Kabanata 30: Simula ng pagsasanay

4263 Words
Sumikat na ang napaka aliwalas na umaga sa Majezenty, sa kaharian ng Goltus ay nagsi-pag gisingan na ang anim na regium at kanya-kanya sila ng paghahanda para sa simula ng kanilang pagsasanay. Bago tuluyang humanay sa kalangitan ang mga ulap ay nagtipon na sa tabing dagat ang mga paslit, kasama ang kani-kanilang mga hora, ilang mga kawal, at si Capaste. "Magandang umaga, mga regium. Ngayong araw ang simula ng inyong pagsasanay at ayon ito sa kagustuhan ng inyong amang hari." pagbati ni Capaste sa anim habang lumalakad s'ya sa harapan ng mga ito. "Handa na ba kayo?!" tanong niya. "Nakahanda na!" matigas na sagot ng anim. "Kung gano'n—" sambit ni Capaste at humudyat na sa mga hora upang bigyan ng kani-kanilang mga sandata ang mga regium. Masaya ang anim na paslit nang mahawakan nila ang kanilang mga arnis. "Magsimula tayo sa mga tamang pag-pwesto... Gayahin n'yo ako." utos ni Capaste na nasa unahan ng mga bata at ipinapakita nito ang tamang pagtindig kapag makikipaglaban, pati ang tamang paghawak ng espada. Mabilis namang turuan ang mga regium dahil paunti-unti at dahan-dahan ay nagagawa nilang makasabay at makasunod sa kung ano ang sinasabing gawin nila. May halong tawanan at kulitan ang mga ito pero sinisita sila ng apram dahil kailangan ngang maging seryoso. Pagkatapos ng mga tamang ayos ng kamay at paa ay itinuro naman ni Capaste ang mga paunang kaalaman sa tamang pag atake, pag-iwas na masaktan at mga galaw sa pakikipaglaban. Dito nasubok ang iglas ng magkakapatid dahil sadyang hindi pa sila ganap na malalaki upang kayanin ang mga kilos o galawan na nais ipagawa ng kanilang guro, gayunpaman ay nahihikayat naman silang sumubok pa rin at kayanin upang sa gano'n ay mas bumilis ang kanilang pagiging mga bihasa at marurunong na mandirigma. Matapos ang simula umaga hanggang tanghaling pagsasanay ay bumalik na sa kaharian ang mga sorsero upang kumain at magpahinga. Ngunit nang sumapit naman ang hapon ay nagsimula sila sa isa pang pagsasanay, pagsasanay ng salamangka bilang isa ring panglaban at pang depensa. Nakasuot ng mga gayak pampalasyo ang mga regium ay nagtungo sila sa Ogsimer o silid-aklatan ng palasyo dahil doon ay naghihintay na si Emprido at doon gaganapin ang kanilang mahaba ring pagsasanay. "Magandang tanghali, mga regium. Nakapag pahinga na ba kayo?" nakangiting bati ni Emprido sa magkakapatid. "Opo! At handa na kaming muling magsanay!" sagot ni Axus na may kasama ring ngiti. "Kung gano'n, mag-umpisa na tayo!" aya ng guro at pinapunta na sa kanilang mga lamesa ang bawat regium, "kumuha kayo ng tig-iisang libro at buksan sa pahina labing apat. Ating aaralin ang paunang kaalaman sa paggamit ng salamangka, mga batas ng kalikasan at pagpapalakas ng diwa at katawan." "Wow!" sabi ni Axus habang binubuklat ang kakaibang libro na hawak n'ya. "Ahh, gurong Emprido?!" nagtaas ng kamay si regium Verdem, "bakit po kailangan nating dito magsimula? Hindi ba tayo dadako agad sa pag-gawa ng orasyon o — bulong?" tanong ni Verdem. "Hindi muna, regium. Kailangan n'yo siyempreng malaman at matutunan muna ang saligan ng kapangyarihan. Nagmumula ito sa ating mga katawan at sa mga ispiritu, kaya kailangan natin, ninyo na isa-isip at pakatandaan ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pagsasagawa ng isang orasyon." sagot ni Emprido habang inihahanda ang mga kasangkapang gagamitin n'ya sa pagtuturo sa mga paslit. "Gayundin ang mga kailangang isa-alang-alang at ang maaaring maging balik kung sakaling magkamali ang inyong ginagawa." dagdag pa niya. "AHHH!" sabay-sabay na sabi ng anim at kita sa kanila ang pagkahiwaga sa tunay na kahulugan ng salamangka. "Ngayon, basahin mo nga regium Lerzia ang batayan." utos na ng guro at nagsimula na nga silang mag-aral. Matapos ang ilang oras ring pag-gugol ng sandali sa Ogsimer ay muling napaghinga ang magkakapatid, nagtungo sila sa itaas na bahagi ng palasyo at sa balkonahe nagkulitan at nagkwentuhan upang mas makilala pa nila ang isa't isa. Bago gumabi ay muli rin silang nagpalit ng gayak, at nagtungo sa tabing dagat upang muling magsanay. Binalikan nila ang mga naunang itinuro ni Capaste at saka sila binigyan pa ng ibang kaalaman. Sa pagkakataong ito ay hindi na nahihirapang makasabay ang mga bata at mabilis na nilang nakukuha ang nais ng kanilang guro. Namamangha ang mga kapatid at maging si Capaste kay Axus dahil tila may karunungan na ito sa tamang paghawak ng sandata at paggalaw ng katawan, ano pa nga ba't sa mundo pa lang ng mga mortal ay tinuruan na ito ng yumao niyang tiyuhin. "Magaling, mga regium! Mabibilis kayong matuto ah?!" puri ni Capaste sa anim at silang lahat ay pawisan na dahil sa walang tigil na pagkilos. "Maaari ba tayong magpahinga? Napapagod na ako eh." daing ni regium Sype. "Sype, ano ka ba?! Napapagod ka na? Para ka namang hindi lalaki n'yan!" pabulong na asar ni Lerzia sa kapatid. "Tss!" itong si Sype ay inirapan lang ang kaniyang kuya. "Pst!" sutsot sa kanila ni Xelcis dahil mukhang nagkakaaway pa sila. Hanggang sa dumaan na nga ang marami pang araw, sa bawat gising ng magkakapatid ay dumi-diretso sila sa tabing dagat, pagkatapos ay sa silid aklatan at muli ay sa tabing dagat. Puspusan silang inihahanda ng amang hari para sa hinaharap dahil silang anim ang tiyak na hahalili sa mga matatandang tagapagtanggol ng Majezenty laban sa mga Derronian na nananatiling mapamuksa. Nakasanayan na rin ni Axus ang mga gawi at paniniwalala ng bawat taga Goltus, mabilis s'yang nakasabay sa pagbabago at mas natututo pa s'ya kung paano palalakasin ang kapangyarihang taglay niya. Isang hapon, sa Ogsimer... Abala sa kani-kanilang mga inaaral na salamangka ang magkakapatid. Sina Axus at Sype ang magkatabi at mayroon silang pinagkakaabalahang dalawa. Sina Verdem at Adro naman ang magkasama, mga parehong maloko at hindi sineseryoso ang pamamahala ng kapangyarihan. Si Lerzia ay mag-isa lamang at seryosong gumagawa, at si Xelcis ay kay Emprido mismo nagpapaturo dahil sa kanilang anim ay siya ang pinaka unang gumaling sa pag-aaral ng salamangka at nais n'ya pang gumaling kaya mas pinabubuti pa niya ang ginagawa, sa tulong na rin ng kanilang guro. "Adro, tignan mo 'to..." bulong ni Verdem sa kapatid at mula sa kaniyang kamay ay gumawa s'ya ng luntiang sirkulo, nang maging isang salamangka ito ay saka hinipan ng paslit patungo kay Lerzia. Habang may pinagsasamahang sangkap ang panganay na regium ay narinig n'ya ang tunog ng tila mga insekto at napaka lapit nito sa kaniyang tainga, nang itaas n'ya ang kaniyang ulo ay nagulat at napasigaw s'ya dahil napaliligiran na siya ng mga tutubing nagmula kay Verdem! "AHHHHH!!" sigaw niya at nagtatakbo kaya naman ang mga insekto ay hinabol din s'ya upang tusukin. Labis na nagulat ang ibang regium nang maging ganoon ang asal ng kanilang kuya, 'yun naman pala'y may dahilan. Napatawa silang lima at si Emprido na ang humabol kay Lerzia upang hindi ito masaktan pa. "Sinong may gawa no'n?" natatawang tanong ni Sype. Sina Adro at Verdem ay tawa nang tawa at natunugan na nila Axus na sila marahil ang may kagagawan noon. "Kahit kailan ka talaga, Verdem, nako!" natatawang sabi ni Axus sa kapatid. "Nakita n'yo ba s'ya noong nagulat?! Nakakatawa ang mukha n'ya, HAHAHAHA!" paghalakhak naman ni Verdem at dumating na si Emprido. Sila tuloy na mga naiwan sa Ogsimer ay mabilis na gumawa muli ng mga sirkulong mahika upang ang makita ng guro ay nag-aaral sila at hindi isipin na nagtatawanan lamang. "Sino sa inyo ang gumawa nito!?" dismayadong tanong ni Emprido at dahan-dahang humarap ang ibang regium sa kanila ni Lerzia. Nang makita nina Verdem ang puro kagat na mukha ni Lerzia ay hindi na nila napigilan pa ang tumawa. "Apmevento — sinasabi na nga ba!" iritang sabi ni Lerzia at sa inis ay nilisan na ang bulwagan at hindi na itinuloy ang ginagawa. "Lagot ka, Verdem!" pang aasar ng apat na regium. "Ikaw talaga, Verdem! Kaya hindi kayo nagkakasundo ni Lerzia eh. Masyado kang pilyo!" saad ni Emprido sa regium nang lumapit s'ya rito, "simula pagkabata ay palagi na kayong nagkakainisan, kailan ko ba makikita ang isang nagkakasundong Verdem at Lerzia?" Ngisi lang ang isinagot ni Verdem sa kanilang guro at itinuloy na niya ang kaniyang pag-aaral. Si Lerzia ay nasa kaniyang silid, bagong linis at hindi maganda ang timpla, iniisip pa rin kasi ang ginawa sa kaniya ni Verdem. "Nakakainis ka talaga, Verdem — babawian kita, ARGGG!" ngitngit ng bata habang nagsusuklay ng humahaba na niyang buhok. "Salutem, aking regium! Ano't tila nagsasalita kang mag-isa riyan?" pagdating ni Grayda. "Si Verdem, nakakainis s'ya! Ako na naman ang tinampulan n'ya ng kaniyang kapangyarihan, tignan mo ang ginawa n'ya sa akin — pinahabol na naman ako sa iba n'yang alagang insekto, hmp!" naiinis na kwento ng regium, "gagantihan ko talaga s'ya! Makikita n'ya!" Ngumiti nang maliit si Grayda at saka tumabi sa kaniyang alaga... "Hindi si Verdem ang kailangan mong pag-aksayahan ng panahon, aking mahal... Si Axus — s'ya ang dapat mong pagtuunan ng pansin." saad ng hora. "Ha? Bakit — ano namang kinalaman ni Axus dito? Si Verdem ang aking sinasabi, Grayda. Mahina ba ang iyong pandinig? Si Verdem ang kinaiinisan ko, hindi si Axus!" paliwanag ni Lerzia dahil naguluhan s'ya sa sinabi ng kaniyang kausap, "at isa pa, magkabati kami ni Axus, mabait nga s'ya eh — at magkasundo kaming dalawa!" masaya niyang kwento. "Hindi ka dapat matuwa, mahal kong Lerzia. Lalong hindi mo dapat hayaang mapalapit si Axus sa 'yo — dahil s'ya ang magiging kalaban mo sa trono ng inyong amang hari." pag-salungat ni Grayda. "Ha?" sambit ni Lerzia at kinuha ng hora ang suklay na hawak n'ya at ito na nagsuklay sa buhok kaniyang buhok. "Nais mong maging hari 'di ba? Darating ang araw na pipili na si haring Roman ng hahalili sa kaniya upang mamuno dito sa Goltus, at tinitiyak ko sa'yo na si Axus ang kaniyang pipiliin at hindi ang sinuman sa inyong anim." lahad nito. Napaisip si Lerzia at maya-maya ay nagsalita... "Bakit naman mangyayari 'yon? Batid ko ay wala dapat kinikilingan ang isang pinuno? Bakit, Grayda — may pagkiling ba ang aking ama sa aming magkakapatid?" tanong ni Lerzia, "si Axus ba ang paborito n'ya?" "Si Kaxandra ang pinaka minahal ng amang hari sa lahat sa inyong mga ina. S'ya nga ang ginawa nitong reyna eh habang sa iyong ina ay muhing-muhi s'ya, Lerzia. Si Helad na iyong ina ang pinaka-ayaw ni Roman sa kaniyang mga asawa!" kwento naman ni Grayda kaya hindi tuloy naiwasan ng prinsipe na masaktan. "—kung ayaw n'ya sa aking ina ay bakit pa sila nagka-anak? — Bakit ako narito kung gano'n?" tanong nito at ang hora ay natahimik lang at hindi nakasagot. "Kung hindi n'ya itinangi ang aking ina ay bakit pa ako nabuhay rito sa Majezenty? Bakit ako pa ang panganay?" Tumayo na si Grayda at nagsalita... "Basta — maghanda ka... Dahil si Axus ang tiyak na magiging hari, at ikaw?—" sambit nito at hinawakan sa balikat ang paslit "—ikaw ay maisasantabi lang..." At lumakad na palabas ng silid ang hora habang si Lerzia ay naiwang nagtataka at napapaisip kung bakit ganoon ang sinabi ng kaniyang taga-alaga. "Sino ba kasi si Helad?" tanong n'ya sa kaniyang sarili. "Bakit ba sa dami ng aking narinig tungkol sa aking ina ay hindi ko pa rin s'ya lubusang nakikilala? Hay..." ... Hanggang sa lumipas na ang mahabang panahon, ang dating mga paslit na regium ay naging mga binata na, makikisig at naggagandahang mga lalaki! Isang umaga, tumatakbong lumabas sa kaniyang silid itong si Lerzia dahil hinahabol na naman s'ya ng mga tutubi, at nakasalubong n'ya ang kaniyang mga kapatid na mga naka-gayak pang ensayo na. "Kumusta ang laro ninyo ng aking mga kaibigan?" nang-aasar na tanong ng napaka kisig at may mahabang buhok na si Verdem. "Apmevento — bakit ba ako ang hilig mong paglaruan ng iyong kapangyarihan?" iritang sagot si Lerzia na may mahaba ring buhok, "humanda ka at babawian kita mamaya!" "Sige lang — nakahanda ako!" paglapit ni Verdem sa kapatid at talagang inaangasan n'ya pa ito. "Tama na 'yan mga prinisipe!" pag-gitna sa kanila ni Axus. "Lerzia, bakit hindi ka pa nagpapalit? Mag-uumpisa na tayo sa pagsasanay?" tanong nito sa kuya. "Hintay lamang, may cerapal kasing tinik sa dibdib ko!" sagot ni Lerzia at pasaring na rin kay Verdem dahil pagalit itong tumalikod at tinignan nang napaka sama ang kapatid. "Tsk! Kahit kailan talaga 'tong si Lerzia, napaka mainitin ng ulo." natatawang sambit ni Sype. "Tayo na, hintayin nalang natin sa tabing dagat ang talunan." aya ni Verdem sa mga kapatid at lumisan na rin nga sila. Tirik na ang araw, ang limang naunang regium ay nasa dalampasigan na at nakahanay, dumating na rin kaagad si Lerzia na inaayos pa ang suot habang kasunod ang hora nito. "Handa ka na ba sa ating pagtutuos?" mapang-asar pa na tanong ni Verdem nang dumaan sa harapan n'ya ang kapatid. "Tsss!" Kinuha na ng anim ang kani-kanilang mga espada at naghanda na. Nang makapwesto sila ay agad na silang tumuloy sa pagsasanay kasama ang kanilang mahusay na guro! Nang makapag isa-isang ensayo ang anim ay pinag-pares pares naman sila ni Capaste; sina Axus at Adro, sina Xelcis at Sype, at sina Verdem at Lerzia ang magkakadikit. "Bakit kami hinati, gurong Capaste?" tanong ni Xelcis. "Sapagkat susubukin ko na ang galing ninyong anim." sagot ng apram at tumayo nang may kalayuan sa kanila, "lalabanan n'yo ang isa't isa upang makita ko kung gumaling na ba kayo o may natutunan kayong bago sa pag-aaral natin ngayong araw." dagdag nito. Nagkatinginan ang magkakapares at mga kapwa sila nasabik at kinabahan dahil ang kakalabanin nila ay ang isa't isa, magandang pagkakataon ito upang makita nila ang kalakasan at kahinan mayroon ang bawat isa sa kanilang anim. "Simulan na natin, Lerzia at Verdem — kayo nang mauna." utos ni Capaste at mabilis na lumisan ang apat na iba pang regium upang iwan sa gitna ang dalawang napili. Natuwa naman ang maglalaban dahil magkakaalaman na sila kung sino ba sa kanilang dalawa ang tunay na mahusay. Pumuwesto na agad sila paharap sa isa't isa at naghanda... "Handa ka na bang matalo?" nang-aasar na tanong ni Lerzia sa kaniyang kapatid. "Tss!" Verdem "Simulan na!" hudyat ni Capaste at nagsimula nang kumilos ang dalawa! Magkasabay na umatake sina Lerzia at Verdem pero nagawa rin nilang maiwasan ang isa't isa, pagkatapos ay nagtagisan sila ng bilis sa pakikipag-espadahan hanggang sa isa na ang nakalalamang... si Lerzia. Pero hindi nagpapatinag si Verdem dahil pilit itong bumabawi upang maasar at mapahiya n'ya ang kaniyang kuya. Muli s'yang nakabawi pero nagawa s'yang talisudin ni Lerzia kaya napasubsob s'ya sa buhangin at s'ya ang natalo. "Sancte!" pag-awat ni Capaste nang may isa nang natumba. "Isang puntos para sa akin!" may ngising na sabi ni Lerzia sa kapatid at saka ito iniwan na naiinis. Irita namang tumayo si Verdem at pinalitan naman sila ng magkapares na Axus at Adro. "Simulan ang laban!" "Natalo ka ni Lerzia ah?" sambit ni Xelcis nang magkatabi sila ni Verdem. "Tsk, babawian ko s'ya, arg!" talunan na sabi ni Verdem. Naunang umatake si Adro at naka-yuko si Axus, pagkatapos ay ito namang ang umatake at nataaman s'ya sa mukha! "Aray!" daing ni Adro at muling gumalaw, ngunit hindi n'ya masaktan o malamangan si Axus dahil likas itong may bilis ng katawan at nagagawa agad na maharang ang sandata n'ya, dagdag pa na magaling itong umiwas. Nagawang maagaw ni Axus ang sandata n'ya at itinapon ito, pero nakahanap naman s'ya ng pagkakataon upang dalihin ang bunsong kapatid sa hita nito kaya't napaluhod nga si Axus sa buhangin. "Agh!" daing nito. "Talo ka na Axus!" sigaw ni Adro at gumawa ng malakas na enerhiya gamit ang mga kamay n'ya at agad itong ibinato sa kapatid! Mabilis na iniharang ni Axus ang kamay n'ya at nagawa n'yang makontra ang paparating na salamangka, hindi tuloy s'ya nasaktan at nagawa niyang makatayong muli! "Maganda ang laban nitong dalawang 'to." puna ni Verdem at silang lahat ng nasa tabing dagat ay napatutok sa labanan nina Axus at Adro. Muling sumugod si Axus nang madampot ni Adro ang sandata nito. Nagtagisan na naman sila at naharang ni Adro ang espada n'ya kaya dito na niya ito tinadyakan at napaatras nga ang kapatid, pero hindi nagpapatalo si Adro, muli naman itong bumuo ng enerhiya at ibinato patungo sa kaniya! Ang ginawa nitong si Axus ay pinatama sa espada ang papalapit na enerhiya at saka ito ibinaling sa ibang dako ng dalampasigan kaya doon ito sumabog! "Sancte, mga regium!" pag-awat sa kanila ni Capaste. "Napaka husay ng inyong naging laban! Mahusay!" puri nito at parehong ngumiti sa isa't isa sina Axus at Adro saka sila magkaakbay na bumalik sa kinaroroonan ng guro. "Magaling, mga regium. Napahanga n'yo ako sa inyong galing!" puri sa kanila ni Capaste. Natuwa naman ang magkapatid at kahit nagkasakitan sila kanina ay hindi sila galit sa isa't isa dahil batid naman nilang pagsasanay iyon at nagawa nilang ipakita ang mga kaya nilang gawin kaya masaya pa rin sila. "Ngunit, Adro. Ipapaalala ko lang na hindi mo maaaring gamitin basta-basta ang mahika pag sa akin kayo nagsasanay. Gusto ko na gumaling at maging mahusay kayong lahat nang hindi umaasa sa inyong mga kapangyarihan." dagdag na saloobin ng apram. "Hindi sa lahat ng pagkakataon ay sa salamangka ka aasa, maliwanag?" "Tatandaan ko 'yan, gurong Capaste!" sagot ni Adro na may kasamang ngiti. "Mainam, oh ang natitirang pares, pumuwesto na kayo!" sigaw ni Capaste at pumuwesto na nga ang huling magtatapat, si Sype laban kay Xelcis. Naroon rin sa dalampasigan si Emprido na pinapanood ang pagsasanay nila, maging kanina ay labis itong namangha sa ipinakitang galing nina Axus at Adro pa rin. Naisip nito na tila ang dalawang ito ang nagmana ng husto kay Roman dahil sa angking galing sa pakikipaglaban at paggamit ng kapangyarihan. Nang magsimulang maglaban sina Sype at Xelcis ay saka n'ya tinawag si Axus at pinalapit sa kaniya. "Gurong Emprido, anong atin?" pawisang tumabi sa Axus sa kaniya. "Binabati kita! Napaka husay ng ginawa n'yong laban kanina. Napahanga mo ako ng lubusan, mahal na regium." nakangiting puri ni Emprido. "Maraming salamat kung gano'n! Hahahaha!" Axus "Heto, may nais akong ibigay sa 'yo!" sambit ni Emprido at kinapa-kapa ang suot n'ya sa ilalim ng roba. Mula sa bulsa n'ya ay dinukot n'ya ang isang bolang kristal... "Tanggapin mo ito, Axus. Isang handog mula sa akin." pag-abot n'ya sa binata ng bolang kristal, "malaki ang maitutulong sa'yo ng bolang ito kaya ingatan mo!" Habang nag-uusap sila ay nakatingin pala sa kanila si Lerzia kaya't nakita nito pati ang inabot ng guro sa kaniyang kapatid. "Bolang — kristal?!" tanong ni Axus, "ano naman ang magagawa nito, Emprido?" "Magagamit mo 'yan sa oras ng matinding pangangailangan — o panganib!" sagot ng guro, "dahil may kapangyarihan ang bolang kristal na 'yan na dalhin sa kahit na anong lugar o pook ang sinumang may hawak sa kaniya." pagpapaliwanag nito. "Totoo po?!" laking pagkahiwaga ni Axus sa bagay na kaniyang hawak kaya't tinitigan n'ya itong maigi. "Iisipin mo lang ang lugar na nais mong puntahan at saka ka umikot, pagkatapos ay makikita mo aking sinasabi." nakangiting dagdag ni Emprido. Ngumiti si Axus na parang naguguluhan at saka itinago sa bulsa ang bagay na hawak. "Pag-aaralan ko. Maraming salamat dito!" sambit nito at saka muling bumalik sa pinagsasanayang dako. "Regium Sype, maaari bang tigas-tigasan mo naman ang iyong kilos? Masyado kang malambot!" utos ni Capaste kay Sype at nagtawanan ang ibang regium. "At bakit n'yo tinatawan si Sype ha?!" pagkarating ni Axus sa pinanggalingang dako. "Avenila, Capaste. Napapagod na kasi ako sa walang katapusan mong pagtuturo." pabalang na sagot ni Sype at bahagya s'yang dinali ni Axus sa balikat. Mabuti at hindi nainis sa kaniyang asal si Capaste bagkus ay tumawa nalang ito na waring tinanggap na biro ang isinagot ng regium. "Hay, Sype... Kakaiba ka talaga sa inyong magkakapatid." sabi ng apram at si Sype ay nagtaas lang ng kaniyang kilay upang ipakita sa iba niyang kapatid na nabubugnot na s'ya. ... Kinagabihan... Nananalamin si Lerzia sa loob ng kaniyang silid nang marinig n'ya ang boses ni Axus. "Damhan ad vesperum, velaca!" bati nito. ---------------------------------------------------------------- " Damhan ad vesperum, velaca!" - Magandang gabi, kuya! ---------------------------------------------------------------- "Axus?! Ikaw pala!" bati ni Lerzia, "damhan ad vesperum!" "Maaari ba akong pumasok?" nahihiyang tanong ni Axus. "Oo naman!" pagpapatuloy ni Lerzia, "halika, tignan mo... Ano, maganda ba?" tanong nitong si Lerzia sa kapatid at ipinakita ang kasalukuyan n'yang hawak na damit; isang napaka ganda at mahabang kasuotan na kulay itim at pinalilibutan ng mga kumikinang na ginto at pilak na bato! "Kay gandang kasuotan! Saan mo nabili iyan?" pagkamangha ni Axus at tumapat sa harap ng kapatid. "Nakuha ko lamang sa kung saan, ni hindi ko nga alam na may ganito pala akong kasuotan?!" nakangiti namang sagot ng isa. Pinagmasdan at hinaplos ni Axus ang magarang kasuotan... "Tila inihanda 'yan ng ating ama para sa — iyong pagbibinata! Bakit hindi mo subukan? Sa nakikita ko'y ba-bagay ito sa 'yo!" mungkahi nito at napangiti muli si Lerzia. "Talaga ba? Tingin mo?—" "Oo naman!" "S'ya sandali... Magpapalit ako at tignan mo kung babagay ha?!" "Sige, hihintayin kita rito!" Dali-daling nagtungo sa palikuran si Lerzia at nagpalit ng kasuotan, mula sa kulay lila at payak niyang kasuotan na pang regium ay pinalitan n'ya ito ng napaka rangyang gayak na nakuha n'ya sa kaniyang taguan, mabilis rin s'yang lumabas at humarap muli sa kapatid. "Napaka ganda!!" agad na sabi ni Axus at umikot sa kapatid upang tignan ang bawat piraso ng kasuotan nito. "Ka'y kisig mong tignan!" puri pa niya. Sa tuwa ay muling humarap sa salamin si Lerzia at pinagmasdan nga ang sarili, at nakita n'ya na mas gumanda ang kaniyang anyo sa kasuotang iyon! "Napaka ganda!" sambit n'ya sa sarili. Matapos ng sandali nilang pagku-kwentuhan pa ay nagbalik na sa kaniyang silid si Axus at nang patungo na siya sa kaniyang higaan ay naalala n'ya ang isang bagay — naman nagtungo s'ya sa lamesa at binuksan ang isa sa mga kahon na naroon. "Ano bang nagagawa mo?" tanong niya nang makuha ang bolang kristal na bigay sa kaniya kanina ni Emprido. Sa kahiwagaan ay bahagya s'yang umusod sa lamesa at sinubukan ang sinabi ng guro, ang isipin ang gustong puntahang lugar at saka umikot. Pumikit pa s'ya at saka huminga ng malalim at umikot na nga ng dahan-dahan— LAKING GULAT N'YA NANG MAKITA NA SA ISANG IGLAP AY NASA ISANG MADILIM NA KAGUBATAN NA S'YA! "HA?—" sambit n'ya at tinignan ang bolang hawak. Sa takot ay muli s'yang umikot at biglang nasa kaniyang silid na ulit siya at nasa kinatatayuan n'ya rin bago s'ya malipat ng kinaroroonan! "Ha — HAHAHAHAH!" natawa s'ya dahil totoo nga! May kakaibang kapangyarihan ang bolang iyon na dalhin s'ya sa maiisipan n'yang lugar. Sa tuwa ay muli s'yang umikot at napadpad naman sa silid ng kapatid na si Xelcis, ngunit natutulog na ito at hindi namalayan ang kaniyang pagdating. Muli s'yang umikot agad at napadpad naman sa silid ni Verdem. "Axus?!" boses nito. Humarap si Axus at nakita ang kapatid na naka-tuwalya at mukhang bagong paligo.pa. "Oy! Verdem! Hahaha!" bati niya na may kasama pang ngiti. "Anong ginagawa mo dito?" nagtataka namang tanong ng isa. "Ahhh, wala! Wala! — may sinubukan lang akong... mahika! Oo tama!" nauutal na sagot ni Axus. "—ayos ka lang ba? Bakit parang naguguluhan ka?" tanong ni Verdem na medyo natatawa. "Oo! Mauna na ako ha?! Damhan ad vesperum!" paalam ni Axus at nagmamadaling lumabas ng silid. "Tss... Talaga 'tong Axus! Hahahaha." sambit ni Verdem nang makalabas ang kapatid. Nang makalayo sa silid si Axus ay huminga s'ya nang malalim at mabuti nalang dahil hindi nalaman ni Verdem ang tungkol sa hawak n'yang gamit. Muli na siyang umikot at nakabalik kaagad sa kaniyang silid, muntikan pa nga s'yang sumubsob dahil tumama s'ya sa gilid ng lamesa. "Axus?!" biglang pumasok sa silid si Lerzia. "Oy, Lerzia!?" natatawa niyang bati. "Ano't tila nasisiraan ka ng bait d'yan?" tanong ng kapatid. "Wala! Na-nahilo lang ako, sandali — kanina ka pa ba d'yan?" gulat na tanong nitong si Axus. "Ngayon lang, nang makita kitang tumama sa iyong lamesa. Alam mo naman, bilin ng ating amang hari na palagi ko kayong dapat tignan bago ako magpahinga." nakangiti tugon ni Lerzia at lumapit sa kapatid, at umupo sila sa upuan nang magkaharap. "May sakit ka ba?" tanong nito. "Wala! Wala! Hahaha, ano ba namang tanong 'yan, velaca!" natatawang sagot ni Axus. "Kakaiba lang ang kinikilos mo kaya tinatanong kita." pagngiti ni Lerzia at tumayo na rin agad, "ngunit mukhang wala ka namang nararamdamang kahit ano." sambit nito. "'Wag mo akong alalahanin, Lerzia. Ayos lang ako. Magpahinga ka na, maaga pa tayo bukas." may ngiting sabi ni Axus. "Mabuti pa nga, mapayapang gabi aking kapatid!" paalam ni Lerzia. "Sa 'yo rin! Mag-iingat ka sa pagbalik sa iyong silid, velaca! At — muli, ang ganda ng iyong gayak!" paalam rin ni Axus at sinuklian nila ng kapatid ang isa't-isa ng napaka tamis na ngiti. Tumuloy na nga sa paglisan si Lerzia at sumara na rin ang pinto ng silid. Naglalakad na ito at nang mapadaan sa isang pasilyo ay biglang may nagsalita mula sa dilim!— "Maling nakikipag mabutihan ka kay Axus." tinig ng isang lalaki. "Sino ka?!" tumigil sa paglalakad si Lerzia. At lumantad si Tomzo at sa likuran n'ya pumuwesto... "Hindi ba't si Axus ang makakalaban mo sa trono ng inyong ama kaya hindi ka dapat dumidikit sa kaniya." sabi nito. "Alam ko ang sinasabi mo — at alam ko rin ang ginagawa ko..." mahinang sagot ni Lerzia at tumingin na sa dadaanan n'ya, "...magtiwala ka!" "Ngunit sa susunod ay wag kang bigla-biglang susulpot mula sa dilim dahil baka mapaslang pa kita." dagdag nito at lumakad na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD