Nakahiga lang ako sa kama ko at nakatitig sa kisame. Hindi naman ako masiyadong napagod sa trabaho pero pakiramdam ko pagod na pagod ang katawan ko. Halos hindi ko maigalaw. Nakatingin lang ako roon at napahinga nang malalim. Hindi ko alam kung ano ba talaga. Ano ba ang kailangan kong gawin? Hindi mawala sa isip ko si Leon. Nakarinig ako ng kaluskos sa binatana kaya natigilan ako. Nandito kaya siya? Mabilis na bumangon ako at pinuntahan iyon. Napabuga ako ng hangin nang makitang bukas lang pala 'yon dahil sa hangin. Wala namang tao. Paranoid na yata ako. Laging umaasa sa mga nakaraang matagal ng lumipas. "Looking for me?" Nanlaki ang mata ko at natuod sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Ang malamig at baritonong boses niya ay halos niyelo ang buo kong katawan.

