Kabanata 2: Mga Kaharian

2466 Words
--------------------------------------------------------------- SALUTEM - nangangahulugang bumabati ka sa isang nilalang. --------------------------------------------------------------- Nabatid ng buong Goltus ang magaganap na pagkakawatak watak ng mga hiyas dahil iniulat ito ni Emprido sa kanila. Kasama ang lahat ng miyembro ng konseho ay ipinaliwanag nila ang mga naganap at pinaintindi ang dahilan kung bakit paghihiwa-hiwalayin na ang mga ito. Samantala... Sa kaharian ng Falcodep ay may mga babaylan na nagdadasal sa rebulto ni Zanaa; ang kanilang punong bantay, at taimtim lang silang nanananalangin habang ang kanilang reyna ay nahihimbing. At sa Goltus, si Roman ay payapang natutulog sa kaniyang silid nang tila makaaninag s'ya ng kakaibang imahe sa kaniyang diwa. Naramdam n'ya ang sarili na gising at nakita ang paligid. Kataka takang nasa hardin s'ya ng Falcodep, nakilala n'ya ang paligid nang makita ang simbolong ibon sa banderang nakasabit sa di kalayuan. Naglakad lakad siya hanggang sa makita ang isang napaka gandang binibini! Napangiti s'ya at agad itong nilapitan at tinabihan, tila ba kilalang kilala nila ang isa't-isa? Nakangiti lang si Roman at ang binibini, hanggang sa magtapat ang kanilang mga palad at kinuha ito ng hari saka ipinatong sa tumitibok niyang puso. Ang mga mata nila ng binibini ay sadyang hindi magkamaliw sa galak na nararamdaman at hindi nila maialis ang paningin sa bawat isa. Habang ang kanilang mga palad ay nagliliwanag, dahan dahang hinagkan ni Roman sa pisngi ang binibini at biglang nawala ang lahat— S'ya pala ang nananaginip lamang at nagising na! Bumangon s'ya at sinilip ang bintana... "Malapit na palang sumikat ang araw." sabi n'ya sa sarili at agad na naghanda dahil ngayon na ang takdang sandali sa pinag-usapan nila ni Fellian. Kinuha na niya ang natitirang lima na mga hiyas mula sa lagayan nito at lumabas na s'ya ng palasyo dahil hinihintay na siya ni Fellian. Ipinasa niya dito ang mga hiyas at saka sila nag-lakbay sa mga lupain upang ipamahagi nga ang hiyas na mula kay Zanaa. Tanging silang dalawa na lamang ang gagawa nito upang hindi maghinala o makarating sa Derrohny ang kanilang gagawin. ... Una nilang tinungo ang Celestia, ang di hamak na malapit na kaharian sa Goltus. Ang Celestia ay tahanan ng mga Celestian, uri ng majezan na nagtataglay din ng kapangyarihan ngunit hindi sila mga sorsero. Katulad sa Goltus, ang pangunahin nilang bantay ay si Zanaa. Ang kanilang kaharian ang gumagawa ng makapangyarihang mga sandata na nagagamit sa oras ng digmaan. Mahusay sa pakikipaglaban ang mga mamamayan nito at lahat ay may karunungan sa paghawak ng sandata. Mayaman rin sa mga ginto at ibang mineral ang lupain ng Celestia, at hitik sila sa biyayang handog ng mga puno at halaman. MAJEZAN - sinumang nabubuhay sa Majezenty, ito ang tawag sa mamamayan ng mundong ito. Si Kasacop ang humarap sa kanila, sya ang hari ng Celestia at ang kasangga ni Roman sa lahat. May tatlo syang anak, sina Kaxandra; ang panganay at katipan ni Roman, si Naeso; ang matalinong prinsipe at Evdan, na sanggol pa lamang. "Ikinatutuwa kong makita ka, Roman! Ganon din sayo, Fellian. Salutem!" malugod na pagsalubong ni haring Kasacop at ng kanyang mga nasasakupan sa dalawa. "Salutem din Kasacop!" pagngiti ni Roman at pasimpleng tumingin kay Kaxandra sabay sabing "sayo din, magandang prinsesa!" "Anong maipaglilingkod ko, Fellian?" tanong ni Kasacop sa sinaunang sorsero. "Tanggapin mo ito, Kasacop..." sagot sa kaniya ni Fellian at dalawang kamay nitong inihandog ang hiyas ng lupa! "Ang hiyas ng lupa?!" pagkagulat ng mga dugong bughaw nang masilayan ang hiyas. Buong kaloobang tinanggap ni Kasacop ang hiyas na ipinagkakaloob sa kanila, kinuha n'ya ito ng dalawang palad rin at masayang pinagmasdan ang kapangyarihang hawak niya! "Ang hiyas ng lupa ang bumubuhay sa lahat ng puno at mga halaman — ito ang nagbibigay sa atin ng yaman upang mayroon tayong makain sa pang araw-araw." nakangiting sambit ni Fellian. Bago lumisan ang dalawa ay hinagkan muna ni Roman ang likod ng palad ni Kaxandra at saka nagbigay galang sa hari. Lumuhod naman ang lahat ng Celestian kay Fellian bilang tanda ng pagkilala at paggalang dito nang sila'y lumakad palabas. Sunod nilang tinungo ang kaharian ng Pyronix, na nakatindig sa hilagang bahagi ng Majezenty. Ang Pyronix naman ay tahanan ng mga Pyron, uri ng mga majezan na nagtataglay ng galing sa paggawa ng matitibay na sandata na ipinangangalakal nila sa ibang mga lupain upang kumita ng bulawan. Sila ay mga ordinaryong majezan na pinag-palang magbuklod sa naturang kaharian at natutunan din nila sa paglipas ng panahon ang paggamit ng mahika kaya't kaya din nilang makipagsabayan sa mga may kapangyarihan. BULAWAN - tawag sa pera ng Majezenty Si haring Walom ang sumalubong sa kanila. Isang mahusay na hari na kapanalig din ng mga sorsero. Mayroon s'yang anak, si Ynna, ang prinsesa ng Pyronix at dating inibig ni Roman. Mayroon din silang anak, ngunit sanggol pa lamang at nasa pangangalaga ng kahariang ito. "Isang karangalan ang dalawin mo ang aking kaharian, regium Fellian!" pagbibigay galang ni Walom sa kaniyang kaharap. "Ipagkakaloob ko sa inyo ang ningas ng kapangyarihan!" sambit naman sa kaniya Fellian at inilabas ang hiyas ng apoy. "Tanggapin mo ang hiyas ng apoy, ito ang sasagisag sa katangian ninyong mga Pyron. Mga mandirigmang may nag aalab na kalooban para sa pagpapanatili ng kaayusan dito sa ating daigdig." papuri ni Fellian habang isinasalin sa haring kaharap ang hiyas na kulay pula. "Makakaasa kang magpapatuloy kami sa pagbabantay ng Majezenty!" wika ni Walom nang mapasa-kamay ang hiyas ng apoy. Habang nag-tatalastasan ang dalawa ay sinilip muna ni Roman ang kaniyang anak kay Ynna, nagtungo sila sa silid nito at doon nya namasdan ang isa nya pang prinsipe. "Tila kilala ka niya, haring Roman! Tignan mo't ngumi-ngiti sya sa iyo!" masayang puna ni Ynna sa galak na nakita n'ya sa mga mata ng anak. "Na syang aking namamalas — napakapalad ko't biniyayaan ako ni Zanaa ng isa pang supling." nakangiting hinaplos ni Roman ang kamay ng munting prinsipe at hinawakan nito ang kanyang daliri. "Tignan mo't kumakapit sya sa iyo!" ... Matapos ang pagdulog sa Pyronix ay sa kanlurang bahagi naman ng Majezenty naglakbay ang dalawang sorsero. Sa napaka gandang kaharian ng Falcodep sila nagtungo. Ang Falcodep ay tahanan naman ng mga Falco, mga uri ng majezan na nagtataglay ng karunungan sa propesiya. Sila ay may mga dugong diwata kaya't may taglay din silang mahika. Sila ang gumagawa ng mga instrumentong pang musika at nangangalaga sa lahat ng uri ng ibon sa Majezenty. Kaakit akit ang kanilang lupain at magiliw sila sa mga bisitang dumadating o kahit sa mga naliligaw lang. Malalambot man ngunit pakaingatan, dahil bihasa rin sila sa pakikipag laban at kayang pumaslang kung kinakailangan. Maluwag silang pinapasok ng mga bantay sa entrada at pinatuloy sila sa punong bulwagan kung saan naroon ang trono ng Falcodep. Si Fellian ang umuna sa pagpasok habang si Roman ay manghang nilibot ang paningin dahil sa mga salamin ng palasyo, mga kristal at perlas ang palamuti nito at tiyak na mamahalin at kailangang pagkaingatan. Habang sya'y naglilibot ay kinakausap sya ng ilang kalalakihan na kilala pala s'ya at alam na isa s'yang hari. "Salutem, Fellian! Hindi ko inaasahang mapipili mo ang aking kaharian upang bisitahin?" nakangiting bati ng reyna ng Falcodep, si Joviana. Si Joviana ay tunay na kaakit akit at ang bighani nya'y nakaka-ilang, sapagakat mangingimi ang sinumang dikitan o kausapin man lang sya dahil sa napaka ganda nyang mga mata. May buhok syang napaka lambot at ang mga balat ay kasing puti ng niyebe. Mahusay syang makipag digma at kilalang pantas sa kaniyang nasasakupan. "Tanggapin mo ito, Joviana!" wika sa kaniya ni Fellian at inilabas ang hiyas ng hangin! Walang anumang tanong si Joviana bagkus ay tinaggap n'ya ang kapangyarihang ipinagkakaloob ng sinaunang sorsero. "Iyan ang nagbibigay hininga sa lahat ng nilalang dito, Joviana. Kaya gamitin mo nang naayon sa kabutihan!" pakiusap ni Fellian. "Makaasa ka, Fellian. Isusugal ko maging ang aking buhay — huwag lang itong makuha sa aming pangangalaga!" panunumpa ni Joviana at nginitian sya ni Fellian. Tyempong nagawi si Roman sa punong bulwagan at nasilayan ang reyna nito. "Sandali—" pag-awat n'ya sa sarili nang makita si Joviana... Napatingin din sa kanya ang reyna at tila ngumiti ang pareho nilang mga labi. "Sya ba—" naguguluhan ngunit may ngiti sa mukha si Roman nang pumasok s'ya sa bulwagan at samahan si Fellian. Namasdan nya ang mukha ni Joviana at agad na naalala ang kaniyang panaginip. "Maraming salamat, Fellian! Paalam!" paalam ni Joviana kay Fellian at pareho silang yumuko sa isa't isa, saka tumalikod si Fellian at naglakad palabas. Si Roman ay hindi maitatangging hindi maiiwas ang kaniyang paningin sa reyna Joviana dahil naaalala nya ang kaniyang panaginip at nabighani rin sya dito. Kaya habang naglalakad sila ni Fellian ay panay ay lingon n'ya, habang si Joviana ay pa-lihim ring nangiti sa kaniya. "Tila hindi ka mapakali?" tanong ni Fellian sa kaniya. "Paumanhin — ngunit... Ang reynang 'yon?—" sagot ni Roman na may hindi maipintang ngiti. Pagkatapos ng Falcodep ay sa katabing lupain naman nito sila nagtungo. Sa Saghara! Ito ay tahanan ng mga Saghar, mga nilalang ng Majezenty. Ang naninirahan dito ay mga hayop, elemento at iba't ibang uri ng mga halimaw. Ang pinaka marami sa kanila ay ang mga dwende, diwata, sirena at mga hayop na kakaiba ang ganda. Buhay ang paligid dito, ang mga puno't halaman ay nakapagsasalita at mayroong mga nagliliwanag na alitaptap na kahit sa umaga'y lutang ang mga kulay. Saghara ang gumagawa ng mga pinaka mabisang halamang gamot sa buong Majezenty. May taglay rin silang mahika na handang tumugon sa pangangailangan at ang mga kawal dito ay mga sarangay o kalahating tao, at kalahating toro. Ngunit kilala ring mahihina ang mga Saghar dahil hindi sila sanay sa kaguluhan at sadyang mabubuti ang kanilang mga puso, na dahilan kaya hindi nila kayang manakit ng sinuman. May mga kawal man ay hindi parin ito sapat para masiguro ang kaligtasan nilang lahat, dahil sa kabila ng pagiging mababait nila at maamo ay mayroon paring masasamang loob na nananakit sa kanila o nagnanakaw — katulad nalang ng mga mandirigma at mga Derronian. Sa lupaing iyon nagtungo ang dalawa at katulad sa mga naunang kaharian, sila rin ay magiliw na tinanggap ng mga Saghar. Halos lahat ay may ginagawa, lahat ay kumikilos at lahat ay nag-aawitan. Sadyang nakatutuwa talaga ang lupaing ito. Bumabati na lamang ang mga nadadaanan ng dalawa dahil kilala naman sila ng mga ito, at labis pang namangha si Roman dahil sa buhay ng paligid. "Kakaiba — mayroon palang ganito sa Majezenty!" pagtatanto n'ya habang minasmadan ang luntiang kapalagiran. "Kaaya aya silang pagmasdan, hindi ba?" nakangiti ring puna ni Fellian. Si Maro ang nilapitan nila dahil ito ang pinaka matanda hindi lang sa Saghara kundi pati sa buong Majezenty, s'ya ang napili ni Fellian na pag-ingatin ng isa sa mga hiyas dahil may kaalaman ito sa paghawak ng kapangyarihan. "Salutem, Maro!" nakangiting bati ni Fellian sa matandang dwende. "Salutem din, Fellian! Ano't naparito kayo ng hari ng Goltus?" malugod na bati ng Saghar sa dalawa. "Kumusta ang pamumuhay, Maro?" tanong sa kan'ya ni Roman. "Masagana pa rin, haring Roman! Walang pagbabago!" nagpupugay na sagot ni Maro. "Maro — tanggapin mo ito..." saad ni Fellian at inilabas ang hiyas ng tubig. Napukaw nito ang atensyon ng lahat kaya't naki-usyoso ang mga nagtatrabahong Saghar. Lahat sila'y lumapit sa kinaroroonan ng tatlo at pinagmasdan ang luntiang hiyas. "Yan ba ang hiyas ng tubig?" tanong ng batang dwende sa kaniyang ama. "Oo, anak! Yan nga yon!" sagot ng ama nito. "Ito ang nagbibigay buhay sa kalikasan ng ating mundo, kaya't pakaingatan mo 'yan, Maro." pakiusap ni Fellian sa matanda habang isinasalin dito ang hiyas. "Maraming salamat, Fellian! Makakaasa kang gagamitin namin ito para sa kabutihan!" pasasalamat ni Maro at tumayo sya upang ipakita sa lahat ang hawak n'yang hiyas. Talagang nag-bunyi ang lahat kaya lalong sumaya ang Saghara, nakangiti silang pinagmasdan nina Roman at Fellian. Mamamalas mo sa kanilang mga mata ang pagiging malambot at mahinahong mga nilalang, na tanging kasiyahan lang ang alam at hindi kayang manakit ninuman. Iniwan na sila ng dalawa at naglakad na sa kagubatan. "Tapos na ang ating gawain." pag hinto ni Fellian sa paghakbang at inilabas na ang natitirang hiyas, ito ay ang hiyas ng liwanag. "Ito ang ipapahawak ko sa iyo, Roman. Ito ang hiyas ng ating lahi..." wika niya. "Paka-ingatan mo ito at manatili kang kakampi ng kabutihan!" pakiusap n'ya at inabot na sa hari ang dilaw na hiyas. "Maraming salamat!" pagngiti ni Roman, "makakaasa ka!" "Mag-iingat ka sa pagbalik!" bilin ni Fellian at agad nang naglaho. Ganon din ang ginawa ni Roman, naglaho na siya at bumalik sa Goltus. ... (Sa silid ni Roman) Bumukas ang pinto at pumasok si Emprido... "Kumusta ang iyong paglalakbay?" tanong nito habang nagpapalit ng gayak ang hari. "Nakakapagod! Ngunit!—" sagot ni Roman na may kakaibang ngiti. "—ngunit may isang — nakakatuwa, na hindi ko tiyak kung — may kabuluhan ba?" pagtutuloy nito at nanalamin. "At ano itong iyong ibig ipakahulugan?" usisa ni Emprido na may kasamang ngiti. "May napanaginipan akong babae — at kakatuwang isa syang reyna! — reyna ng Falcodep!" pagsasalaysay ni Roman. "Reyna? — ng Falcodep? Si Joviana ba ang iyong tinutukoy?" tanong ni Emprido. "Joviana? — yun ba ang kaniyang ngalan?" pagtatanto ni Roman. "S'ya ang reyna ng mga Falco! Oo, tama, sya nga si Joviana — ngunit, ano namang — naganap sa inyong panaginip, mahal na hari?" tanong muli ni Emprido. "Hmm — nag daupang-palad kami at sa pakiwari ko'y—" sagot ni Roman at napatayo sya... "Hindi kaya?—" "Hindi kaya?—" Kinagabihan... Suot ang kaniyang kasuotang pang tulog ay masayang nananalamin si Joviana, sinusuklay suklay ang kaniyang buhok at humuhuni. May hanging bumulong sa kaniya at napatingin kaagad siya sa bintana ng kaniyang silid— Tumayo sya at sumilip... ...wala namang kahit anong nilalang. Nang pabalik na sya sa kaniyang kinauupuan ay may humila sa kaniya! "Shhh!—" tinig ng lalaki, "wag kang matakot!" bulong nito at agad syang binitawan. Tinanggal ng lalaking ito ang kaniyang talukbong at napangiti si Joviana— Si Roman! Ang lalaki sa kaniyang panaginip! "Haring Roman? Ano't — naparito ka?" mahinhin n'yang tanong at muling nanalamin. "Batid kong alam mo ang ipinunta ko rito..." sagot naman ni Roman na may nakaka-lokong ngiti. "Paumanhin — ngunit — hindi ko mawari ang inyong tinuran?" sambit ni Joviana na may nang-aaliw na tinig. Lumakad si Roman at nang palapit s'ya sa reyna ay napansin n'ya ang isang bulaklak na nasa labasan... Napatingin muna s'ya kay Joviana bago n'ya tinungo ang pumukaw sa kaniyang pansin, at gayon din, ay sinundan s'ya ng reyna— Nang malapitan nya ang bulaklak ay nakita nya ang simbolo ng isang sorsero dito! Isang kulay asul na bulaklak at may nagliliwang na simbolo sa talulot. "Ito ba ang sapolar mo?" manghang tanong ni Roman sa reyna. ——————————————————————— Ang sapolar ay ang bulaklak na nagsisilbing sinapupunan ng sinumang majezan na may dinadalang bata sa kaniyang katawan. ——————————————————————— "Oo, kamahalan... Laman ng bulaklak na iyan ang — aking anak!." sagot ni Joviana at hindi maikubli ang ngiti ni Roman sa kaniyang narinig. "May pagkakapareho ng pamamaraan ang mga sorsero at Falco, reyna Joviana. At — sasang-ayon ka ba kung sasabihin kong nag-kita tayo sa aking panaginip?" tanong ni Roman sa reyna nang may matamis na tinig. "Nakita kita sa aking diwa, Roman. Kaya't masasabi kong tunay ang iyong winika..." sagot naman Joviana na lalong nagpa-igting sa damdamin at ngiti ng hari. "Nasa loob ng bulaklak na iyan — ang isang sanggol na kalahating sorsero, at kalahating Falco!" pagtatanto ni Roman. Ngumiti sa kan'ya si Joviana at hindi na niya naitago ang tuwa sa balitang may bago syang magiging supling! Tignan mo nga naman at may isa na naman syang sanggol na paparating. Ngunit batid n'yang hindi n'ya maaaring angkinin ang nagmula sa reyna, kaya naman may kirot din sa kaniyang puso dahil sa katotohanang hindi n'ya maaaring makuha ang batang isisilang. Gayunpaman, ay nagagalak s'ya dahil karagdagang bilang sa kaniyang lahi ang paparating na anak. Ano kaya ang magiging supling nila, babae o lalaki?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD