Kabanata 32: Ang regium at ang mandirigma

1901 Words
(Sa silid ni Adro) Bumukas ang pintuan ng silid ng regium at pumasok ang haring Roman, nakita nito ang anak na si Adro na naka-upo at tila may ginagawa sa lamesa. "Adro?" pagtawag ng hari. "—Ama?! Ikaw pala!" bahagyang nagulat si Adro at nilingon ang ama. "Anong pinagkakaabalahan ng aking regium?" matamis na tanong ni Roman at sumalo sa lamesa kung saan may ginagawa ang kaniyang anak. "Ahh, mga kagamitan lang sa pangangaso ama. Mas pinatulis ko ang mga talim nito at mas pinatibay ko ang mga katawan." sagot ni Adro at ipinakita sa ama ang mga palasong hawak n'ya. "Adro... Batid mong hindi dapat naglalagalag ang isang regium, hindi ba?" saad ni Roman. "Ama—" "...Ngunit hindi naman kita pipigilan sa kung anong nais mong gawin. Basta't — lagi ka lang mag-iingat at uuwing buo rito." pagputol agad ng ama sa sasabihin ng anak. "Talaga ba, ama? — h-hindi ka nagagalit?" tanong ni Adro. "Hmm — malaki ka na, anak ko. Batid ko namang nag-iingat ka rin at may tiwala ako sa 'yo!" Natigilan si Adro at tumitig sa kaniyang ama... "Makakaasa ka palagi sa akin, ama! At maraming salamat!" sagot nito at ngumiti nang napaka tamis. "Magaling kung gano'n!" Roman At dumating naman ang ina ni Adro, si Bella. "Ahh, haring Roman!" medyo gulat nitong bati at nagbigay galang. "Ina?!!" masayang bati ni Adro, "ay — may nakaligtaan akong pyesa! Sandali lamang ama, maiwan muna kita rito!" at bigla itong tumayo saka niyakap muna ang ina at mabilis na lumabas ng silid. "Ahm..." naiilang si Bella at hindi s'ya mapalagay, hanggang sa tumayo na si Roman at lumapit sa kaniya nang tangka na rin siyang lalabas. "Bella?" sambit nito, "ikaw na lamang ang natitirang ina na naririto sa piling ng isa sa aking mga anak..." at hinawakan ang kamay ng prinsesa. "Kaya maraming salamat — salamat at nananatili ka pa rin dito sa Goltus. Na patuloy mo s'yang ginagabayan at hinuhubog upang maging isang mahusay na sorsero! Salamat!" Kinabahan si Bella ngunit ngumiti rin s'ya nang maliit at sandaling tumitig sa mga mata ng amang hari. "Walang anuman, mahal na hari. Pananagutan ko ang — ating anak... kaya umasa kang mananatili ako rito..." nahihiyang sagot niya at tinignan nalang ang kamay niya na hawak pa rin ni Roman. "...mananatili akong matapat sa iyong pamumuno, at sa mga susunod pa sa iyo! At kahit sa iba mong anak ay ika-sisiya ko ring tumayo bilang pangalawa nilang ina." Ngumiti si Roman at agad na niyakap si Bella, sa maikling sandali ay biglang tumibok ng pagka-bilis-bilis ang puso nitong dating prinsesa at hindi n'ya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. Tila ba bumalik ang dating panahon kung saan sila pa ng hari ang may mainit na pagtitinginan. "Makakaasa ka pa rin sa buong puso kong pakiki-isa at pagsunod sa batas ng mga sorsero!" bulong ni Bella at kumalas na sila ni Roman sa isa't isa. "Salamat muli, at 'wag nating pababayaan si Adro ha?" nakangiting sambit ng hari. Tumango nalang si Bella at muling iniwas ang paningin... "Mapagpalang araw, Bella. Paalam!" "Gano'n din sa 'yo, aking kamahalan." paalam ni Bella at tuluyan na ngang lumisan ng silid ang hari. ... Ilang araw ang lumipas at itong sila Neroz ay palagi nang inaabangan at pinapanood ang pagdaan ng regium Sype sa pook na kanilang pinupuntuhan. Ang mga kaibigan niya ay lubha nang nagtataka kung bakit ganoon ang pagkaloko niya sa sorsero, ngunit sa maraming pagkakataon rin na sila'y nag-abang ay wala naman silang natutuklasang kahit ano ukol dito, ni hindi pa rin nga nila alam ang pangalan ni Sype, eh. "Kaibigan... palagi nalang tayong naghihintay dito. Ano ba talagang balak mo?" naiinip na tanong ni Pando. "Hindi ko din alam, Pando. Ngunit kung malalaman ko ang pangalan n'ya ay malaking bagay na 'yon!" sagot ni Neroz na pinagmamasdang makalayo ang sorsero. "Bakit hindi ka kaya magtungo sa Goltus? Tiyak na matatagpuan mo roon ang lalaking iyan, makakausap mo s'ya at malalaman mo ang 'lahat ng gusto mong malaman'." mungkahi naman ni Almer at napalingon sa kaniya si Neroz at nag-isip, "ayaw mo rin naman s'yang lapitan, puntahan mo nalang sa kaniyang tahanan." "Maghintay ka lang kaibigan, makakahanap rin ako ng sandali para makilala at makausap ang sorserong iyan!" nakangiti at tiyak na tugon ni Neroz. At nang gumabi ay mag-isa ngang nagtungo itong si Neroz sa kaharian ng Goltus, dahil may angkin naman s'yang kaalaman sa panloloob ay madali siyang nakapasok nang walang nakakakita o naghihinalang may taga-labas na naroroon sa palasyo. Agad niyang inikot ang buong palasyo upang hanapin ang isang sorsero pero kahit nakarating na siya sa maraming tore ay hindi n'ya natagpuan ang kaniyang pakay. "Nasaan ka na, mailap na sorsero..." tanong ng binata sa kaniyang sa sarili at agad na nagtago sa dilim. Tinignan niya ang paligid at sa kakatuwang pagkakataon ay natanaw niya ang isang nilalang na papalabas ng palasyo. Nakilala n'ya ang roba na suot ito at iyon na ang kaniyang hinahanap — si Sype! Dali-dali na s'yang tumakbo para lumabas ng kaharian at sundan ang sorsero. Nakarating sila sa kagubatan ng Romalum, malapit lang sa Goltus, at ang mga hayop na naririto ang dinalaw ni Sype. Itong si Neroz naman ay agad na umakyat sa taas ng puno upang doon manmanan ang kaniyang hinahangaan. "Salutem, mga kaibigan!" bati ni Sype sa mga asong lobo. "Salutem, aming Sype! Napadalaw kang muli!" pagsasalita ng isa sa mga lobo na tinig lalaki. "Hindi ako makatulog, H'wara! Kaya naisipan kong — puntahan nalang kayo dito at sa inyo ay makipagkwentuhan!" nakangiting tugon ng regium at hinimas himas ang lobo. "Tila nakakabagot rin pala ang manatili lamang sa kaharian at pagsilbihan?" pagsasalita ng isa pang lobo na tinig babae naman. Maya-maya pa ay biglang sinunggaban ng hindi kilalang majezan si Sype at agad s'ya nitong binihag! "GRRR!!" pag-atungal ng mga kaibigang cerapal ng regium. "Salutem, sorsero!" boses ng isang lalaki ngunit may taklob ito sa mukha kaya hindi s'ya makilala ni Sype. "Sundarava, sino ka?!" bahagyang gulat na tanong nitong regium at sasagot sana ang bumibihag sa kaniya pero mabilis na niya itong hinawakan sa braso at pinilipit ito! "AGHH — AGHH!!" daing ng majezan at tinadyakan pa s'ya ni Sype palayo. "Sino ka?! Anong pakay mo sa 'kin!?" tanong muli ni regium na halatang galit na, "lumantad ka, apmevento! Sino ka!?" "Paumanhin..." sagot ng majezan at tumayo, "paumanhin kung ika'y aking natakot!" si Neroz! S'ya iyon! Napatitig sa kaniya si Sype at kitang humanga ito sa kaniyang kakisigan kaya hindi nakapagsalita! "Wala akong masamang balak sa 'yo, mahal na sorsero. Naparito lamang ako upang hingiin ang iyong kamay..." walang pag-aalinlangan na sabi nitong si Neroz at kinuha agad ang kamay ni Sype sabay hinagkan ito! "...at nais ko rin alamin ang iyong ngalan — maaari ba?" nang-aakit pa nitong tanong at tumitig sa mga mata ng regium. Halatang nagulat at kinilig si Sype ngunit pilit n'ya itong ikinubli sa makisig niyang kaharap. "Lapastangan!" sambit niya at pinalayong muli si Neroz. "Hindi ko ibig ang ika'y takutin, sorsero. Ngunit matagal na kitang sinusubaybayan at nais ko nang malaman ang iyong pangalan? Sino ka bang talaga?" pagpipilit ni Neroz at isinalaysay niya ang mga sandaling nakikita n'ya si Sype sa kagubatan. Ngumisi itong si Sype at nagtaas ng noo na tila hindi natutuwa kay Neroz. "Hindi ako nakikipag kaibigan sa mga estrangherong majezan, maaari bang lubayan mo ako?!" mataray nitong sabi. "Napaka sungit mo naman pala, sorsero!" biglang kumunot ang noo ni Neroz, "pero hindi mo ako mapapa-alis dito hangga't hindi ko nalalaman ang panglan mo" at ngumiti pa ito nang napaka tamis. "Mapilit ka talaga?!" nanghahamon na tanong ni Sype, "kung ganon — mga kaibigan..." Nag-ungulang muli ang mga lobo at talagang pinakita nila kay Neroz ang kanilang pagngingitngit— "Sandali — wala namang ganyanan, sorsero!" kinabahan bigla ang mandirigma dahil ang mga kaibigang cerapal ni Sype ay nag-babadya na siyang sunggaban! "Lapain s'ya!!!" sigaw ni Sype at sumugod na nga mga lobo! "Hindi pa ito ang huli nating pagkikita. Malalaman ko rin ang iyong pangalan!" nakangiting sabi ni Neroz. "Mag-iingat ka majezan!" pang-aasar naman ni Sype at tuluyan na ngang kumaripas ng takbo itong isa. Dito ay muling ibinaling ng regium ang kaniyang paningin sa mga naiwang kaibigang lobo, at may ngiti na sa kaniyang labi— "Ano't may ngiti ka riyan sa labi mo regium? Maaari ko bang malaman kung ang dahilan nito ay ang mandirigmang iyon?" tanong ni Yesha. "Natutuwa ako sa kaniyang ka-pilyuhan, Yesha!" tugon ni Sype at humiga sa tiyan ng lobo at doon ay nakatulog na siya. Nang mag-umaga ay nagmulat ang mga mata ng regium at nakita niya na nasa kagubatan pa rin pala s'ya, katabi ang mga lobo at hihinhintay na s'yang magising ng ibang maliliit na mga hayop! "Umaga na pala?" bumangon siya agad at nag-banat ng katawan., "hindi ko namalayang dito na ako nakapagpalipas ng gabi?" "Magandang umaga, aming sorsero!" bati ng isa sa mga lobo na humabol kay Neroz kagabi. "Magandang umaga rin sa 'yo H'wara! Maalala ko lang — anong nangyari sa majezan na pinahabol ko sa inyo kagabi?" tanong ng regium. "Mabilis s'yang nakapagtago mahal na regium, ngunit hindi n'ya kami sinaktan o sinibat." sagot naman ni Sobi, ang matabang lobo. "Tila iba ang mandirigmang iyon sa mga karaniwan lamang? Mukhang hindi niya ugaling manakit ng cerapal. Nababasa kong may maganda siyang kalooban! " sambit nitong H'wara. "Hmmm — hindi pa rin panatag ang loob ko sa kan'ya — isa pa ring s'yang estranghero at mandirigma na walang alam kundi ang manlamang sa kanilang kapwa." pagsalungat ni Sype at tumayo na mula sa pagkaka-upo. "Napakasakit mo naman magsalita, regium. Hindi mo ba mapagkakatiwalaan ang ginoong iyon?" tanong naman ni Jaro. "Hindi ako nagtitiwala sa mga ganoong uri ng nilalang." Nagbalik agad nang umaga ring iyon ang fering sorsero sa Goltus at nagulat s'ya na naka-abang pala ang lahat sa kaniya, lalo na ang kaniyang mga kapatid! "Sype, ano't ngayon ka lang nagbalik? Buong magdamag kang nawala sa palasyo!" salubong ni Roman. "Avenila, amang hari. Naaliw lamang ako sa mga kaibigan kong cerapal kaya sa kanila na ako nakapag-palipas ng gabi." sagot ni Sype at tumungo. "Ngayong buo na kayong anim ay nais kong maghanda na kayo, 'pagkat mamayang gabi ay gaganapin na ang isang magarbong piging!" utos ng hari sa kaniyang mga anak. "A-anong mayroon ama?" naguguluhang tanong ni Sype. "Sype?! Nakalimutan mo ba?" tanong ni Lerzia, "kaaarawan ng ating ama ngayon!" "Ahh! Patawad... Patawad kung nawala sa aking loob!" nahiya bigla itong si Sype at lalong tumungo. "Wala kang kailangang ihingi ng tawad, Sype, baka kulang ka pa sa tulog." bumaba sa trono si Roman at itinaas ang mukha ng anak. "Ngayon ay sumulong na kayo, at maghanda! Dahil ipakikilala ko na rin kayong mga regium sa lahat mamaya!" Nasabik nga ang magkakapatid kung kaya't nawala ang mga antok sa kanila, at sa halip ay nag-isip na sila ng isusuot para sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang amang hari! Nakipag-usap muna sa ilang kasapi ng konseho si Roman at ang kaniyang mga anak ay nag-usap-usap naman sa tabi. "Saan ka ba talaga nanggaling?" pag-uusisa ni Axus kay Sype habang naghihintay sila sa kanilang ama. "Basta! Marami akong ikukwento sa 'yo, salve. At talagang naaliw ako sa mga nangyari!" pabulong na sagot ni Sype at kumapit sa braso ng bunsong kapatid. Ngumiti lang si Axus at magkasabay na silang naglakad nang tawagin sila ng kanilang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD