Kabanata 3: Ang Derrohny

3345 Words
Ang Derrohny ay kabilang rin sa hanay ng mga kaharian sa buong Majezenty, katulad ng mga nabanggit na lupain sa naunang kabanata ay maunlad rin ito at kilala. Dito ang tahanan ng mga Derronian, mga majezan na may kakaibang wangis ang anyo at kilalang masasama at kalaban ng kabutihan. Ang kahariang ito rin ang nag-aalaga at nagpaparami sa mga mabababagsik na halimaw kagaya ng dragon. Mababait dati ang mamamayan nito at kapanalig pa ng lahat ng kaharian ngunit sila'y nasilaw sa kapangyarihan kaya't nagsimula ang mga gulo sa Majezenty. Isinumpa sila ni Zanaa dahil minsan na silang nag-aklas laban sa kanya at hindi sya kinilala bilang kanilang tagapaglikha, iyon ang dahilan kaya kakaiba ang kanilang wangis at kung bakit hindi sila napupunta sa langit tuwing sila ay napapaslang. Nanaig sa kanila ang katakawan sa kapangyarihan at nagpasakop din sa mga masamang bantay upang makamit ang kapangyarihang na kanilang ninanais. Kapangyarihan na kanilang magagamit upang angkinin ang buong Majezenty at lupigin ang lahat ng lahi nito — lalo na ang mga sorsero dahil ito ang nangangalaga sa mga hiyas. Silang mga Derronian ang nagpasimula ng pagkakaroon ng digmaan sa kanilang mundo na magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos. Si Balrak ang nagsisilbing hari dito, isa s'ya sa mga mahuhusay na lalaki sa kaniyang panahon at may malalim rin na kaalaman sa itim na kapangyarihan. Ito ang naging dahilan ng paghahangad n'ya na mapasailalim ang lahat ng lupain sa Derrohny, at humantong lamang ito sa pagiging mapang-abuso at malupit n'yang pamumuno. Sya ay may dalawang anak, si Hanze; ang panganay at katulad n'ya ay isa ring malupit na pinuno. At si Helad, ang pinaka unang inibig ni Roman ngunit nagkasira sila nang dahil rin sa kapangyarihan. "Haring Balrak, ipinatawag mo raw ako?" pagdating ni Guzma sa punong bulwagan ng Derrohny. Si Guzma ay ang isa sa mga apram (heneral) ng mga kawal-Derronian at kanang kamay ng hari. "Oo, Guzma. Dahil ibig kong ihanda mo ang ating mga alagang halimaw, lipulin sila at ilabas ng kaharian!" utos ni Balrak na may kasamang mga ngiti na animo'y may binabalak na masama. "Mga halimaw, kamahalan? Ngunit — bakit?" pagtataka ni Guzma. "Sapagkat ngayong hawak ko na ang hiyas ng dilim ay mas mainam kung palalawakin natin ang ating nasasakupan!" paliwanag ni Balrak ,"sa madaling salita ay mananakop tayo ng teritoryo!" dugsong nito. "Tama ba ang aking narinig, ama?" pagdating ng prinsipe Hanze, "mananakop tayo ng kaharian?" tanong nito na may napaka tamis na ngiti. "Tama ka nang narinig, Hanze. Dahil muli nating ipapamalas sa buong Majezenty ang ating bagsik at lakas ng kapangyarihan, at tinitiyak kong masisindak silang lahat at tayo'y luluhuran!" palalong sagot ni Balrak habang ang mga halimaw ay patuloy sa pag-ungol. "Ngunit nakatitiyak ba tayong matutupad ang inyong balakin, kamahalan?" pag-salungat ni Sebani; isa rin sa mga mahusay na kawal ng Derrohny, "magagawa nga kaya nating makalamang sa ibang teritoryo? Gayong hawak pa ng Goltus ang limang hiyas at nakasisiguro akong pangangalagaan nila ang mga walang kapangyarihan!" paliwanag nito. "Na s'ya mong pagkakamali, Sebani!" pagdating naman ng prinsesa Helad. "Helad? Ano'ng iyong sinasabi?" tanong ng kaniyang ama. "Hindi n'yo ba nasagap ang balita?" sopistikong tanong ni Helad habang naglalakad patungo sa gitnang bahagi ng bulwagan. "—ipinamahagi na ng mga sorsero ang limang hiyas sa ating mga karatig na lupain. Sa palagay ko'y ginawa nila iyon upang magawang pangalagaan ng ibang kaharian ang kanilang nasasakupan sapagkat nakutuban nila na mangyayari ang ganito!" pagtutuloy ng prinsesa. "Saan mo napulot ang balitang iyan?" tanong sa kaniya ni Hanze. "Narinig ko ang usapan ng nga sorsero sa Goltus kaya't nakasisiguro akong tunay ang kanilang mga sinabi." sagot ni Helad. "Mainam kung ganon!" Balrak, "—dahil hindi lang teritoryo ang ating maaangkin, kundi maging ang mga makapangyarihang hiyas!" pagbubunyi nito. "Nakahanda ako sa anumang ipag-uutos mo, aking ama!" pahayag ni Helad at yumuko sa harap ng hari. "Gano'n din ako, haring Balrak. Asahan mo ang aking buong pakikiisa sa iyong mga nais gawin!" Hanze na nagbigay galang sa ama. "Humanda ang lahat — dahil ngayon magsisimula ang muling paghahari ng Derrohny dito sa ating mundo!" "Murdo felo destro ambis!" proklama ni Balrak -------------------------------------------------------------- Murdo felo destro ambis - Walang kapayapaang mananaig! -------------------------------------------------------------- "MURDO FELO DESTRO AMBIS!" sigaw ni Guzma at inulit ito ng lahat. "MURDO FELO DESTRO AMBIS!" magkapatid na derronian. Ang salitang iyon ang umalingasaw sa buong Derrohny at kasabay ng kanilang pagkilos ay ang pagkakita sa kanila ni Fellian. "Hindi, hindi ito maaari!" nababahalang sambit ni Fellian habang tinitignan sa kaniyang isipan ang mga nagaganap ngayon sa Derrohny. "Nagaganap na ang aking mga pangitain!" ... (Sa Goltus) "Malaya na ninyong maangkin ang lupaing inyong sinasaka, dahil sa bisa ng batas na ito ay pinahihintulutan ko na kayong mag-may ari ng inyong mga sakahan!" proklama ni Roman sa harap ng mga magsasakang sorsero. Inabot na niya ang kasulatan sa pinuno ng mga magsasaka at saka sila iniwan dahil may mga naiwan pa s'yang gawain sa silid-tanggapan. "Nasaan ang aking anak, hora?" tanong ni Roman kay Grayda, ang inatasan n'ya na palaging magbabantay kay Lerzia. "S'ya po ay kasalukuyang nasa Ogsimer, mahal na hari." sagot ni Grayda, "at kasama n'ya ang isa sa mga gire upang sya'y turuang magbasa." —————————————————————————————————————————————————————————— Ang Ogsimer ay ang silid-aklatan sa loob ng Goltus, at ang gire ay nangangahugang "lalaking katulong o tagapangasiwa ng silid-aklatan". —————————————————————————————————————————————————————————— "Mainam kung ganon, nais kong sunduin mo s'ya maya-maya, sapagkat nais kong makasabay sa pananghalian ang prinsipe Lerzia." utos ng hari. "Masusunod, amang haring Roman!" sagot ni Grayda at nagbigay galang sa pagdaan ng hari. Samantala... Kasalukuyan nang naglalakbay ang laksang mga kawal ng Derronian patungo sa karatig nilang lupain, ang Galomia. Payapang kaharian ang Galomia, tahanan ito ng mga majezan na walang kapangyarihan ngunit matatalino at magaling sa pakikipaglaban, at matapat silang kasangga ng mga sorsero. Ang kanilang kaharian ay napapaligiran ng mga kayamanan, at ang mga batong ginamit sa pagbuo ng palasyo ay pawang mga ginto ngunit tinakluban upang maiiwas sa anumang pagtatangka mula sa mga kalaban. Malusog ang lupa nito at hitik sa mga bunga ang bawat puno. Wala lang silang hawak na kapangyarihan dahil hindi sila kilalang mapupusok at tanging pangangaso lang ang naiibigang gawin. Ang kanilang kaharian ang napiling salakayin nina Balrak dahil sa mas maliit sila kung ikukumpara sa Derrohny at mayaman ang Galomia sa ginto, mapakikinabangan din nila ang lahat ng mamamayan nito dahil balak silang gawing alipin at mandirigma na lalaban sa ilalim ng mga Derronian at laban sa iba pang mga kaharian. "Hindi ito maaari!" pagkahabag ni Naeso habang nasa toreng-tanggulan ng Celestia at tinatanaw ang mga kaganapan sa labas ng palasyo. Agad s'yang kumilos upang ipagbigay alam sa ama ang kaniyang nakita, lalo't malapit na sa mga Galomian ang hukbong sandatahan ng Derrohny. Naalarma na ang kaharian ng Galomia nang may mga pagsabog na naganap at sunod sunod itong umalingisaw sa buong kaharian! "Anong nangyayari?" pagsipat ni Tanza mula sa bintana ng kanyang silid. Si Tanza ang hari ng Galomia. "Narito ang mga Derronian, kamahalan, nilulusob nila tayo!" ulat ng isang kawal. "Apmevento — maghanda ang lahat!!" sigaw ni haring Tanza. "Dedepensahan natin ang Galomia!—" pahayag nyait at hinawakan na ang kaniyang espada, at nanguna sa paglabas ng kaharian. ----------------------------------------------------------------------------------------------- APMEVENTO - ang salitang nagpapahayag ng galit. Nangangahulugan rin itong "lapastangan". ----------------------------------------------------------------------------------------------- Puro usok na ang paligid ng Galomia... "Salutem, Balrak!" boses ni Tanza at nang maglaho ang makapal na usok ay nakahanay na sa labas ng palasyo ang lahat ng Galomian! "Hindi ko inaasahan ang iyong pagbisita! Anong maipaglilingkod ko?" tanong n'ya sa kabilang panig. "Tila nakahanda ang Galomia sa aming pagsalakay?" puna ni Balrak. "JUVALIZA DERROHNY!" sigaw ni Guzma. JUVALIZA - Sugod! Gamit ang dalawa n'yang pamaypay ay pinatamaan kaagad ni Helad ng malakas na enerhiya ang panig ni Tanza, at agad n'yang ipinasa ang isang pamaypay kay Hanze saka nila magkasabay na sinalubong ang mga kawal! "Protektahan ang palasyo!!" sigaw ni Tanza at nagsimula na silang kumilos para puksain ang mga kalaban. Agad silang nag-salubong ni Balrak at kumislap ang kanilang mga sandata— "Wala kang kapangyarihan kung ikukumpara sa akin, Tanza... Mas mainam kung susuko ka nalang!" panghihikayat ng Derronian. "Huwag mong ipagmalaki sa akin ang hiyas na ninakaw mo lamang, Balrak! Dahil hindi kapangyarihan o salamangka ang sukatan sa laban—" buwelta naman ni Tanza at agad silang nag-layo. "Nasasabi mo 'yan sapagkat natatakot ka — at hindi mo ibig na gamitin ko ang hiyas ng dilim para lipulin kayo ng mga walang bilang mong kawal!" depensa ni Balrak. "Ipangako nalang natin sa ating mga sarili na walang gagamit ng kapangyarihan upang maging patas ang labanan!" hamon naman ni Tanza, "sumasang-ayon ka ba?" tanong n'ya sa hari ng Derrohny. "—dahil kung hindi'y isa ka pa lang duwag at asa-sa-salamangkang hari!" pang-iinsulto n'ya. "Apmevento!" agad na nagngitngit si Balrak sa tinuran ni Tanza dahil kung tutuusin ay may punto ito, lalo't lumakas lang ang loob nilang manakop nang mapasakamay nila ang hiyas ng dilim. ... Sa bawat madadaanang silid ni Helad ay hindi s'ya nangingiming pasabugin ito upang makalikha ng apoy na magpapasimula sa dahan-dahang pagkasunog ng Galomia. At si Hanze ay walang habas na pumapaslang ng mga tumatakas na Galomian, kahit hindi kawal ay ginigilitan n'ya ng leeg o di kaya'y sinusugatan. "Hanze, may mga tumatakas mula rito!" sigaw ni Helad sa kapatid nang makita ang mga babaeng Galomian na may nilulusutan upang makalabas ng kaharian. "Mga pasaway — hindi n'yo ako matatakasan!" sambit ni Hanze at naglakad nang may malalaking hakbang para mahuli ang mga pumupuslit. Nang akma na s'yang papasok sa bulwagan ay biglang may malaking tipak ng bato ang humarang sa kaniya! "APMEVENTO! Ano ito?!" sigaw n'ya. Wala namang tigil sa tagisan ang dalawang hari, hanggang sa makahanap ng butas si Balrak upang sugatan ang kaniyang kalaban. Tinangka n'ya itong saksakin pero dumaplis lang ang kaniyang espada sa gilid ng baewang ni Tanza at dito dumampi ang talim kaya nasugatan parin ang hari ng Galomia— "Aghh—" daing nito. "Isang kahambugan ang ipinakikita mong pag-uugali, Tanza. Kung patuloy kang magmamatigas at hindi susuko sa akin ay mapipilitan akong paslangin ka na lang!" pagbabanta sa kanya ni Balrak. "...kahit paulit ulit mo akong sugatan — hinding hindi pa rin ako susuko sa'yo!" nanghihinang sambit ni Tanza, "sino ka ba sa akala mo?" "APMEVENTO—" tangka nang tutuluyan ni Balrak ang hari ng Galomia nang may biglang dumating at harangin ang kaniyang sandata! Isang malakas na pwersa ang lumitaw kaya't napa-atras si Balrak— "Salutem, Balrak! Bakit mo nilalapastangan ang mga nilalang rito?" pagbati ni KASACOP, ang hari ng Celestia. "Kasacop?—" pagkagulat ni Tanza at nakita n'ya ang hukbong Celestian na tumutulong na sa pagpuksa sa mga Derronian. "Ayos ka lang ba, kaibigan?" nakangiting tanong sa kan'ya ni Kasacop. "Oo! Maraming salamat!" sambit ni Tanza habang hawak ang kaniyang nagdurugong sugat. "Kasacop?! Ikinatutuwa kong narito ka!" pagbati naman ni Balrak na may masamang ngiti sa mga labi. "Hindi na ako magtatangka kung bakit may lakas kayo ng loob na lumusob dito — hawak mo nga naman pala ang hiyas na ninakaw mo sa mga sorsero." malamig na pahayag ni Kasacop. "Na s'yang tunay, Kasacop. Sadyang nakakahiya lang isipin na bakit kaming mga walang kapangyarihan ang kaniyang sinalakay? — Hindi kaya, dahil sa kami ay mas mahina kumpara sa ibang kaharian at wala s'yang panlaban sa mga ito?" wika ni Tanza na may halong pang-iinsulto. "May kabuluhan ang tinuran mo, haring Tanza. Marahil ay hindi n'ya kayang makipag-sabayan sa MAS malalaki sa kan'ya, kaya ang mga maliit at walang laban ang kaniyang hinahatulan. Ikaw ba'y duwag?" pag sang-ayon ni Kasacop at may panunuya pa s'yang binitawan. "Mga apmevento! Magkampihan pa ako'y hindi n'yo pa rin kakayanin ang aking kapangyarihan!" ngitngit ni Balrak at inilabas na ang hiyas ng dilim! Laking gulat n'ya at ni Tanza nang ilabas naman ni Kasacop ang hiyas ng lupa! "Kung ganon — nasa inyong Celestian pala ang hiyas ng lupa? Haha-haha!" nakangising tanong ni Balrak. "Oo, at kung hindi kayo titigil sa ginagawa n'yo ay hindi ako magdadalawang isip na parusahan kayo!" pagbabanta ni Kasacop. "Isa itong magandang handog para sa akin, Kasacop — humanda ka nang mamatay!" "HAGHHH!!!" At muling nagsalubungan ang magkakaibang lahi, Galomia at Celestia laban sa Derrohny. Sino ang magwawagi? ... Sa kaharian ng Falcodep... "Mahal na reyna, may panauhin!" ulat ni Sabrina; isang mandirigmang Falco. "Papasukin mo." utos naman ni Joviana habang may binabasang kasulatan. "Isang mapagpalang umaga, mahal na reyna!" pagpasok ni Roman at dagli n'yang napukaw ang atensyon ni Joviana. "Haring Roman? Anong — maipaglilingkod ko?" nakangiting pagsalubong ng reyna. "Tanggapin mo ang aking handog, Joviana. Mga prutas na mula sa bukirin ng aking kaharian, at! — ako mismo ang namitas sa mga iyan!" pag-abot ni Roman sa dala nyang takuyan (basket). "Maraming salamat, kung ganon! Sabrina, kuhanin mo ang dala ng hari." masayang tinig ni Joviana. Nang makuha ni Sabrina ang takuyan ay agad na niyang iniwan ang dalawa. "Para saan nga pala ang iyong handog, Roman?" tanong ni Joviana. "Wala naman — sabihin nalang natin na nagmamalasakit ako sa INA ng aking magiging anak." romantikong sagot ni Roman at pilit ikinubli ni Joviana ang kaniyang pag-ngiti. "Maraming salamat — haring Roman!" tanging nasambit ng reyna. "Maaari ko bang makitang muli ang iyong sinapupunan?" tanong ni Roman. "Maaari naman... Halika, sumunod ka sa akin!" sagot ni Joviana at s'ya ang nauna sa paglalakad. ... (Galomia) Lubha nang marami ang napaslang sa mga kawal ng Derrohny habang sugatan lang ang karamihan sa mga Galomian. Si Helad ay nagmamadaling lumabas ng palasyo upang hanapin ang ama at iulat rito ang napipinto nilang pagkatalo dahil sa mas lumakas ang pwersa ng kanilang nilulusob! Napatalsik ni Tanza si Balrak at nakatayo lang ito nang alalayan ni Guzma... "Mahina na ang panig mo, Balrak. Sumuko na kayo!" wika ni Kasacop sa kanila. "Masyado silang malakas, kamahalan, lalo't narito ang mga Celestian!" sugatang bulong ni Guzma sa kaniyang hari. "Hindi — itutuloy natin ito..." daing ni Balrak. "Masyado na tayong dehado!!" pag awat ng kaniyang heneral. At namasid ni Balrak na kakaunti na lamang sila ng kaniyang hukbo— "APMEVENTO!" sambit n'ya habang nanghihina. "Ama!! Mabuti at natagpuan kita!" pagdating ni Helad ay agad n'yang pinatamaan ng enerhiya sina Tanza upang hindi s'ya nito magulo. "Anong ulat? Nasaan si Hanze?!" tanong ni Balrak sa anak. "Magkasama kaming pumasok sa palasyo, ngunit hindi ko pa s'ya natatagpuan..." hinihingal na sagot ni Helad, "...masyado silang malakas, ama! Sinaklolohan pa sila ni Kasacop, na may hawak ring hiyas." pahayag nito. "Batid ko nga..." "Hindi natin maipapanalo ang labang ito, mas mainam kung aatras muna tayo!" mungkahi ng prinsesa. "Isang malaking insulto sa atin kung gagawin natin iyon!" pagsalungat ni Balrak, "itutuloy natin ito!" "Masyado na tayong mahina!! Nangamatay na ang halos lahat ng ating kawal!" pag-awat ni Helad na may naiinis ng tono. "HINDI—" lubhang nabahala si Balrak at muli n'yang tinignan ang kaniyang panig... "May araw rin kayo sa akin, mga lapastangan!" pag-babanta n'ya kina Tanza at saka s'ya naglaho kasama ang anak at ang kaniyang apram. "NAGWAGI ANG GALOMIA!" sigaw ni Kasacop. "KAPAYAPAAN PARA SA GALOMIA!" "WOOOOOO!!!" pagbubunyi ng mga kawal. "Hindi ko magagawa ito kung hindi ka dumating. Maraming salamat, hari ng Celestia!" pasasalamat ni Tanza sa kaibigan. "Walang anuman, basta't para sa'yo at sa iyong kaharian ay nakahanda akong tumulong!" ngiti naman ang isinukli ni Kasacop at saka n'ya niyakap si Tanza. Unti-unti namang pumikit si Tanza hanggang sa s'ya ay mawalan na ng ulirat! "Tanza, Tanza?" pagtataka ni Kasacop dahil tila bumigat ang katawan na kaniyang yakap. "TANZA!!!" sigaw n'ya nang makitang wala na pala itong malay! "Ama?!" dumating na ang anak n'yang si Naeso na madungis at tila nanggaling sa isang matinding bakbakan, "malaki ang kaniyang sugat!" puna nito nang makita ang duguang bahagi ng tagiliran ni Tanza. "Malalim na pala ang sugat ng hari..." nag aalalang sambit ni Kasacop habang duguan ang kaniyang kamay, "kailangan na s'yang magamot!" At naglaho silang dalawa. Si Naeso na ang naiwan sa Galomia upang asikasuhin ang kanilang mga kawal pati na ang kapanalig nilang kaharian. ... (Sa Derrohny) "Ito na nga bang sinasabi ko, mahal na hari. Wala tayong laban sa dami ng ating mga sasagupain!" pahayag ni Sebani sa kaniyang hari habang ginagamot ang kaniyang sugat. "Nagwagi lang si Tanza dahil sa hiyas ng lupa." sambit naman ni Helad na may naiinsultong pagmumukha. "Hindi natin kakayanin ang digmaan sa pagitan ng ibang kaharian lalo na ngayon na hindi natin tiyak kung alin sa mga hiyas ang hawak ng bawat pinuno nila!" dumating na si Hanze na naka-gayak pang prinsipe. "Hindi nangangahulugang naitaboy tayo ng mga Galomian ay titigil na tayo! Kailangan lang natin ng karagdagang kapangyarihan upang tuloy-tuloy na masakop ang bawat lupain dito!" pahayag naman ni Balrak. "Ngunit paano nga natin iyon gagawin kung tila magkakapanalig ang ibang kaharian?!" tanong ni Helad na may halong pag-aagam agam. "Ano bang binabalak mo ama?" tanong na ni Hanze. "Sigurado ako sa isang bagay..." sagot ni Balrak na tila may malalim na iniisip. Tumayo ito at nagwika... "May isang lupain tayong lulusubin — at sa pagkakataong ito... ay tiyak kong may mahihita tayo sa kanila." pahayag nito. "—SIGURADO YAN!" ... (Celestia) "Mm—" unti unting nag-mulat ang mga mata ni Tanza at naaninag n'ya ang liwanag. Dahan dahan s'yang bumangon at tinignan ang paligid, namalas n'ya ang ganda nito; mga gintong burda sa bawat pader, mga kasangkapang yari sa marmol at ang mga bandera na may nakatatak na espada. Nabatid n'ya agad kung nasaan s'ya... "Mabuti naman at may malay ka na?" pagbati ni Kasacop na naka-upo malapit sa kama. "Kasacop? Nariyan ka pala?!" pag-ngiti ni Tanza at hinaplos ang kaniyang nasugatang bahagi kanina. "Wala na ang sugat mo, magaling ka na." sambit ni Kasacop at tumayo upang makalapit. "Maraming salamat muli sa iyong tulong, Kasacop. Utang ko sa iyo ang aking buhay." pasasalamat ni Tanza nang umupo sa dulong bahagi ng kama ang kaniyang kausap. "Nais mo bang kumain muna?" nakangiting alok ni Kasacop sa kaniya. "Hindi na — nais ko na lamang magbalik sa aking kaharian, lalo't hindi ko pa tiyak ang nangyayari doon." pagtanggi naman ni Tanza. "Wala kang dapat ipag-alala... Dahil naroon ang aking anak na si Naeso at tinutulungan n'ya ang iyong nasasakupan upang isaayos ang mga nasirang kagamitan." "Gano'n ba? — ipagpaumanhin mo pa rin ngunit nais ko talagang bumalik na sa Galomia." mahinahong pilit ni Tanza at tumayo na s'ya para magtungo sa pintuan. "S-sandali..." pag-awat ni Kasacop... Lumakad ito palapit sa kanya... "Tanggapin mo ito..." sambit ni Kasacop at inilabas ang hiyas ng lupa! "...ikaw na ang mag-alaga dito simula ngayon." Labis na nagulat si Tanza kung kaya't natigilan s'ya at nawala sa loob ang kaniyang nais gawin. "Ipinagkakaloob mo sa akin iyan?" pagtataka ni Tanza. "Oo — dahil higit n'yong kailangan ito, mga Galomian. Magagamit n'yo ito laban sa mga magtatangkang muli na sakupin ang inyong teritoryo." Kasacop "Ngunit—" "Mababawasan rin ang aking kalbaryo at hindi ko na kayo kailangang daluhan pa sakaling may mangyari ulit na pagsalakay sapagkat alam ko na may hawak na naman kayong kapangyarihan." pagpipilit ni Kasacop. "Bakit, Kasacop? Ayaw mo na ba kami — ako, na tulungan?" tanong ni Tanza. "Hindi! Hindi sa gano'n — madali kayong magagapi nina Balrak dahil sila'y may kapangyarihan, at magkalapit ang iyong mga lupain kung kaya't hindi malabong pag-tangkaan ulit nila kayo. Dapat ay magkaroon rin kayo ng kapangyarihang maipanglalaban sa kanila! Isa pa — may sapat na kaalaman at salamangka kami rito upang magawa naming lumaban kahit walang hiyas." paliwanag ni Kasacop. Nakatitig lang si Tanza kay Kasacop at hindi n'ya inaalis ang kaniyang paningin rito... "Kaya't tanggapin mo na — wala naman itong kapalit!" pabirong saad ni Kasacop at hinawakan na ang kamay ni Tanza. Nang magkatapat ang kanilang mga palad ay saka niya ipinasa sa kaibigan ang hiyas ng lupa. Sumalin na ito kay Tanza at tuluyang nawala sa kaniyang pangangalaga. "Isang pribilehiyo ang maatasang mangalaga sa hiyas, kung kaya't iingatan ko ito!" wika ni Tanza at naglaho na ang hiyas na nasa kaniyang palad. "Maraming salamat muli, Kasacop. Sobra sobra na ang mga itinutulong mo." pasasalamat nito. "Hindi ko na alam kung paano ko masusuklian ang kabutihang ipinapakita mo sa aming mga Galomian." "Walang anuman, basta para sa'yo — ay nakahanda akong tumulong, hind ba?" pag ngiti ni Kasacop, "ngayon ay panatag akong lisanin mo ang aking kaharian!" "Maraming salamat muli!" bigkas ni Tanza at tumalikod na. "Mga kawal, samahan s'ya pabalik ng Galomia!" utos ni Kasacop sa mga nagbabantay. "Paalam, haring Kasacop!" sambit ni Tanza. "Mag-iingat ka, paalam rin." At naglakbay na pabalik sa Galomia si Tanza, kasunod n'ya ang isang hukbo ng mga kawal-Celestian at mapayapa naman nilang natawid ang mga karatig na lupain. ... Nang makarating sa Galomia ay nagpasalamat na ang hari sa mga sumama sa kaniya, gano'n din sa mga kawal na lumaban para sa kaniya at maging kay Naeso. "Maraming salamat sa pagtingin mo sa aking kaharian habang ako'y wala pa. Maaari ka nang bumalik sa inyo." pasasalamat n'ya sa prinsipe ng Celestia. "Makakaasa po kayo sa tulong ng Celestia, anumang sandali!" wika ni Naeso at nagbigay galang. Nang nakahanda na sila upang umalis ay pinabaunan sila ni Tanza ng saku-sakong mga prutas bilang pasasalamat na rin sa kanilang pagdalo. Isinakay na ito nila Naeso sa kanilang sumalob o sasakyang pandagat at saka nila nilisan ang lupain habang kumakaway. "Maraming salamat muli!" sigaw ni Tanza. "Ama! Mabuti at narito ka na!" laking tuwa ni prinsesa Bella nang makita n'ya ang ama sa bukana ng palasyo. "Bella?! Anong lagay ng Galomia?" tanong ng hari sa anak habang sila'y papasok na sa loob. ...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD