulaklak na pang disenyo sa kaharian. "Salutem, amang haring Roman! Damhan vemalu!" bati ng bata. ----------------------------------------------- Damhan vemalu! - "Magandang umaga!" ----------------------------------------------- Labis na natuwa si Roman sa bata kaya lumuhod s'ya upang makaharap ito ng malapitan. "Damhan vemalu, munting prinsesa!" sambit niya at labis na napangiti ang bata. "Yessa! Nariyan ka lang pala!" at dumating ang isang magandang dalaga na siyang nakatatandang kapatid ng bata. Natigilan ito nang makita kung sino ang kaharap ng kapatid... "Ahh, salutem, haring Roman!" pagbibigay-galang agad nito. "Kay gandang binibini!" sambit ni Verdem at tumabi agad sa ama upang makausap rin ang babae. "Ada ang aking ngalan, heto naman ang aking kapatid, si Yessa." pagpapakilala ng dalaga. "Ikinatutuwa kong makilala kayo, Ada, Yessa!" bati ni Roman at tinapik muna sa ulo ang paslit saka muling lumakad, habang itong si Verdem ay nagpaiwan pa at kinusap si Ada. Nakita ni Axus na hinagkan ng kapatid ang likod ng palad ng magandang dalaga kaya napangisi na lang siya. "Verdem?!" pagtawag niya at dali-dali ring bumalik sa kanila ang pilyong regium na lumilingon pa rin kay Ada. "Verdem, umayos ka nga! Bigla-bigla kang nanunuyo ng kakakilala mo pa lamang!" pabulong na sabi ni Axus na medyo natatawa ang tinig. "Shh! 'Wag mong sasabihin sa ating ama!" mahinang tugon ni Verdem. Muli na nilang binabaybay ang iba pang panig ng Hermosa hanggang sa abutin na sila ng tanghali at nagbalik na sa palasyo. "Narito na ang amang hari at kaniyang mga anak!" pagsalubong ni Maro. "Ama, mauna na muna ako. May kailangan pa akong gawin." paalam ni Verdem at mabilis na nag-bigay galang at umalis. "Ahh, ako din pala ama, kailangan ko na ring lumisan." paalam naman ni Axus. "Sige, anak. Kung may kailangan ka pang gawin, makaka-alis ka na." sagot ni Roman na may kasamang ngiti. Agad na nagbigay galang si Axus at umalis na rin sa punong bulwagan habang kasunod ang mga hora niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD