6

1805 Words
“Ruthie, gumising ka. Anak..." Nagising si Ruthie sa pagyugyog sa kaniya ng ina. Dahan-dahan niyang minulat ang mga mata at umupo. Nahihilo pa siyang tumingin dito. “Ba-bakit po?" “May pulis na naghahanap sa'yo." Nawala ang lahat ng antok niya sa narinig. “Mga pulis?" “Oo. Hindi ko nga alam kung bakit. Hindi ko pa naitatanong. Sinabihan lang ako ni Mang Ernesto." Bumuka ng malaki ang bibig niya at natulala sa mukha nito ng ilang segundo. “May gusto ka bang ipagtapat sa akin? Nasangkot ka ba sa gulo?" anito. Inihilamos niya ang palad sa mukha at pilit na inalog ang memorya na tila nababalot ng makapal na ulap. “Ma, paano ako napunta dito sa kwarto ko?" “Ha?" “Nasa gubat ako kagabi. Hi-hinahanap ko si—" Bigla siyang nanigas at namutla. Unti-unting bumabalik sa memorya niya ang mga kaganapan kagabi. “Anong gubat? Hindi ka naman lumabas ng bahay pag-uwi mo galing peryahan. Nananaginip ka pa yata." Tumayo ang ina mula sa pagkakaupo sa kama niya. “Lalabas na ako. Sumunod ka na agad. Ayusin mo muna 'yang sarili mo bago ka lumabas. Bilisan mo." Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makalabas na ito. Tapos ay pumikit siya at hinilot ang kaniyang ulo. Gulung-gulo ngayon ang utak niya. Ano ang nangyayari? Paano siya napunta dito sa kwarto na parang walang nangyari? Si Carlos, nakita ko s'ya pero... Malalim siyang huminga para pakalmahin ang sarili. Sandali...Titignan ko muna kung ano ba itong nangyayari bago ako mag-isip ng kung anu-ano. Baka nga tama si mama, nananaginip lang ako. Naghilamos na siya at nagsipilyo. Pagkapusod niya ng kaniyang buhok ay sumunod na rin siya kay Kiara para harapin ang pulis na naghahanap sa kaniya. “Magandang umaga po," magalang niyang bungad. Komportable ang pulis na nakaupo sa sopa sa sala ng mansyon. Mabilis itong tumayo pagkakita sa kaniya. “Magandang umaga rin. Ikaw ba si Ruthie Bernaldez?" “Opo, ako nga." Inilahad nito ang kamay sa kaniya na agad naman niyang inabot. “Isa akong police investigator. Ako si Detective Gaston." Bumitaw na siya sa pakikipagkamay at umupo sa kaharap nitong upuan. May isang parisukat na lamesita ang pumapagitna sa kanila. Lumunok siya at kinakabahang tumingin sa mukha nito. “Bakit po kayo naparito?" The detective cleared his throat before he spoke, he sounded very careful. “Mayroon lang akong ilang mga katanungan sa iyo." Tipid siyang tumango. “Ano po iyon?" “Oo nga. Ano ho bang kailangan ninyo sa anak ko?" sabat ni Kiara. Nagawi ang pareho nilang tingin ng detective sa ina. Kararating lang nito galing sa kusina at may dala-dalang tray na may dalawang tasa ng kape na ipinatong nito sa lamesita sa harap nila. “Salamat po. Nag-abala pa kayo," nakangiting sabi ng imbestigador. Umupo ang ina sa kaniyang tabi at kumapit sa braso niya. “Nasangkot ho ba sa gulo ang anak ko?" “Hindi naman. Ayon po kasi sa aming impormasyon, ang anak ninyo ang huling kasama ni Carlos Agustin kagabi." “Oo, pumunta sila sa peryahan tapos hinatid ni Carlos ang anak ko rito sa mansyon. Bakit ho ninyo naitanong?" Unti-unting bumilis ang t***k ng puso ni Ruthie. Mahigpit siyang humawak sa tela ng suot niyang damit habang naghihintay sa isasagot ng detective. Umiling ito habang may madilim na ekspresyong nakatingin sa kanila ng ina. Lalong lumakas ang kabog sa kaniyang dibdib. “Natagpuan ng isang mangingisda sa ilog ang bangkay niya kaninang umaga." Malakas siyang napasinghap. Halos malaglag ang panga niya sa gulat sa narinig na balita at hindi makapaniwala na iniling ang ulo. “Halos hindi nga makilala," the man continued. “Gutay-gutay ang katawan ng matagpuan namin. Hanggang ngayon hinahanap pa namin iyong kalahati ng kaniyang ulo at ilang parte ng katawan. Kung sino man ang gumawa, mukhang may matinding galit." Nanginig ang buong katawan niya sa takot nang muling maglaro sa ala-ala ang mga kaganapang nasaksihan kagabi. Taas baba ang dibdib niyang tila hindi makahinga. “Hi-hindi ako nananaginip... To-totoo ang mga nakita ko..." nangangatal niyang bulong sa sarili. Parang gusto niyang masuka ng mga sandaling iyon. Hinanap ko siya kagabi sa gubat. At nakita ko siya! Nakita ko siya pero... “Sigurado ho ba kayong si Carlos Agustin ang nakita ninyo?" tanong ni Kiara. “Positively identified na po ng kaanak niya ang kaniyang katawan." “Na-nahuli n'yo ba ang gumawa? May suspek na ba kayo?" “Wala pa. Pero gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para malaman kung sino ang salari—" “A-alam ko ang nangyari sa kan'ya!" singit niya. “Nakita ko ang salarin!" “Nakita mo?" Kunot ang noong tumingin ang detective sa kaniya. Mabilis siyang tumango. Nanginginig ang mga labi niyang nakatingin ng diretso sa mukha nito at may iilang butil ng luha rin ang pumoporma sa gilid ng kaniyang mga mata. “Nakatanggap ako ng tawag kagabi galing kay Carlos. Nangangatog yung boses niya na parang hindi makahinga. Tapos may narinig akong boses ng lalaki sa background na nagbanta na papatayin siya. Magtatanong pa sana ako kaso naputol na yung linya. Nataranta ako kaya tumakbo ako palabas hanggang sa makita ko yung relo n'ya sa gilid ng daan. Hinanap ko s'ya sa gubat malapit sa waiting shed sa kanto. Tapos... tapos doon ko sila nakita!" Lalong tumindi ang panginginig niya at yinakap niya ang sarili. “Naaktuhan mo ang pagpatay?" anang imbestigador na mariing nakatingin sa kaniya. Namuti ang mukha niya nang alalahanin ang eksaktong nakita. “May nakita akong isang... isang halimaw... aswang..." “As... wang?" “Hindi ko alam! Basta alam ko hindi iyon isang tao!" Nagtinginan ang dalawang matanda sa isa't isa na halatang hindi makapaniwala sa kaniyang sinabi. “At ano ang naabutan mong ginagawa ng aswa— halimaw kay Carlos?" Tuluyan nang bumagsak ang mga luha niya. “Ka-kagat-kagat n'ya yung le-leeg ni Carlos. Hi-hindi ko masyadong nakita yung mukha niya kasi madilim. Pe-pero sigurado akong si Carlos 'yon..." “Pagkatapos anong nangyari?" Lumunok siya at nagpunas ng luha. “Hi-hindi ko na maalala." Bumuntong-hininga ang imbestigador at nagkamot ng ulo. Tapos ay tumingin ito sa nanay niya. “Mrs. Bernaldez, parang inaantok pa po yata ang anak n'yo." “Pa-pasensya na ho. E, sobrang nabigla lang po itong si Ruthie sa binalita ninyo, kaya kung anu-ano na ang pinagsasabi. Pasensya na ho talaga." Masama niyang tinignan ang dalawa. “Nagsasabi ako ng totoo! Isang aswang ang pumatay kay Carlos!" sigaw niya. “Anak! Ano ka ba?! Umayos ka nga!" suway ng ina na pinandilatan siya ng mata. “Ayaw n'yo kasing maniwala sa'kin!" Hinugot niya ang cellphone mula sa bulsa ng kaniyang pajama at iniabot sa pulis. “Tignan n'yo yung call history ko. Nand'yan yung patunay na tumawag si Carlos sa'kin kagabi!" Sinuri ito ng pulis tapos ay kunot ang noong tumingin sa kaniya. “Wala kang call logs, Miss Bernaldez." “Ano?" Hinablot niya ang cellphone mula sa mga kamay nito. Nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang makitang walang record ng pagtawag ni Carlos sa kaniya. “Si, si Aling Rosa, naroon s'ya nung mga oras na tumawag si Carlos! Tanungin n'yo s'ya. Sa-saka si Mang Ernesto, nakita n'ya akong lumabas kagabi!" Bumuntong-hininga muli ang imbestigador. “Ang sabi mo kanina napulot mo iyong relo n'ya, 'diba? Nasaan na?" Ilang segundo siyang natahimik. Tumingin siya sa ina na madilim ang mukha sa kaniya tapos ay yumuko siya. “Hi-hindi ko alam. Pero hahanapin ko. Ba-baka nasa kwarto ko la—" “Ruthie!" hiyaw ni Kiara. “Ano bang pinagsasabi mo?!" Kumuyom ang mga palad niya at lumuluhang nag-angat ng tingin. “Pakiusap, maniwala naman kayo sa'kin. Nagsasabi ako ng totoo!" Lumabi ang detective tapos ay pinagtama ang kanilang mga mata. “Miss Bernaldez, nakapagtanong na ako sa ilang mga tao rito bago pa kita kinausap. Yung gwardya na sinasabi mo, nagsabi na sa akin na nandito ka lang sa mansyon buong gabi. Hindi ka raw lumabas pag-alis ni Carlos. Hindi rin sa gubat natagpuan ang mga labi niya, kundi sa may tabing ilog sa kabilang bayan. Malayo sa bersyon ng istorya mo. Higit sa lahat, natagpuan din sa crime scene ang relo niya." “Peri hindi ako nagsisinungaling! Nakita ko talaga!" Tumalas ang tingin nito sa kaniya. “Miss, alam kong natatakot ka at siguradong nabigla ka, pero malayo sa profile mo ang hinahanap naming killer. Hindi ka suspek sa kasong ito kaya hindi mo kailangang gumawa ng mga ganyang klaseng kwento. Alam naming imposibleng magawa mo iyon kay Carlos sa payat mong iyan. Nandito kami para tanungin ka kung may nabanggit ba siya sa'yong mga kaaway niya o mga taong posibleng gumawa nito sa kaniya kagabi habang magkasama kayo." Ilang segundo siyang natahimik. Malamya siyang yumuko tapos ay nag-iling ng ulo. “Wala s'yang nabanggit," walang lakas na sagot niya. Nalukot ang mukha niya at hindi niya mapigilang mapahagulgol. Pakiramdam niya lumulubog ang buong katawan niya at napakabigat ng kaniyang dibdib. Hindi rin naman niya masisisi ang mga ito kung ayaw nilang maniwala. Mahirap nga naman patunayan ang mga sinabi niya. Aswang? Halimaw? Sinong may matinong pag-iisip ang tatanggap ng ganoong klaseng paliwanag? Pero anong magagawa niya? Iyon talaga ang nakita niya. Mahigpit siyang hinawakan ng ina sa braso. “Pa-pasensya na ho talaga kayo, sir. Marami lang pinagdadaanan itong anak ko. Pwede bang bumalik na lang kayo sa ibang araw?" “Wala pong problema. Salamat po sa kooperasyon n'yo. Marami na rin naman akong nakalap na impormasyon dito. Tatawag na lang ako kung may kailangan pa ako." “Sige ho, mag-iingat ho kayo!" Umalis na ang imbestigador. Hinila siya ni Kiara pabalik sa kwarto at kinagalitan. “Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, ha?!” “Ma, maniwala ka sa'kin," pakiusap niya habang patuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha. “Nakita ko talaga ng dalawang mga mata ko yung halimaw." Pumamewang ito. “O sige nga, sabihin mo, paano ka nakauwi rito? Kung nakita mo sila e hindi ba dapat hinabol ka na rin nung aswang na sinasabi mo?" Natikom niya ang bibig. Wala siyang maisagot dito. Ang huli niyang naaalala ay natapatan ng flashlight ng cellphone niya ang mga nakalutang na paa ni Carlos habang tinatahak niya ang madilim na daan sa gubat. Unti-unti niyang inangat ang liwanag hanggang sa matigil iyon sa leeg ng binata. Doon niya nakita ang halimaw at ang mga pula at nanlilisik nitong mga mata na nakatingin sa kaniya. Pagkatapos noon, wala na siyang maalala. Panaginip ko lang ba talaga iyon? Pero bakit parang totoong-totoo? Matapos siyang sermonan ng ina, iniwan na siya nito para ipagpatuloy ang trabaho nito sa mansyon. Siya naman ay nagpatuloy sa pag-iyak hanggang sa makarinig ng ilang mahihinang katok. “Ruthie, are you there?" Nabuhayan siya sa pamilyar na boses na iyon. “Dy?” “Yes, it's me. Can I come in?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD