Katulad ng isang maginoo, hinatid ni Carlos si Ruthie pauwi hanggang sa mansyon. Gusto raw nitong personal na manghingi ng dispensa sa mama niya dahil ginabi sila. At gusto rin nito malaman kung saan siya nakatira dahil nangako ito na susunduin siya sa susunod na lumabas sila.
Pakiramdam ni Ruthie ay nasa alapaap ang mga paa niya. Hindi na siya makapaghintay sa susunod nilang paglabas. Nagpapasalamat siya at nakatagpo siya ng isang lalaki na katulad ni Carlos.
"Thank you ulit. Nag-abala ka pa talaga," abot-tenga na ngiti niyang sabi habang nakatayo sila sa tapat ng gate ng mansyon.
"Maliit na bagay. Basta ikaw."
Tinatambol na naman ang kaniyang dibdib. Napaka-sweet talaga ng lalaking ito. Kanina pa nga niya kinakagat ang dila para maghulus-dili ang sarili na ipakita rito ang sobrang kilig na gustong kumawala sa loob niya.
Bigla silang napalingon kay Ernesto na may nanunuksong tingin. Hindi nila ito namalayan kaagad dahil nasa isa't isa ang buong atensyon nila. Siguro kung hindi sumipol ang matanda ay baka tuluyan na nila itong hindi mapansin.
Medyo panira ng moment itong si Manong Ernesto.
"Oy, Magda, may boyfriend ka na pala?"
"Naku, hindi po. Ikaw talaga manong!"
"Ahh... Manliligaw pa lang?"
"Hi-hindi rin po! Magkaibigan lang kami."
Nginisian lang ni Carlos ang panunukso ni Ernesto habang siya ay pulang-pula ang mukha sa hiya. Maya-maya pa ay lumabas na rin ang kaniyang ina at lumapit sa kanila.
"Magandang gabi po, Aling Kiara," magalang na bati ni Carlos sabay mano sa ina.
"Ma-magandang gabi rin! Salamat sa paghatid mo sa anak ko. Hi-hindi ka na sana nag-abala pang pumunta rito."
Bahagyang kumunot ang noo niya. Inaasahan niyang pagagalitan sila nito ng kaunti dahil ginabi sila, o kaya naman ay magsusungit dahil pinag-alala niya ito. Pero hindi iyon ang nakikita niya. May kakaibang takot sa mukha ng ina at halatang kinakabahan. Napansin din niya na nanginginig ang mga kamay nito sa kabila ng malapad nitong ngiti sa mukha.
Anong problema?
"Wala po iyon. Dapat lang na ihatid ko si Ruthie hanggang dito kasi kasalanan ko kung bakit kami ginabi."
"Ga-ganoon ba? Salamat ulit. Napakabuti mo. Natutuwa ako't nagkaroon na ng matinong kaibigan itong anak ko."
"Hindi naman po mahirap pakisamahan ang anak n'yo," ani Carlos tapos ay saglit na sumulyap sa kaniya at ngumiti. "Sige po, ayaw ko na pong makaabala sa inyo. Uuwi na ako."
"Sandali!"
Lahat sila ay nagulat kay Kiara na hinablot ang braso ni Carlos. Pati si Ernesto ay malakas na napasinghap.
Napakurap-kurap si Carlos sa ina. "Ba-bakit po, Aling Kiara? Ma-may kaila—"
"Dito ka na matulog," putol ni Kiara rito. Lalong humigpit ang kapit nito sa braso ng binata. “Gabi na. Wala ka nang mapapara ngayon sa daan."
Naiilang na ngumiti si Carlos. "A-ayos lang po, Aling Kiara. Kaya ko naman pong maglakad hanggang terminal."
"Hindi pwede!"
Umawang ang labi ni Ruthie sa gulat. Humakbang siya at pumagitna sa dalawa. Tinanggal niya ang kamay ni Kiara na mahigpit na nakakapit sa braso ni Carlos.
"Ma! Ano'ng ginagawa mo?!"
Pinandilatan niya ng mga mata ang ina. Hindi niya mapigilang magalit dahil nakakahiya ang inaakto nito sa harap ng bago niyang kaibigan. Plano ba nitong takutin si Carlos? Lalo lang siya mawawalan ng kaibigan sa ginagawa nito.
"Ayos lang po ba kayo?" nag-a-alalang tanong ni Carlos.
Natulos si Kiara sa kinatatayuan at nanlaki ang mga mata nang mapagtanto kung ano ang ginawa. Nanginginig ang mga labi nitong humakbang paatras.
"Pa-pasensya na. N-nag-a-alala lang ako kasi madilim iyong daan mula rito hanggang terminal. Sa-saka may kalayuan. P-pwede ka namang magpaumaga rito. Ipagpapaalam kita sa amo namin."
Naghimas ng leeg si Carlos at tila nahihiyang tumingin kay Ruthie.
"H'wag na po. Salamat po sa concern ninyo, pero ayos lang po ako. Kung wala man po akong masakyan, tatawagan ko na lang yung kuya ko. May kotse po kasi 'yon saka pulis po 'yon. Kaya h'wag na po kayo masyadong mag-alala sa akin."
Bumuga ng hangin si Kiara na tila nakahinga ng maluwag.
"Mabuti kung ganoon! Pwede bang tawagan mo na s'ya ngayon para sunduin ka na? Sasamahan ka naming maghintay dito sa labas hanggang dumating siya."
"Hi-hindi na po!"
"O gusto mo ako na lang ang tumawag sa kaniya? Ano ba'ng number ng kuya mo? Teka, kukunin ko iyong cellpho—"
"Ma!" pasigaw na putol ni Ruthie sa ina.
Hindi na niya kinakaya ang nakikita. Ano ba ang problem at bakit ganito ang kinikilos ng nanay niya? Parang napaparanoid at wala sa sarili. Nakakahiya at sa harap pa ni Carlos ito nagkakaganito.
"Ba-bakit, anak?"
"Ano'ng ginagawa mo?"
"Ha?"
Sinimangutan niya ang ina tapos ay humarap kay Carlos at pilit na ngumiti.
"Sorry, pagpasensyahan mo na si mama. Medyo nasobrahan lang sa pagka-maalalahanin. Sige na, lumakad ka na Carlos. Ingat ka sa pag-uwi. Tawagan mo na lang ako mamaya kapag nakauwi ka na."
Matamis itong ngumiti. "Bukas na lang siguro ako tatawag. Baka tulog ka na mamaya."
"Hindi. Pangako, hihintayin kita."
Nakita niyang namula ang pisngi nito. Sumikdo ang puso niya dahil doon.
"Si-sige. Paalam, Ruthie. Paalam din po sa inyo, Aling Kiara."
"Goodbye, Carlos! Ingat ka!"
Nagmadali nang umalis si Carlos bago pa siya pigilang muli ni Kiara. Nang mawala na ang binata sa kanilang paningin ay hinila niya ang ina papasok ng mansyon para makausap ito ng masinsinan.
Pagkalagpas nila ng pinto sa likod ng kusina kung saan sila madalas dumaan ay agad niyang iniharap ang ina sa kaniya. Matamlay ito at nakayuko na tila malalim ang iniisip.
"Mama, bakit ka umakto ng ganoon sa harap ni Carlos kanina?"
Hindi ito sumagot. May madilim na ekspresyon sa mukha nito at tila ay nalulunod sa kung ano mang tumatakbo sa isipan nito. Inalog niya ng kaunti ang braso nito para pansinin siya.
"Ma? Nakikinig ka ba?! Ano 'yong kanina?"
"Hindi mo dapat siya dinala rito," pabulong nitong sabi habang nakayuko pa rin.
"Ha? Ano ba ang problema? Pinag-a-alala mo na ako n'yan e! Ba't ka nagkakaganyan?!"
Sa wakas ay nag-angat na rin ito ng ulo at mariing tumitig sa mukha niya.
"Ruthie, anak. Ilang taon na iyong si Carlos?"
Napakurap-kurap siya sa biglaan nitong tanong.
"Ah, ahm, magkasing-edad lang kami. Hindi ko lang alam yung buwan ng birthday niya. Bakit?"
"Saan siya nakatira?"
"Sa may kabilang baryo lang. Ba't mo po tinatanong?"
"May pamilya ba s'ya?"
"Me-meron. Kasama niya sa bahay yung mama at papa niya. Pero yung kuya n'ya nagrerenta sa isang apartment malapit dun sa pinapasukan n'yang trabaho."
Nalukot ang mukha nito at nag-iwas ng tingin. Umilang hakbang ito papunta sa bintana at tumingin sa itaas. Pinagmasdan nito ang buwan ng ilang sandali tapos ay humarap na ulit sa kaniya.
Nanigas siya ng ilang segundo nang makita ang napakadilim na ekspresyon sa mukha nito. Nanginginig ang mga labi nitong nakasarado na tila may gustong sabihin. Habang ang mga mata nito ay nakatitig sa mukha niya na puno ng awa at lungkot. Lalo siyang nabahala.
"Bakit, ma? Ano po ba ang nangyayari sa inyo?"
"Matulog ka na."
"Po?"
"H'wag mo ako alalahanin. Pagod lang ako."
Pagkasabi niyon ay tumalikod ito at naglakad paalis.
"Ma! Sandali!"
Sinundan niya ito pero hindi siya nito pinansin. Paulit-ulit lang nitong sinasabi na matulog na siya hanggang sa kinagalitan na siya at pinagtulakang bumalik sa kaniyang kwarto. Wala siyang nagawa kung hindi ang sumuko. Bukas na lang niya ito tatanungin ulit. Sigurado siyang may mabigat na dahilan sa kakaiba nitong ikinilos kanina.
Naglinis siya ng katawan saglit at nagbihis na ng pantulog. Humiga na siya sa kama habang hawak-hawak ang cellphone.
Nakauwi na kaya si Carlos?
Kinagat niya ang labi at yinakap ang malaking unan na nasa tabi. Hindi niya mapigilang kiligin habang inaalala iyong date nila kanina. Nagpagulong-gulong siya sa higaan hanggang sa may maalala bigla.
Tumayo siya at lumabas ng kwarto. Mabibilis ang mga hakbang niyang umakyat sa ikatlong palapag ng mansyon. Hindi na siya makapaghintay na ikwento kay Dyrroth ang lahat ng nangyari ngayong gabi. Lilinawin rin niya dito na mali ito ng akala kay Carlos.
Napatigil siya sa paghakbang nang marating ang harap ng pinto ng kwarto nito. Nagtataka siyang napatitig dito na tila hinihintay itong bumukas. Ngunit dumaan na ang maraming segundo ay wala pa ring nangyayari.
"Dy? Nasa loob ka ba?"
Walang sumagot. Sigurado siyang gising si Dyrroth dahil hindi ito natutulog sa gabi. Pero bakit parang walang tao sa loob? Lumabas ba ito?
Lumunok siya at kumatok sa pinto ng kwarto nito sa kauna-unahang pagkakataon. Ito ang unang beses na hindi siya sinalubong ni Dyrroth.