Kabanata 22: Si Axus

2807 Words
Sumapit na ang isang napaka aliwalas na umaga sa mundo ng mga mortal. Si Naeso ay bumangon kaagad sa kaniyang hinihigaan at dumungaw sa bintana. "Magandang umaga!!" bati n'ya sa kaniyang sarili at nakita sa ibaba ang mga kapitbahay nila na nagsisipag-bukasan na rin ng kanilang mga pinto. "Isang panibagong araw na naman!" sambit n'ya at lumabas ng kwarto para bumaba. Nang makababa s'ya binuksan na niya ang pintuan at pati ang bintana sa salas. "Oh, Naeso! Gising ka na pala?!" bati ni Mildred nang makita siya. "Magandang umaga sa iyo Mildred!" bati rin ni Naeso. "Nako, tamang tama — nag-iinit na ako ng tubig para makapag kape na tayo. Nasaan ba si Axus? Gisingin mo na s'ya nang makapag handa na ako." aya ni Mildred. "Himbing na himbing pa rin s'ya sa pagtulog — 'yong batang iyon talaga!" natatawang sambit ni Naeso, "bibili na muna ako ng tinapay, pagbalik ko ay saka ko s'ya gigisingin!" "Mabuti pa nga, oh s'ya sige magtitimpla na ako." "Nasaan si Lawag? Tawagin mo na rin s'ya para sabay sabay na tayong makakain." "Gising na, nasa CR lang, nagsi-siplyo." Lumabas na ng bahay si Naeso at habang naglalakad s'ya palabas ay marami ang bumabati sa kaniya, sa haba na kasi ng paninirahan n'ya rito ay nagkaroon na siya ng mga bagong kakilala at kaibigan. Nakasanayan na rin niya ang pamumuhay at gawi ng mga tao, mula sa pananalita at pagkilos ay makikita na talagang gamay na nga niya ang mundong lito. Nakarating na siya sa panaderya at maging ang tindera rito ay kabatian niya... "Hello, Naeso?! Good morning!!" masiglang bati ng tinderang si Nikki, "hays, napaka ganda naman ng umaga ko kasi nakita na kita!" "Hahaha, magandang umaga Nikki! Trentang pandesal nga sa akin!" sagot ni Naeso sa dalaga. "30 pesos na pandesal, coming right away!" maiglas na kumilos itong si Nikki at kinuha agad ang bilang ng pandesal na binibili ng binata. "Talaga 'tong si Nikki! Hahaha!" natatawang sambit ni Naeso habang naghihintay. "Oy Naeso! Ang aga mo ah? Anong oras ba kayo magbubukas?" pagdating naman ni Wilma, isa sa mga kapitbahay. "Mag-aalmusal lang — saka kami magbubukas!" nakangiting sagot ni Naeso. "Here's your order, handsome! Trentang pandesal!" paglabas ni Nikki at dala na ang supot na may lamang maiinit na mga pandesal. "Ayon! Saka bigyan mo ako ng isang mantikilya." tinanggap ni Naeso ang supot at inabot naman ang hawak n'yang pera. Agad rin s'yang binigyan ng butter ni Nikki at saka sinuklian. "Ba-bye pogi! See you around!" "Hoy Nikki, ikaw napaka talandi mo talaga eh! Pati ba naman si Naeso!" prankang sabi ni Aling Wilma sa tindera. "Eto naman si ate oh! Masama ba?! Eh dalaga naman ako — at binata naman s'ya, anong kaso?!" "Gaga ka ba, may anak na 'yon!" "Nasaan ang asawa?! Oh diba wala?! Pwede naman akong mag-apply eh!" "Bruha ka talaga hahahaha!" Natawa nalang sa kanila si Naeso dahil narinig ang kanilang usapan, at oo nga pala — ang alam ng mga taga-rito ay anak n'ya si Axus kahit ang totoo ay pamangkin n'ya ito. Bumalik na s'ya sa kanila at inilapag muna sa lamesa ang dalang supot at umakyat sa itaas upang gisingin na si Axus. "Axus?! Axus?! Gumising ka na, umaga na. Mag-aagahan na tayo!" sambit n'ya at tinapik tapik ang nasa higaan pang pamangkin, na nakatalukbong ng kumot at himbing na himbing pa sa pagtulog. "Axus?! Bumangon ka na riyan..." Nagtanggal na ng talukbong ang batang si Axus at bumangon. S'ya ngayon ay isa nang may isip at nakakaunawang paslit! "Aye?!" bati nito. "Bumangon ka na, naghahanda na si tiya mo ng agahan, tayo na!" utos sa kaniya ni Naeso at sinimulang ligpitin ang mga gamit. Pagkatapos ay bumaba na sila at pinaupo ni Mildred si Axus sa upuan na katabi si Lawag. Si Naeso ay nagtungo muna sa palikuran upang maglinis ng kaniyang mukha. "Aye, may napanaginipan ako! Isang magandang babae!" saad ni Axus habang nag-kukusot ng mga mata. "Babae? Sino namang babae?" boses ni Naeso. "Hindi ko po alam ang pangalan n'ya eh, basta ang ganda n'ya! Sino kaya s'ya?" "Sino kayang babae 'yon?" tanong din ni Mildred. "Hay nako, hayaan mo na 'yon! Kumain na muna tayo." lumabas na ng palikuran si Naeso at nagpunas ng mukha saka dumalo sa hapag. "Kuya, tuturuan mo ba ulit kami mamaya?" tanong ni Lawag. "Oo naman! Basta't may bakanteng oras." sagot ni Naeso. Masaya silang nagsalo-salo sa payak na agahang iyon, pagkatapos ay nagpahinga muna sila upang maghanda naman para sa pagpunta sa kanilang pwesto sa palengke. Habang naghihintay ng sandali ay naglaro muna sina Axus at Lawag sa labas ng bahay kasama ang iba pang mga bata, si Mildred naman ay nag imis-imis muna at si Naeso ay nag-tuos ng kanilang mga kita at iba pang gastusin. "Sino kaya ang tinutukoy ng pamangkin mo ano?" nahihiwagaang tanong ni Mildred. "Nako, wag mo na munang pansinin 'yon. Bata pa s'ya kaya't kung ano ano pa ang nakikita ng kaniyang isip." sagot ni Naeso. "Kung sa bagay — nga pala, matagal tagal na rin kayo rito?! Pati noong huling dumalaw 'yong mga sisne? Ano na ba'ng balita sa Majezenty?" "Katulad mo ay napapaisip rin ako. Hindi pa muling nagpapadala ng dalaw si Roman eh, baka abala lang sila ng aking kapatid." Sumapit na ang tanghali, ang palengke kung saan nakapwesto sina Mildred ay tahimik lang. Walang masyadong mamimili dahil sa kainitan ng panahon at oras na rin ng tanghalian kaya iilan na lamang ang mga nagagawi roon upang bumili. Kasalukuyang nakikinig sa radyo si Mildred habang tinatanggalan ng kuto sina Axus at Lawag, mabuti na lamang at may nagagawa s'ya upang hindi s'ya tamaan ng antok. "Nasaan ang mga bata?!" biglang sumulpot si Naeso. "Aye!!" boses naman ni Axus at ang naunang tumayo ay si Lawag dahil s'ya ay tapos nang tignan ng kaniyang ina. "Walang masyadong mamimili, Mildred. Gusto n'yo bang..." nakangiting tanong ni Naeso kina Lawag. "Opo, opo!!" sagot kaagad ng bata. "Oh, s'ya, s'ya. Lumakad na kayo! Ako na muna ang bahala rito!" sambit ni Mildred at pinatayo na rin si Axus. "Yehey!! Thank you, ate!" pasasalamat ni Axus at agad nang lumabas ng tindahan para sumama sa kaniyang tiyuhin. "Wag kayong magpapawis ng sobra ha! Pag kayo nagkasakit, lalo ka na Lawag ha!" bilin ni Mildred. "Oo 'nay, promise!!" "Mauna na muna kami, Mildred!" paalam ni Naeso na katabi na ang dalawang bata. "Mag-iingat kayo ha!" paalam din ni Mildred. Sabik na nagtungo sa malawak na burol sa kanila ring barangay ang tatlo, tamang tama dahil tanghali nga ay maginhawa roon, maaliwalas ang hangin at walang masyadong taong namamalagi. Agad na inabutan ni Naeso ng tig-isang mahabang kahoy sina Axus at Lawag at pinapwesto n'ya ito sa tabi n'ya. "Saan nga tayo natapos?!" tanong n'ya sa mga bata. At nagsimula na ulit silang magsanay! Sapul pa kasi ng magkaisip si Axus at magawang makaintindi ay sinimulan na s'yang hasain ni Naeso; hasain sa paghawak ng sandata at hubugin ang natural nitong kakayahan at kapangyarihan sa pakikipag laban, s'yempre dahil nandyan rin si Lawag ay pinagsabay na silang turuan ng binata, upang sa takdang panahon ay maging mga mahuhusay nga silang mandirigma sa magtatanggol hindi lang sa Goltus, kundi sa buong Majezenty! Sa buong araw na iyon ay ginugugol muli ng mga bata ang kanilang oras sa pagpapa-husay ng kanilang mga sarili at kaalaman sa mga labanan. Mga bandang alas kwatro ng hapon ay huminto muna sila upang magpahinga at uminom ng tubig, masayang silang tumapat sa papalubog na araw habang pinag-uusapan pa ang ilang mga bagay ukol sa Majezenty. Lubhang natutuwa si Naeso kina Axus at Lawag dahil pursigido ang mga ito na maging mahusay at kahit na anong ipagawa n'ya ay pinipilit ring magawa ng dalawa, kahit na mga bata pa lamang ay tiyak na s'yang magiging mahusay ang mga ito sa hinaharap. Matapos uminom ng tubig ni Naeso ay tumayo na ulit s'ya hawak ang kaniyang arnis, at pumuwesto. "Tama na ang pahinga, magsimula na ulit tayo!" aya n'ya sa mga bata. "Wait lang, aye! Pagod pa ako!" daing ni Axus na pawisan at ang asim-asim na tignan. "Oo nga, kuya, wait lang!" dagdag naman ni Lawag. "Akala ko ba'y nais n'yong gumaling? Gusto n'yo bang maging mahusay na madirigma?!!" pasigaw na tanong ni Lawag. "OPO!!" matigas naman na sagot ng dalawa at nagkatinginan pa. "Kung gano'n — isa pa!" utos ni Naeso. Maiglas muli na tumayo sina Axus at Lawag, hinawakan ang kanilang mga arnis at sabay na sinugod si Naeso! "Isa..." "Dalawa..." "Tatlo! HAGH!" At nang sumapit na ang gabi... "Oh tama na ang pag-eensayo! Gabi na, bukas naman!" tinawag na sila ni Mildred at saka lamang natigil ang kanilang pag-galaw. Hindi na rin nila namalayan na gabi na pala. "Mukhang gumagaling na ang dalawang ito ah?!" puna ni Mildred sa mga bata. "Nay, ang dami ko na pong alam na galaw! Parang ganito!" kwento ni Lawag at pinakita pa ang mga bago n'yang galaw. "Oh, tama na! Tama na! Tignan mo 'yang pawis mo oh! Maghubad ka na nga ng damit!" pag-awat ni Mildred sa anak. "Ikaw din Axus, nako! Magpatuyo kayo ng pawis, magkakasakit kayo n'yan eh! Tara na, umuwi na tayo at nang makapag handa na ako ng hapunan!" Agad na kinuha ni Naeso ang dalang bilao ni Mildred at magkasabay na silang naglakad habang sina Axus ay nasa likod lang nila at masayang nagkukwentuhan. "Pag-uwi, maligo kayong dalawa ha! Ang babantot n'yo na!" bilin ni Mildred. "Opo, hahahah!" sagot ng mga bata. "Kumusta pala ang benta?" tanong ni Naeso. "Ayon, kahit papano naubos naman yung mga lumang gulay, bukas, 'yung mga bagong dating naman ang ititinda natin!" masayang sagot ni Mildred. "Mabuti naman kung ganon! Hays, salamat!" "Mabuti at hindi ka nagsasawang turuan 'yang mga batang 'yan, lalo na ang anak ko." sambit ni Mildred, "mahirap magturo, lalo na kung sa mga gan'yan katitigas na ulo ng mga bata, hahaha" biro nito. "Hindi ako magsasawa, Mildred. 'Yan ang isa sa mga ibinilin sa akin ng kaniyang ama eh, saka isa pa, nararamdaman ko ring magiging mahusay silang tagapagtanggol ng Majezenty balang araw!" saad ni Naeso. "Talagang hindi pa rin natitigil ang gulo sa inyong mundo, ano?" "S'yang tunay! Kaya mas gusto ko talaga ang mundong ito, hindi gaanong marahas! Tsk!" Hanggang na makauwi na nga ang apat, sina Axus at Lawag ay agad na nagtungo sa likurang panig ng kanilang bahay upang sabay silang maligo. Si Naeso naman ay nag-ayos muna ng mga gamit nila at si Mildred ay nag-handa na ng makakain. Matapos maligo ng dalawang bata ay dumulog na sila sa hapag upang mag hapunan. Ang ulam nila ay sisig kaya naman sabik talagang makakain ng marami si Naeso dahil ayon sa kaniya ay ito ang pinaka masarap na putahe na kaniyang natikman mula sa mundo ng mga mortal. Nang makakain ay agad na nagligpit si Naeso at hinugasan ang mga nagamit na kasangkapan, si Mildred naman ay naligo muna at ang dalawang bata ay naupo sa sofa at nagkulitan. Pagkatapos ni Naeso sa kaniyang ginagawa ay kinuha n'ya ang isang gamit mula sa kwarto nila ni Axus at pumuwesto s'ya sa maliit na lamesa sa salas. Inilatag n'ya ang dalang gamit na isa palang mapa at lubhang namangha ang dalawang bata rito dahil nagliliwanag pa ito! "Wow! Ano po 'yan?" tanong kaagad ni Lawag at magkasama sila ni Axus na lumapit sa lamesa upang tignan ang mapa. "Ito ang mapa ng Majezenty! Ang mundo kung saan tayo nabibilang!" salaysay ni Naeso. "WOW!" dalawang paslit. "Nahahati ito sa napaka raming lupain at mga kaharian! Dito ang Falcodep, ang Saghara at ang inyong tahanan — ang Goltus!" saad ni Naeso at tinapat ang kaniyang daliri sa isang panig na may pigura ng paru-paro. "Aming tahanan?" tanong ni Axus. "Oo! Dahil kayo ni Lawag ay parehong sorsero — ngunit ang katayuan n'yo ay magkaiba, ikaw — isa kang prinsipe." sagot sa kaniya ng tiyuhin. "Bakit, kuya — ikaw, ano bang lahi mo?" tanong naman ni Lawag. "Ako? — ay isang Celestian." sagot ni Naeso at itinuro naman ang lupain sa bandang silangan ng mapa, "ang lahi namin ay mga mandirigma na katulad ng mga sorsero ay nagtataglay rin ng kapangyarihan!" "WOW!" pagkamangha muli ng dalawa. Lumabas na ng palikuran si Mildred at nakita ang tagpong iyon ng tatlo, napangiti nalang s'ya at hindi na nakisali pa dahil alam na naman n'ya ang mga isinasalaysay ni Naeso. "Edi may kapangyarihan ka din, aye? Patingin naman!" saad ni Axus. "Hindi n'yo pa maiintidihan ang kapangyarihan na tinataglay namin, ngunit pagdating ng araw ay malalaman n'yo rin ang lahat ng aking mga sinasabi." nakangiting sagot sa kanila ni Naeso. "Ano pang meron d'yan kuya? Magkwento ka pa!" sabik na saad ni Lawag. At nagkwento pa nga si Naeso ng ilan pang mga bagay patungkol sa Majezenty, kagaya nalang ng kanilang mga kinikilalang bantay o sa mundo ng mga mortal ay ang "diyos", pati ang ilang nilalang ng Saghara at mga nakaraang digmaan na naganap. Dahil doon kaya lalong namangha sina Axus at Lawag, at umigting na ang kanilang pagnanais na makapasok sa sinasabing mundo ng binata. "Nay, totoo kaya yung sinasabi ni kuya Naeso, yung Majezenty?" tanong ni Lawag sa kaniyang ina nang sila ay patulog na. "Oo naman! Bakit, hindi ka ba naniniwala?" "Naniniwala po s'yempre, nakaka-wow nga yung mga kinukwento n'ya eh! Gusto ko balang araw maging isa ring mandirigma ng Majezenty!" matayog na pangarap ng bata. "Ngunit tatandaan mo — na iba ang katayuan mo sa katayuan nina Axus, ang tatay mo ay isang kawal, kaya naman kawal rin ang magiging tungkulin mo pag nakarating na sa Majezenty." "Gano'n po ba? Sino ba ang tatay ko, 'nay? Di ko pa s'ya nakikilala ah!" "Hayaan mo, darating ang araw na makikilala mo rin s'ya! At nararamdaman kong malapit na rin iyon." Nag-aayos na ng mga gamit si Naeso habang si Axus ay nasa kama na, at handang na ring matulog. "Aye... May tanong ako." sambit ni Axus "Oh? 'Di pa ba sapat ang mga isinalaysay ko sa 'yo kanina?" sagot ni Naeso na pumuwesto na rin sa kama. "Hindi naman aye, gusto ko lang malaman kung sino ang mga magulang ko, ano bang itsura nila, aye? Saka, prinsipe ba talaga ako?" pag-uusisa ng paslit. "Ikaw ang pinaka tatanging prinsipe ng iyong ama't ina, kaya nga tayo narito eh dahil sa labis nilang pag-iingat para sa 'yo—" sagot ni Naeso, "at sa buhay mo..." pabulong nitong sambit. "Eh, aye... May kapatid ba ako? O iisang anak lang ako?" "—marami kang kapatid." sagot ni Naeso. "Po??" "At ikaw ang bunso." "Totoo ba, aye? Kung gano'n nasa'n sila? Bakit 'di natin sila kasama? Gusto ko silang makilala, aye! Kasing edad ko din ba sila?" "Hay nako, aking ykam! Napaka rami mo namang tanong! Pwede ba'ng bukas ko na iyan sagutin? Pagod na ang iyong aye, nais ko nang munang mamahinga!" saad ni Naeso at humiga na sabay nag-unat unat. --------------------- YKAM - Pamangkin --------------------- "Ayeeee! Ikwento mo muna!" pangungulit sa kaniya ni Axus pero hindi na s'ya nagsalita pa dahil tiyak na mapupuyat lang s'ya sa dami ng ipapasalysay sa bata, sadyang napaka daldal ba naman nito. ... (Sa Majezenty) Maganda ang araw sa lupain ng mga sorsero, ang paligid ay puno ng buhay at ang lahat ng mamamayan ng Goltus ay may kanya-kanyang ginagawa. Kasalakuyang tangan ni Roman ang asawa sa kaniyang mga bisig at ang kalagayan ni Kaxandra ay palala na nang palala — unti unti na itong nawawalan ng lakas at pag-asa na gagaling pa. "Nais kong makita ang ating anak, Roman... nais kong masabi sa kaniya na mahal na mahal ko s'ya..." tinig ng reyna na malambot at napupuno na ng panghihina. "Mangyayari din iyan, mahal ko... Hintayin mo lamang." sambit naman ni Roman. "Hindi ko na batid kung hanggang kailan pa ang itatagal ko rito sa Majezenty. Nais kong bago man lang ako pumanaw ay makilala ako ng ating anak..." malungkot na sabi ni Kaxandra. "Magpahinga ka na muna... Kailangan mo munang bumawi ng maraming lakas." tanging nasambit ni Roman at inilatag na niya ang katawan ng asawa sa kama. Dahil marahil sa sakit ay nakatulog na nga kaagad si Kaxandra, at dito na inilabas ni Roman ang isa sa mga hiyas... "Isinasamo ko ang kapangyarihan mo..." sambit ng hari sa hiyas ng lupa, "ibigay mo ang kasukdulang makakaya mo upang palakasin at pagtibayin pa ang kalusugan ng aking reyna. Pakiusap hiyas — ikaw ang nababatid kong may kapangyarihang humilom ng anumang karamdaman ngunit batid ko na maging kayo ay walang magawa sa sumpa ng isang bantay — kaya naman nagsusumamo nalang ako... Ibigay mo ang lahat ng makakaya mo upang palakasin ang aking asawa at dugtungan pa ang kaniyang buhay." utos ni Roman sa hiyas ng lupa. Nagliwanag nga ang hiyas at saka nagbigay ng napakaraming salamangka sa nahihimbing na reyna. Itinapat ni Roman ang hiyas sa dito kaya't nagliwanag ang buo nitong katawan. "Sana sa iyong paggising ay may magbago... Maraming salamat, mahal na hiyas ng lupa." wika ni Roman at itinago na ang hiyas. Hinagkan n'ya muna sa pisngi si Kaxandra at saka ito iniwan. "May katagalan na rin ang lumipas na panahon, kamahalan. Tila wala nang bumibisita kina Naeso sa mundo ng mga mortal?" tanong ni Emprido kay Roman, sila ay kasalukuyan nang nasa balkonahe at magkausap. "Hindi ko muna nais gambalain ang pamumuhay nila roon — tiyak naman akong hindi pinapabaayan ng kapatid ni Kaxandra ang aking anak." malamig na sagot ng hari. "Ngunit tiyak ako na naghihintay rin sila ng mga balita ukol sa atin?" Emprido "Hayaan mo't magpapadala ako ng ilang mga paru-paro roon, upang malaman nga ang lagay ng aking anak at malaman rin ni Naeso na hindi ko sila pinapabayaan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD