Kabanata 70: Panibagong suliranin ng mga sorsero

1638 Words
Umaga na... (Sa mundo ng mga mortal) Naglalakad na sina Lawag at Sype sa tabing kalsada, hindi pa rin nila alam kung saan sila patutungo. "Kailangan kong umisip ng gagawin... Hindi kami maaaring maglakad na lamang nang maglakad." sabi ni Lawag sa kaniyang isip at tinignan si Sype. Ngunit bigla siyang makaramdam ng hilo at umikot-ikot ang kaniyang pakiramdam— "Aghhh — aghhh!" daing niya at napa-upo sa tapat ng isang tindahan. "Ginoo! Ayos ka lang ba?!" pag-aalala ni Sype at inalalayan s'ya. "A-ayos lang ako mahal na regium..." tugon ni Lawag na nakahawak sa kaniyang ulo dahil labis itong kumikirot. "Oh? Anong nangyari sa inyo?!" pagtatanong ng tindera sa tinigilan nila. "Heto tubig oh, painumin mo 'yang kasama mo!" sabi nito at inabutan ng basong may malamig na tubig si Sype. "Sa init 'yan! Tignan n'yo naman ang panahon, hays. Napaka init!" dagdag pa nito. Agad na ininom ni Lawag ang tubig, mabuti nalang at may bukas-palad pa rin palang mga mortal. "Maraming salamat!" pasasalamat n'ya nang ibalik ang baso. "Teka, taga saan ba kayo? Bakit ngayon ko lang ata kayo nakita? Saka — bakit gan'yan ang nga suot n'yo? Galing ba kayo sa costume party?" pag-uusisa ng ale. "C-costume?" sambit ni Sype. "Ahh, oo — oo... Galing kami roon at — nakaligtaan lang naming magpalit ng — ng gayak!" sagot naman ni Lawag at na-intriga ang tindera sa kaniya. "Napaka lalim naman nitong magsalita!" sabi nito. Tinignan ni Lawag ang paligid at sinusubukan niyang tandaan kung alam pa ba niya ang kinaroroonan nila. Hanggang sa makilala na niya ang lugar... Nasa kabilang kalsada sila na ang katapat ay ang hanay ng mga bahay kung saan sila dating nanirahan! Bagamat malaki na ang nagbago sa mga ito ay may ilan pa ring nananatiling katulad ng dati kaya dahil do'n ay natiyak niyang doon na ang kinalkhan niyang lugar! "Salamat, bantay na Zanaa! Hindi n'yo pa rin kami pinapabayaan!" sambit niya na biglang nabuhayan ng loob. Sunod ay tinignan niya ang laman ng kaniyang bulsa, at nang may ma-kapang bulawan ay napangiti siyang muli! "Ahh, ikaw iho, gusto mo ba'ng uminom ng tubig?" tanong ng tindera kay Sype. "Ahm, mauna na kami... Maraming salamat muli sa inyong tulong, ginang!" pagsali ni Lawag sa kanilang usapan at hinawakan na nito si Sype. "Ahh, saan tayo patutungo?" tanong ng regium. "Salamat muli!" at inakay na ni Lawag ang kasama papalayo. "Ang weird!" sabi ng matanda. Ang dalawa ay nagtungo sa isang sanglaan. Napaka-laking tulong talaga na nakakaalala na si Lawag ng mga bagay-bagay ukol sa mundo ng mga mortal, ang kaalaman niyang iyon ang talagang magraraos sa kanila sa biglaan nilang pagkalayo sa kanilang tunay na lupain. Nang makarating sila ay walang masyadong tao kaya agad silang naka-kausap ng isang empliyado. "Ahhh — ano hong sa kanila?" tanong ng babae na nagtataka din sa kasuotan ng dalawa. "Magbebenta ho sana ako ng — ginto?" sagot ni Lawag na nauutal dahil hindi na niya gamay ang salitang mortal. Dinukot n'ya sa kaniyang bulsa ang mga dalang bulawan at agad itong ibinigay sa babae. "Kahit na magkanong halaga ay — tatanggapin ko nang maluwag! Basta't magkaroon lamang kami ng — ng aking kasama ng pera ninyo dito!" tuwid na sabi ni Lawag at ang babaeng nag-aasikaso sa kanila ay talagang namangha nang mahawakan ang mga bulawan! "Totoong ginto 'to ah?!" sabi nito nang matignan ang isa. "Ate, ate, tignan n'yo!! Mga purong ginto!" pagtawag nito sa mga kasamahan at agad ngang naki-usyoso ang mga ito. ... (Sa Majezenty) "Hindi pa din natatagpuan si Sype?" tanong ni Axus habang nasa punong bulwagan at kapulong ang mga kapatid. "Hindi pa din Axus... Ayon sa mga kawal ay kahapon pa daw pala umalis si Sype sa kaniyang silid." nag-aalala pa ring sagot ni Xelcis. "Hindi kaya nag-layas na siya?" tanong ni Verdem. "Bakit naman s'ya lalayas? Walang dahilan." pagsalungat ni Adro. "Ngayon ay nababahala na nga ako... Saan kaya nakarating itong si Sype." sabi ng hari at bumaba sa kinatatayuan. "Hindi ganito ang asal niya... Hindi s'ya bigla nalang mawawala at hindi na magpapakita!" "Naghanap na nga kami sa mga karatig na tore kung saan maaari s'yang magpalipas ng sandali ngunit saan man kami makarating ay talagang wala siya." salaysay pa ni Xelcis. "Ano kayang kumilos na tayo? Tayo na ang maghanap sa kaniya!" mungkahi ni Verdem at nagkatinginan silang magkakapatid. ... (Derrohny) Si Lerzia ay nasa may pasilyo, katabi ng isang kawang may apoy at pinagmamasdan ang hiyas ng hangin, kita pa rin ang labis-labis niyang saya at hindi mawalan ng ngiti sa mga labi. Maya-maya pa ay dumating ang haring Balrak at nakita s'ya. "Salutem, aking apo!" "Nais kong ipa-batid sa iyo na lubha akong humahanga, Lerzia!" sabi nito. "Kailanman ay hindi napasa-kamay ng mga Derronian ang hiyas na iyan — sino bang mag-aakala na sa iyo lang pala mababago ang kasaysayang ito?" "Tss... Napaka-dali lang flaio, walang kahirap-hirap na naagaw ko ang hiyas na ito ng aking kapatid!" sagot ni Lerzia. "Sinasabi na nga ba't tama ako — tama ang mga naisip kong gawin. Tignan mo't may karagdagan na tayong kapangyarihan na hawak!" at itinago na nito ang hiyas. "Ngunit hindi pa rin ito sasapat — pangtulong pa lang ito dahil mas malakas pa rin ang panig ng aking ibang kapatid... Hawak pa rin nila ang kani-kanilang hiyas!" sabi nito nang lumakad. "Ano ngayon ang gagawin mo sa iba pa? Kay Axus — kailan ba natin isasagawa ang sinabi mong balak sa kaniya — 'gaya ng ipinangako mo sa akin?" tanong ni Balrak at lumakad patungo sa apo saka bumulong. "Papaslangin natin ang iyong walang kwentang kapatid na nagha-hari-harian dito sa Majezenty!" "Sa tamang panahon, flaio! SA TAMANG PANAHON!" sagot ni Lerzia, "Ihuhuli natin si Axus! — S'ya ang dapat ay makararamdam ng pinaka mabagsik kong paghihiganti!" Hindi umimik si Balrak at tumingin lang itong palayo. "Lerzia! Lerzia!!" humahangos na pagdating ni Grayda. "Ahh, panginoon!" at yumuko ito nang makita ang hari. "Lerzia! Naghihinala na ang iyong mga kapatid na nawawala si Sype... Sisimulan na nila itong hanapin!" ulat nito. "Kung gano'n..." tugon ni Lerzia ang lumakad muli. "...panahon na upang magkaharap-harap na kaming muli ng aking mga traydor na kapatid!" "Anong binabalak mo?!" tanong ni Grayda, ngunit nilingon lang sila ni Lerzia na may kasamang pag ngisi. ... (Sa mundo ng mga mortal) Sa tulong ng mga nakuhang pera ni Lawag sa sanglaan kapalit ng mga bulawan n'ya ay nagawa n'yang makabili ng kasuotang pang mortal para sa kanilang dalawa ni Sype. Agad silang nagpalit at s'ya ang nag-bitbit sa mga nahubad nilang kasuotan pati na rin sa espada niya. Pagkatapos ay binalikan nila ang kinatigilan nila kanina upang tumawid at puntahan ang natatandaan niyang dati nilang tinirahan. Nang pasukin nila ang looban ay nagbalik na ang mga alaala kay Neroz at lalong lumakas ang paniniwala niya na doon ang kinalakihan niya. Napadaan s'ya sa isang bahay at nakita n'ya ang isang babae na naka-upo sa may bintana, napangiti s'ya nang makilala kung sino ito — walang iba kundi si Bechay! Yung dati nilang kapitbahay! At ngayon ay may katandaan na ito. Hindi niya ito kinausap pero natigilan itong si Bechay nang tila makilala s'ya!— "Lawag?!" sabi nito at dali-daling lumabas upang tignan ang mga bagal salta. "Lawag?!!" paulit-ulit nitong tanong na hindi pa gaanong tiyak sa nakita. Hanggang sa marating na nga nina Lawag ang dati nilang bahay! Labis itong namangha nang makita na walang ipinagbago ang bahay, bumilis ang t***k ng kaniyang puso at mas naalala na niya ng malinaw ang kaniyang kabataan! Sa labis na pagkasabik ay dali-dali niyang nilapitan ang pintuan at papasok na siya nang biglang bumukas ang pintuan— "Ooh — sino ka?" pagkagulat ng matandang lalaki at nakita din si Sype. "Uupa ka ba?!" tanong nito. "Ahhh — m-maaari bang d-dito makituloy?" tanong agad ni Lawag. "Aba, tamang tama! Kaka-bakante lang nito. Sayang nga eh, ayon pa naman 'yung unang umupa pagkatapos mawala yung may-ari talaga ng bahay na ito." pag-payag ng matanda. "Ahh — s-sino ang may-ari?" pag-uusisa ni Lawag. "Si Mildred, 'yung kaibigan ko! Bigla nalang nawala 'yon eh, pati 'yung anak — si Lawag, saka 'yung pinsan ba 'yon? N-naeso? Oo, tama! Naeso nga pangalan no'n, nakilala ko 'yon ng isang beses eh pati may anak din 'yon, nalimutan ko lang pangalan." pagkukwento na ng matanda at dito bahagyang nalungkot si Lawag dahil sila ang tinutukoy nito — hindi lang batid ng matanda. "Eh ang kaso, bigla nga silang nawala, at ang nakapagtataka pa ay wala dito sa looban namin ang nakakaalam kung saan ba nagpunta ang mga 'yon. Parang may tinatakasan daw sila noong gabing nagkagulo dito eh." dagdag pa nito. "Bueno, mukhang sumagad na ang kwento ko ah? Hahahaha! Apat na libo ang buwanang renta dito, kasama na tubig pati kuryente. Two months advance ang kontrata kung kukunin mo 'to." paliwanag ng matanda. "Ano, uupa ka na ba?" Hindi gaanong naintindihan ni Lawag ang sinabi ng matanda pero tumingin s'ya kay Sype at nginitian ito ng napaka-tamis! ... (Sa Goltus) Magkakasama nang lumabas sa palasyo ang magkakapatid, suot ang kani-kanilang mga baluting pandigma at hawak ang kanilang mga sandata. Sa pangunguna ni Axus ay tumigil muna sila sa bukana ng entrada upang linawin ang mga bagay na kanilang gagawin, kasama ng ilang apram at mga kawal ng palasyo. Matapos magkasundo-sundo ay lalakad na sana ang mga ito nang biglang lumitaw si Lerzia!— "Mga kapatid?! Haring Axus?!" may nakakaawa at naiiyak na mukhang sabi nito habang nakasuot din ng baluti. "Lerzia!?" gulat na sambit ni Axus. "At anong ginagawa dito ng traydor ng Goltus!?" nang-uuyam agad na tanong ni Verdem at kumunot ang noo. "Hindi ako naparito upang makipag-away..." sagot ni Lerzia na may luha na. "...mayroon kayong kailangang malaman!" Nagkatinginang muli sina Axus at halatang nagtataka silang lahat sa biglang pagdating na ito ng kanilang tusong kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD