KINABUKASAN ay lunes ng umaga. Maagang gumising si Alexandra upang pumasok sa eskwela. Inuna niya ang pagliligo saka bumaba upang kumain ng kaniyang agahan.
""Magandang umaga!"" masiglang bati niya nang makababa sa kusina.
""Maganda umaga rin sa'yo, aming magandang prinsesa!"" balik-bati sa kaniya ni Aling Noela. ""Kumain ka na rito.""
Handa na ang kaniyang almusal sa hapag. Sinangag, pritong talong, itlog at longanisa ang mga pagkaing nakahain. Takam na takam si Alexandra nang makita ang pritong talong kaya't wala na siyang inaksayang oras at kumain na.
Matapos kumain ay umakyat siya pabalik sa kaniyang kwarto. Doon nagbihis na siya ng kaniyang school uniform. Sinuot din niya ang kaniyang medyas at black school shoes. Pagkatapos ay dala-dala ang kaniyang backpack ay bumaba na siya.
""Aling Noela, alis na po ako!"" magalang na paalam ni Alexandra.
""Sige, iha. Mag-ingat ka, ha."" Palaging bilin o paalala sa kaniya.
""Opo. Palagi po."" Ang kaniyang naging tugon.
Nagsimulang maglakad si Alexandra. Mamasa-masa pa ang paligid dahil sa hamog pero naglalakad na siya papuntang paaralan. Tuwing lunes talaga ay mas maaga siyang pumapasok dahil mayroong flag ceremony.
Sa edad na onse, nasa pang-limang baitang o grade five na ngayon si Alexandra. Sa eskwelahang kung saan nag-aral at dating guro ang kaniyang Mommy Kathy ay doon siya pumapasok. At sa paaralang iyon siya gumagawa ng ingay sa larangan ng edukasyon.
Simula grade one hanggang ngayong grade five ay maganda ang record ni Alexandra sa paaralang iyon. Katunayan, nangingibaw siya sa TOP LIST ng klase at wala pang nakakapagpatalsik sa kaniyang pwesto as Top 1. Kaya naman sa lugar na ito ay nakilala siya hindi bilang anak ng bilyonaryo, kundi bilang batang matalino.
""Magandang araw po, Kapitan Renz!"" nakangiting bati ni Alexandra nang madaanan niya ang kapitan ng barangay nila.
""Magandang araw din sa iyo, Alexandra!"" ani Kapitan nang nakangiti.
Kilala si Alexandra ni Kapitan Renz San Claria. Magkaibigan kasi ang Daddy Dylan niya at si Kapitan Renz dahil laging tumutulong ang kaniyang ama tuwing dinadaos ang fiesta. Saka palagi rin itong imbitado kapag may okasyon sa Rancho Villaruiz. Kumbaga, sa lugar na ito ay sanggang-dikit na ng kaniyang ama si Kapitan.
Isang mabait na tao kasi itong si Kapitan Renz kaya kasundo ng ama niya at minamahal ng mga taga-rito. Subalit kung anong bait ni Kapitan Renz ay ganoon din ang kasamaan ng ugali ng anak nitong si Kent Lawrence San Claria ang buong pangalan.
Classmate ni Alexandra ang anak ni Kapitan Renz na si Lawrence. Naging kaklase niya si Lawrence nang i-transfer ito last school year galing ng private school sa bayan.
Matalinong bata rin si Lawrence. Kaya naman nang maging magkaklase ang dalawa ay naging magkatunggali sa loob ng klase. Iyon nga lang ay hindi pa si Alexandra nauungusan ni Lawrence. Laging nangunguna si Alexandra at si Lawrence ay laging pumapangalawa.
Kalaunan ay lumala ang tensyon sa pagitan ng dalawa at hindi na lang sa klase nangyayari. Nang tumagal-tagal na kasi si Lawrence sa paaralang iyon ay dumami ang barkada nito. Natuto na rin ito kung paano mam-bully at talagang siya ang suking biktimahin nito parati.
Palaban na bata si Alexandra. Kung debate nga lang ang pag-uusapan ay pambato siya ng kanilang paaralan. Madaldal din siya kaya kung iyong pambu-bully lang naman ni Lawrence ay kayang-kaya niyang tapatan. Pero dahil may kasunduan silang mag-ama ay hindi niya ito papatulan.
""Kung minamalas ka nga naman!"" mahinang sambit ni Alexandra.
Malayo pa siya sa gate pero tanaw niyang nakatayo roon si Lawrence kasama ang tatlo pa nitong kaibigan. Tiyak na mambwes*t na naman ito sa kaniya kapag nakita siya at sisirain ang kaniyang umaga. Ang kaso wala naman siyang ibang daan para makapasok sa loob, iyon lang.
""Hi, Alexandra!"" wika ni Lawrence at humarang sa daanan niya.
""Lawrence, padaanin mo ako. Please lang...""
""Nagmamadali? May itatanong pa nga ako."" Ngingisi-ngisi itong si Lawrence.
Sa paraan ng pagngisi ni Lawrence ay batid niyang may sasabihin na naman itong hindi maganda. Gayunpaman, pinagbigyan ito ni Alexandra para hindi naman siya magmukhang bastos.
""Ano?!"" masungit niyang tanong.
""Ganyan ba talaga kayong mayayaman? Pati ngipin may bakod?"" tanong ni Lawrence sa kaniya at kasunod niyon ay malakas na tawanan ng tatlo nitong kasama.
""Bwes*t talaga ang Lawrence na ito!"" pagmumura niya sa isip niya.
Pati braces ni Alexandra na kakakabit lang two weeks ago ay hindi nakaligtas dito. May sungki kasi sa harapan niyang ngipin sa pang-itaas. Pinalagyan siya ng braces para magiging maayos ang pagkakahanay ng kaniyang mga ngipin.
""Sana sinabitan mo na rin ng "PRIVATE PROPERTY NO TRESSPASSING" ang barbed wire mo sa ngipin."" Hindi pa rin natigil si Lawrence at talagang tuwang-tuwa.
""Padaanin mo na ako, Lawrence. Isusumbong kita kay Ma'am Castro!"" Binanggit ni Alexandra ang pangalan ng kanilang class adviser para takutin ito.
""Sige na, daan na!"" Umalis si Lawrence sa pagkakaharang sa kaniyang daan.
Natakot yata si Lawrence na isumbong kay Ma'am Castro kaya padaanin na siya nito. Ngunit hindi pa man siya nakakahakbang ay nagpahabol pa ito ng tula.
""Oh Alexandra, ang hininga mo'y malansa. Ano bang nangyare? Mukhang dahil sa alambre..."" Sumesenyas pa itong si Lawrence na animo ay tumutula sa isang entablado.
Ang lakas ng tawanan ng tatlong kasama ni Lawrence. Mga tawang sobrang nakakaasar.
Nakuyom ni Alexandra ang kamao dahil sa pagtitimpi. Kung hindi lang siya natatakot maipatawag sa Guidance Office ay kanina pa niya inaupakan itong si Lawrence. Damay na rin ang tatlong kasama nito. Pasalamat lang talaga ito dahil hindi siya maganti.
Sa kawalan ng paraan na makaganti ay tiningnan na lamang ng masama ni Alexandra si Lawrence. Sunod ay walang lingon at dere-deretso siyang dumaan upang lagpasan ang mga ito. Nang ganap na siyang makalagapas ay inamoy niya ang kaniyang hininga. Ang sabi ni Lawrence ay malansa raw pero parang hindi naman. Amoy mint pa nga ng mouthwash iyon.
""Sarap duraan sa mukha ang g*gong 'yon! Pweee!"" nanggagalaiti niyang sabi at napadura na lamang sa galit.
Ipagdasal lang talaga ng Lawrence na iyon na hindi siya masaid. Dahil sa oras na mangyari iyon talagang maghahalo ang balat sa tinalupan. Hinding-hindi niya ito uurungan o aatrasan. Papauwiin niya itong umiiyak habang nagsusumbong sa ama nitong kapitan.