FLASHBACK:
October 20, 1987 - Catbalogan City
"Bilisan mo riyan, Eve! Parating na ang sir Nick mo. Ang kupad mo namang kumilos," bulyaw ni Mrs. Castillo na amo ni Eve. Lerma ang pangalan nito. Pangalan pa lang tunog masungit na. Hindi lang 'yan; matapobre pa.
"Tapos na po," tugon ni Eve na tumatakbo pababa mula sa silid ni Nick. Hindi niya pa ito nakita sa personal dahil sa Cebu ito nag-aaral ng engineering. At yamang dalawang buwan pa lang naman siya mula nang dumating siya sa pamilyang Castillo, hindi niya ito naabutan noong huling uwi nito. Tanging highschool graduation picture lang ang nakita niya na nakasabit sa may dingding. Ayaw naman ding niyang maki-alam sa mga photo album ng pamilya baka mapagalitan pa siya.
"Nalinis mo ba nang maayos?" tanong nito sa kanya pagkababa niya. Nakapamaywang pa.
"Opo," matipid niyang tugon.
"O siya, tulungan mo Jen sa kusina para maihanda niyo na ang pagkain sa mesa."
"Opo." At saka dumako si Eve sa kusina kung saan naroon ang kaibigan na si Jen. Kahit pa kamag-anak si Jen ng pamilyang Castillo, kasama niya ito sa mga gawaing bahay dahil pinapaaral ito ng pamilyang Castillo. Pamangkin ito sa pinsan ni Mr. Castillo.
"Tulungan na kita, Jen," wika ni Eve pagkalapit niya kay Jen.
"Nagbubunganga na naman ba si tita?" wika nito sabay abot kay Eve ng bandehadong puno ng binukohang pansit. Paborito ito ni Nick at sikat ito sa lugar nila.
"Oo. Mukhang hindi sasaya ang araw ni ma'am kung hindi niya nagbubunganga." Isang taon lang naman ang tanda nito sa kaniya kaya hindi na niya ito tinatawag na ate.
"Huwag mo na lang dibdibin ang mga sinasabi niya. Pakidala mo na sa mesa 'yan baka uusok na naman ang ilong ni tita."
Kahit papaano ay nakahanap si Eve ng kakampi sa bahay na iyon. Mabait si Jen sa kanya, at tinuring siya nitong kaibigan. May histura din si Jen, petit at morena na ma-appeal. Laki din kasi sa mahirap na pamilya si Jen kaya sanay ito sa gawaing bahay. Pamangkin ito sa pinsan ng amo niyang lalaki. Ang nanay ni Jen at si Mr. Donny Castillo ay second degree cousin. Bale, third degree cousin na sila ni Nick. At kahit pa kamag-anak nito ang amo niyang lalaki, hindi ito nakakaligtas sa bunganga ng amo niyang babae.
Akmang papasok ng dining area si Eve nang marinig niyang may sasakyang huminto sa harap ng bahay ng mga Castillo. Sa isip niya, baka ito na nga ang anak ng amo niya. At hindi siya nagkamali. Si Nick nga.
Tumuloy si Eve sa dining area upang ihanda ang pagkain at dali-daling inayos ang mga kubyertos saka bumalik sa kusina. Ayaw niyang maabutan siya ng mag-ina sa dining area. Samantala, sinalubong ni Mrs. Castillo ang anak na pababa ng kotse.
"Congratulations, anak!" bati ni Mrs. Castillo sa anak at sabay yakap nito.
"Ma, Octoberian ako. Technically, hindi pa ako nakapaso," paglilinaw ni Nick. Sa totoo lang hindi niya talaga gusto ang kursong engineering. Gusto niyang mag-BSMT pero ang ama niya ang mapilit na mag-engineering siya. Kaya naman, nahirapan siyang itawid ang mga subjects. May naiwan siyang units noong huling semester kaya naging Octoberian siya. Diktador ang kaniyang ama sa loob ng tahanan. Palibahasa'y koronel ito kaya kung itinuturing nito ang mga anak ay para bang mga kadete.
"Ganoon din iyon. Ga-graduate ka pa rin. Halika, naghanda ako ng paborito mo." Hinila nito papasok ng bahay ang anak. Pagkuwa'y tinawag nito si Jen para kunin ang mga gamit ni Nick. Sa totoo lang, ang naghanda ng pagkain ay si Jen, hindi si Mrs. Castillo. Hindi man lang nagbigay ng kredito kay Jen ang ginang.
"Oy welcome back, kuya! Congratulations!" wika ni Jen noong makita si Nick.
"Salamat, Jen. Pagkatapos mong ipasok ang mga gamit, sabay ka na sa amin kumain. Namiss na kitang kakwentuhan eh," wika ni Nick.
"Sure," napangiti si Jen habang tinungo ang mga gamit ni Nick sa labas. Kahit papaano bumalik na ang kakampi niya.
Sa apat na miyembro ng pamilya, si Nick lang talaga ang maka-tao ang ugali. Ang bunsong kapatid nitong si Lindy ay saksakan ng kamalditahan. Nagmana sa pinaghalong ugaling bossy ng tatay nila at pagiging mataray ng nanay nila. Ka-edad lang ito ni Jen pero hindi ito naging malapit kay Jen. May-kaya ang mga kinakaibigan nito.
Masayang nagkukwentuhan sina Jen, Nick, at ang mommy niyang si Lerma nang dumating ang daddy niyang si Col. Donny Castillo. Natigil ang kanilang usapan dahil biglang sumingit ito.
"Nandito na pala ang aming Octoberian?" wika nito. Hindi malinaw kay Nick kung panunuya ba ang sinabi ng ama niya o pagbati.
"Good..." babati sana si Nick pero sumingit ang ama.
"Bakit mo pinabayaan ang studies mo?" wika nito habang umuupo sa upuan katabi ng mommy niya. Kararating nga lang Nick, nagsisimula na naman ang ama niya. Sisermunan na naman siya.
"Hon, kararating lang ni Nick. Ni hindi mo man lang siya babatiin? Kararating mo lang din, ayaw mo bang kumain muna bago ka magsermon?" wika ni Mrs. Castillo sa asawa. Pero hindi ito nagpaawat.
"Paano ko naman siya babatiin eh hindi pa naman 'yan pumaso?" madiing tugon nito.
Sa puntong iyon, hindi na nakapagtiis si Nick. Binitiwan niya ang hawak-hawak na kubyertos at akmang papanhik sa kwarto niya. Pero parang nasaktan ang ego ng ama niya.
"Diyan ka magaling. Ang mag-walkout. Magsasayang ka lang pera at panahon. Kung pinagbutihan mo sana..."
"Sana kayo na lang ang pumasok ng kursong gusto niyo para sa akin. Paano niyo nasabing nagpabaya ako sa studies ko? Ni hindi niyo nga ako kinumusta kung nahihirapan ba ako o okay ba ako. Sinunod ko po ang gusto niyo kahit hirap na hirap ako!" Inilabas ni Nick ang sama ng loob niya na matagal na niyang kinikimkim sa daddy niya. Hirap na hirap din talaga siya na maitawid ang kursong engineering. Una, hindi ito ang pangarap niya. Pangalawa, hindi niya forte ang math at drawing. Pero sinunod niya pa rin ang gusto ng daddy niya kahit pa sobrang pahirap ito para sa kaniya. Gusto sana niyang maging mabuting anak para dito. Na kahit papaano ay sa pamamagitan ng kanyang pagkamasunurin ay ipagmalaki rin siya ito. Pero hindi ito nangyari. Laging hindi sapat para sa daddy niya ang mga ginagawa niya.
"Aba, sumasagot ka na ah! May maipagmamalaki ka ba? Wala ka pa ngang narating eh ganyan ka na."
"Wala talaga akong mararating kung ang mismong magulang ko ay hindi susuporta sa akin. Puro pagkukulang ko na lang ang nakikita ninyo. Laging hindi sapat ang mga ginagawa ko para sa inyo. Okay sana kung desisyon kong pasukin 'to. Eh hindi eh. Desisyon niyo ito! Nagdesisyon kayo para sa akin na hindi niyo man lang inalam kung gusto ko ba ito o kung masaya ako dito. Kung minsan nga iniisip ko, anak niyo ba talaga ako? Hindi mo po kasi maramdaman." Mangiyak-ngiyak na wika ni Nick. Hindi na talaga siya nagtira. Nilubos-lubos na niya. Nagdilim ang paningin ng ama at dali-dali itong tumayo sa kinauupuan at sinugod ng suntok si Nick. Tinamaan si Nick sa panga, sa lakas ng pagkasuntok, pati gilid ng labi ni Nick ay pumutok. Nawalan ng balanse si Nick at napasubsob sa mesa na may pagkain. Nagsigawan ang mommy niya at Jen ng puntong iyon. Mabuti na lang hindi siya tumama sa babasaging baso o plato. Nakaiwas siya sa sugat. Pero ang baso ay nahulog at nabasag.
"Patayin niyo na lang ako!" sigaw ni Nick sa ama niya habang pinipilit na iniayos ang tindig mula pagkasubsob.
"Aba, bastos ka talaga..."
"Tama na! Tama na! Mamatay ako nang maaga sa inyo eh," sigaw ni Mrs. Castillo na pumapagitna sa dalawa. "Para niyo nang awa. Itigil niyo na ito," dagdag nito habang lumuluha. Mabuti na lang kumalma kahit papaano ang ama ni Nick at dali-daling tumalikod at nilisan sila sa ganoong eksena. Inalalayan naman ni Jen at ni Mrs. Castillo si Nick at pinaupo sa upuan ng dining area. Maya-maya'y nagpa-alam ito.
"Ma, akyat muna ako sa kwarto,"wika ni Nick.
"Sige, anak."
Sa kabilang banda, nagulat si Eve nang marinig na nagsasakitan ang mag-ama sa dining area. Kahit pa takot na takot siya ay pinilit niya pa ring makiusyoso at lumapit nang bahagya sa eksena. Nag-iisip siya kung paano makatutulong upang humupa ang galit ng mag-ama pero wala siyang maisip na paraan. Kaya parang siyang tuod na nakatingin na lang sa na nagyayari. Hindi niya maklaro ang hitsura ni Nick dahil napasubsob ito sa mesa nang dumating siya ngunit gayumpaman, nakaramdam siya ng awa dito. Naulinigan niya kasi ang mga sinabi nito sa kusina. Hindi naman siya uring Marites pero may kalakasan ang nangyari kaya narinig niya ito.
Awtomatikong dinala siya ng katawan
papalapit sa mesa.
"Ma'am, lilinisan ko lang po sandali ang mga bubog baka masugat kayo," wika ni Eve nang makalapit. Diretso ang tingin ni Eve sa lapag kaya hindi na niya nakita pa mukha ni Nick ng paalis ito sa eksena. Palibhasa'y natakot din siya sa nangyari, bakas sa kamay niya ang panginginig at hindi siya nag-iisip at dinampot niya ang mga debris dahilan para masugatan siya.
"Aw!" napasigaw siya. Nabaling sa kaniya ang tingin ng dalawa. Hindi naman malalim ang sugat pero takot siya sa dugo. Kaya nang nakita niya ang dugo na lumabas sa sugat ng kamay niya, nanlambot ang mga tuhod. Unti-unti siyang napaatras habang nakatingin sa sugat.
"Jen...d-dugo. Jen..." tanging nasambit niya bago siya nawalan ng malay.