Napatingin ako sa paligid habang hawak sa isang kamay ang champagne flute na may lamang champagne. Kakaunti pa lang naman at mukhang high class bar itong pinagdalhan sa ‘kin ni Cel. Ito ngang hawak kong champagne ay paniguradong mahal. “Cel, parang mataba ang bulsa mo ngayon ah. Libre mo naman ‘to ‘di ba?” wika ko. Baka mamaya eh palinisin kami rito dahil wala kaming pambayad. Ngumisi naman siya at tinanguhan ako. “Siyempre girl, may dala akong pera rito. Ipon ko ‘to ha para dalhin ka talaga rito. T’saka kung kukulangin marunong ka naman sigurong mag-mop,” aniya. Kaagad na sinimangutan ko siya. Humagalpak naman siya ng tawa. “Ito naman, siyempre ang saya ko kaya para sa best friend ko. Simula noong nakita kitang sobrang lungkot noon gusto ko lang iparamdam sa ‘yo na nandito lang ako.

