Kabanata 40: Simula ng labanan ng magkakapatid

3423 Words
Isang malamig na umaga ang gumising kay Axus at nang magmulat s'ya ay hindi n'ya natanaw ang liwanag na dapat ay tumatagos na sa bintana ng kaniyang silid. Agad s'yang bumangon at lumabas upang tignan ang kalagayan ng panahon. "Anong nangyayari? Bakit tila masama ang panahon?" tanong n'ya sa mga kapatid na nakatanaw mula sa balkonahe. "'Yan din ang kanina pa naming pinagtatakhan, Axus. Baka may bagyong paparating." sapantaha ni Sype. "Sundarava! Isa itong masamang palatandaan!" pagdating ni tandang Maro. "Anong iyong sinasabi, tanda?" tanong ni Verdem. "Nagdidilim ang kalangitan dahil sa galit ng tagapangalaga ng dilim, hindi rin malabo na kaya ganiyan ang panahon ay muli nang bumabangon ng Derrohny!" nangangambang sagot ni Maro at ang magkakapatid ay nagkatinginan. "Si Lerzia — at ang hiyas ng dilim!" sambit ni Adro. "Ano't naririto kayong lahat?" pagdating naman ng amang hari at nakita din ang maitim na ulap, "sandali — ang kalangitan!" ... (Sa Derrohny) Kasalukuyang ginagamit ni Lerzia ang hiyas ng dilim, nagliliwanag ito ng pagka-lakas lakas at may enerhiya kumakalat sa paligid ng guhong kaharian at patungo sa kalangitan. "Sapat pala ang hukbo ng Derrohny upang makayanan nitong makipaglaban sa mga sorsero." pagtabi ni Tomzo sa regium. "Ngunit kakayanin ba nating maipanalo ito?" tanong naman ni Lerzia. "Mahuhusay at talagang mabagsik ang ating mga kawal kaya wala kang dapat ipag-alala, Lerzia." pagdating naman ni Balrak. "Natitiyak ko sa 'yong magugulat mo ang iyong ama sa oras na magsimula na ang digmaaan!" Si Lerzia ay tumungo at wari bang may pag-aalinlangan. "Bakit, aking alaga? May bumabagabag ba sa iyo?" tanong ni Tomzo. "Naisip ko lamang — na mga kapwa ko sorsero ang aking kakalabanin." may pag-aalinlangan na sagot ni Lerzia. "Tila h-hindi yata kaya ng aking kalooban na — na pumaslang ng sarili kong kalahi." "Lerzia?! Ano't nagkakaganyan ka? Hindi ba't ito rin naman ang nais mo? Ang maipakita sa lahat na nagkamali sila — na kaya mo ring mamuno at ikaw ang pinaka mahusay!" saloobin ni Balrak. "Ang mga sorsero ay hindi naging mabait sa 'yo, SA ATING LAHI! Makasarili sila at pinagkait nila sa atin ang pagkakataon na maipakita ang ating kakayahan at kagalingan! Nais nilang sila lang ang habang buhay na mamuno dito sa Majezenty kaya hindi mo kailangang mag-alinlangan lalo na sa ngayon! Marapat na baguhin mo nga ang pagkakakilala ng bawat majezan sa atin, hindi ba't sinabi mo iyon?!" pahayag nito. "Ngayon na ang panahon upang isakatuparan mo iyon!" "Papaslang ka ng maraming sorsero at mamamalas muli ng ating mga kaaway ang bagsik ng Derrohny!" Tumulo ang mga luha ni Lerzia dahil sa mga sinabing iyon ng kaniyang flaio, may katuturan nga naman at tama ito na dapat ay makaganti siya at makilalang pinaka mahusay sa buong Majezenty! "Tama ka, flaio..." "...kaya't paiiyakin ko ang Goltus sa dami ng sorsero na aking papaslangin!" napopoot na sumpa ng regium at inilabas ang punyal niya. "Sa tulong nito ay magagawa kong ibigay sa aking mga kapatid ang isang digmaang hindi pa nila nasasaksihan!" Sina Balrak at ang mga apram n'ya at nagka-tinginan nang makita ang sandatang hawak ng regium. "Nasa iyong pangangalaga ang aking punyal?!" gulat at natutuwang sabi ni Balrak. "I-ito?!" Kinuha ni Balrak ang punyal at hinugot ang isa pa na nasa kaniyang baewang. Magkahawig ang dalawang ito at sinimulang pagdikitin ng hari. Laking gulat ni Lerzia nang bigla itong maging isa at mas malaki nang espada! "Kamangha-mangha!!" sambit nito habang nasisinagan ang mata ng liwanag na nagmumula sa talim ng sandata. "Ito ang Denzi, isang antigo at natatanging sandata na nilikha dito sa Derrohny." sabi ni Balrak at muling ibinigay sa apo ang naturang espada. "Ipinamamana ko na sa 'yo ito. Gamitin mo upang mas katakutan at pangilagan ka ng iyong mga makakalaban!" dagdag nito at si Lerzia ay talagang natuwa nang mahawakan ang bago niyang armas! "Hindi ko inakalang may ganito palang sandata! Kamangha-mangha!" sabi ng regium at pinaikot ang espada. "Sa nakikita ko'y may husay rin sa paggamit ng sandata ang isang ito." bulong ni Sebani kay Guzma. "Tiyak na mapapaluhod ko ang aking mga kapatid sa akin! HAHAHAHA!" parang baliw na sabi ni Lerzia dahil tumatawa naman s'ya habang may luha. Di nagtagal ay tinipon ng haring Balrak ang buong hukbo ng Derrohny at sila'y pinahanay 'pagkat sisimulan na nila ang pakikidigma! At sa palasyo ng Goltus ay marami na ang natatakot dahil lalo pang dumidilim ang kalangitan at lalong lumakas ang ihip ng hangin. Ang magkakapatid na regium ay nasa balkohane pa rin habang sama-samang binabantayan ang paligid, nang maya-maya ay humawi ang mga ulap at nagpakita ang isang napakalaking bungo na gawa sa usok! "Axus, tignan mo! Ano iyan?!" pagturo ni Xelcis. "Salutem, mga minamahal kong sorsero, mga kapatid — at lalong lalo na sa 'yo, ama!" nagsalita ang usok sa tinig ni Lerzia kaya ang magkakapatid ay kinutuban na kung sino ang nasa likod nito. "Sa paglubog ng araw ay inaanyayahan ko kayong lahat! Magsalo tayo sa isang digmaang hindi n'yo pa natitikman!" panghahamon nito at talagang nagulat ang lahat ng nakatanaw! "Hihintayin ko kayo sa hangganan ng Majezenty at doon tayo magtutuos, aking mga minamahal na kapatid!" huling mensahe ng bungo at humalaklak ito ng pagka-lakas lakas! "Apmevento! Paano iyon nagawa ni Lerzia?!" gulat na tanong ni Verdem. "Ano'ng gagawin natin mahal na hari?!" tanong ni apram Capaste kay Axus. At si Axus ay lumingon lang sa kaniyang ama at wari bang hindi s'ya makapag bitaw ng pasya— "Hindi ko lubos maisip na aabot sa ganito ang mga gagawin ni Lerzia — talagang nag-iba na s'ya!" nababahalang saloobin ni Adro. "Ano'ng iyong pagpapasya Axus?! Susunod ba tayo sa nais ng ating kapatid?" tanong na rin ni Sype sa hari. "Dito muna kayo — kakausapin ko lang ang ating ama." sagot ni Axus dahil nakita nitong tumingin sa kaniya ang amang hari bago ito lumisan nang hindi namamalayan ng nakararami. Iniwan n'ya muna sa balkonahe ang ibang mga kapatid at nagtungo sa silid ng kaniyang ama upang doon ay makapag usap silang dalawa. "Kung digmaan ang nais ni Lerzia ay wala akong mapamimilian kundi ang labanan s'ya, ama." may pag-aalinlangang sabi ni Axus habang nakatalikod sa ama. "Hindi, Axus." tugon naman ni Roman, "hindi mo lalabanan si Lerzia. Hindi kayo magpapatayang magkakapatid!" "Ngunit nakita n'yo naman ang ginawa n'ya... Masyado na s'yang nagiging pangahas at tila hindi na tayo kinikilala pa!" pagtutol ng bagong hari. "Kinakain lamang ng galit at maling paniniwala ang puso't isip ng iyong nakatatandang kapatid kaya n'ya ginagawa ang mga ito." sambit ni Roman at tumayo saka lumapit sa anak. "Ngunit naniniwala akong s'ya pa rin ang Lerzia na ating kadugo at hindi iyon magbabago! Kaya Axus..." "...hindi mo sasaktan ang iyong kapatid. Hindi kayo makikipaglaban at hindi kayo magsasakitang dalawa!" "Ngunit ama—" "—nakapag-pasya na si Lerzia sa kung anong landas ang nais niya. 'Yun ay ang kalabanin tayo! Nalalagay sa panganib ang buong palasyo at hindi ko maaring ipag-kibit-balikat ang kapangahasan niya! Tungkulin kong pangalagaan ang Goltus at kung sagupain s'ya ang isa sa mga bagay na kakailanganin kong harapin ay hindi ako mangingiming tapatan rin ang Derrohny!" paliwanag ni Axus. Natahimik si Roman at lumakad pabalik sa kaniyang lamesa nang nag-iisip... "Bilang ikaw na ang hari ay hindi ko haharangan ang — ang anumang magiging pagpapasya mo. N-ngunit bilang ama ninyong anim ay nakikiusap ako sa 'yo, Axus... Kahit na anong mangyari ay huwag na huwag mong sasaktan si Lerzia! Mangako ka, anak! Napa-titig si Axus sa ama— "Hindi ang mga sandata mo o ninyong magkakapatid ang babago sa kan'ya, hindi rin ang mga dugong maaaring dumanak, at lalong hindi ang tuluyang pagkamuhi sa kaniya! Kung mayroon mang makapagpapa-balik sa kaniya dito, iyon ay walang iba kundi ang ating pagmamahal para sa kaniya!" paliwanag ni Roman. "Ang pag-unawa lamang sa kaniya ang magpapabuti sa inyong magkakapatid." at tumungo lang si Axus na tila nag-iisip na ng pagpapasya. "Unawain mo na lamang ang pinanggalingan ni Lerzia, Axus at — nawa'y hindi magbago ang pagtingin mo sa kaniya... Patuloy mo sana s'yang mahalin 'pagkat magkapatid pa rin kayo." at hinawakan ni Roman sa mukha ang bunsong anak. "Mangako ka sa akin, Axus. Mangako kang hindi mo sasaktan si Lerzia. Kahit na anong mangyari ay 'wag mo s'yang sasaktan! Mangako ka!" Roman "—Oo ama — oo, p-pangako..." malungkot at may alinlangang na tugon ni Axus at tinitigan n'ya sa mga mata ang ama. "Sa abot ng aking makakaya ay pipilitin kong sundin ang nais mo — wala naman akong magagawa dahil tama ka rin, kailangan kong unawain at pagpasensyahan si Lerzia..." "Tama! 'Yan ang aking hari! May malawak na pangunawa at iniisip kung ano ang pinaka mabuti para sa lahat!" nakangiting sambit ni Roman at hinagkan sa ulo si Axus. "Ngunit ano ngayon ang iyong pagpapasya?!" "—tatanggapin ko pa rin ang hamon niya, ama..." sagot ng hari, "...gagamitin ko itong pagkakataon at magbabaka-sakali na kapag nagtagpo kami ni Lerzia ay magawa kong mabago ang isipan n'ya at mapabalik s'ya rito." Tumango lang si Roman na tila sumang-ayon na rin sa balak ng anak... "Hindi ko talaga mababago ang nais mo... ngunit sige, gawin mo ang lahat upang magbalik dito si Lerzia." pakiusap niya. "Oo, ama! Oo." "At mag-iingat ka! Kayo ng iba mong kapatid na sasabak sa bagong digmaang ito." bilin ng ama at niyakap na ng napaka higpit ang bunsong anak. "Para sa 'yo ama ay sisikapin kong huwag galawin si Lerzia... Paalam!" sambit ni Axus ... Hanggang sa ang madilim na ulap ay unti-unti nang naglaho at ang araw ay bumaba na! Muling umihip ng kakaiba ang hangin at dito na nagsimulang puma-imbulog ang mga sisne at bumuo sila ng simbolo sa kalangitan — simbolo ng Goltus ang kanilang ginawa at hudyat ito na tinatanggap na ng mga sorsero ang hamon ng pakikidigma! "Ito na ang hudyat—" sambit ni Axus habang titig sa kalangitan. "Axus?!—" Sype Tumalikod sa balkonahe si Axus at tinawag ang mga apram... "Capaste, Rano! Ihanda ang ating mga hukbo!" utos niya, "ihanda sila dahil magtutungo na tayo sa paggaganapan ng laban!" "Masusunod, mahal na hari!" pagbibigay-galang ng dalawang kawal at dali-dali na silang sumulong. "Tandang Maro..." paglapit ni Adro sa dwende at lumuhod s'ya upang makaharap ito. "...ipagpaalam mo na lamang ako sa aking ina. Tiyak na mag-aalala iyon ngunit sabihin mong mag-iingat ako!" pakiusap niya at sumang-ayon naman ang matanda. "Makakarating iyan, mahal na regium!" sagot ng matanda at ang magkakapatid ay humanay na. "Dalhin n'yo ang aking basbas upang magkaroon kayo ng sapat na karunungan at galing, mga regium!" pagbabasbas ni Maro sa magkakapatid at lumakad s'ya patungo sa harap ng mga ito. "Nawa'y maging mahuhusay kayong tagapagtanggol ng ating daigdig!" pagbabasbas niya. "Dasal ko na maging mapayapa ang araw pagkatapos nito dahil ang tagumpay ay tinitiyak kong makakamtan nating lahat sa pamumuno ng bagong hari!" panapos nito at ang mga regium ay naliwanagan ng salamangka. "Maraming salamat, Maro. Umasa kang matatapos namin ang sigalot na ito!" pasasalamat ni Axus at lumuhod rin upang makaharap ang matanda. "Humayo na kayo at mag-iingat, haring Axus!" paalam ni Maro. Ngiti ang isinukli ni Axus sa matanda at tumayo na siya. "Aking mga kapatid — panahon na!" bigkas niya at silang anim ay sabay-sabay nang naglaho dahil magpapalit na sila ng kani-kanilang gayak pandigma! —————————————————————————————————————————————————————————— Si Xelcis ay naka-kulay pulang baluti at balot ang halos kabuuan ng kaniyang katawan. Ang sandata niya ay ang Dargo, isang makapangyarihang espada na nagagawang lumiit at maging punyal. Si Sype naman ay nakasuot ng kulay asul na baluti at sa kaniyang baywang ay mayroong tela na may habang lagpas sa tuhod at ang mga buhok niya ay nakatali sa dalawa. Ang sandata niya ang Sentir, isang baton na nagagawang maging espada at ito ang sandatang ginamit rin ng kaniyang inang reyna na si Joviana. Si Verdem ay pinaghalong luntian at kayumanggi naman ang kulay ng baluti, ang mga disenyo nito ay may wangis na sumasagisag sa katubigan bilang ito ang elementong pinangangalagaan niya. Buong katawan rin niya ang halos balot ng bakal at ang kaniyang buhok ay naka-ipit ng iisa. Ang sandata niya ay ang Lumaca, isang mahaba at napakatalim na espada na tila sibat rin ang anyo dahil magkasing haba ang talim at hawakan nito. Si Adro ay kulay kayumanggi ang baluti, ang disensyo nito ay hango sa kapaligiran 'gaya ng kahoy at dahon at sa mga braso at binti ng regium ay may tila balahibo pang nakadikit. Katulad ng kina Verdem at Xelcis ay buong katawan rin niya ang balot ng bakal. At ang kaniyang sandata ay ang Antaru, isang malaking palakol at may simbolo ng Galomia. Kay Axus ay pinaghalong dilaw at pilak naman ang kulay ng baluti na suot niya. Mayroon rin itong tela na mula sa baywang patungo sa tuhod. Makinang ang bawat piraso ng gayak na ito at disensyo pa nito ay maaliwalas tignan. Hindi mahaba ang buhok ni Axus kaya nakataas lang ito upang bumagay sa bilugan na suot niya sa kaniyang ulo. Ang sandata niya ay ang Raejin, iyong payong na ngayon ay nasa anyong espada na. At si Lerzia, na may kulay lila na baluti. May matatalim itong mga disenyo at mga sagisag ng Derrohny! Sa baywang niya ay mayroon siyang suot na sinturon at may mga palawit ito na bulsa kung saan may nakalagay na iba pang sandata kagaya ng mga firsa niya at mga bote na naglalaman ng gayuma. Ang kaniyang armas na hawak ay ang Denzi, o 'yung dalawang punyal na pinamana sa kaniya ni Balrak. —————————————————————————————————————————————————————————— ... (Sa hangganan ng Majezenty) Nakahanay na sa magkabilang panig ang hukbo ng Derrohny at hukbo ng mga sorsero, na hindi lang kumakatawan sa Goltus, kundi maging sa iba pang kahariang pinamumunuan ng hari nito. "Ngayong gabi ay muling magpapamalas ng bagsik ang Derrohny. Ubusin ang lahat ng sorsero at itaas sa buong Majezenty ang ating pangalan!" utos ni Balrak sa kaniyang mga kasama. "Paslangin silang lahat — walang ititirang buhay!" "Ako ang bahala kay Axus!" sambit ni Lerzia. "Ito ang unang digmaan na aking pamumunuan — kaya't hindi ko nais na mabigo ang Goltus." pagsasalita ni Axus sa lahat ng mga kawal na nasa likod n'ya habang tinitignan ang mga ito. "Umaasa at nananalig ako sa inyo, aking mga kasama — gagawin natin ang lahat upang mapanatili ang kapayapaan dito sa ating lupain!" "Mga mahuhusay na kawal ng Goltus, Pyronix, Galomia at Celestia, pati na ang mga diwata at nilalang ng Saghara — huwag nating hayaang manaig ang mapa-muksang mga Derronian!" pahayag niya at bumalik na sa pwesto. "At mga kapatid — tulungan n'yo akong ipanalo ang labanang ito." may pangamba niyang pakiusap sa iba pang regium. "Manalig ka, Axus!" sagot ni Verdem na halatang nag-iinit nang makipag sagupaan. "PACEN TEPNEMUVO MAJEZENTY!" sigaw na ni Axus at itinaas na ang espada n'ya! "WAAAHHHH!" sigawan ng mga kawal. "RAZHUMMM!!" at ang hukbo ng mga sorsero ay nagsimula nang kumilos! "JUVALIZA DERROHNY!!" sigaw naman ni Guzma at silang Derronian din ay gumalaw na! Nagsimula na ang mga pagsabog at ang dalawang hukbo ay sinagupa na ang isa't-isa! ---------------------------------------------------------------------- Pacen tepnemuvo Majezenty - Kapayapaan para sa Majezenty! Razhum - Laban! Juvaliza - Sugod! ---------------------------------------------------------------------- Si Axus ang nauuna sa kaniyang panig at s'ya ang agad na sumalubong sa mga Derronian! Agad s'yang umilag sa palapit na kalaban at sinipa ito, saka hinarap ang nasa kaliwa at kanan niyang panig at hindi man lang naka-puntos ang mga ito sa kaniya! Sa kilos at galaw ay makikitang humusay pa s'ya sa pakikipaglaban dahil mas mabilis na siyang nakaka-atake at nakaka-iwas! At si Lerzia na nasa kabilang dako ay nagsimula nang pumaslang na mga kapwa n'ya sorsero! Walang habas nitong sinasaksak at sinusugatan ang bawat Goltian na kaniyang nakikita! "HAGHHH!" tinadyakan n'ya ang isa namang Celestian at saka ito ginilitan ng leeg! Pagkatapos ay sinalubong n'ya ang dalawa pang kawal-sorsero na papalapit sa kaniya. Inagaw n'ya ang mga sandata ito at mabilis niyang sinaksak! Habang sa Goltus, si Roman ay nasa silid-sambahan at nakatayo sa rebulto ng isang may katawang majezan ngunit ang ulo ay sa ibon at may malalapad na mga pakpak. Ito ay ang kanilang bantay, ang pangunahing tagapag-likha ng Majezenty, si Zanaa. Nananalangin s'ya nang taimtim upang sa ganoon ay matulungan n'ya ang iba pang anak na magawang mapabalik-loob si Lerzia sa kanilang tahanan! "Mahal na Zanaa... Tulungan mo ako, tulungan mo akong mabigyan ng liwanag ang isip ng aking anak na si Lerzia. Buksan mo ang kaniyang puso upang magawa n'yang maunawaan ang mga bagay na nais kong maintindihan niya." may luhang sabi ng amang hari habang nakatingala sa rebulto at nakasara ang mga kamay. "Napaka sakit sa akin isipin na tila nagsisimula na ang gulo sa mga bagong pinuno ng ating mundo... Sana ay mali ako Zanaa, sana ay hindi na lumawig pa ang kung ano mang nangyayari ngayon." "Pakiusap... Nawa ay makita na agad ng aking panganay ang pabalik dito sa aming tahanan 'pagkat hindi ako nawawalan ng pag-asa na mahihilom ko rin ang sugat na tila ako ang nagpunla sa kalooban ng aking anak." Ngunit habang s'ya ay nagsusumamo sa bantay ay patuloy lang na lumalala ang pagpaslang ni Lerzia sa digmaang nagaganap!— ... Nagawang maubos ni Axus ang lahat ng Derronian na sumagupa sa kaniya at pinatamaan ng enerhiya ang palapit pa sa kabilang dako. Nang maglaho ang mga ito ay natanaw niya mula sa usok ang isang nilalang na naglalakad patungo sa kaniya! Si Balrak!— Itinaas niyang muli ang kaniyang espada at pumuwesto— "Salutem, Axus!" may ngiting bati ng hari ng Derrohny. "Nagkita na tayong muli — Balrak!" sambit ni Axus na may kasamang nalilisik na mga mata! "Hindi ko inaakalang mabubuhay ka pa noong lisanin ko ang mundo ng mga mortal. Ngunit ngayong magkaharap na tayo ay titiyakin kong hindi ka na sisikatan ng araw!" ngitngit ni Balrak. "Matagal kitang pinaghandaan." malamig na sabi ni Axus, "para sa pagpaslang mo sa aking aye — AT INA!" sambit nito at mabilis nang sinugod ang kalaban! Nag-espadahan sila at talagang mabibigat ang bawat pag-atake nila sa isa't-isa! Nang makalamang sa laban si Axus ay dito na niya hinawakan ang kamay ni Balrak at inagaw ang sandata nito at itinapon sa malayong panig, saka ito tinutukan sa leeg! Si Balrak ay talagang nagulat at hindi nakakilos dahil mukhang tutuluyan nga s'ya ng sorsero!— "Sandali..." sambit n'ya, "...hindi mo ako maaaring paslangin mahal na hari—" "Isang galaw mo lang ay sinisiguro ko sa 'yong aagos ang masangsang mong dugo dito sa lupa." nakangising sabi ni Axus. "Heh, nagmamatapang ka din kagaya ng iyong ina — at wala ka ring pinagkaiba sa ama mong sorsero, napaka hambog!" pang-uuyam ni Balrak. "Ngunit sinasabi ko sa 'yo — hindi mo ako mapapaslang... Dahil may laban ka pang kailang harapin, Haring Axus!" sambit pa nito at biglang may tumamang napakalas na enerhiya kay Axus! "AGGGHHH!" nanlambot kaagad ang sorsero at napakawalan niya si Balrak! "Kitang kita naman kung sino sa atin ang mas mahusay, aking kapatid!" pagdating ni Lerzia na may hawak na isang pamaypay! "Lerzia?!" laking gulat ni Axus nang makita n'ya ang anyo at bihis ng kapatid! "Hindi mo pa ako nahaharap kaya 'wag kang nagmamatapang sa aking flaio." saad ni Lerzia at humugot pa ng isang pamaypay. "Flaio?!" sambit ni Axus at tumingin naman kay Balrak, "magka-dugo kayong dalawa?!" mas gulat pa nitong sabi! "Iyong iyo na ang hari ng mga sorsero, apo!" pa-bulong na sambit ni Balrak kay Lerzia at iniwan na niya ang magkapatid. "Hay — ngayon Axus, lalaban ka pa ba o magpapa-ubaya nalang?" tanong na ni Lerzia. "Wala ka palang panama sa akin?! Mahina ka talaga!" "—baka akala mo hindi kita lalaban!" sagot ni Axus at mabilis na umatake ng enerhiya gamit ang raejin n'ya! Nagpakawala rin ng enerhiya sa kaniyang firsa'ng hawak si Lerzia AT NAGLABAN NA NGA SILA NG SALAMANGKA!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD