Chapter 3

1869 Words
Kasalukuyan akong naghahanda para lumabas. Magkikita kami ni Kristel sa Southgate Mall para mamili. Ang loka, kailangan daw magmaganda sa pupuntahang party lalo na at medyo sosyalin ang mga panauhin. Dinamay pa talaga ako na walang pera. Oo, wala akong ipon dahil nangutang ang kapatid ko para sa negosyong gustong ipatayo. Humindi ako noong una dahil napakalaking halaga ang hinihingi nila, napilitan lamang ako noong halos isang buwan akong hindi kinibo ni Mama. Kahit tawag ako ng tawag ay hindi nila pinapansin. Ang bagsak ko, binigay ang kagustuhan nila para wala ng gulo sa pagitan naming mag-ina. Lalo na noong isumbat ni Mama kung bakit narito ako ngayon. Ipinangutang niya ang mga ginastos ko para makapag-abroad. Hindi ko naman kagustuhang lumayo, ngunit tila ipinagtulakan talaga ako palayo. "Konting bagay lang ang hinihingi namin  sa iyo, Liegh. Wala ka riyan kung hindi kami nagsakripisyo!" sumbat ni Mama minsang kausap ko. Boses niya lang ang naririnig ko dahil nakapatay ang video niya sa  messenger. "Ma, hindi naman po sa ganoon. Hindi ko maibibigay ang perang iyan basta-basta! Kalahating milyon po ang hinihingi ninyo," ika kong hindi mapigilang gumaralgal ang boses. Sa bawat usapan namin, lagi na lamang kaming nagdidiskusiyon pagdating sa pera. "Imposibleng wala kang pera. Maliit na halaga na nga lamang ang ipinapadala mo rito. Kulang na kulang sa amin, kaya imposibleng wala kang ipon!" pamimilit niya. Na animo'y namumulot lamang ako ng pera. Her mentality is like the others, na kapag nasa abroad, masarap ang buhay. Maraming pera. Sagana. Hindi nila alam ang hirap na dinadanas ko araw-araw dito. Buti nga sila nakakakain sa mamahaling restaurant. Nakakabili ng mamahaling damit. Nakakapag-happy-happy, hindi halatang walang pera. Samantalang ako? Para lamang maibigay ang kapritso ng mga kapatid ko na makapag-aral sa mamahalin at pribadong paaralan ay tinipid ko ang sarili ko. Ngunit anong napala ko? Nakapagtapos nga ngunit nagsipag-asawa naman kaagad. Napapikit ako at tahimik na napaluha. Kinukulang pa talaga nila ang halos eighty porsiyentong binibigay ko sa kanila mula sa suweldo ko. Kakaunti na lamang ang pinagkakasya ko para sa akin at para kahit papaano ay may maipon ako para sa sarili ko. Halos double job ako at walang pahinga para maibigay lamang ang gusto nila. Dahil may utang na loob ako at mahal ko sila bilang pamilya. But then, napaka-unfair ng trato nila sa akin. Sa una, inakala kong dahil ako ang panganay at talagang ako ang inaasahan nila. Ngayon ko na lamang talaga napagtatantong iba ang turing ni Mama sa akin, hindi dahil sa panganay ako, alam kong may mas malalim pang dahilan at hindi ko kayang tanungin para alamin. Natatakot ako sa maaaring katotohanan. Pilit kong pinigilan ang hikbi na nais kumawala sa bibig ko. Alam kong may mali pero heto, nagtitiis ako para sa ikabubuti nila. Para mabigyan ko sila ng masaganang buhay, na wala ako rito. "Kapag kumikita na ang negosyo ng kapatid mo, kahit magkalimutan na tayo. Iyong-iyo na ang pera mo!" dagdag pa ni Mama na lalong nagpasakit sa kalooban ko. Anong nagawa kong kasalanan para tratuhin niya ako ng ganito? Ginagawa ko naman ang lahat pero hindi niya ako kayang ituring na pamilya, anak. Sa umpisa pa lang, hindi ko na naramdaman na anak niya ako. "S-sana naman hindi tayo humantong sa ganito ma..." hindi ko na mapigilang mapahikbi. Ang sakit sa loob na babalewalain na lamang nila ako kung sakaling gumanda na ang buhay nila roon. "Huwag kang mag-drama! Hindi mo ako makukuha sa paiyak-iyak mo!"asik ni Mama at halatang naiirita na. Kinagat ko ang aking labi at pinahid ang luha sa aking pisngi. Talo pa rin ako sa kanila. Hindi ko pa rin sila kayang talikuran at tikisin. "Ipapadala ko po ang pera sa isang linggo. Bigyan niyo ako ng panahon para mapag-ipunan pa ang kulang," pilit kong pinasaya ang boses ko. Sinabi ko sa sarili kong pera lamang iyon at mapag-iipunan ko pa. Ang pamilya ay hindi. Mahirap silang mawala. Kinukumbinsi ang sarili na hanggang salita lang naman si Mama. Labas sa ilong na kakalimutan nila ako. Pagkapatay ng call ay muli akong napahagulgol habang niyayakap ang sarili, pakiramdam ko, ako lang ang natatakot na mawala sila. Ako lang ang natatakot na itakwil nila. Ayaw ko lang aminin sa sarili ko na sanay naman silang wala ako sa buhay nila. Binuhos ko ang ilang oras sa pagmumukmok at pag-iyak sa kuwarto. Kailangan kong ilabas ang bigat sa dibdib ko, kung hindi ay baka mabaliw na ako o kaya magkaroon ng sakit sa puso. Kahit papaano, kahit mag-isa ako, ayaw kong kimkimin pa ang nararamdaman ko. Tama nga siguro si Kristel. Kailangan kong hanapin ang kaligayahan ko. Ayaw kong mag-isa habang buhay. Natatakot akong tumanda na lang talaga na wala man lang aalalay sa akin. Ayokong tatandang malungkot ang buhay ko gaya ng matatanda sa aking trabaho. Pinahid ko ang aking luha sa pisngi at umalis na mula sa pagkakadukdok ng mukha sa unan. "Kaya ko ito. Malakas ako. 'Di ako papatalo!" Pagpapalakas ko sa aking kalooban. Kinaya ko noon, kakayanin ko pa rin hanggang ngayon. Naglalakad ako at nag wi-window shopping habang hinihintay si Kristel. Ang loka, nagawa pang magpa-late, alam naman na may usapan kami. Nakalingon ako sa isang manikin habang mabagal na naglalakad nang bigla ay maramdaman ko ang pagkabasa ng aking damit. "Oh my gulay!" bulalas kong nanlalaki ang mata. "I'm sorry, Miss!" Pilit pinunasan ng boses lalaki ang damit kong nabasa ng hawak niya. Lumayo ako nang bahagya sa lalaki dahil iba na ang nasasagi niya sa pagpunas. Nasasagi niya ang gilid ng aking kanang dibdib. "I'm sorry, bigla ka kasing tumigil," pagtatanggol niya sa sarili na ikinataas ng kilay ko. Napaismid pa ako nang maharap ko na siya. Mukha siyang bulag sa suot na sunglasses. Ngunit napatigil ako dahil mukha siyang pamilyar. Pakiramdam ko ay nakita ko na siya pero hindi ko tanda kung saan. "So kasalanan ko? Ikaw ang nakakita sa akin sana iniwasan mo ako!" Pagsusungit ko dahil nanlalagkit ang pakiramdam ko. Softdrinks ba naman ang matapon sa akin. Hindi naman mamahalin ang suot kong t-shirt na itim at jegging pants pero perwisyo pa rin ang nangyari sa akin. Lalo akong nainis nang marinig ko siyang tumawa. Pinanlisikan ko siya ng mata. May gana pa talaga siyang tawanan ako. Tatalikuran ko na sana siya nang tanggalin niya ang suot na salamin sa mata. Napaawang ang labi ko dahil nakilala ko agad siya kahit walang sumbrero. "Ikaw?" bulalas ko. Mas lalo ko tuloy gustong lumayo sa kanya. Siya ang lalaking nakatabi ko sa bus. Biglang may kung anong damdamin ang lumukob sa sistema ko. Bakit ba ganito ang pakiramdam ko sa tuwing makakaharap ko ang lalaking ito? Pangalawang beses pa lang naman pero tila ba, isa siyang magneto. Minabuti kong tumalikod nang pigilan niya ako sa aking braso. Napapiksi ako at hinila agad ang braso ko dahil sa kung anong kuyenteng naramdaman ko hanggang sa mga himaymay ng daliri ko sa paa. "You look more awful today, Miss. Okay ka lang ba?" Tila umakyat lahat ng dugo ko sa ulo. Pakiramdam ko ay kumukulo iyon sa sinabi niya. Okay na sana eh! Okay na sana na parang nag-aalala siya, pero ang sabihin na mas pangit ako ngayon? Sumosobra na ang lalaking ito. "Let's go. Bibilhan na lang kita ng bagong damit. I ruined your clothes so let me pay for that!" ika niyang hinila na ako. Hindi ako binigyan ng pagkakataong makatanggi. Hinihila ko ang aking kamay ngunit mas lalo niyang hinigpitan iyon. Bago kami makapasok sa loob ng shop ng mga damit, initsa niya muna ang dalang softdrinks sa basurahan. Agad niya akong dinala sa saleslady na nakaabang sa mga mamimili. Malawak ang ngiting binati kami. "Miss, do you have more sizes of that dress?" tanong niyang itinuro ang manikin na tinitignan ko kanina. Suot nito ang damit kung kayat nabuhusan ako ng softdrinks. Hindi kasi halos matanggal-tanggal ang tingin ko roon. "Yes, Sir," sagot ng saleslady na malawak pa rin ang ngiti. "Give me size, ahmm..." Bumaling siya ng tingin sa akin. Tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Nag-init ang mukha ko sa paraan ng pagtitig niya. Tila ba sinusukat niya ang bawat sukat ng katawan ko. "I think, size eight!" Agad kong hinila ang kamay kong hawak niya. Pinakawalan naman niya iyon. Babaling sana ako sa saleslady para pigilan ngunit nakaalis na ito. "Anong ginagawa mo?" tanong kong puno ng panggigigil nang harapin ko siya. Mahina lamang ang boses ko dahil may iba ng customer na pumasok sa shop. Halatang mga sosyalera. "Buying you some clothes!" tila walang ganang sagot niya at naupo sa upuan na pasadya para sa mga customer. Tumayo ako sa harapan niya at pinameywangan siya. "Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ang mga damit dito? Mumurahin lamang itong damit ko kaya hindi worth na ibilhan mo ako niyan!" "Hindi naman ikaw ang bibili, ako! So stay here and wait para maisukat mo," sagot niyang tinampal ang bakanteng upuan sa tabi niya. Hindi ako makapaniwalang muling napatitig sa kanya. "Totoy, payo lang galing sa mas nakakatanda sa iyo  at marami ng karanasan sa hirap ng buhay." Tumigil ako nang taasan niya ako ng kilay. Nanggigigil akong nagpatuloy sa pagsasalita "Huwag padalos-dalos sa paggasta ng pera. Kawawa naman ang mga magulang mo na sa isang damit, gagastos ka ng mahal. Ipunin mo na lamang para sa kinabukasan mo!" Umalis ako sa harap niya at mabilis na naglakad pagkatapos sabihin iyon. Ngunit hindi pa ako nakalalabas sa shop ay naharang niyangmuli ako. Masama ang titig ko sa kanya habang malawak ang ngisi niya sa labi. "Miss, una sa lahat, huwag kang mag-alala, hindi kita pagbabayarin sa damit. Pangalawa, it's my money. I earned it so I spend it whatever and whenever. Pangatlo..." Tinaasan ko siya ng kilay sa pagbitin niya ng sasabihin. Mukhang nakikita ko na kung anong ibig sabihin ng ngisi at tingin niya. "You really need make-over. Para hindi ka magmukhang mas manang sa edad mo. To think na siguro, maliit lamang naman ang agwat ng edad natin," napakakaswal na ika niya,'di pa rin naaalis ang ngisi sa labi. Natameme ako sa sinabi niya. Tila naumid ang dila ko. Minumura ko na siya sa isip ko pero wala namang lumalabas na salita sa bibig ko. Huminga ako ng malalim saka muling umiwas sa kanya at mabilis na naglakad. Hindi pa ako nakalalayo ay hinabol naman ako ng saleslady. Dala na ang bag at iniaabot sa akin. "Miss, this is for you. It was already paid." Napaawang ang bibig ko. Ayaw kong kunin ngunit pilit niyang kinuha ang kamay ko at ipinahawak ang bag na ang laman ay ang damit. Agad rin umalis sa harap ko ang saleslady. Muli akong naglakad ngunit sa pagkakataong iyon, patungo ang mga paa ko sa loob ng shop para hanapin ang lalaki. Subalit hindi ko siya mahagilap sa kung saan. "Ang bilis naman niyang nakaalis..." Napanguso ako habang lalong humigpit ang hawak sa bag at palinga-linga. Hindi ko matatanggap ito lalo na at hindi ko kilala ang lalaking iyon. Hindi ko rin gusto ang presensiya niya sa buhay ko. Hindi ko rin gusto na nagugulo niya ang pag-iisip ko. I just don't like the fact na malaki ang epekto niya sa aking sistema kahit dalawang beses ko pa lang siyang nakakaharap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD