CHAPTER FOUR

1482 Words
BANDANG eleven thirty ng tanghali ay labasan muli sa gate ang mga estudyante. Oras na ng tanghalian at may isa at kalahating oras na pahinga. Bale, ala una na ang balik ng klase. Sa ganitong oras ang mga estudyante ay uuwi para mananghalian at magpahinga saglit sa kani-kanilang bahay. Iyong iba namang may baon ay sa loob ng paaralan na lang tatambay. Sa kaso ni Alexandra ay uuwi siya ng Rancho Villaruiz. At gaya nga ng kanilang pinag-usapan kanina ni Sabrina ay sumama ito sa kaniya pauwi. Habang hawak-kamay ang dalawang palabas ng gate ay nakasabayan nila sa paglalakad si Lawrence na kasama ang mga barkada nito. Naririnig pa nila ang usapan ng grupo. ""Basta ako kapag usapang sports, badminton ako,"" ani ng isang barkada ni Lawrence. ""Ikaw, Lawrence?"" tanong naman ng isa. ""Sa tula lang talaga ako magaling,"" puring-puri sa sarili na tugon ni Lawrence. ""Weee? 'Di nga?"" Umiismid naman iyong isa nilang kasama. Tila ba walang bilib kay Lawrence. ""Gusto mo sampulan kita?"" nagmamayabang wika muli ni Lawrence. Walang imik sina Alexandra at Sabrina. Batid nila ang ugali ni Lawrence kaya't nakikinig lang sila sa usapan ng magbabarkada. ""Sige, sample nga! Ayusin mo nakikinig sina Alexandra at Sabrina."" Tinuro pa talaga sila ng nagsalita. Tahimik lang nga sana sila pero itong isa ay tinuro pa sila. Tumingin pa tuloy sa gawi nila si Lawrence. ""Hi, Alexandra!"" Kumaway ng kamay si Lawrence sa kaniya. ""Pakinggan mo ang tula ko, ha. Para sa iyo 'to!"" Hindi sumagot si Alexandra. Batid naman kasi niyang walang matinong salita ang lalabas sa bibig ni Lawrence kapag patungkol sa kaniya. Tumikhim muna si Lawrence bago tumula. ""Alexandra kong nilalangit, mabaho ang pwet. Sa hininga mong malansa, ako'y nasusuka. Sa—"" ""Tumahimik ka nga, Lawrence! Hindi ka namin inaano kaya tigil-tigilan mo itong bestfriend ko!"" galit na sigaw ni Sabrina. ""Nagtutula lang ako, eh. Nira-rhyme ko lang ang mga words. Bawal ba?"" Nang-aasar pa itong si Lawrence dahil patawa-tawa. ""Patawa-tawa ka pa! Huwag kang ngumingiti sa harap namin nagiging kahawig mo si Satanas!"" Konting-konti na lang sasapakin na ni Sabrina si Lawrence. ""Wow! Kung kapatid ko si Satanas, kamukha mo naman si Sadaku! Oh, sino mas nakakatakot sa atin?"" Ayaw patalo talaga nitong si Lawrence. ""Booommm! Sunoggg!"" Ipinag-cheer pa itong si Lawrence ng grupo. ""Sab, 'wag mo nang patulan iyan! Hindi ka mananalo sa kampon ng demonyo,"" pabulong na saway ni Alexandra sa kaibigang si Sabrina. Nakinig naman si Sabrina kay Alexandra. Tumigil ito pero si Lawrence ay tuloy pa rin. ""Kulang sa pansin lang 'yan! Huwag nating pansinin,"" dagdag ni Alexandra. Tuloy sila sa paglalakad at nilakihan ang hakbang upang lagpasan sina Lawrence. Ilang sandali pa ay may dumaang traysikel at huminto ito. ""Alexandra, sakay na. Ipahatid kita sa Rancho Villaruiz,"" anang isang aleng sakay ng backride. ""Kayo po pala, tita. Mano ho."" Pagbibigay-galang niya. Sakay ng traysikel ay mag-asawang may-ari ng tindahan malapit sa Rancho Villaruiz. Kilala nito si Alexandra dahil lagi siyang dumadaan sa tindahan tuwing papasok at pauwi ng eskwelahan. Ang sabi sa kaniya ng Mommy Kathy niya ay malayong kamag-anak nila ito. ""Sumakay ka na. Hatid ka namin."" Inulit ng ale ang sinabi. ""May kasama po ako, tita. Si Sabrina ho. Pareho kaming pauwi sa Rancho Villaruiz,"" aniya. Pinilit silang pasakayin ng traysikel. Sumakay na lang din sina Alexandra at Sabrina. Nakakahiya naman kasing tanggihan dahil nagmagandang loob na sa kanilang dalawa ang mag-asawa. At gaya ng sinabi ng mag-asawa, sa gate ng Rancho Villaruiz sila ibinaba. ""Maraming salamat po, tita!"" wika ni Alexandra nang makababa. Nagpasalamat din sa Sabrina sa mag-asawang naghatid sa kanila ni Alexandra. Malaking tulong itong traysikel na sinakyan nila. Hindi na sila napagod sa paglalakad at nakaiwas sila sa grupo ni Lawrence. Nang umalis na ang naghatid sa kanila ay deretso silang pumasok sa loob ng mataas at malaking gate. ""Kain tayo, señorita!"" Halos sabay-sabay na alok sa kaniya ng mga taong nagtatrabaho sa malawak na taniman ng Rancho Villaruiz. Kumakain ang mga ito ng tanghalian sa malilim na parte ng kanilang bakuran kung saan may mahabang mesang yari sa kawayan. Inalok din ng mga ito si Sabrina. Hindi na ang nga ito nagtaka o nagtanong kung sino at ano niya itong kasama. Kilala na nila ito dahil makailang beses na niyang dinala sa Rancho Villaruiz si Sabrina. Alam na ng mga tao na bestfriend niya ito. ""Nandito na po ako!"" malakas niyang tinig habang naghuhubad sila ng kanilang medyas at itim na sapatos. Umalingawngaw sa kabuuan ng ibabang bahagi ng bahay ang kaniyang boses. Dahil doon ay sinalubong si Alexandra ni Aling Noela. Natuwa rin ito nang makitang kasama niya si Sabrina. ""Ilagay niyo muna ang bag niyo sa sala. Handa na ang mga pagkain sa mesa,"" ani Aling Noela. Sumunod naman ang dalawang bata sa sinabi ni Aling Noela. Hinubad ng mga ito ang bag at inilagay sa mahabang sofa sa sala. ""Isuot mo iyong isang tsinelas ko riyan, Sab."" Tinuro ni Alexandra ang pares ng indoor slipper niya para may magamit si Sabrina. ""Thanks, bestie!"" nakangiting saad ni Sabrina at sinuot ang tsinelas. ""Kain na tayo. Let's go!"" aya niya. ""Wait!"" Kinuha pa ni Sabrina sa loob ng kaniyang bag ang kulay pink na bento box na may lamang pananghalian nito. Tinungo ng dalawa ang dining area. At habang papalapit sila roon ay nangangamoy ang mainit-init at masarap na ulam. ""Ang bango! Hmmm... amoy gata!"" sisinghot-singhot na sabi ni Alexandra. ""Oo nga!"" sang-ayon ni Sabrina. Hindi nga nagkamali si Alexandra dahil pagdating nila sa hapag-kainan ay ginataang kalabasa at sitaw na may sahog na malalaking hipon ang nakahain. Hindi lang iyon, mayroon pang fried chicken at fried tilapia. Mayroon ding inihaing dalawang klasing hiniwang prutas—mangga at pakwan. ""Ang sasarap naman ng mga ulam natin for today!"" natatakam niyang sabi. ""Kumain na kayo,"" anang taga-laba nila. Tatlong beses sa isang linggo ito kung pumunta sa Rancho Villaruiz para maglaba. ""Anong kayo? Tayo ho!"" pagtatama niya. Kagustuhan ni Alexandra na kapag wala ang kaniyang mga magulang ay kasabay o kasalo niya ang mga taong kasama niya sa loob ng bahay. Gusto niya sama-sama sila kapag kainan o pagkain ang pag-uusapan. At kung ano ang pagkain niya, pagkain din dapat ng mga kasama niya. Ganito kabait na bata si Alexandra. Hindi rin ito mahirap alagaan dahil hindi maarte at hindi mapili sa pagkain basta usapang gulay at isda. Pero pagdating sa mga lutong karne ay ayaw niya ng may halong lamang-loob gaya ng mga atay saka dugo. ""Tawagin mo na silang lahat,"" utos ni Aling Noela sa kanilang taga-laba. ""Hugas tayo ng kamay, Sab."" Inaya ni Alexandra sa lababo si Sabrina para maghugas ng kamay. Nang magtipon-tipon na sila sa malaki at malawak na sixteen seats na dining table ay si Alexandra na ang nanguna sa pag-alay ng dasal. Pagkatapos niyon ay masaya silang kumuha ng kani-kanilang pagkain. Si Sabrina naman ay binuksan ang dalang bento box at ang laman niyon ay kanin saka dalawang longganisa. Iyon na ang pananghalian ang kaniyang kaibigan. Habang naglilipat ng kanin at ulam si Sabrina sa pinggan ay binulungan ito ni Alexandra. ""Sab, akin na iyong isang longganisa mo,"" nahihiyang bulong niya. ""Sure! Bigay ko na lang sa'yo ito lahat, bestie. Nauumay na kasi ako,"" wika ni Sabrina. ""Sigurado ka? Kukunin ko talaga 'yan!"" aniya pa. ""Ito talaga..."" nasabi ni Sabrina at ito na ang kusang naglipat ng dalawang longganisa sa pinggan ni Alexandra. Nagtitinda ng karneng baboy sa palengke ang mga magulang ni Sabrina. Bukod sa karneng baboy ay nagtitinda rin sila ng sariling gawa na longganisa, tocino at embutido. Nakita na ni Alexandra kung paano ginagawa ng pamilya Ansel ang longganisa at masasabi niyang malinis ang pagproseso. Ilang beses na rin niyang natikman at masasabi niyang masarap ito. Kung minsan ay bumibili siya ng longganisa kay Sabrina. Pero bibihira lang din dahil hindi naman gaanong malaki ang pwesto ng magulang ni Sabrina sa palengke kaya hindi maramihan kung gumawa ng mga homemade frozen foods. Kung minsan pa nga ay order muna bago gawa ang istilo ng mga ito para siguradong sold out. ""Thanks, Sab!"" ""You're welcome, bestie!"" tugon ni Sabrina. Magana at masaya silang kumain lahat. Nakikipagkwentuhan din si Sabrina dahil hindi na ito naninibago sa tahanang iyon. Simula sa araw na naging kaibigan niya ito ay hindi na ito iba sa kaniya at maging sa mga taong bahagi ng kaniyang pamilya. ""Kain ka pa, Sab. Hindi uso ang hiya-hiya rito, ha!"" biro niya. ""Oo, ah. Basta masarap ang ulam, hindi talaga ako nahihiya,"" ani Sabrina. Nagtawanan sila sa sinabing iyon ni Sabrina. ""Bilisan niyo na para makapagpahinga pa muna kayo bago bumalik,"" ani Aling Noela. ""Opo,"" sabay nilang sagot ni Sabrina. Pagkatapos kasi nilang kumain ay papahinga muna sila saglit. Pagsapit ng ala una ay balik na naman silang dalawa sa paaralan. May klase pa sila at alas kwatro y medya ng hapon na naman ang kanilang uwi. Mula lunes hanggang biyernes nila iyong gawi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD