Rouge's POV
"Binibini, ayos ka lang ba?"
Dahan-dahan kong ibinuka ang mga mata ko nang marinig ang boses ng isang matandang lalaki.
"Sino ka?" nanghihina kong tanong sa matanda. Inikot ko rin ang paningin ko at napagtantong hindi pamilyar sakin ang lugar kung nasaan ako.
Para akong nasa gitna ng kakahuyan. Anong ginagawa ko rito? Paano ako napunta dito?
“"Ang Kaharian ng Zavidro"
Bigla kong naalala ang nangyari sakin sa basement. Teka, totoo iyon? Totoong pumasok ako sa loob ng libro?
Tinignan ko ulit ang lalaking nasa tabi ko.
Gaya nga ng sabi ko kanina, matanda na siya pero mukhang malakas pa. Kakaiba rin ang itsura niya dahil nakasuot ito ng mahabang cloak na kulay dark brown. Mahaba rin at kulay abo ang buhok, balbas, at bigote nito. Sa kabuuan, mukha siya ermitanyo.
Dahil sa takot, naisipan kong tumayo at lumayo habang hindi tinatanggal ang tingin ko sa kanya.
"Sino ka?" tanong ko ulit. Sinubukan kong dayain ang tapang sa boses ko pero naririnig pa rin ang kaba ko. "A-at anong lugar 'to? Nasaan ako?"
"Huminahon ka, binibini. Sasagutin ko ang iyong mga tanong pagtapos kong gamutin ang sugat mo," mahinahong sabi nito. "Halika sa bahay ko."
"Sa bahay mo? Ni hindi nga kita kilala. Bigyan mo akong rason para pagkatiwalaan ka."
Bahagyang natawa ang matanda. Ngayong tinitignan ko siya, parang nagiging pamilyar ang mukha niya. Hindi ko lang talaga ma-pinpoint kung saan ko nakita.
"Binibini, wala akong balak na masama sayo. Isa pa, may iba ka pa bang inaasahan na gumamot at tumulong sayo? May kasama ka bang iba na maaari mong pagkatiwalaan?"
Napaisip ako sa sinabi ng matanda. Tama siya. Kung totoong pumasok man ako sa loob ng libro, na hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung posible ba o nababaliw lang ako, wala akong ibang mahihingan ng tulong dito.
"Sumunod ka na lang sakin kapag naisipan mo ng pagkatiwalaan ako," sabi ng matanda bago tumalikod at lumakad palayo sa akin.
"Sandali!" Tumigil ito sa paglalakad ngunit hindi tumingin sa akin. "Sagutin mo muna kahit itong tanong lang na ito."
Tila nakuha kong muli ang interes ng matanda kaya muli itong humarap sa akin.
"Nasaan ako?"
Kung ano man ang magiging sagot ng matanda, iyon ang pagbabasehan ko kung susunod ba ako sa kanya o hindi.
Ngumiti ito.
"Ikaw ay nasa kakahuyan ng Arsenia, sa kaharian ng Zavidro."
***
Palubog na ang araw nang makarating kami sa bahay ng matandang lalaking hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kilala. Isa itong maliit na bahay-kubo at lahat ng gamit sa loob ng bahay ay gawa sa kahoy.
Pagpasok sa bahay, kusina agad ang bubungad sayo at sa kaliwa ay may isang maliit na kwarto.
"Maupo ka muna diyan at maghahanda ako ng gamot para sa sugat mo," sabi nito at tinuro ang kahoy na upuan sa tabi ng kanyang lamesa.
Pero sandali, anong sugat?
Pinakiramdam ko ang sarili ko at saka nakadama ng bahagyang kirot mula sa noo ko. Nang kapain ko ito, saka ko napagtanto na may sugat nga ko doon. Hindi ko alam kung paano ko ito nakuha pero sa tingin ko ay mula iyon sa pagkahulog ko.
"Pwede niyo na bang sabihin sakin kung sino kayo?" tanong ko sa kanya habang pinapanuod siyang magdurog ng iba't ibang halaman.
"Ako si Servino Stalwart mula sa lahi ng mga mandirigma. Ikaw? Anong pangalan mo?"
Ano daw? Mandirigma? Sa itsura niyang iyan, isa siyang mandirigma?
"Ako si Rouge... uhm, isang n-normal na tao? Siguro?"
Hindi pa rin ako sigurado kung totoong nasa loob nga ako ng libro lalo pa't puro kakahuyan palang ang nakikita ko at isang tao. Pero kung pagbabasehan ko ang kahariang sinabi ni Manong Servino, pareho ito sa title ng libro sa basement na ‘Kaharian ng Zavidro’.
Pero kung totoo man, hindi ko rin alam kung aware ba ang mga tao dito tungkol sa mundo namin? Kung okay lang bang sabihin ko kay Manong yung totoo o baka naman hindi ako welcome sa mundong ito at ipapatay nalang ako bigla. Kaya sa ngayon, habang hindi ko pa alam kung pwede ba akong maging honest, susubukan ko munang magpanggap.
"Bakit tila hindi ka sigurado kung normal ka?" Hindi ko mabasa si Manong kung nagsususpetsa na ba siya dahil hindi siya tumitingin sakin o nagbibigay ng kahit anong emosyon.
"H-ha? Uhm, ano po kasi... hindi ako makapag-isip ng maayos dahil sa... s-sa sugat ko."
Mukhang nakuha noon ang interes ng matanda dahil mabilis itong tumingin sa akin.
"Naaalala mo ba kung saan ka nagmula? O sinong magulang mo? O ano ang buong pangalan mo?" sunod-sunod nitong tanong.
"P-po? A-ano pong ibig ninyong sabihin?"
Hindi ito sumagot at tinitigan lang ako ng matagal. Sandali, huwag mong sabihing nahalata niya na hindi ako galing dito? s**t!
"Sandali lang po. Magpapaliwanag ak--"
"Huwag mong sabihing nawalan ka ng alaala?" pagputol nito sa sinasabi ko na nakapagpatulala sakin. "Napakarami ko ng kasamahan na nakaranas ng ganyan. Sa tuwing kami ay nakikipaglaban, hindi maiwasang masaktan ang aming mga ulo at nagdudulot iyon ng sandali o matagalang pagkawala ng alaala."
Lumapit ito sakin at tinitigan ang mga mata ko.
"B-bakit po?"
"Ngayon ko lang napansin na kulay kape rin pala ang mga mata mo."
Uhm, contact lens po talaga yan.
"A-ano pong ibig sabihin noon?"
"Na hindi ka normal," nakangiti nitong sagot.
"Po?!"
Napalayo ang matanda dahil sa biglaang pagsigaw ko. Kasi naman, anong hindi ako normal? Doctor ang mama ko at kumpleto ako sa check up at bakuna. Wala naman nagsasabi sakin na hindi ako normal. Tapos ngayon, nakita lang ang mata ko, sasabihin na agad na hindi ako normal?
Natawa ang matanda.
"Wala ka ngang naaalala. Sige, hayaan mong ipaliwanag ko sayo ang ibig sabihin ng mga mata mo." Umupo ang matanda sa tabi ko saka binuksan ang lampara na nasa lamesa dahil nagsisimula na ring magdilim.
"Mayroong iba't ibang kulay ng mata dito sa Kaharian ng Zavidro. May asul, kape, rosas, lila, at itim. Sa mga mata ng tao nalalaman kung ano ang estado nila sa kaharian."
Ha? Sa mata nalalaman? Hindi sa trabaho o yaman?
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Ang mga taong may asul na mata ay tinatawag na mga Royal. Sila ang lahi na namumuno sa kaharian. Ang hari at reyna ng Zavidro ay kabilang sa mga Royal. Ang mga may kulay kape na mata naman katulad natin ay nagmula sa lahi ng mga mandirigma. Ang lahi natin ang nangunguna sa mga labanan at may misyong protektahan ang mga Royal kahit kapalit ang ating buhay."
Wait...
Wait lang.
Did I just make myself a warrior who's required to offer my life for the Royals when in need? NO WAY.
"Ang mga taong may kulay rosas na mata naman ay ang lahi ng mga Ada. Sila naman ang nangangalaga sa kalikasan sa buong kaharian."
Ada? Like fairies, ganun?
"May magic-- ang ibig kong sabihin kung gumagamit po ba sila ng mahika?"
Tumango ang matanda na tila normal lang iyon sa kanila samantalang ako ay hindi makapaniwala. Totoo ang magic? Pero sabagay, kung totoo ngang nahila ako sa loob ng libro, hindi na nakakapagtaka na gumagamit din ng mahika ang mga tao sa loob nito.
"Mga salamangkero naman ang tawag sa mga may matang kulay lila. Kung ang mga mandirigma ay gumagamit ng pisikal na lakas sa pakikipaglaban, sila naman ay gumagamit ng talino at salamangka upang protektahan ang kaharian."
Wow.
"Pero sandali lang po, kanina ko pa naririnig yang laban na yan. Sino po bang kalaban ninyo?"
"Ang mga itinakwil."
"Po? Itinakwil?"
Tumango si manong.
"Dahil sa kanya-kanyang estado ng mga tao at para na rin mapanatili ang kapangyarihan ng bawat lahi, ipinagbawal ng kaharian ang pagpapakasal ng isang lahi sa iba. Pero may mga tao pa ring napapamahal sa ibang lahi at nakakabuo ng isang Itinakwil."
Kumunot ang noo ko.
"Itinakwil? Agad?"
Tumango muli ang matanda.
"Itinakwil ang tawag sa mga batang nabuo mula sa dalawang lahi. Pagkapanganak pa lamang nila ay itinatapon na sila sa Bundok Hinayaan at pinapatay ang kanilang magulang dahil ito ay isang matinding kasalanan sa kaharian."
"Pero kung itatapon lang po sila doon nang walang pagkain at walang mag-aalaga, mamamatay din po sila." Bahagya akong nakaramdam ng awa sa mga baby na itinapon doon. Isa pa, kasalanan ba nila na nagmahalan mga magulang nila?
Umiling ang matanda.
"Ganun ang akala ng kaharian pero nakalimutan nila na ang mga batang nagmula sa dalawang lahi ay nagtataglay ng mga kakaibang kapangyarihan. Karamihan sa mga batang itinatapon doon ay nabubuhay at nang lumaki ay bumuo ng organisasyon na lalaban sa kaharian."
Ooh. Ganun pala ang nangyari. Well, hindi ko sila masisisi kung bakit sila galit sa kaharian.
"Ibig sabihin po, kung may makita akong tao na may ibang kulay ng mata bukod sa asul, kape, rosas, at lila, Itinakwil siya?"
Umiling muli ito.
"Dahil napag-alaman ng mga Royal na nagkakaroon pala ng ibang kapangyarihan ang mga batang nagmumula sa ibang lahi, may mga pagkakataon na nagbibigay silang permiso na magpakasal ang dalawang taong mula sa magkaibang lahi. Ang mga sanggol na nabubuo na may permiso ng kaharian ay tinatawag na mga Espesyal."
"Ibig sabihin may iba't-iba silang kulay ng mata?"
"Oo. Ngunit hindi katulad ng mga Itinakwil, ang mga Espesyal ay nagmula lamang sa mga lahi ng Mandirigma, Ada, at Salamangkero. Bilang ang kanilang trabaho ay makipaglaban para sa kaharian, hindi nila kailangan ng dugo ng isang Royal o ng isang Normal."
"Normal?"
"Sila ang bumubuo ng mahigit kalahati ng populasyon ng kaharian. Sila ang mga taong walang kapangyarihan at ang mga trabaho ay ordinaryo lamang din. Sa kanila nagmumula ang mga mangangalakal, magsasaka, alipin, at iba pa."
Ah. So, normal nga ko.
"Ang kulay ng kanilang mga mata ay itim."
Ay, hindi rin pala.
"Eh, ang berde po? May mga tao po bang berde ang mata? O sa mga Espesyal at Itinakwil ko lang sila makikita?"
Kumunot ang noo ni manong nang marinig ang tanong ko.
"Berde? Wala pa akong nakikitang tao na may berdeng mata sa kaharian."
Pati ba naman dito? Hindi ko malayang maipapakita ang mata ko?
"Ah. Pero kung sakali pong may makita kayong berdeng mata, ano pong mangyayari sa kanya?"
Nag-isip sandali ang matanda saka sumagot.
"Kagaya ng mga itinakwil, huhuliin siya at papatayin."
Sandaling tumigil ang t***k ng puso ko dahil sa narinig. Agad ko ring kinapa kung nasa bulsa ko pa ang contact lens solution na buti nalang talaga ay ibinulsa ko kanina. Pumikit-pikit rin ako para siguraduhing maayos ang pagkakalagay ng contact lens ko.
Sa ilang segundo, nakabuo agad ako ng plano. Simula ngayon, habang hindi pa ko nakakabalik sa totoong mundo, panghahawakan ko ang contact lens ko na parang buhay ko.
***