Kabanata 9: Napipintong paghaharap

1773 Words
(Sa punong bulwagan ng Falcodep) "Isang pinuno na naman ang ating napabagsak. At sa pamamagitan iyon ng aking husay at talino sa pagsalakay ng mga kaaway!" nakangising saad ni Balrak. Sila ng kaniyang mga anak at heneral ay naka-palibot sa duguang bangkay ni Joviana, tunay ngang napaslang na nila ito. "Isang karangalan na ako ang kumitil sa kaniyang buhay!" saad naman ni Helad. "Ngunit ang kaniyang hiyas, ama? Hindi natin batid kung saan ito napunta lalo't pinakawalan n'ya lang ito paitaas!" nababahalang sambit ni Hanze, "ano kayang halughugin natin ang kalangitan, baka sakaling nag-tatango sa mga ulap ang hiyas?" mungkahi nito. Hanggang sa lumitaw sina Roman at ang mga kawal, at laking gulat nila sa kanilang nadatnan! "Joviana?—" sambit ni Roman at mabilis na itinutok ang kaniyang hiyas ng liwanag kina Balrak. "Anong ginawa n'yo sa kan'ya?!" galit na tanong ng hari habang unti-unting napapaluha. Agad na lumayo sa bangkay ng reyna ang mga Derronian ngunit hindi sila nag-papasindak... "Mga kawal, protektahan n'yo si Joviana!" utos agad ni Roman at nilapitan ng kaniyang mga kawal ang bangkay ng reyna upang pangalagaan ito. "Wala kang dapat ikabahala, Roman, sapagkat hindi namin hawak ang kaniyang kapangyarihan." kalmadong saad ni Balrak. "Pinakawalan n'ya ang hiyas ng hangin at wala ni-isa sa amin ang nakakaalam kung nasaan ito." pag-sali ni Guzma sa usapan. At marahang ibinuka ni Roman ang kaliwa n'yang palad at lumabas rito ang sinasabing hiyas ni Guzma. "Apmevento — nasa iyo ang hiyas ni Joviana?!" panlalaki ng mga mata nina Helad. "Oo, at kung hindi n'yo nais na tanggalin ko ang buhay at hininga ninyo ay lumayas na kayo dito ngayon din!" galit na pagbabanta ni Roman. "Hindi mo kami matatakot sorsero!" humakbang paunahan sa kaniyang mga kasama si Hanze. Tangka n'yang aatakihin ng enerhiya si Roman pero naunahan s'ya nito, nag-pakawala ng pambihirang salamangka ang hari nang itaas ang dalawang hiyas at ito ang nag-taboy sa kanila! Sa takot ay magkakasamang naglaho ang mag-anak na Derronian at naiwan na nga sa palasyo sina Roman. "Joviana! Joviana..." agad na niyakap at binuhat ng hari ang bangkay ni Joviana, pilit n'ya itong ginigising ngunit wala na talaga itong buhay. "MGA LAPASTANGAN!!!" pag-hiyaw n'ya at muling nagkaroon ng mga pagsabog sa bulwagan. ... Sumilay na ang liwanag at unti-unting nagpakita ang araw sa kalangitan ng Majezenty. Ang mga dumulog sa Falcodep na mga Goltian ay nakabalik na sa kanilang palasyo, sa pangunguna ng kanilang hari. "Mahabaging bantay! Ano itong nangyari?!!" pagkagulat ni Maro nang salubungin n'ya sina Roman, nakita n'ya kasi na bitbit nito ang wala nang buhay at sugatang reyna Joviana. "Wala na s'ya, Maro..." malamig na saad ni Roman, "patay na ang reyna ng Falcodep." At nagtungo na si Roman sa gitna ng bulwagan upang ipakita sa mga lumikas na Falco ang sinapit ng kanilang pinuno. Nang makita ng mga ito ang reyna ay talagang nagulat sila at nilapitan ito upang masilayan kahit sa huling pagkakataon man lang. "Lumalagpas na sa kasaaman ang mga Derronian — dapat na silang mahinto sa kanilang mga masasamang gawain." pagka-poot ni Roman. Sa kaharian ng Derrohny... "Nakakahinayang isipin na hindi natin nakuha ang hiyas ng hangin." saad ni Hanze habang may hawak na baso at may laman itong alak. "Wala kang dapat ikahinayang, 'pagkat napabagsak naman natin ang Falcodep, pati ang kanilang nag-mamatapang na reyna." pagtutol ni Balrak na may kasama pang ngiti. "Tiyak na ipagngi-ngitngit ni Roman ang nangyari sa kaniyang kapanalig." sabat ni Sebani, "at ipaghihiganti n'ya ito!" "Ngunit magluluksa muna s'ya bago ang lahat..." saad naman ni Helad, "...kaya't iminumungkahi kong kumilos na agad tayo hangga't abala pa ang mga sorsero sa paghihimlay ng dalawa nilang kapanalig na kaharian." dugsong nito. ... (Goltus) Nakahanda na ang katawan ng mga napaslang mula sa Pyronix at Falcodep, pati na ang mga pinuno nito. Magkakasabay na silang bibigyan ng pagkilala at ihahatid sa huling hantungan dahil ito ang utos at kagustuhan ni Roman. "Sino bang mag-aakala na sa maikling panahon ay dalawang kaharian agad at ilang pinuno ang malulupig ng mga Derronian; mga inosenteng nilalang na wala namang ginawa kundi ang mamuhay lang ng payapa. Hay, sayang na pagkakataon..." saad ni Maro habang nakapalibot silang lahat na mga taga-Goltus sa mga bangkay. "...kaya mas higit nating kailangan ngayon ang mag-ingat, lalo pa't tumitindi na ang panlalapastangan ng mga masasamang loob. Hindi natin batid kung kailan o saang lupain naman sila salalakay. Mas mabuti pang maging handa tayo at mag-ingat upang sa gano'n ay wala ng iba pang masasaktan." "Nawa'y pagbuksan kayo ng pintuan sa langit upang sa ganon ay doon na kayo mamuhay ng payapa sa piling ng ating minamahal na bantay. Walang digmaan at walang pasakit. Jesataime fras Estova!" pagbabasbas ng matanda at itinaas ang kaniyang mga kamay at nagliwanag ito, tanda na maaari nang lumisan sa anumang sandali ang mga namayapa. ——————————————————————— ———————————————————————  Jesataime fras Estova - Mapayapang paglalakbay patungo sa Estova.—————————————————————————————————————————————— "Ipinapangako kong bibigyan ko kayo ng katarungan..." malungkot na bulong ni Roman kina Joviana at Ynna, saka sila kapwa hinagkan. Pagkatapos ay tumayo s'ya sa harap ng lahat ng nakikiramay at saka nagsalita, "wala nang inosenteng buhay ang madadamay pa. Sisikapin kong mapanatili ang kapayapaan dito sa Majezenty — kahit na ano pa ang aking harapin." panunumpa n'ya. At bumuhos na nga ang luha nang isa-isang magsaboy ng bulaklak ang bawat majezan para sa kanilang mga namayapang kaanak at pinuno. Matapos ang pamamaalam ay nag-tungo na si Roman sa kaniyang silid at doon ay nadatnan n'ya ang anak nila ng namayapang Reyna Joviana. "Iwan n'yo na muna ako." utos ni Roman sa mga hora na nagbabantay sa sanggol. Nang mawalan ng kasama sa silid ang hari ay binuhat n'ya at pinagmasdan ang bata... "Anong kapalaran ito, bantay na Zanaa. Ano't tila naaangkin ko nga ang aking mga anak — ngunit ang kanila namang ina ay iyong kinukuha. Sino pa ba Zanaa? Sino pa sa mga majezan ang iyong kukunin?" malungkot na tanong ni Roman. Lumakad sya palapit sa bintana at tinanaw ang kalangitan... "Sype..." bigkas n'ya at napatingin sya sa sanggol na hawak nya. "Tama — ikaw si Sype! Ang anak ni Roman at ni Joviana." "Sype, nangangahulugan 'dalisay'. Iyan ang ipapangalan ko sa'yo bilang pagkilala sa mabuting katangian ng iyong inang reyna. Nawa ay lumaki kang kagaya n'ya." pagbabasbas ni Roman sa sanggol. "Darating ang panahon anak — na ikaw ang itatanghal na bagong pinuno ng naiwang kaharian ng iyong ina. Maghanda ka, dahil hindi madaling maging hari — sadyang napakahirap." malungkot na sabi ng hari at nagpunas s'ya ng luha saka hinele ang kaniyang anak. ... (Sa Celestia) "Nabatid mo na ba ang nangyari sa Falcodep, ama?" pagpasok ni prinsipe Naeso sa punong bulwagan at nakita n'ya ang kaniyang ama na may mga binabasang kasulatan. "Oo, sinabi na sa akin ni Kaxandra." sagot ni Kasacop, "nakakabahala na ang mga ginagawa ng Derronian. Hindi na ito makatarungan. Nalalagay sa peligro ang mga hiyas, tsk!" "Kaya nais kong dagdagan ang ating mga kawal na magbabantay sa bawat muog at palakasin pa ang depensa ng Celestia. Pahintulutan n'yo ako, ama..." mungkahi ni Naeso. "Gawin mo kung ano ang makabubuti para sa ating palasyo. Binibigyan na kita ng pahintulot!" saad ni Kasacop. "At bilang panimula sa gagawin nating pagdadagdag ng seguridad, maimumungkahi kong lagyan natin ng panangga ang buong lupain ng Celestia. Panangga na mangangalaga sa lahat ng ating mamamayan at nasasakupan, isang panangga na hindi magpapahintulot sa sinumang kalaban na makapasok, lalo na ang mga Derronian..." pag-papaliwanag ni Naeso, "at magagawa natin iyon sa tulong ng hiyas na hawak ng ating kaharian." Natahimik ang haring Kasacop... "Iwan n'yo muna kami." biglang utos nito sa mga nasa bulwagan. Nang mag-alisan na ang mga naroroon ay sinabi na n'ya ang kaniyang lihim. "Wala na sa akin ang hiyas, Naeso." Bigla tuloy nag-taka ang prinsipe sa winika ng kaniyang ama. "Ipinasa ko na sa Galomia ang pangangalaga sa hiyas ng lupa." pagtutuloy ni Kasacop. "Ngunit bakit mo ginawa yon, ama?" humakbang na palapit sa hari si Naeso. "Dahil mas higit nilang kailangan ang kapangyarihan, mas mahina sila kung ikukumpara sa atin — o sa ibang kaharian." "Hindi ba ito maituturing na pagbali o paglabag sa responsibilidad na iniatang sa iyo ng sinaunang sorsero? Hindi ba't masama ang pag-papasa ng katungkulan gayong sa atin ipinagkatiwala ang hiyas na bumubuhay sa kalupaan ng ating mundo? Baka ikaw ay maparusahan ni Fellian — o ng bantay na Zanaa?" tanong ni Naeso na may halong pag-aalala. "Nasa batas ng mga Celestian ang pagpapaubaya lalo na sa mga higit na nangangailangan, batid mo iyan, hindi ba? Nakatitiyak rin naman akong para pa rin sa ikabubuti ng hiyas ang aking ginawa kaya wala akong pinangangambahang parusa. Hindi tulad ng mga Derronian ang Galomia." saad ni Kasacop at bumaba sa kaniyang trono upang lapitan ang anak. "Isa pa, kaya naman nating pangalagaan ang ating kaharian kahit pa walang hiyas. May taglay tayong kapangyarihan para gawin 'yon, at higit na nangangailangan ng proteksyon ang Galomia kaya't ipagkakaloob natin sa kanila ang kapangyarihang magagamit laban sa mga Derrohny." dagdag ng hari. "At heto na nga, dumating na ang sandali na susubok kung paano gagamitin ng Galomia ang kapangyarihan nila laban sa mga mag-tatangkang umagaw dito. Nawa ay gawin nila ang lahat upang mapangalagaan ang isa sa mga hiyas ng ating daigdig." panalangin ni Kasacop habang nakatanaw sa liwanag na nagmumula sa bintana, "nawa ay — tama ako sa aking ginawa..." "Nakatitiyak akong gagamitin ng Galomia ang hiyas ng lupa para sa ikabubuti ng lahat. Magtiwala ka nalang ama." saad ni Naeso na s'yang nagpalakas sa pananalig ng hari. "Sana nga. Maiwan na kita, Naeso. Gawin mo na ang nararapat para sa ating tahanan, anak!" paalam ni Kasacop at tinapik n'ya sa balikat si Naeso bago s'ya tuluyang lumabas ng bulwagan. Ngunit hindi nila ay may nakarinig pala sa kanilang usapan!— —walang iba kundi ang mga Derronian! ... (Derrohny) Magkausap sina Balrak at Hanze, kasama na si Sebani at ang ilang mga kawal-Derronian. May panukala silang binubuo kung paano madaragdagan ang taglay nilang lakas, lalo't nakarating na sa kanila ang balita na naihatid na sa kanilang huling hantungan ang mga napaslang na Falco at Pyron kaya tiyak na kumikilos na rin sila Roman upang singilin sila. Hanggang sa dumating na ang mga nag-espiyang Derronian sa Celestia at may dala silang mahalagang ulat. Si Sebani ang lumapit sa kanila at sila ang mga mga nag-usap. Nakatingin lang ang mag-ama sa kanila at nakita nila ang pag-ngisi sa mukha ng henerala. "Hawak na raw ng Galomia ang hiyas ni Kasacop. Nasa mga Galomian na ang hiyas ng lupa!" ulat ni Sebani nang bumalik sya sa kanilang pagpupulong. "Tunay na ba iyang iniulat mo, Sebani?" panlalaki ng mga mata ni Balrak. "Oo, panginoon, ka-uulat lamang sa akin ng mga inutusan kong Derronian na tumiktik sa Celestia at narinig nila ang usapan ng mag-ama." saad ni Sebani. "Kung gano'n — muli tayong makikipag digma sa Galomia." agad na sambit Balrak at ibinaba ang basong hawak n'ya. "Ihanda ang hukbo!" sigaw n'ya, "nakatitiyak akong tayo na ang magtatagumpay sa pagkakataong ito! Walang kaalaman sa paggamit ng hiyas ang mga Galomian, o ang kanilang hari, kumpyansa akong maipapanalo natin ang pangalawang pagtutuos na ito! WAHAHAHA!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD