Kabanata 4: Pagsalakay ng Derrohny

3314 Words
Payapa ang lupain ng Saghara, masayang nagtatampisaw ang mga diwata sa batis kasama ang mga sirena at iba pang nilalang na pangtubig, gaya ni Vappo; isang napaka gandang nilalang na may kakayahang mabuhay sa lupa man o sa tubig. Ang itsura n'ya ay malaking lobo na kulay. Ang tainga ay malalaki na maihahalintulad ang itsura sa palikpik ng isang isda at ito ang nagbibigay kakayahan sa kanya upang makahinga sa ilalim ng tubig. Mayroon rin s'yang tagaytay na nagmumula sa gulugod pababa sa buntot na nagtataglay rin ng palikpik. Madalas syang mapagkamalang sirena ng mga mangingisda dahil sa katangiang iyon ngunit mabisa rin ang buntot n'ya upang magawa n'yang lumangoy ng mabilis. Masayang nag-aawitan ang lahat habang ang mga kalalakihan ay abala sa pangangalap ng mga punong kahoy at sa pagbabantay ng kanilang teritoryo. Ngunit naputol ang masayang sandali na iyon nang biglang may sumabog mula sa di kalayuan— Natakot ang mga naliligo kung kaya't nagsi-ahon na sila at nagtipon tipon sa likod ng mga kawal na sarangay. "Ano ang nagaganap dito? Bakit may narinig akong pagsabog?" lumabas si Maro mula sa kaniyang tinutuluyan at nakita ang mga mamamayan n'ya na nagtitipon. "May mga kaaway!!" sigaw ng isang sarangay kaya't lalong nangamba ang mga nilalang na kanina ay payapa lamang na namumuhay. Naglaho na ang makapal na usok na dulot ng pagsabog at namataan na ng mga Saghar ang papalapit na mga nilalang. "Salutem, Maro!" si Balrak! Kasama ang kaniyang laksang mga kawal! "Balrak? Anong ibig sabihin nito? Bakit kayo nanggugulo sa amin?!" matapang na hinarap ni Maro ang mga panauhin. "Hindi ko nais na lipulin kayo kaya't isuko mo sa akin ang hiyas na nasa inyong pangangalaga!" saad ni Balrak at labis na nangamba ang lahat ng nasa panig ng matanda. "—ang hiyas ng tubig? Bakit ko ipagkakaloob sayo ang aming hiyas?!" galit na tanong ni Maro. "Sapagkat ito ang nais ko — at kung hindi ka susunod ay mapipilitan akong paslangin kayong lahat!" sagot ni Balrak na may kasama pang paghugot sa kaniyang espada. "Walanghiya ka, Balrak! Tunay na masasama ang lahat ng Derronian!" pahayag ni Maro sa kaniyang galit. Hindi s'ya nag-atubiling ilabas ang hiyas ng tubig at gamitin ito upang itaboy ang mga kalaban! Ngunit alerto si Balrak dahil nagawa nitong lumaban sa pamamagitan din ng hiyas, kaya't ang kanilang mga salamangka ang nagtapat. ✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨ "Sa liit mong yan ay talaga ba'ng lalabanan mo ako Maro? Sa akala mo siguro'y mapupuksa ako ng isang gaya mo." pagmamataas ni Balrak habang nakikipag tunggali sa kapangyarihang-tubig. "DAKPIN ANG LAHAT!" utos nito at agad na kumilos sina Guzma upang bihagin ang lahat ng mga nilalang na nasa panig ni Maro. "Laban, mga Saghar!" sigaw naman ng isang dwende at nag-kulasan silang lahat upang tapatan ang mga Derronian kaya't lalong nagkagulo sa buong Saghara! ... (Sa Goltus) "Salutem, haring Roman!" pagbibigay galang ni Capaste, "nakarating sa akin na nilusob daw ng mga Derronian ang Galomia, tunay ba ito, kamahalan?" pag-uusisa nito. "Oo, Capaste. Ngunit naitaboy sila sa tulong ng mga kapanalig!" nakangiti namang sagot ni Roman. "Kapanalig?" "Ang Celestia! Dumalo sila sa naganap na pagsalakay at nagawa nilang depensahan ang Galomia laban kina Balrak at sa mga anak nyang sukab din sa kapangyarihan!" saad ni Roman na may tono ng panunuya. "Mainam kung ganon." pagngiti ni Capaste, "ngunit, hindi kaya maging mitya ito kamahalan, upang lalong tumindi ang pagnanais ng mga Derronian na salakayin pa ang ibang kaharian?" tanong nito. "'Yan din ang naiisip ko." sagot naman ni Roman, "kaya't pinag-aaralan ko ring mabuti ang kanilang mga galaw nang sa ganon ay malaman natin kung kailan sila kikilos o kung may binabalak ba sila laban sa mga kaharian dito sa Majezenty." ... (Saghara) "Sinasabi ko sayo Maro — hindi mo ako kakayanin. Mas makabubuting ipagkaloob mo na lamang ang aking hinihiling upang pagbigyan ko pa kayong mabuhay!" pangungumbinsi ni Balrak sa matandang dwende. "Hindi ka magtatagumpay, Balrak. Kailan man ay hindi madadaig ng kasamaan ang kabutihan!" saad naman ni Maro na tila nanghihina na dahil kumukuha rin ng lakas mula sa kanya ang hiyas ng tubig. "Tignan natin kung hanggang saan ka, tanda..." wika ni Balrak na dahan-dahang lumalapit sa kalaban— Agad nyang hinawakan ang kamay ni Maro at binali ito, saka itinumba upang hindi na tuluyan pang makalaban! "PINUNONG MARO!" sigaw ng isang diwata at agad nyang tinulungan ang kanilang pinuno. "Ibigay mo sa akin ang hiyas ng tubig kung hindi mo nais na lalong dumami ang masasaktan sa iyong mga kalahi!" galit na utos ni Balrak. "Pinuno, ayos lang po ba kayo?" tanong ng diwata kay Maro. "Ang ating mga kasama? Ano'ng lagay nila..." nanlalambot naman na tanong ni Maro. "Lubhang marami na ang sugatan — hindi natin sila kaya!" nababahalang sagot ng diwata. "Narinig mo ang sinabi n'ya, Maro? Marami na ang sugatan! Kamatayan na ang naghihintay sa inyo kung patuloy kang magmamatigas." saad ni Balrak habang pinagmamasdan ang kaawa awang mga Saghar. "Pagbabayaran mo ito, Balrak. Magbabayad ka sa kalapastanganan mo!" sumpa ni Maro. "Sinabi nang akin na ang hiyas!!" pag-uulit ni Balrak at dinakip na ang umaalalay na diwata kay Maro at tinutukan ito ng espada sa leeg! "Sancte, Balrak! Bitiwan mo si Mirasel!" pagkahabag ni Maro nang tuluyan syang bumagsak sa lupa. SANCTE nangangahulugang "tigil" "Papaslangin ko ang nilalang na ito kung hindi mo isusuko sa akin ang hiyas na nasa iyo!" pagbabanta ni Balrak. "Napaka sama mo, Balrak. Pati si pinunong Maro ay sinaktan mo!" galit na saad ni Mirasel. "At ikaw ang isusunod ko kung hindi bibigay sa akin ang walang kwenta n'yong pinuno!" at nilapit pa lalo ni Balrak ang talim ng kaniyang espada sa leeg ng diwata!— "Mirasel!!" sigaw ni Maro. "Ano, Maro... May pagpapasya ka na ba?" tanong ni Balrak na may kasamag ngiti. "Itigil mo na ito — umalis na kayo sa aming lupain!" pakiusap ni Maro at inilabas na ang hiyas ng tubig. "Mabuti naman at sumang-ayon ka na, hukluban..." pag-ngiti ni Balrak at inabot kaagad ang kaniyang palad. Habang ang lahat ay naglalaban, ang hiyas ng tubig ay ipinasa na ni Maro sa hari ng Derrohny! Agad na itinulak ni Balrak si Mirasel at nag-diwang nang mapasa-kamay ang inaasam nyang kapangyarihan. "Tunay na mahihina ang lahat ng Saghar, at napatunayan ko'ng wala nga kayong iuubra sa bagsik ng mga Derronian! HAHAHAHA!" pagbubunyi ng sukab na hari. "Iyan na ba ang hiyas ng tubig, mahal na hari?" namamanghang tanong ni Guzma. "Oo — ang hiyas na bumubuhay sa kalikasan ng Majezenty!" sagot ni Balrak habang dalawang palad na pinagmamasdan ang luntiang hiyas. "Balrak, nasa iyo na ang hiyas. Lisanin nyo na ang Saghara!" pagpapaalala ni Maro. "Tumahimik ka!!" galit na pahayag ni Balrak, "—hindi pa ako tapos." dugtong nito. At itinaas n'ya ang hiyas ng tubig upang magliwanag ito ng pagkalakas lakas! "Tignan natin kung tunay ba ang hiyas na ito — inuutusan ko ang hiyas ng tubig na tuluyang wasakin ang buong lupain ng Saghara!" utos nya sa hiyas at nagliwanag na ito ng sobra! Maya-maya pa ay nagsimula nang yumanig ang kalupaan sa Saghara hanggang unti-unting nawasak ang mga bato at namatay ang mga puno't halaman. "Balrak!! Pakiusap — tama na!!!" pagmamakaawa ni Maro. Kitang kita ng lahat ang pagbagsak ng Saghara! Ang mga matatayog nitong puno ay kusang nagsi-tumbahan at ang tubig ay tila nagngangalit at sumasabay sa bugso ng damdamin ng bago nitong tagapangalaga. Ang mga hayop ay kanya kanya nang tumakbo upang hindi madamay sa nagaganap na pag-guho habang ang mga diwata at sina Maro ay wala ng lakas upang gumalaw pa at iligtas ang kanilang mga sarili dahil narin sa mga natamong sugat mula sa sandata ng mga mananakop. "Mahabaging Zanaa — ikaw na ang bahala sa amin!" samo ni Maro sa kanilang bantay. ... Nang sumapit ang dilim ay nagliwanag na ang mga kaharian sa Majezenty, tanaw sa bawat lupain ang kanya kanyang ganda ng mga palasyo. Ang Galomia ay may mga makukulay na paputok sa kanilang himpapawid, tila nagdiriwang dahil sa tagumpay laban sa Derrohny. Sa Goltus... "Mga hora, samahan n'yo na si Lerzia sa kaniyang silid at patulugin." utos ni haring Roman sa mga kausap nyang katulong. "Anak, magpahinga ka na. Bukas, muli tayong magsasanay, maliwanag?" matamis na paalam ni Roman sa anak. "Damhan ad vesparum!" sambit nya sabay halik sa pisngi ng bata. --------------------------------------------------------------------------------------------------------- Damhan ad vesparum - Magandang gabi! --------------------------------------------------------------------------------------------------------- Ipinaubaya na ni Roman ang munting prinsipe sa mga hora at saka s'ya naglakad patungo sa kaniyang tanggapan. Nang malapit na s'ya sa pakay na silid ay nakasalubong nya si Emprido."Salutem, amang hari!" pagbibigay galang nito. "Salutem! — ano't tila marami kang kasamang kawal Emprido?" pagtataka ni Roman nang mapansin ang kaniyang mga kawal na nasa likod ni Emprido. "Isang masamang balita, mahal na hari." malamig na sagot ni Emprido, "—sinalakay at pinabagsak ng mga Derronian ang Saghara..." Labis na nagulat si Roman nang marinig ang ulat ng kaniyang kanang kama!— "Mahabaging... Kung ganon, nasaan ang mga Saghar?" pag-uusisa ng hari. At dito na pumasok ang napakaraming nilalang na mula Saghara, at si Maro ay inaalalayan nina Capaste at iba pang kawal dahil nanghihina na ito!— "Mahabaging Zanaa!" nalungkot si Roman nang makita ang mga Saghar na sugatan at madudungis ang mga itsura, lalo na si Maro na tila hindi na nagmumulat. "Papasukin silang lahat!" utos n'ya at agad na nilapitan ang pinuno ng Saghara. "Tandang Maro? Tandang Maro?!" pagtawag n'ya sa pangalan nito habang tinatapik tapik sa mukha. "Maraming sugatan sa mga Saghar, mahal na hari." ulat naman ni Capaste. "Kung ganon, gamutin sila agad! Ako nang bahala kay Maro, tulungan mo ang ating mga kawal na papasukin ang lahat ng kasama n'yo!" utos ni Roman at sya na ang humawak kay Maro. "Malaya kayo'ng manirahan dito mga Goltus, ituring n'yo ito na inyong sariling tahanan!" pahayag ng hari sa lahat. "Napaka palad namin at may haring katulad mo, maraming salamat haring Roman!" pasasalamat ng isang matandang dwende kay Roman. "Walang anuman, laging bukas ang Goltus para sa inyo." saad ni Roman at agad nang naglaho kasama si Maro. "Tayo na sa dispensaryo!" payahag ni Emprido at tinahak na nila ng mga kasama ang silid kung saan gagamutin ang mga sugatang panauhin. ... (Sa Derrohny) Nagkakasiyahan sa punong bulwagan ng kaharian, may maliit silang piging para sa tagumpay na pag-angkin sa isa sa mga hiyas ng Majezenty. "Hindi ako makapaniwalang mabilis nating napataob ang kaharian ng Saghara, kamahalan!" masayang saad ni Hanze sa kanyang ama na nakaupo sa trono at pinagmamasdan ang hiyas ng tubig. "Mahihina at di hamak na mabilis masindak ang mga Saghar kaya sigurado ako kanina pa lamang na may mapapala tayo sa gagawin nating pagsalakay. At tignan mo — may isa na agad tayong kapangyarihan!" pahayag naman ni Balrak. "Binabati kita, haring Balrak!" saad ni Sebani at itinaas ang kaniyang baso na may lamang alak. "Mabuhay ang Derrohny, mabuhay si haring Balrak!" sigaw nito at umalingasaw na sa buong Derrohny ang pagpupugay sa kanilang pinuno dahil sa hiyas na kanilang hawak. "Ama — ngayong nadagdagan na ang ating kapangyarihan, alin sa mga karatig na kaharian ang atin namang lulusubin?" masinsing tanong ni Hanze sa ama. "Huwag mo munang isipin yan, anak. May panahon para muli tayong kumilos, sa ngayon ay magsiya ka, sapagkat ang iyong ama ay nalalapit nang maghari dito sa buong Majezenty, AHAHAHA!" sagot ni Balrak na may kasama pang mabibigat na paghalakhak. ... (Sa dispensaryo ng Goltus) Namamahinga na ang matandang si Maro at nagamot na rin sya, ang iba ay kasalukuyang pang ginagamot ng mga galma o manggagamot ng Goltus. "Mainam na natulungan n'yo sila, Emprido." saad ni Roman habang pinagmamasdan ang mga Saghar na nasa silid ring iyon. "Paumanhin kung hindi kita agad naabisuhan ukol sa mga Saghar, mahal na hari, inuna talaga namin na sila'y matulungang lahat." paumanhin naman ni Emprido. "Wala kang kailangang ihingi ng paumanhin, tama lang ang ginawa n'yo. At bukas naman ang kaharian para sa lahat ng nangangailangan ng tulong." saad ni Roman, "ngunit paano n'yo pala nalaman ang naganap sa Saghara?" tanong nito. "Sa lupain ng Saghara kami nag-tungo kanina mahal na hari, upang mamitas sana ng mga prutas dahil matatamis at masasarap ang mga bungang kahoy doon. Ngunit ang naabutan namin ay ang guhong Saghara, pati ang mga mamamayan nito na nakahandusay sa lupa." pagsasalaysay ni Emprido, "kaya pala habang kami ay naglalakbay ay marami kaming nakasalubong na cerapal na tiyak kong mula sa Saghara, tila lumilikas sila dahil bumagsak na pala ang kanilang tahanan." CERAPAL - Hayop "Mahabaging Zanaa. Wala talagang gagawing mabuti ang mga Derronian!" pagtatanto ni Roman, "tila nagsisimula na silang maghasik ng lagim—" nangangambang dugsong ng hari. "S'yang tunay, kamahalan. Lalo't tila nagtagumpay sila." pag-sang ayon ni Emprido at pinagmasdan nila si Maro na nahihimbing. "Ikaw na muna ang bahala rito, kailangan ko pang kausapin ang konseho ukol sa kaganapang ito." utos ng hari. "Masusunod!" Lumakad na si Roman at lumabas ng dispensaryo, hindi pa sya nakakalayo ay nakasalubong nya ang isang diwata. "Salutem, amang haring Roman!" pagbibigay galang ni Mirasel, ang kaninang diwata na umagapay kay Maro. "Mirasel?!" napuno naman ng galak ang mga mata ng hari nang makita siya kaya't agad s'ya nitong niyakap! Labis na mahigpit ang yakap nila sa isa't isa, dahil si Roman at ang diwatang ito ay nag-iibigan rin. "Paumanhin — paumanhin..." saad ni Roman at kumalas sa kayakap. "Ayos lang, kamahalan." mahinhin namang saad ni Mirasel at iniwas ang mga mata sa kaniya. "Sandali — sino s'ya? Siya ba ang?—" tanong ni Roman nang makita ang batang kahawak kamay ni Mirasel. Lumuhod sya at pinagmasdan ang batang lalaki... "—sya ba?" kinakabahan n'yang tanong at tinignan si Mirasel. "Oo, mahal na hari. Sya ang ating anak! — si Verdem!" masayang sagot ng diwata. Agad na binuhat at hinagkan ni Roman ang isa pangalawa n'yang prinsipe. Isang prinsipe na mas bata lamang kumpara sa panganay n'ya na si Lerzia. "Kilala mo ba ako? Ako ang iyong ama!" nagagalak na tanong ni Roman sa kaniyang anak, "tignan mo nga naman oh, tila biyaya ring napadpad kayo rito ng aking anak." Hiniram na muna ni Roman ang kaniyang anak at inilibot ito sa palasyo, habang si Mirasel ay nagtungo sa silid gamutan at tinitignan ang kaniyang mga kalahi. Si Verdem ay masayang ipinakilala ni Roman sa lahat ng nakakasalubong nilang Goltian, ang mga ito ay tuwang tuwa sa paslit dahil kita ang kagandahang lalaki nito kahit na bata pa lamang. Lahi ba naman ng sorsero at diwata, tiyak na magandang lahi talaga ang kanilang ibubunga. ... Kinaumagahan... Nagtipon tipon sa punong bulwagan ng Goltus ang lahat ng miyembro ng konsehong sorsero at koneshong diwata. May pagpupulong na ipinatawag ang hari kaya't naroon sila kasama na rin ang lahat ng Saghar na dumating kagabi. "Isang mapagpalang araw, mga minamahal kong mamamayan ng Goltus!" pagbati ni Roman sa kaniyang nasasakupan na naroon rin sa bulwagan. "Nais kong ipabatid sa inyong lahat na sinalakay at pinagbagsak ng Derrohny ang kaharian ng Saghara." pahayag nya. "At nagtagumpay silang saktan at itaob ang teritoryo ng mga diwata at iba pang nilalang na naninirahan dito. Kasama na ang kanilang hiyas ng tubig — ay naagaw rin..." Labis na nagulat ang lahat ng Goltian sa balitang ito kung kaya't nagkaroon ng mga bulong-bulungan. "Kaya't narito ako ngayon upang ibaba ang pasya namin ng aking konseho..." saad ng hari. "...'yon ay ang kalayang makatutuloy rito ang lahat ng mamamayan ng Saghara! Ituring n'yo ang Goltus bilang inyong bagong tahanan, mga diwata, mga dwende at iba pang mga nilalang na Saghar — ang kahariang ito na ang inyong magiging kanlungan!" anunsyo ni Roman at nabuhayan naman ng loob ang lahat ng nakikinig. "Tunay ba ito, mahal na amang hari?" tanong ng isang Saghar. "Oo, ito ang napag-pasyahan namin ng aking konseho at bilang kapanalig ng aming lahi ang sa inyo ay malugod ko kayong tatanggapin dito!" nakangiting sagot ni Roman. "Maraming salamat kung ganon! Para sa inyong pagtanggap sa amin, bilang kapalit ay umasa kayong magiging mabuti kaming mamamayan ng Goltus, HARING ROMAN. Lucse matdum!" saad ng isang dwende. --------------------------------- Lucse matdum - Mabuhay ka! --------------------------------- "Walang anuman, Saghar, at salamat din sa pagkilala." pagbibigay ngiti ni Roman. "Makakaasa ka sa buong pusong pakikiisa namin sa inyong kaharian at mga nasasakupan, haring Roman!" pahayag naman ng isang diwata. "Mabuhay si haring Roman, LUCSE MATDUM!" sigaw ng mga diwata. "LUSCE MATDUM HARING ROMAN! LUCSE MATDUM!" pagpupuyag nila sa hari na sinabayan pa ng mga palakpakan kung kaya't nagkaroon ng saya sa buong paligid. "Kapayapaan para sa Majezenty! Pacen tepnemuvo Majezenty!" nakangiting saad ni Roman at muling nagpalakpakan ang lahat. --------------------------------------------------------------- Pacen tepnemuvo Majezenty - Kapayapaan para sa Majezenty! Bigkas: Pacen (PA-shen) --------------------------------------------------------------- "PACEN TEPNEMUVO MAJEZENTY!" Bumaba na sa kinatatayuan n'ya si Roman at isa-isang kinamayan ang mga mamamayan ng Saghar, ang ilan ay nagbibigay pa ng mainit nilang yakap at may munti silang handog para sa hari, mga prutas at ilang palamuti na mailalagay sa paligid ng Goltus. Napag-usapan na rin ng mga sorsero na italaga si Maro bilang isang kasapi sa kanilang konseho upang magkaroon rin ng pagkakaunawan at hatian ng saloobin ang dalawang lahi na naninirahan sa palasyo. Matapos ang pagpupulong ay nagpahanda si Roman ng payak na salo salo para sa lahat at isa rin itong pagsalubong para sa mga bagong manunuloy sa kaniyang kaharian. "Nasaan ang aking mga anak?!" tanong ni Roman kay Emprido. "Sila'y naglalaro sa pasilyo patungo rito, kamahalan. Nais mo bang tawagin ko na sila?" sagot naman ni Emprido. "Kung ganon, tayo na, ako na ang tatawag sa kanila." aya ni Roman at nauna nang lumabas sa bulwagan, kasunod ang mga hora at kawal, pati ang lahat ng mga tinipon nya dahil magtutungo na sila sa hapag para sa salo-salo. Naglalakad na sila nang matanaw ang dalawang paslit na tila nag-uusap sa tabi ng isang poste. "Di kita gusto, alis!" maliit at nabubulol pang tinig ni Lerzia at itinulak ang kapatid na si Verdem. "Lerzia?!" mabilis na tinungo ng amang hari ang mga bata at inalalayang tumayo ang natumba, "bakit kayo nag-aaway?!" tanong nya sa mga ito. "Salbahi!" saad naman ni Verdem at hinampas sa balikat si Lerzia. "Aghh..." mahinang daing ng paslit ngunit hindi umiiyak. "Verdem!" agad na inawat ni Roman ang mga anak. "Masama ang mag-away! Magkapatid kayo kaya dapat ay nagmamahalan kayo, hindi nagsasakitan!" paliwanag nya sa mga paslit. "Bleeee!" at inaasar pa ni Lerzia si Verdem. "IIIII!!" nag-wala sa inis si Verdem at gustong gustong gantihan ang nakatatandang kapatid pero kinarga na sya ni Roman at pinaglayo silang dalawa. "Tama na, Verdem." natutuwang pag-awat ng ama at hinagkan sa pisngi ang anak. "Wag na kayo ulit mag-aaway, maliwanag?" Si Verdem ay nakatungo lang na sumang-ayon at saka yumakap sa ama. "Hawakan mo si Lerzia, Emprido." utos ni Roman sa kasama at tumuloy na sila sa paglalakad. Habang nakatuon ang paningin ni Verdem kay Lerzia ay iniinggit n'ya ito sapagkat s'ya ang kalong-kalong ng kanilang ama, kung kaya't nakabawi parin s'ya sa kapatid lalo't kita sa mukha nito ang inis sa kanya. ... Lumipas na ang mga sandali at unti-unti nang nakakakilos ang mga sugatang Saghar kaya nakakalibot na sila sa palasyo. Ganun din si Maro, sapagkat s'ya ay kasalukuyang nasa silid tanggapan ng amang hari at nag-uusap silang dalawa ukol sa mga bagay-bagay na naganap. "Maro, maitanong ko lamang. Hindi ba't mga sarangay ang inyong kawal? Nasaan sila?" nagtatakang tanong ni Roman, "iilan lang kasi ang nakita kong dumulog dito sa Goltus noong kayo'y lumikas." dagdag nito. "Ang mga sarangay, mahal na hari, ay naging cerapal na toro nalang dahil katangian nila ito kapag sila'y nasusugatan ng malala." sagot naman ni Maro. "Totoo ba, Maro?!" pagkahiwaga ni Roman sa mga nilalang. "Oo, ang mga sarangay ay kalahating tao at kalahating toro. Sa tuwing sila'y humahantong sa sandali ng pag-aagaw-buhay, imbis na sila'y mamamatay, sila ay nagiging ordinaryong hayop na lamang upang magawa nilang hilumin ang kanilang mga sarili at makabawi ng lakas. Sa ganong paraan ay nagagawa nilang iligtas ang kanilang mga sarili laban sa kamatayan." pagpapaliwanag ni Maro at si Roman ay taimtim na nakikinig sapagkat ngayon n'ya lang nabatid ang tungkol sa kakaibang katangian pala ng mga sarangay. "Kakailanganin ng mahabang panahon upang sila'y manumbalik sa pagiging kawal — kaya naman sa pastulan muna ng Goltus sila mamamalagi." panapos na payahag ni Maro. "Kung ganon, ang mga cerapal na kasama n'yo ay ang mga kawal rin ng Saghara?!" pagkagulat ni Roman dahil naalala nya ang gabing dumating sa Goltus ang mga Saghar, ay napakarami nilang dalang toro. "Sila nga mahal na hari!" "Kamangha mangha!" pagtatanto ni Roman, "naitanong ko lang sapagkat maaari sana nilang palakasin ang depensa ng Goltus laban sa mga kaaway..." "Paumanhin kung ganon, Roman. Hayaan mo't may iba pang paraan upang makabayad kami ng utang na loob sa iyo at sa ginawa mong tulong para sa amin!" saad ni Maro at yumuko. "Wala kayong kailangang bayaran, tandang Maro. Wala naman itong kapalit." sambit ni Roman sa matanda, "tungkulin kong pangalagaan ang lahat ng nilalang na aking kapanalig, kaya't wag kayong mag-alala. Malaya kayong makapaninirahan dito, at wala kayong iindahing kabayaran dahil wala akong hinihinging kapalit." "Maraming salamat kung ganon!" at nagbigay ng matamis na ngiti si Maro. ...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD