Kabanata 64: Unti-unting paglalaho ni Sype

2112 Words
Nakarating na sa punong bulwagan si Lerzia at nakita niya sina Verdem, Adro, Capaste at Rano, na pinaliligiran na ng mga kawal-Derronian. "Anong kailangan n'yo sa akin?!" malamig niyang tanong at tumabi sa trono ng hari. "Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa... Ikaw ba ang pumaslang kay ama?!" tuwid na tanong ni Verdem na may kasamang panlilisik ng mata. Itong si Lerzia ay lubhang nagulat at natigilan — may kumirot bigla sa kaniyang puso at mabilis na namuo ang kaniyang luha. "Ano'ng kahangalan naman iyan, Verdem!? Totoo?! Iniisip n'yong ako ang papaslang kay ama?" naiiyak nitong tanong. "Dahil ikaw lang ang batid naming may masamang pagnanais lalo't — tinutulan niya ang pinaniniwalaan mong panalo noong paligsahan hindi ba?" sabat ni Adro. "Oo, tumutol ako ngunit hindi ko magagawa ang ibinibintang n'yo sa akin! HINDI KO MAGAGAWANG PASLANGIN SI AMA DAHIL AMA PA RIN NATIN S'YA!" galit na bulyaw ni Lerzia at napa-patak na ang mga luha. "Kahit na may hindi kami pagkaka-unawaan ay hindi ko pa rin s'ya magagawang saktan o paslangin! Kahibangan ang naiisip n'yo — Adro, Verdem! Hindi dahilang nasusuklam ako sa inyo ay magagawa ko na agad na ang mga ibinibintang n'yo!" dagdag pa nito. "Eh bakit si Axus ay nasaktan mo?" tanong naman ni Verdem at dito natahimik ang panganay kanilang kapatid. "Nagtatanong lang kami pero mukhang may sala ka nga? — Hindi ko tuloy maiwasang isipin na mayroon ka talagang kinalaman ka talaga sa pagpaslang sa ating amang hari!" saloobin ni Adro na lalong nanghiya kay Lerzia. "Aamin ka na ba Lerzia!" bulyaw na ni Verdem. "WALA AKONG AAMININ DAHIL WALA NAMAN AKONG GINAGAWA!" sagot ni Lerzia, "ka'y lalakas ng loob n'yong mambintang, kayo naman itong traydor at pinagkaisahan akong saktan!" "Ikaw ang traydor!" paglaban ni Adro at nagkatinginan sila ni Verdem. Nagpunas ng kaniyang mga luha si Lerzia... "Wala akong kinalaman, tapos!" sambit niya pero mukhang hindi naman kumbinsido ang dalawa niyang kapatid. "Ngayon — nasagot ko na ang inyong mga tanong, maaari bang ako naman ang humingi ng pabor!?" tanong niya. "Sabihin n'yo sa inyong hari na nais ng Derrohny na magkaroon ng pansamantalang tigil-digmaan!" At napatingin sa kaniya si Balrak — kitang gulat ito sa binitiwan niyang salita! "At bakit? Hindi na ba sapat ang bilang ninyo at nangangamba kang lulusubin at pababagsakin namin ang walang kwentang kahariang ito?" pang-uuyam ni Verdem. "Hindi ko gustong magkagulo, pero kung talagang naghahanap kayo ay maaari ko namang ipagkaloob iyon sa inyo!" bwisit nang tugon Lerzia at inilabas na ang hiyas ng dilim! "Mga regium!" pag-aalala ni Capaste at agad silang naghanda. "Huwag mo kaming tatakutin sa hiyas na ninakaw mo lamang!!" patuloy na pang-iinis ni Verdem at napuno na nga si Lerzia kaya inatake na sila ng enerhiya! Mabilis na naipang-tapat ni Verdem ang kaniya ring hiyas kaya hindi sila nasaktan ng mga kasama n'ya. Sinamahan pa siya ni Adro at pinaghalo nila ang kanilang salamangka at ito ang nagpahina sa pwersa ng kabilang panig. "HAGHHH!" at itinulak ni Verdem ang enerhiya. "Apmevento!—" mahinang daing ni Lerzia nang matalo. "Hindi ako naniniwalang wala kang kinalaman — o ang Derrohny! Kayo lang ang mahigpit na kalaban ng Goltus at hindi ako titigil na alamin ang katotohanan sa pagpaslang kay ama at kay Emprido!" pagbabanta ni Verdem. "SUNDARAVA!" at itong si Guzma ay kikilos sana nang biglang ilabas muli ni Adro ang hiyas ng lupa!— "Subukan mong lumapit at sinasabi ko sa 'yo! — Ibabaon kita ng buhay d'yan sa kinatatayuan mo!" paninindak nito at talaga namang natigilan ang apram. "TAMA NA ANG PANGGUGULO!" pagtayo ni Balrak sa kinauupuan, "Huwag kayong basta mambibintang mga regium, hindi lang kaming mga Derronian ang inyong kalaban! Marahil ay may nagagalit na sa inyo dahil walang kwenta ang bagong pinunong iniluklok ninyo sa pwesto!" galit at tahasan nitong saad. "Nakausap n'yo na ang aking apo... ngayon ay makakaalis na kayo!!" utos nito. "Na s'ya naming gagawin — PAALAM... sa ngayon, traydor!" panlilisik ng mga mata ni Verdem kay Lerzia at mabilis na muling naglaho! "Mga pranar!" sambit ni Balrak at nakita ang apo na huminga ng ka'y lalim. "Ayos ka lang ba?!" tanong niya. "Mga mambibintang!" sagot ni Lerzia. Matapos ang ilang sandali... (Sa silid ni Lerzia) Pumasok si Balrak at nakita si Lerzia na mag-isang nakatanaw sa bintana habang umiinom. "Lerzia?!" pagtawag niya habang lumalakad palapit. "Ano'ng pansamantalang digmaan ang sinasabi mo?! Bakit hindi ka humingi ng payo sa akin bago ka nagdesisyon ng ganito??" tanong niya na may tono ng inis. "Wala kang kailangang ikabahala, flaio." sagot naman ni Lerzia at uminom ng alak. "Humiling ako ng kasunduan upang hindi malaman ng aking mga kapatid na lumalakas nang muli ang hukbo ng Derrohny!" salaysay nito. "Kapag kampante sila na walang banta sa kanilang pamumuhay ay mas magiging madali ang pailalim kong mga pagkilos laban sa kanila!" "Ano naman mga ito?! Hindi mo pa nilalahad sa akin ang kabuuan sa iyong mga balakin." pag-uusisa pa ng hari. "Basta flaio, magtiwala ka nalang. Lahat ng ito ay naihanda ko na! At tinitiyak ko sayo'ng sa huli — ay tayo ang magtatagumpay! Kilalanin tayong muli na mas malalakas na at makapangyarihan!" tiyak na panunumpa ni Lerzia at muling lumagok ng alak. "Mga pinunong makapangyayari kaninuman, pinunong luluhuran at sasambahin ng bawat majezan!" dagdag pa nito na may kasamang matatalim na tingin. ... Sa punong bulwagan ng Goltus... Kaharap na ng hari ang mga kababalik lang na kapatid at kapwa mga nakabaluti pa ito. "Ano'ng nangyari sa inyong pagtungo sa Derrohny?" tanong ni Axus. "Nakaharap namin ang traydor — ngunit iginigiit niyang may pagkakasala siya." sagot ni Verdem na halatang dismayado. "Maaari kasi talagang wala siyang pananagutan?" saloobin ni Axus. "Hindi pa rin ako kumbinsido, Axus... Nararamdaman kong may kinalaman ang Derrohny sa mga nangyari nitong nakaraang araw!" patuloy na pagdududa nitong Verdem. "Tila may kakaiba pa sa flaio ni Lerzia eh... Nararamdaman kong may kakaiba sa kaniya!" sapantaha nito. "At isang bagay pa, Axus... Humihiling din si Lerzia ng pansamantalang tigil-digmaan sa pagitan ng Goltus at ng Derrohny." saad naman ni Adro at dito napukaw ang pansin ng hari. "Bakit daw!?" tanong agad nito, "kataka-taka!" "Ang sabi ko'y baka natatakot sila — palibhasa'y mahina ang kanilang hukbong sandatahan. Baka nangangambang ang mag-lolo na lusubin natin sila." sabat ni Verdem na natatawa. "Ibibigay mo ang nais nila, ladra?" tanong ni Adro dahil nakita niyang napapaisip na ang kanilang kapatid. ... Samantala, ang pangkat ng mga mandirigma ay natalo ng mga Derronian at nagawa na naman silang mabihag, sila ay nasa isang lihim na kweba naman at doon ay nakahanay habang nakagapos ang mga kamay at paa. "Ano bang kailangan n'yo sa amin!? Bakit n'yo kami dinala rito?!" galit na tanong ni Adan kay Sebani. "Sino ka?! Bakit tila ngayon lang kita nakita?!" tanong naman ni Pando. "Tumahimik ka bansot!" bulyaw ng apram. "Kailangan ko kayong ipiit dito dahil hindi pa kayo maaaring magbalik sa bayan na inyong pinanggalingan!" sambit nito habang lumalakad sa harapan ng bawat mandirigma. "Bakit?! Sa — anong kadahilanan?!" naguguluhang tanong ni Neroz. "Basta!! Tumahimik nalang kayo at 'wag maingay, kundi ay ipakakain ko kayo sa aming mga dragon!" Sebani "Ama... Ano naman kaya ang pakay nitong mga 'to sa atin?" pabulong na tanong ni Neroz sa kaniyang ama. "Ang akala ko'y ayos na tayo dahil natakasan natin ang mga vescatur — mayroon pa pala!" sagot ni Adan. "Kung ano man ang balak nila sa atin ay hindi na iyon mahalaga, ang dapat nating iniisip ay kung papaano ulit tayo tatakas dito?!" pagsali ni Elessar sa usapan ng mag-ama. "Sebani — ano ba talaga ang pakay natin sa mga mandirigmang ito?" tanong ni Panraval, isa ring Derronian na may mataas na tungkulin sa hanay ng kawal-Derronian. "Ang totoo ay hindi ko rin alam. Ibinilin lang ni panginoong Balrak na sundin natin ang anumang ipag-uutos ng kaniyang apo." sagot ng henerala. "Gano'n ba? Ano naman kayang nais mangyari ni Lerzia kung gano'n?" pagtataka na ni Panraval dahil wala pala sa kanila ang nakakaalam sa tunay nilang layunin sa pagdakip sa mga Jezam. ... (Sa Goltus) "Capaste, magtungo ka sa Derrohny at ibigay ito sa kanilang hari." utos ni Axus at iniabot sa kausap na apram ang isang silyadong kasulatan. "'Yan ang magpapabatid sa kanila ng aking pag-sang ayon sa nais nilang pansamantalanag tigil-digmaan." dagdag nito. "Makakarating, kamahalan!" agad tumungo itong si Capaste at lumisan. Nang sa may entrada papasok sa bulwagan ay napadaan si Sype ay natanaw s'ya ng kapatid na hari. "Salutem, mahal na regium!" pagbati ng mga sorsera ngunit nakita ni Axus na pilit lang na pinansin ni Sype ang mga ito. Hindi pa rin talaga mabuti ang pakiramdam nito at kita pa rin sa mga mata ang labis na pagdadamdam dahil sa paghihiwalayan nila ng huwad na Neroz. Parang nawalan agad ng saya ang mga mata ni Sype at lagi nalang itong walang imik, mas dumalas na rin ang pagiging mag-isa nito at hindi na hilig pang makipag-usap kahit sa kaibigang sisne na si Gloris, dati rati'y napaka-giliw naman nito sa lahat ng nakakasalubong ngunit ngayon ay parang wala nang ibang nakikita sa paligid. Bihira na ring lumabas ng palasyo at lagi nalang nakababa ang mga mata. Sobrang laki ng ipinagbago ni Sype, sa isang iglap ay nawala na ang matatamis niyang ngiti, pati ang pagiging malambing na kapatid. Ni hindi na siya nakikihalubilo kaninuman. Minabuti ni Axus na iwan muna ang trono niya at sundan ang kapatid. Sa silid lang pala nito ito patutungo at doon ay naabutan niya nga ito na pinagmamasdan ang hiyas ng hangin. "Sype?!" pagtawag n'ya pero si Sype ay nakapangalum-baba lang at bahagya lang siyang pinansin. "Sype?! Maaari ba kitang makausap?" tanong pa niya at lumapit na sa tabi ng kapatid. "Kung maaari ko lang sanang gamitin ito — upang maibalik ang nawalang pagtingin sa akin ni Neroz." malungkot na tugon ni Sype habang titig lang sa kaniyang hiyas. "Sype..." sambit ni Axus at hinawakan ang kamay ng kapatid saka ito isinara. "...hindi mo kailangang mabuhay sa sakit at pighati. Hindi pa dito natatapos ang lahat! Kung hindi laan ni Zanaa ang pag-ibig na nawala sa iyo ay hindi mo naman ito kailangang ipagpilitan." pagtuturo nito at hinaplos sa balikat si Sype. "Marami pang magagandang mangyayari sa 'yo Sype... marami ka pang makikilalang mas higit sa mandirigmang ito! Pakiusap naman... Huwag mong sayangin ang iyong panahon sa pagluluksa sa isang kasinungalingang pag-ibig." "Hindi ko na nais pang mabuhay Axus... Pagod na pagod na akong walang maramdaman, gusto ko nalang — magpahinga." tanging tugon ni Sype at napatungo. "Magpahinga?" "Oo Axus, magpahinga — doon sa Estova!" sambit ni Sype na may kasama pang matamis na ngiti. "Ano'ng sinasabi mo Sype?!" biglang naluha si Axus at umupo na sa lamesa ng kapatid upang makausap ito ng masinsin. "Sype?! Bakit ganiyan ang iyong sinasabi? Hindi pa dito nagwawakas ang kabanata ng iyong buhay! Kumapit ka lang, matatapos rin ang lahat ng ito — sinabi ko naman sa 'yo 'di ba? Alam kong hindi madali kaya kailangan mong dahan-dahanin. Hindi madali ang bumitaw sa mga alaala pero magagawa mo rin Sype, basta't bigyan mo lang ng panahon ang iyong sarili! Huwag kang mawalan ng pananalig!" sabi niya habang hawak nang mahigpit ang dalawang kamay ni Sype. "Ngunit — pagod na talaga ako, Axus! Bakit ba kasi sa akin pa ito kailangang mangyari." saad naman ni Sype na pumapatak na ang mga luha. "May dahilan... May dahilan kaya nagaganap ang masasakit na pangyayari sa ating mga buhay, Sype!" tugon ni Axus. "Maaaring ngayon ay nabubuhay ka sa pait ngunit magtiwala ka lang — magtiwala kang may mapupulot kang aral mula dito — at sa papamagitan ng sakit na pinagdadaanan mo ngayon... ikaw ay titibay!" "Magiging mas matatag ka at makikita mo na may mas maganda pang naghihintay sa 'yo sa mundong ito!" pagpalakas nito sa loob ng kapatid. "Hindi ko alam Axus... Wala na akong maisip na iba." sabi ni Sype at ipinatong naman ang ulo sa kandungan ng kapatid upang dito tumangis. "A-ano ba ang nais mong mangyari?!" tanong na ng hari. "—si Neroz... Si Neroz lang naman ang aking nais eh." malungkot na sagot ng kapatid. "Kung gano'n ay — bakit hindi ka magtungo sa kuta nila? Makipag-usap ka sa kaniya at tignan kung... mababago pa ang kaniyang loob?" mungkahi ni Axus at dito ay tila naintindihan siya ng kapatid, itinaas nitong muli ang ulo at hinarap siya. "Tingin mo?!" tanong nito. "Hmm... Oo? Kung — 'yun ang makakapawi sa sakit na dinaramdam mo!? Malay mo... m-may pag-asa pa pala?" sagot ni Axus at tila nabuhayan si Sype. Kitang napaisip nga ito at wari bang gagawin ang ipinayo niya. "Hay kapatid!" sabi niya at pinunasan na ang mga luha ng kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD