"Dyrroth, si Ruthie 'to. Buksan mo ang pinto."
Kanina pa siya kumakatok sa pinto ng silid ni Dyrroth pero wala pa ring sumasagot. Napabuntong-hininga siya.
Saan kaya 'yon nagpunta?
"Ano'ng ginagawa mo d'yan?"
Napaigtad siya sa gulat kay Rosa na biglang sumulpot kung saan. Heto na naman ang pinakamalaking kontrabida sa buhay niya para sirain ang kaniyang gabi.
"May sasabihin ako kay Sir Dyrroth," mataray niyang sagot sabay tirik ng mata rito.
"Huh! Dis oras ng gabi? Wala ka talagang kahihiyan 'no?"
Binatuhan niya ito ng matalas na tingin. Ang ganda-ganda pa naman sana ng mood niya ngayong gabi. Hindi talaga kumpleto ang buhay ng babaeng ito nang hindi siya naaasar. Naging libangan na yata nito ang punahin ang bawat kilos niya. Malapit na itong pumasa sa pagiging stalker.
"Bakit ikaw? Ano ang ginagawa mo rito?" balik niyang tanong.
Pinagkrus nito ang mga braso at tinaasan siya ng manipis nitong kilay. "Hindi tulad mo, napadaan ako rito para siguruhing sarado na ang lahat ng bintana dito sa third floor. E ikaw? Siguradong nangangati ka na naman kaya kinakatok mo ang anak ng amo, no?"
Marahas siyang bumuga ng hangin sa sobrang inis sa mga narinig.
"Tantanan mo na ako, Aling Rosa. Masyado ka nang matanda para umakto ng gan'yan."
Suminghal ito. "Wala ka talagang modo. Hindi ka kasi naturuan ng nanay mo ng magandang asal. Hindi ka lang malandi at makati, wala ka ring galang sa mga nakatatanda sa'yo."
Nagpanting ang kaniyang tenga. Nagdugtong ang kilay niya at kumuyom ang mga kamao. Hanggang ngayon hindi pa rin niya maunawaan kung bakit ganito ito sa kaniya magsalita. Mabait naman si Rosa sa kaniya noong bago pa lang itong nagtatrabaho sa mansyon.
Naging ganiyan lang ito noong mag-umpisang kumalat ang mga tsismis tungkol sa kaniya. Minsan naiisip niya na baka tama lang sa kaniya na tratuhin ng ganito at makatanggap ng mga masasakit na salita. May maliit na parte sa puso niya na naniniwalang baka nga kasalanan niya ang pagkamatay ng mga taong iyon. Kaya sa tuwing ginaganito siya ni Rosa, pinapalampas na lang niya madalas.
Pero noong isang beses na tinanong niya ito kung bakit bigla na lang itong nagbago nang pakikitungo sa kaniya, tinanggi nitong dahil iyon sa mga tsismis tungkol sa kaniya. Basta na lang daw nito napagtanto ang tunay niyang kulay at ang masamang loob niya. Ngunit hindi siya naniniwala sa rasong iyon. Palaisipan pa rin kung bakit tila galit na galit ito sa kaniya.
"Sumosobra ka na. H'wag mong idadamay ang nanay ko rito," may diin niyang sabi.
Mapang-asar itong ngumisi. "Bakit? May sinabi ba akong mali?"
Sasagutin na sana niya ito nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang si Carlos ang tumatawag.
Matalim ang tingin niyang lumingon kay Rosa tapos ay mabilis na itinapat ang screen ng cellphone sa kaniyang dibdib para hindi makita nang usiserang mga mata nito kung sino ang tumatawag. Siguradong magpapakalat na naman ito ng panibagong tsismis kapag nakitang may ibang lalaking tumatawag sa kaniya.
"Sino 'yan? Gabing-gabi na a?"
"Hindi mo kailangang malaman."
Tinirikan niya ito ng mata tapos ay mabilis na naglakad paalis. Pasalamat ang babaeng iyon at may tumawag. Baka nakarinig na ito ng masasakit na salita galing sa kaniya.
Tumukhim siya at inayos ang boses bago sinagot ang tawag ni Carlos.
"Hello, Carlos? Nakauwi ka na ba?" sabi niya sa malambing na tono. "Akala ko ba magtetext ka muna bago tumawag? Pero ayos lang din kasi sakto yung timing mo. Nakatakas ako sa matandang asungot na 'yon."
"Ru-Ruthie..."
Kumunot ang noo niya nang marinig ang boses ng binata. Para itong namamaos at hirap huminga.
"Carlos, may problema ba? Bakit parang-"
"H'wag ka nang..." Sandali itong tumigil sa pagsasalita tapos ay nagpatuloy nang muli. "A-ayaw na kitang ma-makita."
Napatigil siya sa paghakbang pababa ng hagdan.
"Ano?"
"A-ayoko sa'yo, Ru-Ruthie... Ka-kalimutan m-mo na itong ga-gabing ito."
Hindi agad siya nakapagsalita sa gulat sa narinig. Kakaibang kirot sa dibdib ang biglang naramdaman niya. May nagawa ba siyang mali? May nasabi ba siyang masama kay Carlos na hindi niya namamalayan?
Bumalik sa kaniyang ala-ala ang mga nangyari sa peryahan kanina at ang masasaya nilang sandali. Kahit saglit pa lang silang nagkakakilala, alam niya na totoo ang mga ngiti at kabutihan na ipinakita sa kaniya ni Carlos. Iyong mga salitang binitawan nito ay ramdam niyang galing sa puso.
"Hi-hindi nakakatawa 'tong joke mo, Carlos," saad niya.
"Hi-hindi ako n-nagbibiro."
"Hindi ako naniniwala!" Bahagyang tumaas ang kaniyang boses. "Alam kong totoong nag-enjoy kang kasama ako kanina. Dahil ba kay mama kaya nasasabi mo 'yan?"
"Ba-basta! Ayaw na kitang ma-makita kahit k-kailan!"
"Ha?! Ano bang nangyari sa'yo? Bakit bigla kang nagkakaganyan?"
Ilang segundo ang lumipas at wala siyang narinig na sagot. Tinignan niya ang screen ng cellphone. Nasa kabilang linya pa rin ito pero hindi ito nagsasalita.
"Carlos? Hello?"
Ilang sandali pa ay may narinig siyang tila ibang boses na nagsalita. Masyadong mahina kaya hindi siya sigurado. Baka guni-guni lang niya iyon. Pagkatapos ng misteryosong boses ay nagsalita na ulit si Carlos.
"Pa-patawad. Li-linoko lang kita."
"Ano? Seryoso ka ba, Carlos?"
"O-oo..."
Kinagat niya ang ibabang labi sa inis. "Sinabi ko na sa'yo, hindi ako maniniwala! Pinaprank mo lang siguro ako no?"
Hindi na naman ito sumagot.
"Hoy, Carlos, ano ba? Ano ba 'tong pinagsasabi mo? Hindi na talaga nakakatawa!"
Kumunot ang noo niya nang marinig na naman iyong ibang boses ng lalaki sa kabilang linya.
"Gusto mo na bang mamatay?"
Nanindig ang balahibo niya. Hindi iyon basta imahinasyon lang. May iba talagang taong kasama si Carlos at mukhang iyon ang dahilan nang kakaiba nitong mga sinasabi. Bumilis ang t***k ng puso niya sa takot.
Mamatay? Sino ang gustong mamatay?! Ano'ng nangyayari?
"Ruthie, so-sorry! P-please kalimutan mo na ako! Hi-hindi na ako makikipagkita sa'yo kahit kailan! Bu-burahin mo na 'tong number ko. Hi-hindi na rin ki-kita tatawagan o kakausapin!"
Lalong nalukot ang mukha niya. Halatang-halata ang takot sa nangangatal na boses ni Carlos. Lalo siyang nakumbinse na napipilitan lang ito sa mga pinagsasabi sa kaniya.
"Ca-carlos, sino 'yang kasama mo? May naririnig akong ibang taong nagsasalita d'yan."
Hindi ito sumagot na lalong nagpangibabaw sa kaba niya.
"Carlos, sagutin mo ako! Ayos ka lang ba? Na-nasa panganib ka ba ngayon?!"
Wala pa ring sumagot.
"Hello? Car-"
Tuluyan nang naputol ang linya. Tinangka niyang tawagan ang numero ngunit out of coverage area na. Bigla siyang nabalot ng pangamba. Malakas ang kutob niyang may nangyaring hindi maganda kay Carlos.
Natataranta siyang tumakbo pababa ng hagdan at palabas ng mansyon.
"Oy, Magda, saan ka pupunta?" pigil ni Ernesto pagkarating niya sa nakasaradong gate.
"Manong Ernesto, buksa n'yo yung gate. Lalabas ako!" balisa niyang sabi.
Kunot ang noo nitong tinignan siya mula ulo hanggang paa.
"Bakit, saan ka pupunta? Gabing-gabi na a. Naka-pajama ka pa nga o."
"Basta po! Wala akong oras mag-explain. Sige na, Mang Ernesto buksan n'yo na yung gate!"
Napakamot ang matanda sa kaniyang ulo.
"Gabi na e."
"Sige na po! Ngayon lang! Promise babalik ako agad."
"Saan ka ba pupunta?"
"Basta po!"
Nagulat ito sa biglaang sigaw niya at natulala sa kaniya ng ilang segundo. Ngayon lang siya nito makitang umakto ng ganito kaya siguradong takang-taka ito.
Lumabi siya. "Pa-pasensya na, Mang Ernesto. Nagmamadali kasi ako e," mas kalmado niyang sabi.
Nagdalawang-isip pa si Ernesto noong una pero binuksan na din nito iyong gate.
"Bumalik ka agad. Magagalit sa akin ang mama ko."
Hindi na niya ito nasagot dahil kumaripas na siya agad ng takbo pagkabukas ng gate. Ang isip niya ay nakatuon lang sa paghahanap kay Carlos.
Para siyang baliw na palinga-linga sa bawat dinadaanan. Tagaktak ang kaniyang pawis na tinahak ang daan papuntang main road kung saan sana si Carlos maghihintay ng masasakyan. Tumigil muna siya sandali nang makarating sa waiting shed at bumawi ng hininga.
Inikot niya ng tingin ang lugar. Madilim dito at nakabibingi ang katahimikan. Tanging ang buwan lang ang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Ngunit nakapagtatakang kahit ang mga tunog ng insekto o mga hayop sa gabi ay wala. Napansin niya na wala ring dumadaang sasakyan.
Sandali siyang nag-isip. Kung wala masasakyan si Carlos, siguradong lalakarin nito ang daan papuntang terminal. Hindi naman ganoon kalayo iyon kaya malaki ang posibilidad na dumiretso ito doon. Tutuloy na sana siya sa pagtakbo nang may mapansing umiilaw na bagay sa isang madamong sulok ilang hakbang lang ang layo mula sa waiting shed.
Agad niya iyong linapitan at pinulot. Kumunot ang noo niya sa pagtataka. Isa itong bagong relo at mukhang mamahalin. Bumalik siya sa waiting shed kung saan may liwanag upang suriin pa mabuti ang bagay na kaniyang napulot.
Umawang ang labi niya nang makilala ang may-ari nito. Ganitong klaseng relo ang suot ni Carlos kanina. Sigurado siya. Ngunit bakit ito naroon sa may damuhan? Mukha namang gumagana pa ito. Hindi maaari na itapon na lang ito basta-basta ng binata roon.
Mahigpit niya itong hinawakan at tumingin sa madilim at masukal na lugar kung saan niya ito napulot. Dahan-dahan siyang naglakad pabalik doon at pinagmasdan ang gubat na nasa harapan.
Posible kayang dito siya pumunta?
Malakas siyang napasinghap nang may makitang ilang bahid ng dugo sa lupa at mga bato ilang hakbang lang ang layo kung saan niya napulot ang relo. Namutla siya nang maalala ang boses ni Carlos kanina.
Nangangatal ito at tila kinakapos ng hininga. Paano kung nasaktan na pala ito? May nabuong tapang sa loob niya dahil sa isipang iyon.
Hindi siya siguradong may nangyari ngang masama sa binata o kung narito ito sa gubat. Ngunit wala namang mawawala kung maniniguro siya. Gusto lang niya na mapalagay ang kaniyang kalooban kaya kinalimutan niya ang takot na nararamdaman. Binuksan niya ang screen ng kaniyang cellphone para magsilbing liwanag, tapos ay pinasok ang gubat.