Kabanata 68: Katuparan ng hakbang ni Lerzia

1780 Words
Nang makalabas si Sype ng palasyo ay sa may tabing dagat siya nagtungo, doon ay kinita niya ang alagang si Vappo. Umupo siya sa malaking tipak ng bato at pinanood ang lobo na ito na magpakitang gilas sa kaniya. Tila batid rin kasi nitong si Vappo ang pinagdadaanan ng regium kaya sinusubukan niyang pagaanin ang kalooban nito. Doon lang muna nanatili si Sype at pinagmasdan na rin ang payapang tubig at kalangitan, ka'y ganda ng panahon ngunit ang kaniya namang kalooban ay hindi nakiki-ayon, ni hindi n'ya mapilit ang sarili na kalimutan na si Neroz at maging masaya na muli. Hanggang sa... "Sype?!" Biglang nawala ang katamlayan ni Sype at nakikala agad ang tinig kaya lumingon s'ya nang mabilis. "AMA!?" sambit niya nang makita ang kanilang amang Roman! "Oo, Sype... Ako nga!" pagngiti ni Roman. Dali-daling lumapit si Sype at tinignan kung ang yumao nga ba nilang ama ang nasa kaniyang harapan ngayon, at hindi s'ya nagkamali... SI HARING ROMAN NGA IYON! "Ako ba'y nananaginip?!" tanong ni Sype at hinaplos s'ya ng ama sa pisngi. "Hindi aking anak — tunay akong narito sa harapan mo!" At muli nang bumuhos ang mga luha ni Sype nang niyakap na ng pagkahigpit-higpit ang ama! Habang sila ay magkaharap ay pinapanood sila ni Vappo na nakababad pa rin sa tubig at natigil ang pag-bibida. Titig na titig ito sa dalawa at wari bang may nararamdamang kakaiba. "Ama... Salamat at narito ka!" ani ng regium. "Isa akong varda anak, at pinahintulutan ako ni Zaana'ng bumaba rito upang ika'y akin nang makausap." sambit ni Roman na may napaka tamis na tinig. "Batid ko ang lahat ng iyong pinagdaraanan Sype... batid ko ang lahat ng sakit na dinadala mo d'yan sa iyong loob..." "...kung hindi mo na talaga kaya'y maaari ka namang sumama na sa akin. Sumama ka nalang sa akin, anak!" saad nito at si Sype ay hindi ikinubli ang kaniyang mga luha. "Sana pala'y nakinig na ako sa 'yo ama... Sana'y hindi ako nasasaktan ng ganito!" pagsisisi nito at muling niyakap ang ama. "Bakit hindi mo nalang bitiwan, anak? Palayin mo ang iyong sarili!? Kalimutan mo ang mandirigmang ito, nilinlang ka lang naman niya hindi ba?" tanong ng ama. "Hindi ko magawa ama, bukod sa — bukod sa puno ng pagkamuhi ang aking puso ay hindi ko pa rin maikakailang naging bahagi si Neroz ng aking buhay at hindi s'ya ganoon kadaling kalimutan." tugon naman ni Sype na nananatiling nakapatong ang ulo sa balikat ng ama. "Mahal na mahal ko siya ama... at ka'y sakit talaga ng ginawa n'ya sa akin!" "Kung gano'n ay — bakit hindi ka na nga lang... sumama sa akin? Iwan mo na ang buhay mo rito. Doon tayo sa Estova manirahan!" mungkahi ni Roman at ipinaharap ang anak sa kaniya. "Maaari ka namang bumitiw kung hindi mo na talaga kaya." dagdag niya. "Totoo, ama?" tanong ni Sype, "maari ba?!" Ngumiti lang si Roman at saka hinawi ang buhok ng regium... "Sige ama! Kuhanin mo na nga lang ako, isama mo na ako sa 'yo!" pag-sang ayon na nitong si Sype, "hindi ko na nais pang manatili rito, palagi lang akong gumigising upang malungkot... Nakakaabala na rin ako sa isipin ng aking mga kapatid at hindi iyon ang nais ko para sa amin. Ayaw kong napipinsala sila sa mga sarili kong alalahanin." paglalahad nito. "Sasama nalang ako sa 'yo 'pagkat ayaw ko na, ama! Puro pasakit nalang ang aking natamo, ayoko na — husto na ang sakit!" paghagulgol muli ng regium. "Shh... Tahan na — narito na ako... Ako ang makikinig sa iyo, aking Sype!" pagpawi ni Roman sa kalungkutan ng anak. Para kay Sype, nabigyan s'ya ng ama ng pag-asa dahil sa iminungkahi nito, kaya siya napaiyak ng lubos ay dahil tila sa wakas ay nasabi na rin niyo ang lahat ng nais sabihin. Minabuti naman ni Roman na punasan na ang mga luha niya at saka hinaplos muli ang kaniyang pisngi. "Sigurado ka na ba talaga?" tanong nito. "Oo ama! OO!" luhaang sagot ni Sype. "Ngunit — papaano ang iyong hiyas?" Roman Sandaling natigilan si Sype at maya-maya lang ay inalabas na ang kaniyang hiyas ng hangin... "Ang aking hiyas... na iyong pinagkaloob." sabi nito at tinitigan ang asul na hiyas. "H-hindi mo ba ito ipagkakatiwala nalang k-kay Axus?" tanong pa ni Roman, "lilisan na rin naman tayo — hindi mo na kakailanganin iyan." "Ang aking hiyas... ay aking dadalahin hanggang sa kabilang buhay, ama." sagot naman Sype at tinignan ang ama. "Bakit hindi mo nalang ipagkaloob muli sa akin? — at ako na ang bahalang mag-sauli niyan sa ating mahal na bantay?" mungkahi pang isa ni Roman at dito napa-isip ang anak. Ngumiti ito ng napakatamis at nagsalita rin... "Mas mainam!" sambit nito at hindi na nga nangiming ipasa sa ama ang hiyas ng hangin! Sa kaliwang palad tinanggap ni Roman ang hiyas at nang mapasa-kamay niya ito ay pinagmasdan n'ya nang maigi. "Walang kakupas-kupas! Kahali-halina talaga ang brilyanteng ito!" sabi niya at inilapit pa sa mukha ang hiyas, ilang sandali pa ay itinago na rin nito at saka binulungan si Sype. "SHH!" AT SI SYPE AY BIGLANG NAWALAN NG ULIRAT! Agad itong napapikit at bumagsak sa damuhan! Si Vappo na pinapanood sila ay mabilis nang umahon upang lapitan ang kaniyang regium! At nang makalapit ito ay nakita niyang nag-iba ng wangis si Roman... BILANG SI LERZIA! "GRRRRR!!" agad na inungulan ni Vappo si Lerzia at inambaan nito na sasakmalin! "Shuuu! ALIS!!" pagtataboy naman ni Lerzia pero hindi s'ya kinatatakutan ng dambuhalang lobong ito. "Ayaw mong umalis ha?! Sige!" sabi niya at agad bumuo ng salamangka at ito ibinato sa cerapal! Tumalsik sa katubigan si Vappo at humampas pa ang ulo nito sa bato!! "Pahihirapan mo pa ako... aatras ka din naman pala!" sambit ni Lerzia nang makitang wala na ring malay ang kaibigan ng kapatid. "Ngayon — ano naman ang gagawin ko sa 'yo?" tanong nito sa sarili nang ituon na ang pansin kay Sype. "Kagaya ng tunay na Kahlim ay mas mainam kung makakalimot ka rin!" At inilabas na ang hiyas ng dilim... "Hiyas... Inuutusan kita — tanggalin mo rin ang alaala ni Sype. Ipalimot sa kanya ang lahat-lahat ng naka-ukit sa kaniyang gunita!" utos nito sa hiyas. Ang walang malay na si Sype ay nabalutan na ng kulay lilang salamangka at ito ang siya ngang bumura sa lahat ng alaala nito! Habang unti-unting lumalabas ang enerhiyang nagmumula sa katawan ng kapatid ay hindi na naiwasan pa ni Lerzia ang mapangiti dahil nagtagumpay na ang balak niya! Hawak na niya ang hiyas ng hangin! Matapos masimot ang lahat ng alaala ni Sype ay bigla na s'yang nagkamalay, napadilat s'ya ngunit hindi agad bumangon!— "Apmevento, bakit may malay ka na agad!?" gulat na tanong ni Lerzia at sinamantala ang sandali na hindi bumabangon ang kapatid. Iniwan n'ya itong nakahandusay pa rin sa damuhan dahil mayroon s'yang pupuntahan! ... Lumitaw sa Goltus si Lerzia, sa kusina at doon ay nagulat si Grayda sa biglaan niyang pagdating! "Lerzia!? Ano'ng ginagawa mo rito?! Baka may makakakita sa 'yo!" pag-aalala ng hora at agad na binitawan ang ginagawa. "Kaya nga! Wala na tayong panahon kaya kailangan ko ng iyong tulong!" nagmamadaling sagot ni Lerzia. "Bakit, ano'ng nangyayari?" pag-uusisa ni Grayda habang nagpupunas ng mga kamay. "Si Sype — nagawa ko na ang unang hakbang, ngayon ay kailangan ko na s'yang alisin!" sagot ng regium at tumingin sa labas dahil may dumaang mga kawal, baka s'ya ay makita. "Oh?! Anong kailangan mo ngayon?" tanong pa ni Grayda. "Kailangan ko ang susi! Ang susi ng Ayralum, batid mo ba kung saan ko ito matatagpuan?" sagot agad ni Lerzia. "Oo! Oo! Batid ko!" "Kung gano'n tayo na! Kailangan ko na agad iyon!" pagmamadali ni Lerzia at lalakad na pero pinigilan s'ya ng kausap. "Sandali! Hindi ka nila maaaring makita!" sabi nito. "Hora?!" at may tinig nang paparating! "Nako Lerzia, may paparating! Magtago ka!" tarantang sabi ni Grayda dahil baka sila mahuli! "Hora!?" pagdating ni Xelcis at nakita nga si Grayda!— "M-mahal na regium? Bakit!?" nangangatog na bati ni Grayda. "Narito lang pala kayo, kailangan ng mga kasangkapan sa hapag. May pagsasalo-salo ang ating hari at ang mga panauhin." sabi ni Xelcis. "Hay, kaya nga sinasabihan ko na itong si Grayda na kumilos at huwag babagal-bagal!" sabat naman ni Talya at nagulat si Grayda nang lumingon — kanina lang kasi ay nasa likuran niya ang alagang si Lerzia, ngunit ngayon ay iba na? "T-talya?" sambit niya. "Ano pang tinitingin-tingin mo? Kilos! Bilis!" galit na tugon ng pinunong hora at bumuhat na ng mga plato at kubyertos saka dali-daling lumabas ng kusina. "Ahhh! Avenila, mahal na regium!" pagtungo ni Grayda kay Xelcis at agad ring kumuha ng mabibitbit at mabilis na sinundan si Talya. Itong si Xelcis ay napahabol-tingin sa kanila, lalo na kay Talya dahil napansin n'ya na tila kakaiba ang asta nito — hindi ganoon ma-nermon o mag-utos ang punong hora! Inihatid na ng dalawa ang mga kinakailangang gamit at lumabas rin kaagad ng silid. Nang naglalakad na sila sa pasilyo ay lumihis ng lakad si Talya, dumaan ito sa isang poste at sa isang iglap ay si Lerzia na ang kaniyang anyo! "Lerzia?! Paano mo nagawa iyon?!" manghang mangha na tanong ni Grayda. "Kapangyarihan ito na ipinagkaloob sa akin ng hiyas ng dilim. Ka'y ganda hindi ba?" sagot ni Lerzia na may kasama pang pag-ngisi. At nagtungo sila sa isang hindi na ginagamit na silid, bumukas agad ang pintuan nito at dali-dali silang pumasok. "Silid ni ama?" tanong ni Lerzia. "Oo, Lerzia. Tiyak na dito mo matatagpuan ang susi 'pagkat ang humahawak lang nito ay ang mga hari!" sagot ng hora. "Ngunit saan rito?! Hindi kaya hawak na ni Axus!?" pagdududa agad ni Lerzia. "Tiyak na hindi pa, wala naman siyang pag-gagamitan nito kaya marahil narito pa rin ang hinahanap mo!" tugon ni Grayda, "kailangan mo na hindi ba? Maghalughog na tayo!" Mabilis na nga nilang tinignan ang bawat taguan na mayroon sa silid ng yumaong amang hari. Si Lerzia ang nagbuklat sa mga baul at si Grayda naman sa mga ibang kagamitan 'gaya ng lamesa, kama at likod ng mga kurtina. Nang sa mabusisi nilang paghahanap ay nagawi ang hora sa mga kahon na maliliit na nakapatong sa lamesa, binuksan nito isa-isa ang mga 'yon hanggang sa makita na ang gintong kwintas na may bilugang palawit! "Lerzia! Lerzia! Ito na ang susi!!" taranta niyang sabi at agad s'yang nilapitan ng regium. "Ito na ang susi na kailangan mo!!" "Ito nga! Ang susi ng Ayralum, mahusay Grayda!" puri ni Lerzia at agad na pinigtas ang kwintas upang ang bilugang ginto na lang hawakan niya. "Mag-iingat ka, Lerzia!" bilin ni Grayda. "Maraming salamat Grayda!" pagngiti naman ni Lerzia at dali-dali nang umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD