Palubog na ang araw. Lumalamig na ang hangin at umiingay na ang iba't-ibang hayop at insekto na nabubuhay sa gabi. Kalalabas lang ni Ruthie sa masukal na gubat habang ang isang paa ay paika-ika. Luhaan siyang naglalakad pabalik sa mansyon ng mga Hales habang yakap-yakap ang sarili at inaalala ang lahat ng masasamang nangyari sa kaniya ngayong araw. Pakiramdam niya ay kalaban niya ang buong mundo.
“Ruthie?!"
Gulat na napasigaw si Ernesto sa kaniya nang matanaw siya nito sa gilid ng daan. Kumaripas ito ng takbo palapit sa kaniya. Inalalayan siya nito at sinuri ang kabuuan niya.
“Diyos ko! Ano'ng nangyari sa iyo?!"
Nanghihina siyang tumingin sa mukha ng matanda.
“Mang Ernesto..." Humihikbi siyang kumapit sa braso nito. “Tu-tulungan n'yo ako."
“Ha-halika muna sa loob at hanapin natin ang nanay mo!" Malakas itong nag-iling ng ulo na tila hindi makapaniwala sa nakikita. “Diyos ko pong bata ka. Bakit ka nagkaganiyan? Sino ang may gawa nito sa iyo?"
Hindi na niya ito masagot dahil lumakas ang hagulgol niya at hindi na siya makapagsalita ng maayos.
Natataranta si Ernesto na iginiya siya papasok sa mansyon. Pinaupo siya nito sa sopa sa sala at agad na hinanap ang kaniyang ina.
“Ruthie!"
Halos lumuwa ang mga mata ni Kiara nang makita ang anak. Patakbo itong lumapit at tinignan ang buong katawan niya.
“Ano ang nangyari sa'yo?! Bakit basa 'tong damit mo?! A-at ano itong mga mantsa? Dugo ba 'to?!"
Lalong lumakas ang hikbi niya at napuno ng luha ang namamaga niyang mga mata sa kanina pang pag-iyak.
“Yu-yung mga tao sa palengke... a-ayaw akong pagbilhan... Bi-binuhusan ako ng ma-maruming tubig."
“Ano?! Bakit daw?!"
Malalim siyang huminga para pakalmahin ang sarili nang sa gayon ay hindi siya mabulol.
“Ako raw... a-ang pumatay kay Carlos."
“Sinabi nila iyon? Hindi naman 'yon totoo! Wala silang karapatan na gawin 'to sa'yo!"
“Gu-gusto ko sanang umuwi na... ka-kaso walang may gustong magsakay sa akin... Ka-kaya naglakad na lang ako pauwi. Pagkatapos..."
Namumula sa galit ang mukha ng ina habang nakikinig sa kaniya. Huminga ulit siya ng malalim ng ilang beses bago nagpatuloy.
“Ha-habang pauwi ako, ma-may apat na lalaking umatake sa akin..." Kumuyom ang mga palad niya at nagbaba siya ng tingin. “Pero... nakatakas ako..."
Kinagat niya ang ibabang labi. Gusto niyang sabihin sa ina ang buong detalye ng mga nangyari sa loob ng kweba, na pinatay ng halimaw ang mga lalaki, pero alam niyang hindi ito maniniwala. Mahigpit siya nitong yinakap.
“Patawarin mo ako, anak. Wala akong magawa. Hayaan mo, hindi na kita uutusan mamalengke o bumili sa labas. Dadaan din tayo sa barangay bukas para magreklamo! Mga hayop sila!"
Marahas niyang iniling ang ulo at bumitaw sa pagkakayakap.
“Hindi! Ayoko! Hu-huwag na, Ma. Lalaki lang lalo. Hayaan na natin sila..."
“Aba, hindi naman pwede iyon! Hindi tama itong ginagawa nila sa'yo!"
“H'wag na, Ma... La-lalo lang nila ako hindi titigilan..."
“Pero Ruth—"
“Basta, ayoko!" protesta niya. Nag-unahan na naman ang mga luha niya. “Ma, hayaan mo na. Gusto ko na lang matahimik. Please... Pagod na ako..."
Hindi na rin nito napigilan ang umiyak sa sobrang awa sa kaniya. Mabagal itong tumango at hinaplos ang mukha niya.
“O sige, kung iyan talaga ang gusto mo... Pero ito ang tatandaan mo. Balang araw... matatapos din ang lahat ng ito... Gagawa ako ng paraan, anak."
Tipid siyang tumango at pilit na ngumiti. “Alam ko..."
Malakas itong bumuga ng hangin at saka tumayo.
“Magpahinga ka muna sa kwarto mo para makapaglinis ka na ng katawan. Dadalhan kita ng tubig at makakain."
Matamlay siyang tumango at tumungo na sa kwarto niya. Hinatiran siya ng ina ng isang basong orange juice, tubig, at pandesal na may peanut butter.
Kiara stayed beside her ang comforted her until she calmed down. Umalis din naman ito nang masigurong ayos na siya. Marami pa kasi itong tambak na gawain sa mansyon.
Pagkakain ay naligo siya at nagbihis ng pantulog. Maaga pa pero gusto na niyang mahimbing. Gusto niyang ipikit ang mga mata at kalimutan ang mga nangyari sa kaniya kanina kahit pansamantala lang. Sana lang ay hindi iyon ang maging laman ng panaginip niya.
“Ruthie! Lumabas ka d'yan!"
“Harapin mo kami!"
Napaigtad siya sa kinahihigaan ng makarinig ng malakas na komosyon galing sa labas. Bumangon siya sa higaan at sumilip sa bintana mula sa likod ng kurtina.
Namilog ang mga mata niya nang makita ang mahigit isang dosenang tao ang nagtipon sa labas ng gate. May hawak na sulo ang ilang kababaihan habang ang ilang kalalakihan naman ay may itak.
Tila naubusan siya ng dugo sa katawan nang mapagtanto kung ano ang pinunta ng mga ito.
“Ilabas niyo ang aswang!"
“Kailangan siyang sunugin ng buhay!"
“Kampon ng kadiliman!"
“Humarap ka sa amin, Ruthie! Mamamatay tao!"
Agad niyang isinara ang kurtina at nagtakip ng bibig. Kinakapos siya ng hininga na sumundal sa bintana. Nanginginig ang buong katawan niyang umupo sa sahig at umiyak sa sobrang takot para sa sariling buhay.
“Ruthie!"
Malakas na binuksan ng ina ang pinto ng kwarto niya at mabilis na lumuhod sa harapan niya. Mahigpit siya nitong yakap.
“Shh... Huwag kang matakot. Ako ang bahala sa'yo," matigas nitong sabi. “Mamamatay muna ako bago sila makalapit sa'yo."
“Wa-wala akong kasalanan..." takot na takot niyang saad habang nakayakap sa ina. “Ba-bakit nangyayari 'to?"
“Hindi ko rin alam, Ruthie... Pero malalagpasan din natin 'to."
“Dahil may bago ka na naman daw nabiktima," singit ni Rosa na nakahalukipkip at nakasandal sa pinto.
“Pwede ba, Rosa. Hindi ka nakakatulong," mataray na sagot ni Kiara.
The woman scoffed and stared at her full of disdain.
“May apat na bangkay ng mga lalaki ang nakita sa kweba. Syempre sariwa pa iyong nangyari kay Carlos kaya sino sa tingin mo ang iisipin ng mga tao na salarin?"
“A-apat na lalaki?" Nagtatakang humarap muli ang ina sa kaniya. “Kanina hindi ba sabi mo inatake ka ng apat na lalaki?"
Kumuyom ang mga kamao niya. “Hindi ko alam ang sinasabi nila... Wa-wala akong alam."
Puno ng awa siya nitong tinignan. “Naniniwala ako sa'yo, Ruthie. Tahan na. Magiging maayos din ang lahat."
Malakas na suminghal si Rosa. “Hindi lahat ng tao naniniwala doon."
Kiara glared at the woman. “Lumabas ka na nga lang! Hindi ka namin kailangan dito! Umalis ka!"
Rosa rolled her eyes before she finally left. Hinaplos ng ina ang ulo niya at malumanay na ngumiti.
“Huwag mo pansinin ang sinabi ni Rosa sa'yo. At huwag mo rin alalahanin ang mga tao sa baba. Ako nang bahala na humarap sa kanila. Tatawag ako ng pulis." Ipinatong nito ang dalawang kamay sa balikat niya at mariing tinitigan siya sa mga mata. “Pinapangako ko sa'yo, ligtas ka rito sa loob ng mansyon."
Kinagat niya ang ibabang labi at saka tumango. “Na-naiintindihan ko. Dito lang ako... H-Hindi ako lalabas."
Tipid itong ngumiti at hinalikan siya sa noo. Pagkatapos ay lumabas na ito ng kwarto para humanap ng paraan na mapalayas ang mga taong gustong manakit sa kaniya.
Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. Siya na yata ang pinakamalas na babae sa buong mundo.
Tumayo siya at muling sumilip sa bintana. Kitang-kita niya kahit sa malayo ang matinding galit sa mukha ng mga tao na hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan. Mariin niyang ipinikit ang mga mata habang walang tigil sa pagbuhos ang mga luha niya.
“Wala akong kasalanan..." humihikbi niyang sabi sa sarili.
Sa kalagitnaan ng pagtangis niya ay bigla niyang nakita ang imahe ni Dyrroth sa kaniyang isipan. In her worst moments, he is always there for her.
May ideya na pumasok sa isipan niya. Ilang minuto niya itong pinag-isipan mabuti bago naging buo ang kaniyang loob sa binabalak na gawin.
Pinakalma niya ang sarili at nagpunas ng luha. Kahit parang nanlalambot ang bawat buto niya sa katawan ay pinilit niyang lumakad hanggang sa makarating siya sa ikatlong palapag ng mansyon kung nasaan ang silid ng binata.
Like before, she doesn't need to knock. The door opens for her like it has a life of its own. Dahan-dahan siyang humakbang palapit at papasok sa silid.
Nakita niya si Dyrroth na nakatayo sa harap ng bintana, tila pinapanood ang gulo sa ibaba. Nakatalikod ito sa kaniya habang nakapamulsa.
She swallowed before speaking. “D-Dy..."
Marahan itong humarap sa kaniya na may seryosong ekspresyon. Siya naman ay pinipilipit na magmukhang matapang sa harapan nito.
“Tu... Tulungan mo ako..." Mariing Kumuyom ang mga palad niya. “Hindi ko na alam ang gagawin ko."
Naglakad ito papalapit sa kaniya habang mariing nakatitig sa mga mata niya.
“Of course, Ruthie," sagot nito sa malalim nitong boses. “You know I can't say no to you." Ilang pulgada na lang ang pagitan ng mukha nila. “But you also know that... it comes with a price, right?"
Lumakas ang kabog sa dibdib niya sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya.
“A-alam ko..." Hindi na niya maitago ang nerbyos na nararamdaman. “Ga-gagawin ko ang lahat ng gusto mo... K-Kahit ano... Basta," may ilang butil ng luha ang kumawala sa mga mata niya. “Basta tulungan mo lang ako... Sawang-sawa na ako sa sitwasyon ko... Hindi ko na kaya."
A devious smile formed on Dyrroth's lips. Tila nakamit nito ang bagay na matagal na inasam. Inabot nito ang kamay niya at pasimpleng may inalagay. Kumunot ang noo niya at tinignan kung ano ang ibinigay nito.
“Elegant, isn't it?" anito.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung ano ang ibinigay nito. It was the most beautiful diamond ring she had ever seen.
Naguguluhan siyang tumingin sa mukha nito. “A-ano ang ibig sabihin nito?"
Inangat nito ang isang kamay at dahan-dahan na ipinadulas sa buhok niya. Ang mga mata nito ay may kakaibang kislap na nagpanindig ng mga balahibo niya.
“Marry me, Ruthie... And I will make all of your problems go away..."