Liegh's POV
Napahigpit ang hawak ko sa perang binigay ng lalaking iyon. Halos malamukos sa pagkakakuyom ng kamao ko. Kakatukin ko sana siya para ibalik iyon pero nang maalala ang huling sinabi niya, para naman akong nakunsensiya. Bakit parang bigla siyang nalungkot at nagalit?
Nagpatuloy na lamang ako sa paglilinis sa ibang check-out ko. Pero panaka-nakang sumasagi sa isip ko ang lalaking iyon na ilang beses ko nang nakabanggaan.
"Bakit ko ba pinag-aaksayahan ng panahon ang lalaking iyon? Para naman akong nanay na nag-aalala!" Pilit kong sinasaway ang aking sarili na maapektuhan.
Bumuntong hininga ako nang malalim habang kumukuha ng malilinis na tuwalya sa cart ko.
"Ang lalim ng buntong hininga ah! Anong meron?" Napasulyap ako sa nagsalita mula sa aking likod.
"Wala!" sagot ko sa tanong ng room checker namin na pinay. Si Anjeline.
Nagkibit-balikat siya saka tiningnan ang papel sa cart ko. Iyon ay listahan ng mga silid na lilinisan ko. Titingnan niya kung ano na ang puwede niyang check-in sa mga natapos ko ng kuwarto.
Thirty minutes ang alloted time para sa isang check out. Doon rin nila binabase ang oras ko sa trabaho. Fourteen rooms sa isang araw. Suwerte na ako kung mas maraming occupied dahil madali lamang linisan at minsan pa nga ay mayroong 'Do not disturb sign' sa pinto nila.
Ngayon ay may siyam akong check out at may limang daily. Suwertihin sana ako na walang sobrang madumi para naman hindi ako mahirapan.
"Bukas, hanggang alas tres lang ako ha, Anj. Susunduin ako ng kaibigan ko rito," paalala ko sa kanya. Nagpaalam na kasi ako kanina na maagang uuwi kaya dapat ay konti lang ang ibigay sa akin na kuwartong lilinisan.
"Depende..." sabi niyang nagtaas baba ang balikat at may ngisi sa labi. Inirapan ko siya at sinimangutan. "Kung date iyan eh, kahit alas dos pa paaalisin na kita, pero kung wala rin naman, ikaw na ang tatapos ng lahat," natatawa niyang sabi na lalo kong ikinasimangot. Isa rin siya sa mga taong nagpu-push sa akin na magnobyo na.
Limang taon na ako sa hotel bilang part-timer. Sabado at linggo, at kung holiday o kaya ay bakasyon ako sa senior's home ay dito sa hotel ako nagtatrabaho. Limang taon ko na rin kakilala si Anjeline. Masasabi ko rin naman na mabuti siyang katrabaho at kaibigan, hindi nga lamang kami ganoon ka-close.
Umalis ako sa harap niya para lagyan ng malilinis na tuwalya ang silid na ready na. Natatawa siyang sinundan ako at tsinek ang loob ng kuwarto. Pagkatapos ay pinuntahan ako sa loob ng washroom at humarang sa pinto.
"Oo na, niloloko ka lang eh, parang may regla naman itong babaeng ito!" palatak niya pero hindi ko siya pinansin. "Nga pala, tumawag sa front desk ang room 1215." Agad akong napabaling ng tingin kay Anj sa narinig. "Grabe ah, first time tumawag para lang purihin ka. Sobrang nagustuhan ni Mr. Guwapo ang trabaho mo. Who to be you po?" may kung ano sa ngisi at tingin niya sa akin.
Napalunok ako at pilit inaabsorba ang sinabi ni Anj. Tumawag nga ang lalaki, pero hindi para isumbong ako kundi purihin?
"Hindi ko naman nalinisan talaga ang kuwarto niya dahil naroon siya at ayaw niyang umalis," amin ko at lalabas na sana sa washroom pero pinigilan ako ni Anj at hinawakan pa sa magkabilang balikat.
"Talaga? Naroon siya sa loob? Hindi nagpapalinis iyon na naroon siya eh, laging umaalis," muli niyang tanong na para bang nagdududa pa.
Inalis ko ang kamay niya sa balikat ko at lumabas na sa kuwarto para iwanan siya roon. Pinuntahan ko agad ang cart ko para itulak sa susunod na kuwartong lilinisan ko. Bumaling muna ang tingin ko hallway, sa gawi ng kuwarto ng lalaking iyon. Muli, napabuga ako ng hangin at napalabi. Ngayon ay kinakain na talaga ako ng konsensiya ko dahil sa bigla niyang inasal kanina.
Nagpatuloy ako sa paglilinis. Ala una na noong magpasya akong mag-break at mananghalian bago linisan ang natitirang apat na kuwarto. Ito naman ang maganda, kahit maaga akong matapos sa paglilinis, buo pa rin naman ibibigay ang walong oras ko.
Pagkatapos kong maayos ang cart ko sa loob ng storage room, nagpasya na akong bumaba. Kasalukuyang pasara na ang elevator nang may pumigil doon. Napairap ako sa hangin nang pumasok ang lalaking kanina pa bumabagabag sa isipan ko. Napakalawak na naman ng ngiti niya sa labi. Lalong sumingkit ang singkit niyang mata
"Hi!" bati niyang hindi ko pinansin. Mukhang okay na siya at hindi na galit.
Umusog pa ako palayo sa kanya sa gilid. Ang luwang-luwang ng elevator dahil kami lang na dalawa pero, pakiramdam ko sinakop niya lahat iyon. Sa tangkad niyang tantiya ko ay nasa 6 ft. Maganda rin ang hubog ng kanyang katawan. Ngunit mas napuna ko na parang napakalambot ng kanyang balat. Sa mukha na lang ay makinis na makinis na. Daig pa ang babae at halatang palaking mayaman.
Sandali, ano bang iniisip ko? Napalunok ako at napatungo na lamang. Ramdam na ramdam kong nakatitig siya sa akin. Nang mag-angat ako ng tingin, naroon pa rin ang ngiti niya sabay may pakindat pang nalalaman.
Inirapan ko siya para itago ang nararamdaman. Bakit ba parang hindi ako makahinga? Ang lakas bigla ng kabog ng dibdib ko. Napatingin ako sa nagpa-flash na numero sa taas ng elevator at nasa 10th floor pa lang kami. Bumukas muli ang elevator at bumulaga sa amin ang mga tao. Parang pupunta sa party ang mga ito dahil nakabihis ng maganda.
Pumasok sila kaya napaatras ako at napasiksik sa pinakagilid. Bigla na lang sumikip sa loob, akala ko ay mapipipi ang payat kong katawan sa mga tao pero agad na may humarang bago pa man makalapit ang isang matabang pigura sa gawi ko.
Napatingala ako sa lalaking kasama ko kanina. Napatukod ang palad niya sa dingding ng elevator habang nakaharap siya sa akin. Napalunok akong sinalubong ang mga mata niyang may nakapagkit na ngiti. Gumalaw-galaw pa ang kanyang kilay habang nakatitig rin sa akin.
Nang muli ay may sumiksik kaya halos magkadikit na kami dahil bahagya siyang naitulak. Naitukod ko na rin ang kamay ko sa dibdib niya para mapigilan siyang lalong lumapit sa gawi ko.
"Sorry, wala na akong maatrasan," sabi niya. Hindi na lang ako nagsalita.
Nagulat ako nang gumalaw ang elevator. Muntik pa akong matumba pagilid kung hindi niya lamang ako naagapan at nahawakan sa beywang. Dahil doon ay lalong nagkaroon ng tyansa ang mga taong kasama namin sa elevator na umusod sa gawi namin.
Ngayon ay nasiksik na talaga kami at wala ng pagkakataong makagalaw pa.
"Magtiis ka na lamang, tutal malapit naman na tayo," bulong niyang ikinapanindig ng buhok ko sa leeg. Ramdam na ramdam ko ang hininga niya noong bumaba ang mukha niya para bulungan ako.
Ano pa bang magagawa ko? Kainis lang dahil parang ang bagal-bagal ng pagbaba ng elevator. Pinipigilan ko pa namang huminga, hindi dahil mabaho sa loob, kung hindi dahil sa kaharap ko. Hindi kp sinasabing mabaho siya. Napakabango nga niya eh, ayaw ko lang manuot sa ilong ko ang amoy at at baka hanap-hanapin ko.
"Are you still okay in there?" muli niyang bulong sa tainga ko, kaya naman napabaling ang ulo ko para tingnan siya.
Ang kamali ko, hindi ko natantiyang maliit na pala ang espasyong namamagitan sa amin. Halos kadangkal na lang ang pagitan ng mukha ko sa mukha niya.
Napaatras ako kahit wala naman na akong aatrasan. Agad akong nagbaba ng aking mukha at piping dumalangin na sana makarating na kami sa main floor. Sa main floor rin kasi ang tungo ng mga kasama namin sa elevator.
Namamawis na ang kamay kong nakatukod sa matipunong dibdib ng lalaki. Pero bigla akong nahiya nang mapagtantong amoy pawis din pala ako dahil galing ako sa paglilinis. Nakapagpalit lamang ako ng damit ngunit hindi pa nakakaligo. Lalo tuloy akong nabalisa at nahiya na maaring amoy na amoy na ako ni Totoy.
Nang muling tumunog ang elevator hudyat na nasa tamang palapag na kami. Nag-umpisa na ring lumuwag at naglabasan ang mga kasama namin sa elevator. Akala ko ay bibitiwan na niya ako ngunit, wala ng tao sa elevator ay nakahawak pa rin siya sa beywang ko. Nasa dati pa rin kaming puwesto.
"B-bitiwan mo na ako..." nauutal ko pang utos na para bang napapaso. Tumingala ako sa kanya.
Nagsalubong ang mga mata namin, titig na titig siya sa akin na ngayon ay seryoso na.
"Ang totoo, Miss? Gusto mong bitiwan kita pero, ikaw ang ayaw bumitiw," sabi niyang yumuko at tiningnan ang kanyang dibdib.
Nagawi rin ang tingin ko roon. Agad kong naalis ang kamay kong nakakuyumos na sa kanyang polong suot. Pero, agad ko rin naman binalik at inayos ang gusot sa pamamagitan ng palad ko. Mali! Mali na naman ako ng kilos dahil nahihimas ko ang kanyang matigas na dibdib. Agad ko ulit binawi ang kamay ko.
Naringgan ko ulit siya ng mahinang tawa. Ngayon ay binitiwan na niya ako at nauna ng lumabas sa elevator. Ako naman ay humugot muna ng malalim na hininga bago tuluyan na ring naglakad.
Nakakailang hakbang pa lamang ako palayo sa elevator nang makita kong patakbong naglalakad ang lalaki at nakayuko pa. Nagtataka akong sinundan siya ng tingin hanggang sa bigla siyang pumunta sa likod ko at nagtago.
Iwinaksi ko ang kamay kong hinawakan niya nang makapagtago na siya sa likod ko habang patuloy akong naglalakad. Sa liit ko at laki niya, parang hindi naman siya makikita ng kung sino.
"Hey!" untag niya sa akin habang kinakalabit ang likod ko.
Tumigil ako at nilingon siyang nakakunot noo. Tumingala siya sa akin na may nakakalokong ngiti sa labi. Nakayuko pa rin na tila may tinataguan talaga.
Muli akong naglakad. Nakasunod rin siya sa akin. Malapit na ako sa reception area nang muli akong napatigil.
"I'm here to see my boyfriend. He's from room 1215," rinig kong ika ng isang babaeng puti. Naka-short ito ng maikli at hanging blouse.
Muli kong nilingon ang lalaki sa likod ko. Ngayon ay nakakapit na siya sa bag na dala ko habang sinesenyasan ang Pinay na receptionist. Napailing na lamang ako dahil mukhang ang puting dalaga ang tinataguan niya. Tsk! Kabataan nga naman!
Napalingon sa amin ang receptionist kaya lumihis ako para makita niya ang lalaking senyas nang senyas na sabihing wala siya. Agad nga lamang ulit nagtago sa likod ko dahil lumingon rin ang babae sa gawi namin. Alanganin tuloy akong napangiti. Buti rin lang at natabi ako sa isang halaman kaya hindi siya napansin ng babae.
"He's not here, Ma'am. You can call him and ask his whereabouts." Muli akong napailing dahil pinagtakpan nga siya ni Jenny na receptionist namin. "Do you know his name? number?"
"Ah..."
Nakita ko kung paano mataranta ang babae kaya muli kong nilingon ang lalaki sa likod ko. Nag-peace sign ito sa akin na nakangisi. Inirapan ko siya, malinaw na ka-fling o kalaro lamang niya ang puting babae. Ni hindi pa yata magkakilala ang mga ito.
"Pati siguro ikaw hindi mo kilala ng babae kaya tinataguan mo?" tanong kong nakapinid ang bibig para hindi halatang may kausap ako.
Natawa ang lalaki at muling sumilip.
"Kagabi ko lang siya nakasama. For me, one night is enough!"
Muli ko siyang inirapan. Ang mga kabataan talaga, masyadong mapaglaro maging sa pag-ibig. Gusto ko tuloy siyang ibuko pero naisip ko si Jenny na nagsinungaling na para pagtakpan ang mokong na nasa likod ko. Kaya naman naghintay na lamang ako na makaalis ang babae. Hindi naman nagtagal.at umalis din ito, lalo na noong tinawagan ni Jenny ang numero ng kuwarto ng lalaki. Siyempre walang sasagot dahil nasa likod ko ito.
"Thank you."
Hindi ko na siya pinansin at lumayo na. Napatingin ako sa aking relo. Naiwan na ako ng bus na hinahabol ko pauwi. Maghihintay na naman ako ng tatlumpong minuto.
"Thanks, Jenny!" Rinig kong wika ng lalaki sa receptionist.
Pinaikot ko ang bola ng mga mata ko. Pasalamat siya talaga at si Jenny ang nakatao roon. Kung hindi? Ewan ko na lamang.
Muli akong naglakad pabalik, tatambay muna ako sa lobby kesa maghintay sa labas, nang makasalubong kong muli si Totoy.
Akala ko ay lalagpasan niya ako. Pero tumigil siya bahagya sa harap ko, pagkatapos ay hinila niya ako sa palapulsuan na walang sabi-sabi.
"Sandali..."
Nagpumiglas ako dahil ayaw kong sumama. Bakit ba lagi akong hinihila ng lalaking ito?
"Let me take you home, my thank you for saving my single life!"