Rouge’s POV
“H-hippogriff…”
Hindi ko mapigilan ang panginginig ng tuhod ko nang masilayan ang dambuhalang hayop… o halimaw sa harap ko. Bigla ko tuloy naisip yung lesson namin sa literature dati.
“A hippogriff is a mythical creature with a front half of an eagle and a hind half of a horse. It is known for its impeccable speed and strength,”Ms. Marie, our teacher, explained. “Kung nanunuod kayo ng Harry Potter, makikita niyo iyon doon.”
Hindi ko masyadong binibigyang atensyon noon ang lesson ni Miss Marie dahil sabi ko hindi ko naman magagamit sa totoong buhay ang itinuturo niya pero nakuha niya ang interes ko nang banggitin niya ang Harry Potter na isa sa mga paborito kong pelikula.
“Edi po, miss, carnivorous din sila katulad ni Buckbeak sa Harry Potter?” tanong ko.
“Yes, Miss Escande. And just like Buckbeak, they are also proud creatures.”
Carnivorous. Rouge, that creature in front of you is carnivorous. Isang maling galaw mo lang, ikaw na ang magiging tanghalian niya. That thought made me want to cry. Paano ko lalabanan ang ganitong nilalang lalo pa’t parang dalawang beses itong mas malaki kaysa kay Buckbeak?
“Umilag ka!” Natapos ang pag-iisip ko nang marinig ang sigaw na iyon ng prinsipe. Nang tignan ko ang nilalang sa harap ko, nakataas na ang isang paa nito na may kuko ng agila at handa na akong tapakan.
Sinubukan kong tumakbo palayo pero ayaw gumana ng mga paa ko. Naramdaman ko nalang na parang may bumuhat sa akin palayo bago pa ako madurog ng paa ng hippogriff.
“Ayos ka lang ba?”
Sa sobrang gulat ay saka ko lang napansin na ang prinsipe pala ang nagligtas sa akin at ngayon ay nakasakay na ako sa pegasus niya… habang lumilipad. Nang mapansin iyon ay agad akong yumakap ng mahigpit sa prinsipe. Mabuti nalang at hindi ito nagreklamo.
Lumipad pababa ang pegasus na sinasakyan namin patungo sa tabi ng puno kung saan medyo malayo sa hippogriff. Nagulat ako nang biglang buhatin ako ng prinsipe pababa ng pegasus at iniupo sa tabi ng puno.
“Sa tingin ko ay hindi mo pa kayang lumaban dahil sa mga sugat mo,” sabi nito habang tinitignan ang noo at paa ko. Nang maayos niya na akong naiupo, tumayo na ito at ngumiti. “Magpahinga ka nalang muna dito at panuorin kaming paamuhin ang giyang iyon.”
Nang makita ko ang ngiti ng prinsipe ay nawala ng kaunti ang takot ko. Hindi ko tuloy mapigilang ikumpara ngayon ang prinsipe kay Timothee. They both make me feel protected and safe.
Pinanuod kong bumalik ang prinsipe sa lugar kung saan kami naroroon kanina na ngayon ay abot-tanaw ko pa rin. Mabilis itong lumapit kay Zarek para tulungan itong makipalaban sa hippogriff at hindi ko mapigilang mamangha nang makita kung paano sila makipaglaban.
Sobrang bilis at lakas ni Zarek. Patunay nito ang magaling niyang pag-iwas sa mga atake ng hippogriff na kilala rin sa angking bilis. Kung hindi niya maiwasan ay sinasalag niya naman ang mga matutulis na kuko nito gamit ang kanyang maliwanag na espada.
Sandali, maliwanag na espada?
Niliitan ko ang mga mata ko para mas lalo pang makita kung bakit maliwanag ang espada ni Zarek at halos mapasigaw ako sa sobrang bigla. Hindi lang basta-bastang liwanag ang mayroon sa espada niya, kundi apoy. Umaapoy ang espada ni Zarek! Kaya pala iniiiwas agad ng hippogriff ang paa niya kapag nadadampi sa espadang iyon.
"Dahil napag-alaman ng mga Royal na nagkakaroon pala ng ibang kapangyarihan ang mga batang nagmumula sa ibang lahi, may mga pagkakataon na nagbibigay silang permiso na magpakasal ang dalawang taong mula sa magkaibang lahi. Ang mga sanggol na nabubuo na may permiso ng kaharian ay tinatawag na mga Espesyal.” Naalala ko bigla ang sinabi ni manong Servino.
Kung ganoon, maaari kayang apoy ang kapangyarihan ni Zarek? Wow. Sa buong buhay ko, hindi ko na-imagine na makakakita ako ng ganoong klase ng tao.
Tinignan ko naman kung paano makipaglaban ang prinsipe. Kahit wala itong nilalabas na kakaibang kapangyarihan katulad ng kay Zarek, napakagaling rin nitong makipaglaban. Nasasabayan rin nito ang bilis ng hippogriff at gumagamit din ito ng regular na espada para naman salagin ang mga atake ng nilalang. Pero paano kaya nila mapapaamo ang nilalang na iyon gayong puro lang sila depensa? Mukha ring hindi na natutuwa ang hippogriff sa kanila.
Pinilit kong isipin muli ang lesson namin sa literature at baka may mapakinabangan ako na pwede kong magamit ngayon pero sabi ko nga, hindi ko binigay ang buong atensyon ko sa klase naming iyon kaya pabalik-balik lang ang impormasyon na naaalala ko.
Natigil ang pag-iisip ko nang makuha ang atensyon ko ng isang rabbit na patalon-talon sa tabi ko. So cute!
“Edi po, miss, carnivorous din sila katulad ni Buckbeak sa Harry Potter?”
“Yes, Miss Escande. And just like Buckbeak, they are also a proud creature.”
Carnivorous.
Proud creature.
Hindi ko mapigilang mapangiti na parang demonyo habang nakatingin sa rabbit na ngayon ay nasa harap ko na. Sorry, honey. No matter how cute you are, I need to prioritize my safety first.
***
Eunox’s POV
“Mahal na prinsipe, sa kaliwa mo!” narinig kong sabi ni Zarek kaya naman agad akong tumingin sa kaliwa ko at nakita ang papalapit na pakpak ng hippogriff. Dahil alam kong hindi ko kayang salagin iyon, pinili ko nalang na umiwas at magtago muna sa likod ng malaking puno.
Ilang minuto na rin kaming nakikipaglaban sa hippogriff at nakakaramdam na rin ako ng pagod.
“Mukhang matatagalan pa bago maubos ang enerhiya ng giya na ito, ah? Kaya pa ba, Eunox?” tanong ni Zarek na biglang sumipot sa gilid ko.
Ngumisi ako.
Sa dalawang pagkakataon lang akong tinatawag sa unang pangalan ni Zarek—sa tuwing nais niyang mang-asar o di naman kaya ay sobrang seryoso siya. Sa pagkakataong ito, alam kong nang-aasar siya dahil malamang napapansin niya ang pagod ko.
“Ako pa ba? Alam mo namang matagal ko ng gustong mapaamo ang giya na ito.”
“Bakit hindi mo nalang kasi patulungin ang isang iyon?” tanong nito habang nakatingin sa direksyon ni Rouge na ngayon ay sinusubukang hulihin ang kuneho.
“Nakita mo naman ang mga sugat niya kanina, hindi ba? Bilang isang mandirigma, patunay lamang iyon na kagagaling niya lang sa isa pang laban. Hayaan mo muna siyang magpahinga.”
“Pagpapahinga ba ang tawag diyan?” tanong muli ni Zarek nang makitang tagumpay nitong nahuli ang kuneho at nagtatatalon sa sobrang tuwa. Hindi ko tuloy mapigilang mapangiti dahil tila nawala na sa isip nito na mayroong isang giya na maaari siyang atakihin anumang oras.
“Rouge!” malakas at may halong kaba ang boses ko nang tawagin ko ang kanyang pangalan. Tila kasi nabasa ng giya ang nasa isip ko dahil nakita nalang namin na mabilis itong tumatakbo papunta sa kinatatayuan ni Rouge. Dahil siguro hindi na kami nito makita kaya sa kanya na napunta ang atensyon ng hippogriff.
Mabilis naming tinakbo ni Zarek ang kinaroroonan ni Rouge pero hindi namin kayang sabayan ang bilis ng hippogriff. Ilang segundo lang ay nasa harap na ni Rouge ang giya at anumang oras ay aatakihin na siya nito.
Napansin ko na naglabas na ng apoy sa kamay si Zarek at handa na sana itong paliparin patungo sa hippogriff pero nagulat kami sa biglaang pagtigil ng hippogriff at pagtindig ng maayos.
Nang makarating kami sa kinaroroonan ni Rouge, nakita naming nakaluhod na ito gamit ang isang tuhod at nakikipagtitigan sa hippogriff. Sa dalawang palad niya ay naroon ang nahuli niya kuneho na tila ba iniaalay niya ito sa hippogriff.
Ilang segundong hindi gumalaw ang hippogriff at nakatindig lang doon habang hindi rin inaalis ang tingin kay Rouge. Maya-maya pa ay yumuko ito at kinuha ang kuneho gamit ang mga tuka nito. Nang tapos niya na itong kainin ay tumingin muli ito kay Rouge saka inilapit ang noo nito sa kanya. Si Rouge naman ay tumayo na ng maayos at hinimas ang noo ng hippogriff.
Kulang nalang ay malaglag ang panga namin ni Zarek dahil pareho kaming hindi makapaniwala sa nangyari.
Tumingin sa amin si Rouge at ngumiti saka niyaya kami palapit sa kanya. Dahan-dahan naman kami naglakad papunta sa kanya nang hindi tinatanggal ang tingin sa giya. Nang mapansin ang paglapit namin, tila naging alerto muli ang hippogriff.
“Shh. Mga kaibigan ko sila,” sabi ni Rouge dito saka umupo. Parang naintindihan naman iyon ng hippogriff dahil imbis na tumayo ay umupo rin ito at inihiga ang ulo sa kandungan ni Rouge. Si Rouge naman ay nagpatuloy sa paghimas ng leeg nito.
“Paano mo nagawa iyon?” hindi ko mapigilang mahiwagaan. Hindi ko alam na mayroon palang ibang paraan para mapaamo ang isang matapang na giya. Ang tanging tinuro lang sa amin ay kailangan namin silang matalo sa isang laban para ituring nila kaming nagmamay-ari sa kanila.
***
Rouge’s POV
Natigilan ako nang marinig ang tanong ng prinsipe.
Paano ko sasabihin sa kanilang nabuo ko ang ideyang iyon mula sa school at sa Harry Potter movie? Ah, bahala na! Gumawa ka nalang ng kahit anong rason.
“M-mahilig lang talaga ako sa mga h-hayop.”
“Hayop? Hindi lang basta hayop ang hippogriff. Isa iyang giya,” seryosong sabi ni Zarek. Hindi ko alam kung nagdududa na ba ito sa pagkatao ko o ano, eh.
Pero ano ba yung giya? Kanina ko pa iyon naririnig, eh. Alam niyo, bahala na. Kailangan kong malaman kung ano yang giya na yan para naman maka-relate ako kahit papano sa mga sinasabi nila.
“Maaari ba akong magtanong? Ano ba ang ibig ninyong sabihin sa giya?” Nakita ko ang mabilis na pagkunot ng noo nila na para bang hindi sila makapaniwalang itinatanong ko ang bagay na iyon kaya naman nagsalita ulit agad ako. “W-wala kasi akong maalala.”
Okay, amnesia card activated.
Nawala ang kunot ng noo nila nang marinig ang sinabi ko at tila napalitan ng awa. Okay, it’s working. Sundutan ko pa ng kaunti para mas maniwala pa sila. Dahan-dahan kong hinawakan ang sugat ko sa noo at nilungkutan ang mukha ko.
“Sabi ng lolo ko nakuha ko raw ang sugat na ito mula sa pakikipaglaban at dahil sa pagkabagok ng ulo ko kaya nawalan ako ng alaala.”
“Pagkabagok?” nagtataka muling tanong ng prinsipe.
What the heck? Hindi nila alam yung pagkabagok? Tagalog naman yun, ah?
“P-pagtama ng ulo ko sa matigas na bagay.” Tila mas naliwanagan naman sila sa sinabi ko dahil nakita kong tumango na ang prinsipe samantalang nakatingin pa rin ng masama sakin si Zarek. Ano bang problema nito?
“Maaari ko bang malaman kung anong buong pangalan mo at paano ka napunta dito sa kakahuyan? Siguro naman naaalala mo ang mga iyon?”
Ano ba naman, Zarek! Gusto ko lang naman malaman kung ano ang giya, eh.
Sandali akong nag-isip ng maaaring isagot at agad ko namang naalala si Manong Servino. Sorry, manong. Gagamitin ko lang sandali pangalan mo.
“A-ako si Rouge Eulalie S-Stalwart,” sagot ko habang nagpapasalamat dahil naaalala ko pa ang buong pangalan ni manong. “N-napunta ako dito dahil n-naghahanap ako ng maaaring gamiting gamot para sa mga sugat ko pero naligaw ako at hindi na nakabalik pa.”
“Iyon ba ang dahilan kung bakit umiiyak ka noong nakita ka namin kanina?” tanong naman ng prinsipe. Agad naman akong tumango bilang sagot.
“Stalwart?” Ano na naman ba, Zarek?! Tama na ang tanong! “Ibig mong sabihin kapamilya mo si Servino Stalwart?”
Si manong yun, ah? Wag mo sabihing kakilala pa nila? Patay ako nito kung i-confirm pa nila kay Manong yung pagkatao ko.
Kahit kinakabahan, tumango nalang ako. Papanindigan ko nalang muna siguro ‘to habang hindi pa ko nabubuking.
“Lolo ko siya,” sabi ko saka bahagyang kinagat ang dila ko. Bahala na. “Ngayong nasagot ko na ang mga tanong ninyo, maaari ko na bang makuha ang sagot sa tanong ko? Ano ba ang giya?”
Umupo sa tabi ko ang prinsipe habang nanatili namang nakatayo si Zarek.
“Giya ang tawag sa mga nilalang na katulad ng hippogriff at pegasus,” sagot ng prinsipe.
“Ang ibig mong sabihin marami pang nilalang na katulad ng hippogriff at pegasus?”
Tumango ang prinsipe.
“Marami pang ibang giya na mas malakas kaysa sa hippogriff. Karamihan sa kanila ay matatagpuan sa Bundok Banal, ang tahanan ng mga giya. Sila ang itinuturing na mga banal na nilalang sa kaharian at nagsisilbing gabay din sa amin. Pinaniniwalaan na mas nauna silang tumira sa kahariang bago pa man magkaroon ng tao dito. Kaya naman isang malaking kasalanan sa kaharian ang pagpatay sa isang giya.”
Oh, I see. So, mas marami pa pala akong makikitang mas nakakatakot at mas nakakamatay na nilalang kung magtatagal pa ako dito. I got another reason to find my way home quickly.
Nang maisip ko na naman ang misyon ko na hanapin ang daan pabalik sa mundo ko ay tumayo na ako at pinagpagan ang aking damit.
“Saan ka pupunta?”
“Uuwi na.” Sa mundo ko. Nais ko sanang idagdag ngunit alam kong hindi pwede.
Humarap ako muli ako sa hippogriff na ngayon ay nakatayo na. Hanggang ngayon nahihirapan pa rin akong paniwalaan na may isang mythical creature sa harap ko pero sobra akong nasisiyahan kasi nakakapagpaamo ako ng isa.
“Paano ba ‘yan, hips? Uuwi na ako.”
“Hips?” tanong ng prinsipe.
“Hips. Pinaiksing hippogriff. Iyan na ang pangalan niya ngayon,” nakangiti kong sagot pero agad din itong nawala dahil may tanong na biglang pumasok sa isip ko. “Mahal na prinsipe, kanina pa tayo magkasama pero hindi ko pa nalalaman ang pangalan mo.”
Sandaling bumakas ang gulat sa mukha ng prinsipe pero agad din ito napalitan ng kaniyang malakas na pagtawa. Napansin ko rin na bahagyang napangiti si Zarek.
“Anong nakakatawa?”
Tumigil sa pagtawa ang prinsipe pero nakangiti pa rin itong humarap sa akin.
“Ni minsan ay hindi ko inakalang babanggitin ko ang pangalan ko sa kahit kanino dahil ang akala ko ay kilala na ako ng lahat. Hindi ko inakala na mayroon palang isang babae na maglalakas loob na itanong ang pangalan ng isang prinsipe, pero naiintindihan ko naman dahil nawala ang iyong alaala. Kaya binibini, hayaan mong ipakilala ko ang sarili ko sayo.” Mas lumapit pa ito sa akin saka ipinatong ang kanang kamay niya sa balikat ko. “Ako si Eunox Godfrey, prinsipe ng Kaharian ng Zavidro, ikinagagalak kitang makilala.”
What a nice name.
Akala ko ay ibababa niya na ang kamay niya mula sa balikat ko pero parang may hinihintay pa itong gawin ko o isagot ko. Ano naman iyon?
Parang naintindihan naman ng prinsipe na hindi ko alam ang gagawin kaya nagulat muli ako nang kunin niya ang kanang kamay ko at ipatong rin sa kaliwang balikat niya. “Kailangan mo rin ipakilala ang sarili mo o hindi naman kaya ay sabihin mong ‘ikinagagalak rin kitang makilala’ kung sa tingin mo ay kilala ka na ng tao.”
Oh. So this is their version of shake hands?
“Ikinagagalak rin kitang makilala,” panggagaya ko sa sinabi ng prinsipe na ikinangiti niya naman. Ibinaba na niya ang kanyang kamay kaya ganoon na rin ang ginawa ko. Tinignan niya naman si Zarek na para bang sinasabing gawin din niya yung ginawa namin.
Pareho kaming nagulat ni Zarek.
“Kilala ko na siya,” sabi ko dahil naramdaman kong hindi rin nais ni Zarek na magpakilala ng sarili. “Narinig kong tinawag mo siyang Zarek kanina.”
“Pero hindi iyon pormal na pagpapakilala,” sagot ng prinsipe saka muling tumingin kay Zarek na tila nag-uutos.
Wala ng nagawa si Zarek kundi humarap sa akin at ipakilala ang sarili niya.
“Ako si Zarek Odovera, isang Espesyal, ikinagagalak kitang makilala,” pilit na sabi nito sa pinaka hindi nagagalak na mukha saka ipinatong ang kamay sa balikat ko.
Alangan magpatalo ako? Syempre sumimangot din ako habang iniisip ang pagtapat niya ng espada sa leeg ko kanina.
“Ikinagagalak rin kitang makilala,” sabi ko na walang halong galak ang boses saka ipinatong ang kamay ko sa balikat niya pero mabilis ko ring tinanggal. Bumakas tuloy ang pagtataka sa mukha niya.
Wow, ah? Nagtaka ka pa?
“Ayan. Dahil pormal na tayong nagpakilala sa isa’t-isa, ituturing ka na naming kaibigan, Rouge,” nakangiti pa ring sabi ni Prinsipe Eunox.
“Ha?” sabay naming tanong ni Zarek.
“At dahil mabuti kaming kaibigan, hayaan mong ihatid ka na namin ni Zarek pauwi para hindi ka na maligaw.”
“Hindi!” halos pasigaw kong bigkas na ikinabigla ng dalawa. Paano ba naman, wala pa talaga akong balak umuwi dahil hahanapin ko pa ang daan pabalik sa mundo ko. Isa pa, kung babalik kami, baka malaman nila ang totoo kay Manong Servino na hindi niya naman talaga ako apo.
“Anong hindi?” tanong ng prinsipe.
“H-hindi na. Nakakahiya naman po, mahal na prinsipe. Masyado ko na pong nasasayang ang oras niyo,” pagdadahilan ko.
Ngumiti ito.
“Sinabi ko na, hindi ba? Magkaibigan na tayo ngayon kaya huwag ka ng mahiya,” sabi nito saka mabilis akong binuhat at isinakay sa pegasus niya. Bago pa ako makapagreklamo ay nagsalita na siya ulit. “Isa pa, may nais din akong itanong sa matandang Stalwart.”
Dama ko ang biglang paglakas ng t***k ng puso ko pagkarinig ng sinabi niya.
Matandang Stalwart? Ibig sabihin magkakilala sila? At anong itatanong niya? Kung totoong apo ako ni Manong?
Shit, I’m dead.
***