Kabanata 27: Pag-uwi

3150 Words
Lungkot ang isinalubong ng haring Roman sa mga taga Goltus nang sila'y magbalik, kasama ng mga kawal na dala ang bangkay ng mga napaslang. "Mahabaging Zanaa!" bungad ni Maro at agad na lumapit, "anong nangyari sa ating mga prinsipe?! Oh, Zanaa — bakit ito naganap!?" "Mahal na hari, anong — nangyari sa kanila?" pagsalubong rin ni Emprido. "Nagtungo si Balrak sa mundo kung saan naroroon sila Naeso at kaniya silang tinugis — tinugis na parang mga cerapal..." napopoot na salaysay ng haring Roman. "May kung sinong nagnakaw sa susi ng Ayralum kaya marahil ito napasa-kamay ni Balrak at kaya nagawa nitong buksan ang lagusan at matunton ang aking anak!" "Kasumpa-sumpang Balrak!" tandang Maro. "Ngunit mapalad si Axus — dahil humihinga pa s'ya." sambit ng hari. "S'yang tunay, kamahalan?" natuwa kahit papaano sina Emprido at agad na pinakiramdaman ang buhat na bata ni Roman. "Buhay pa nga s'ya kamahalan! Buhay pa si Axus!" "Tunay na pambihira ang inyong anak, haring Roman! Tignan n'yo ang lalim ng kaniyang mga sugat at ang mga dugong natuyo sa kaniyang kasuotan, ayan at patuloy pa rin siyang lumalaban!" saad ni Maro at hinaplos rin si Axus. "Dadalhin ko na muna siya at ang isa pa sa dispensaryo. Kayo na ang magsa-ayos kina Naeso at pakiusap — huwag n'yo muna itong sasabihin sa aking asawa." utos ni Roman kina Emprido. "Kung iyan ang inyong nais — masusunod, kamahalan." "Tayo na Rano, kailangan na silang magamot." aya ng hari at lumisan na agad sila upang ipagamot sina Axus at Lawag. "Kaawa-awang prinsipe... Tsk, tsk!" Emprido. ... (Sa silid ni Kaxandra) "Roman?! Mabuti at nagbalik ka na!" masayang sinalubong ng reyna ang kaniyang asawa at niyakap ito. "Anong nangyari sa inyong paglalakbay?" "Ahh — sandali, ang yutam... Kinain mo na ba ito?" tanong ni Roman na may malamig na tinig at mga matang namugmugto. "Oo naman, mahal ko! Inubos ko pa nga eh!" nakangiting sagot ni Kaxandra. "Magaling! Mamayag gabi ay tatalab na ang bisa niyan — maghintay na lamang tayo." sabi ng hari. "Ngunit hindi ka pa nagsasalaysay sa akin — ano bang naganap sa inyong paglalakbay?" tanong ng reyna at inakbayan s'ya ni Roman saka sila naglakad patungo sa bintana ng silid. "—hindi maganda..." sambit nito. Hindi naglaon ay humahangos na nagtungo ang mag-asawa sa dispensaryo upang na tignan doon si Axus! "Mahabaging Zanaa! Narito nga ating anak?!" magkahalong tuwa at pagkagulat ang naramdaman ng reyna nang makita n'ya sa labasan pa lamang ang kaniyang anak, kaya naman dali-dali na niya itong nilapitan at hinagkan. "Paanong narito na ang ating anak, Roman?! Kakatwa!" tanong pa ni Kaxandra habang paulit-ulit na hinahagkan ang mga kamay ng nahihimbing na paslit. "—nakita namin s'ya — sila ni Naeso..." nauutal na sagot ni Roman at napatingin lang ito kay Rano. "Hindi ako makapaniwalang makikita ko ngang muli ang Axus ko! Akala ko kanina'y nagbibiro ka lamang ngunit totoo pala!" may luhang sambit ni Kaxandra at hinaplos-haplos pa ang buhok ng bata. "Ngunit — sino ang may gawa nito sa kaniya? Bakit s'ya naririto?" "—si Balrak, mahal na reyna." sumagot ang kawal na si Rano na may kasama ring tingin sa hari dahil hindi nila maaamin nang tuwid ang nangyari. "Nakasagupa namin s'ya sa mundo ng mga mortal at tila s'ya ang nagbukas ng lagusan."  dagdag ni Roman. Nagulat ng husto si Kaxandra at namasdan n'ya ang sugat sa dibdib ni Axus... "S'ya ba ang may gawa nito?" tanong ng reyna. "Hindi namin tiyak kamahalan dahil nang  dumating kami ay wala na s'yang malay." sagot ni Rano. "Walanghiyang Balrak 'yan! Pagbabayaran n'ya ang ginawa n'yang ito!" galit na tumayo si Kaxandra at lalabas na pero pinigilan s'ya ng asawang hari. "Sancte, Kaxandra! Hindi ka aalis! Wala kang gagawin laban kay Balrak!" pag-awat nito. "At anong gusto mong gawin ko, Roman?! Manahimik? Ipag-sa-walang bahala ang ginawa nilang kalapastanganan sa aking anak?!" galit na tanong ng reyna. "Hindi Roman! Hindi ako papayag sa ginawa nilang ito sa ating anak! Kailangan n'yang magbayad!" tangka na namang lilisan si Kaxandra nang higpitan na ni Roman ang kapit sa kan'ya. "Mayroon ka pang kailangang malaman ukol sa iyong kapatid—" sambit ng hari. ... Sa bagsak na kaharian ng Celestia... Nagtungo naman sina Roman sa dakong libingan ng mga yumayaong Celestian at labis na nanlumo si reyna Kaxandra nang makita naman ang pinakamamahal niyang kapatid na nakalagak sa isang himlayan na napapalibutan ng mga bulaklak! "Kapatid ko!!!" bumugso na ang damdamin niya at dali-daling nilapitan ang bangkay ng kapatid upang mayakap. "Aking Naeso..." pagtangis ni Kaxandra, "...hindi mo man lang ako hinintay. Kung alam ko lang na huling pagkikita na pala natin sa mundo ng mga mortal ay sana mas hinigpitan ko pa ang aking yakap sa iyo!" "Kaawa-awang Kaxandra..." sambit ni Maro na naroroon rin dahil s'ya ang magbabasbas sa mga ihihimlay. "Nakikiramay ako sa 'yo, Urio..." paglapit ng haring Roman sa isa sa kaniyang mga kawal na nagluluksa rin, iyon ay ang asawa ni Mildred at ang ama ni Lawag. "Mahal na reyna, narito na ang inyong kapatid. Naka-uwi na siya!" pagdamay ni Maro kay Kaxandra at agad s'yang niyakap ng reyna upang sa kaniyang tumangis. "Kay saklap na kapalaran, tandang Maro! Iniwan na ako ng lahat sa aking pamilya..." pagluluksa ni Kaxandra. "Shh, tumahan ka mahal na reyna. Narito pa naman kami — kami na pangalawa mong pamilya, 'di ba?" Maro Tumayo si Kaxandra at muling niyakap ang kapatid, sa pagkakataong ito ay tumapat s'ya sa dibdib ng prinsipe upang pakinggan kung tumitibok pa ba ang puso nito— —ngunit hindi na. Wala na talaga. Pumanaw na nga ang ulirang Celestian na siyang nag-alaga at kumalinga kay Axus. "Hindi ako papayag na hindi ko maipaghihiganti ang ginawa sa inyo ni Balrak... Magbabayad s'ya aking kapatid... Pagbabayarin ko s'ya!" pagka-poot ni Kaxandra at hinawakan ang malamig na kamay ng kapatid. Hinagkan na niya ito sa pisngi at saka nagpaalam. "Magpahinga ka na, Naeso. Makakamtan n'yo ni Axus ang katarungan..." bulong pa nito at bumalik na sa pwesto nina Roman. "Patawad kung hindi na namin s'ya nailigtas..." sambit ni Roman nang balikan siya ng asawa. "Si Balrak ang aking sinisisi — s'ya lamang ang aking nais sisihin... Magbabayad s'ya — magbabayad s'ya sa 'kin Roman!" tugon ni Kaxandra na tila wala nang emosyon at tuwid lang ang tingin nang magsalita. Hindi na lamang umimik ang hari dahil batid naman nito ang pinanggagalingan ng asawa. Matapos ang pamamaalam, ang lahat ng mga natitirang kawal Celestian ay nagbigay na ng huling pagpupugay para sa kanilang prinsipe. Pinaingay nila ang kanilang mga sandata at nagsaboy ng mga bulaklak bago tuluyang isara ang ataul. Binasbasan na ito ni Maro at saka dahan-dahang ibinaba sa malalim na hukay... "Magpugay para kay Mildred — ang natatanging mortal na siyang nakasama ni prinsipe Naeso sa kaniyang huling laban!" utos ni Roman sa mga kawal nang ibaba na rin sa hukay ang kabaong ni Mildred dahil magkatabi sila ni Naeso na ihihimlay doon sa lupain ng Celestia. Sa pagkakataong ito, magkasamang pinaingay ng mga kawal Goltian at Celestian ang kani-kanilang mga sandata bilang pagsunod sa kauutusang ng kanilang hari. Ang kawal na si Urio ay hindi na napigilan ang labis na pagbugso ng damdamin kaya napaiyak na s'ya ng husto, mabuti nalang at nandiyan sina Capaste upang s'ya ay damayan. Matapos ang paglilibing ay nagbalik na ang lahat sa Goltus. Ang mag-asawang Roman at Kaxandra ay tahimik lamang na nagtungo sa kanilang silid. Pagpasok na pagpasok ay naghubad ng suot na roba ang reyna at humarap sa salamin. "Magpahinga ka muna Kaxandra, mamayang gabi ay mawawala na ang lahat ng pasakit sa iyo." sambit ng hari. "Sige — iwan mo na ako." maigsing sagot ni Kaxandra habang nakatitig pa rin sa salamin. "—nag-aalala ako para sa 'yo Kaxandra..." bigkas ni Roman, "...'wag mong isiping ito na ang katapusan ng lahat. Narito na ang ating anak, makakasama na natin sya!—" Bahagyang ngumiti si Kaxandra at lumapit sa asawa... "'Wag mo akong alalahanin mahal ko... Dahil hindi ako gagawa ng anumang hakbang laban sa mga Derronian..." paghaplos nito sa mukha ni Roman, "...umasa ka!" at saka hinagkan ang hari sa mga labi nito. "—kaya't kung mamarapatin mo'y iwan mo na ako dahil nais ko ngang magpahinga." "Mainam!" pagngiti ni Roman at hinagkan din sa labi ang asawa, "kung gano'n ay maiwan na kita, eroam inconvanse!" Si Kaxandra ay humiga na sa kama at agad na pumikit, habang si Roman ay lumabas nang muli ng silid upang tignan naman si Axus. Ngunit — ang reyna ay muling nagmulat at bumangon. Sumilip muna ito sa labasan upang tignan kung wala na ba ang hari, at nang matiyak na wala nang ibang nilalang sa paligid ay agad itong nagsuot ng roba at kinuha ang isang espada mula sa taguan. "Bibigyan kita ng katarungan, Naeso..." sambit nito at nagsuot na ng talukbong. Bago s'ya lumabas ng silid ay tinignan n'ya ang nagliliwanag niyang palad at saka tumuloy sa pagpuslit! ... (Sa Derrohny) Nagpupulong ang hari at ang kaniyang mga apram sa malawak na dako ng guhong Derrohny. "Tiyak na sa mga oras na ito ay ginaganap na ang pamamaalam kina Axus." sambit ni Guzma. "Ito na marahil ang napaka saya kong araw dahil wala na akong aalalahaning sagabal — magagawa ko nang makapag plano nang mas matiwasay dahil napaslang ko na ang sinasabing bata ni Fellian." nakangiting sambit ni Balrak. "Mga Derronian!" Napatingin sa pinanggalingan ng tinig na iyon ang mga Derronian at kanilang nakita ang paparating... SI KAXANDRA! "Kay lakas ng loob mong magtungo rito, Reyna Kaxandra!" gulat na bati ni Balrak nang makarating sa gitna ang reyna. "Naparito ako upang gawin ang isang bagay na dapat noong digmaan pa lang ay ginawa ko na — ANG PASLANGIN KAYONG LAHAT!" saad ni Kaxandra na may nanlilisik na mga mata. "MGA KAWAL!" sigaw ni Guzma at agad silang dinaluhan ng mga Derronian at pinalibutan ng mga ito ang reyna ng Goltus. "Nagkamali ka na nagtungo ka pa rito, reyna. Ngayon ay susunod ka na agad sa iyong pinakamamahal na kapatid!" nakangising sambit ni Balrak. "APMEVENTO!" sigaw ni Kaxandra at nagsimula na ang laban niya sa mga Derronian! Habang mag-isa s'yang nakikipaglaban ay pinagmamasdan lang nina Balrak ang kaniyang galaw. "Bakit ganiyan ang kaniyang kilos, panginoon? Bakit tila wala s'yang iniindang karamdaman? Tumalab ba talaga ang inyong sumpa sa kaniya?" pag-uusisa ni Guzma sa kaniyang hari. "Tumahimik ka, Guzma. Kanina ko pa rin inaaral ang mga galaw ng reyna at natitiyak ko sa 'yo na tumalab ang aking exertum sa kaniya." iritang sagot ni Balrak. ------------------------- EXERTUM - Sumpa ------------------------- Mabilis na napataob ni Kaxandra ang dami ng mga kawal na nakalaban n'ya, ngayon ay wala na muling magtatanggol kay Balrak kundi ang dalawa nitong galamay na sina Guzma at Sebani. "Kayo na lamang ang natitira. Tapusin na natin 'to!" panghahamon nito sa tatlo. "Bakit ka ba nanggugulo dito Kaxandra!?" tanong ni Sebani na nakapwesto na dahil anumang sandali ay sila na ang aatakihin ng reyna. "Dahil nais kong paslangin ang inyong pinuno! Pinaslang n'ya ang aking kapatid kaya't papaslangin ko rin s'ya!" galit na sagot ni Kaxandra. "HAHAHA! Pinaslang mo rin naman ang aking anak, hindi ba? Ngayon ay patas na tayo!" tugon ng hari. Ngumisi lang si Kaxandra dahil tila hindi batid ng mga Derronian na buhay pa si Axus. "Ngunit alitan nating mga pinuno ito! Labas ang aking anak at kapatid rito kaya bakit mo sila dinamay?!" tanong ito. "Sapagkat pinaslang n'yo nga ni Roman ang aking mga anak!! Mahirap ba'ng intindihin iyon, Kaxandra?! Buhay ang kinuha n'yo kaya buhay rin ang ipapalit n'yo! ANAK SA ANAK!" nagngingitngit na sagot ni Balrak. "Apmevento!" mahinang sambit ng reyna at sumugod nang muli! Sina Guzma at Sebani ang nakatuos n'ya hanggang sa madaig n'ya ang mga ito at sila na ni Balrak ang matirang nakatayo! "Bago mo ako paslangin ay nais ko munang malaman kung bakit biglang bumalik sa dati ang iyong kalusugan?! Hindi ba't may ipinataw akong sumpa sa 'yo?!" tanong ni Balrak. Hindi sumagot si Kaxandra, pero hinubad nito ang suot na roba at dito ipinakita n'ya kay Balrak ang kaniyang katawan — katawan na may kitang mga ugat na nagkukulay lila at nagkukulay berde! "Nabubuhay pa rin ang aking exertum sa iyo?! HAHAHAHA!" sabi ng kalaban. Tinignan naman ni Kaxandra ang kaniyang balat at nakita n'ya ngang nagpapalit-palit ng kulay ang kaniyang mga ugat — wari bang nagtatalo ang lunas at ang sumpa. Tumingala siya at nakita ang kalangitan... Malapit nang bumaba ang araw at marahil ay tatalab na ang lunas sa kaniya!! Ngunit nagdatingan pa ang mas maraming kawal-Derronian!— "Kagaya nina Axus at Naeso ay sa aking mga kamay ka rin mamamatay, Kaxandra!" pagbabanta ni Balrak. Dahil sa kagustuhan na maipaghiganti ang kaniyang anak at kapatid ay mas pinili pa ring makipaglaban ni Kaxandra. Muli niyang sinagupa ang mga Derronian at maging si Balrak na rin hanggang sa siya ay unti-unti nang masugatan at manghina!— Pilit niyang pinaslang ang lahat ng mga kawal upang makalapit na siya sa hari... Nang akma na niya itong susunggaban nay hinarang s'ya ni Guzma! Sila ang nagtapat at nag-espadahan! Nahawakan ni Kaxandra ang kamay ng kalaban at agad n'ya itong sinuntok sa tiyan! "AGHHH!" napatalsik sa lakas ng pwersa si Guzma at napaluhod s'ya sa lupa. Sunod naman si Sebani na nakipagtagisan din ng galing sa reyna pero maging s'ya ay di umumbra! Napataob na ni Kaxandra ang lahat at sila naman ni Balrak ang naglaban! Nagawa s'yang sugatan nito habang s'ya ay hindi pa makapuntos— "Talagang hindi ka mananalo kung paiiralin mo ang iyong galit, Kaxandra! HAHAHA!" pang-iinis ni Balrak sa reyna. "Sundarava!" sambit ni Kaxandra at lalo s'yang nagngitngit nang magdatingan ang napaka rami na namang kawal. "Apmevento, hindi ba kayo nauubos?!!" galit n'yang sigaw at binitawan ang hawak na espada. Dito ay nagulat sina Balrak nang magpakawala s'ya nang napaka lakas na enerhiya! Nagtakbuhan ang mga Derronian dahil lubhang mapaminsala ang nilabas na salamangka ng reyna, maaaring sila ay mapaslang na lahat!— "SANCTE!!" sigaw ni Balrak at sinugod si Kaxandra! Nag-espadahan silang muli hanggang sa masugatan naman niya ito! "AGH!!" Natigil sa pagkilos si Kaxandra at pagkakataon na ito ni Balrak upang muli s'yang sugatan! Mabilis s'yang kumilos upang sugatan sa iba pang bahagi ng katawan nito ang reyna at hindi naman s'ya nabigo, dahil hindi nagawang pumalag ni Kaxandra, dala ng mabilis panghihina. "Paslangin ang reyna!" utos ni Balrak upang kumilos na ang apram n'ya dahil malapit nang bumigay si Kaxandra!— "Apmevento — hindi n'yo ako mapapaslang!!" sa labis na galit ni Kaxandra ay nagawa niyang muli na magpalabas ng mas malakas na salamangka na s'yang bumalot at nangalaga sa kanya laban sa mga Derronian! "May malakas s'yang mahika, panginoon! Tila sa kanya namana ni Axus ang ganiyang pagpapalabas ng enerhiya!" pasigaw na sabi ni Sebani dahil maingay na sa paligid. "Kailangan s'yang malansi!" sambit ni Balrak. Pinaikot ni Sebani ang isang latigo at buong lakas itong inihagis kay  Kaxandra— "—agh!" daing ng reyna. "HAGHHH!" at mabilis na hinila ni Sebani ang latigo upang masakal si Kaxandra at mapataob! Agad na humina ang enerhiyang inilalabas ng reyna ngunit nananatiling nagliliwanag ang kaniyang mga mata— "TAPOS KA NA!" bigkas ni Balrak at nang mailapit ni Sebani si Kaxandra ay agad niya itong sinaksak sa dibdib! "AGGGHHHH!" muling lumakas ang enerhiyang pinakakawalan ng reyna at nagawa pa rin nitong bumangon! "Tila hindi mo s'ya nasaktan, panginoon!" takot na hula ni Sebani. Umiikot-ikot si Kaxandra hanggang sa mapansin nina Balrak na tila may mga patalim na tumatama sa mga kawal niya na nakapalibot sa reyna. Hanggang sa may isa nang matalim na balahibo ang sa kaniya'y lumagpas, nakailag lang siya kaya hindi s'ya tinamaan, ngunit nagulat s'ya nang makitang ang umiikot na si Kaxandra ay biglang naging isang napaka laking puting ibon na! Ang mga balahibo nito ang kumakalat sa paligid na s'yang kumitil sa buhay ng napakaraming Derronian. "Sundarava!" bigkas ng hari at nakita n'yang maging sila Sebani ay may sugat na rin dahil sila ay natamaan. "Hindi ka makakalayo Kaxandra! Uuwi ka sa Goltus na wala nang hininga!" sigaw ni Balrak at hinugot ang isa niyang punyal. Pinaikot n'ya ito at saka buong lakas na inihagis paitaas! Tumarak ang punyal sa dibdib ng ibon at umungol ito ng sobrang lakas!— "AGHHHH!!" pagkarindi nina Balrak kaya't lahat sila ay mga nagtakip ng taenga at tumungo. Agad ring nawala ang ingay ng ibon at nang tumingala ang mga Derronian ay wala na ito sa himapapawid — tanging dugo na lamang sa pinaglabanang lupa ang naiwan. "Haha — haha — HAHAHAHA!" dahan dahang bumungisngis si Balrak dahil mukhang tiyak na niya ang kahahantungan ang reynang sumugod sa kanila ... (Sa Goltus) Madilim na ang kalangitan at ang mga buwan ay nagpakita na. Sabik na nagpahanda ng pagkain si Roman dahil ito na ang sandali na tatalab ang bisa ng lunas kay Kaxandra. "Kaxandra — Kaxandra?!" pagpasok niya sa kanilang silid ay nakita niya ang tila natutulog pa na asawa. "Kaxandra? Gumising ka muna, at tayo'y mag-hapunan." pagtakip ng hari. "Kaxandra?!" "Kaxandra?!!" Hanggang sa tanggalin na niya ang talukbong na kumot at laking gulat n'ya nang makitang mga unan lang ito at wala ang kaniyang asawa! "Apmevento!!!" Dali dali s'yang lumabas ng silid at pinahalughog ang buong palasyo, naalarma tuloy ang lahat ng mga kawal kaya't nagsipag-kilusan sila. "Mahal na hari, anong nangyayari?!" tanong ni Emprido. "Nawawala si Kaxandra, wala s'ya sa aming silid!" nababahalang sagot ni Roman. "Saan naman kaya s'ya patutungo?!" "Kamahalan, tignan n'yo!" lumapit ang isang sorsero kina Roman at itinuro ang himpapawid kung saan may malaking ibon na tila palapit sa kanilang kaharian! Nagkatinginan sina Roman at Emprido hanggang sa ang ibon nga ay pumasok na sa balkonahe at nasira pa nito ang mga balangkas ng palasyo. Nagkagulo ang lahat ng sorsero at pumunta sila sa ligtas na lugar upang hindi masaktan, tanging sina Roman at Emprido lang ang lumapit sa nilalang. Nang bigla itong magpalit ng anyo bilang si Kaxandra! Duguan at naghahabol na ng hininga... "KAXANDRA!!" mabilis na nilapitan ni Roman ang kaniyang reyna at inilagay ito sa kaniyang mga bisig. Kitang kita n'ya ang nakatarak na punyal dito at ang mga dugo sa kasuotan na sariwa pa. "KAXANDRA?! NARIRINIG MO BA AKO?! KAXANDRA?!" takot na takot na tinatapik ni Roman ang asawa at hinugot n'ya rin ang punyal na nasa dibdib nito. "Kaxandra?!! Kumapit ka! Maililigtas kita!!" "E-eroam... Inconvanse — pinakamamahal k-kong Roman!" bigkas ni Kaxandra at hinaplos ng malamig n'yang palad ang mukha ng hari. Ngumiti s'ya ng napaka tamis at saka pumikit... "Kaxandra?!! Kaxandra?!!!" pagtangis ni Roman nang bumagsak na ang kamay ng asawa. "KAXANDRA!!!!!" Lubhang naghinagpis ang hari at napuno ng poot ang puso ng hari, dinampot n'ya ang punyal na nakatarak kanina sa kaniyang asawa at pinagmasdan ito. "Derrohny..." sambit n'ya kaya't lalo s'yang napoot dahil batid na niya kung sino ang pumaslang sa reyna.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD