"S-sino ka?" tanong ko.
Nandito ako sa loob ng aking kwarto. Mag-isa lang ako, madilim ang paligid, at malamig ang hangin.
May nakikita akong kakaibang nilalang na nasa gilid ng kwarto ko.
Nandito na naman siya. Palagi ko siyang nakikita tuwing nagigising ako sa gitna ng gabi.
Pero hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko magawang sabihin ito sa iba. Dahil malay natin, maaaring manloloob pala ang nilalang na 'to. Pero palagi ko ring nakakalimutan sabihin sa kanila, lalo na kay Esme na siyang palagi kong kasama.
Hindi naman din ito sumasagot sa akin, sa tuwing tinatanong ko siya dahil nakatalikod ito sa akin.
"S-sisigaw ako rito, kapag hindi ka sumagot!" kinakabahan kong pambabanta. Mas bumilis ang kabog ng aking puso ng dahan-dahang lumingon sa gilid ang kanyang ulo.
Ngunit hindi ko pa rin makita ang kanyang hitsura. Mas lalo akong nacucurious kung sino o ano nga ba ang nilalang na ito.
Maya-maya pa'y bigla na itong tumalon sa bintana ko.
Napasinghap ako dahil sa ginawa niya. Napasigaw pa tuloy ako. Agad akong tumungo sa bintana para tingnan kung anong nangyari sa nilalang na iyon.
Pagtingin ko sa labas ng bintana, walang anumang nilalang ang naroon. Tumayo tuloy ang aking mga balahibo.
A-anong klaseng nilalang iyon?
Hindi kaya isa iyong demonyo?
Simula n'on, palagi na akong nagdadasal ng rosaryo sa tuwing nagigising ako bigla sa gitna ng gabi. Iyon ang mga gabing pinakakinatatakutan ko.
Mayroon namang isang silid na konektado sa aking kwarto, ang silid na iyon ay para kay Esme. Upang mas lalo niya akong mabantayan at maalagaan, ayon kay Mamá.
"Eliz? Anong nangyayari sa'yo?" rinig kong tanong ni Esme sa akin. Napalingon ako sa kanya na namumutla ang hitsura.
"Esme, m-may demonyo," natatakot kong saad sabay turo sa labas ng bintana.
"Demonyo? Eliz, ayos ka lang ba? Anong demonyo ang pinagsasabi mo?" sunod-sunod na tanong ni Esme saka niya ako nilapitan at inalo. Pinahiga na niya ako sa aking kama.
"Esme, nakita ko na naman ang naka-itim na nilalang. Sa tuwing nagigising ako, palagi siyang nasa gilid ng aking kama. Tila binabantayan niya ako," kwento ko sakanya na may halo pa ring takot. Nanginginig din ang aking mga kamay dahil sa nakita ko kanina.
"Shh.. Eliz, nananaginip ka lang. Matulog ka na ulit," saad naman sa akin ni Esme habang hinahaplos ang aking buhok na parang pinapatulog na niya ako ulit.
"H-hindi, hindi ako nananaginip. Esme, totoo ang sinasabi ko," mahina kong saad sa kanya.
"Shh.. Matulog na tayo Eliz," saad ni Esme sa akin. Dala ng takot at pagod, unti-unti rin akong dinalaw ng antok.
————————————————————————
Nandito ako sa aming hardin, namamasyal lang at nais makalanghap ng sariwang hangin.
Maganda ang pamumulaklak ng mga bulaklak at halaman ngayon. Nakakagaan sa pakiramdam ko. Napangiti ako nang masilayan ang mga ito.
Nasa likod ko naman si Esme na mukhang kanina pa balisa at malalim ang iniisip.
Nag-aalala na ako para sa kanya, pero hindi ko alam kung paano ko siya sasabihan tungkol dito.
Huminto ako sa paglalakad, gayon din naman siya.
"Bakit tayo huminto, Eliz? May masama ba sa'yong pakiramdam?" sunod-sunod niyang tanong. Huminga ako nang malalim saka ko siya hinarap.
"Ikaw, anong bumabagabag sa'yo, Esme? May problema ka ba? Kanina ko pa nakikitang wala kang gana," nag-aalala kong tanong sa kanya. Bumuntong-hininga siya. Halata ang pagod sa kanyang mga kilos at reaksyon.
"Nag-aalala lang ako sa kalagayan mo, Eliz. Hindi ko kayang makita kang nahihirapan dahil sa sakit na hindi pa rin natutuklasan ng iyong ina at ng mga doktor na kasama niya," paliwanag niya. Ngumiti ako upang aluin siya.
"Ayos lang ako, Esme. Gagaling din ako," kampante kong saad sa kanya. Umiwas naman siya sa pag-akbay ko.
"Eliz, buti kung simpleng lagnat, ubo o sipon lang 'yan. Pero hindi, eh. Hanggang ngayon ay chinecheck ka pa rin. At hindi nila matukoy kung ano iyon," saad niya.
Halos isang buwan na ang lumipas simula n'ong nag-18 ako. Halos isang buwan na rin pala nila akong chinecheck tungkol sa kondisyon ko.
"Narinig ko ang usapan ng iyong ina at mga doktor sa iyong kwarto. Ako ang nag-aasikaso sa'yo n'ong mga panahon na 'yun. Tinanong pa nga ako ng iyong ina kung may napapansin ba akong kakaiba sa'yo," kwento niya sa akin. Taimtim kong pinakinggan ang salaysay niya tungkol sa mga napapansin niya sa kalagayan ko.
"Kaya sinabi ko na madalas kang makakalimutin. Kung dati ay sa gamit lang, ngayon naman ay kahit sa mga kilos mo at madalas din nangyayari ang tagpong iyon," tuloy niya.
"Nababatid kong wala ka sa huwisyo at nakatulala ka lang n'ong mga panahon na 'yun. Kung kaya't hindi mo nauunawaan ang mga sinasabi ko. Nand'on ka at gising ka na n'ong kwinento ko iyon sa kanila," saad ni Esme sa akin. Mas lalo tuloy akong nabalisa dahil sa sinabi niya. Kahit ako ay hindi ko mapigilang mag-alala, kung ano nga bang klaseng sakit ang meron ako.
"Pero, Esme. Gagaling ako. Manalig lang tayo sa Panginoon, gagaling ako," saad ko sa kanya. Hindi ako mawawalan ng pag-asa, dahil ayaw ko pang mawala. Hindi ko kayang maiwan ang mga minamahal ko, at bata pa ako para mawala.
Hay, ano ba 'tong sinasabi ko? Hindi pa naman talaga ako mamamatay eh. Tinatagan ko ang loob ko para sa mga taong nagmamahal sa akin, at para na rin sa sarili ko.
"W-wala ka bang naalala na nangyayari sa'yo tuwing gabi?" tanong naman niya bigla matapos ang mahabang katahimikan. Kumunot ang noo ko dahil sa tanong niya.
"Ano ba ang iyong ibig sabihin?" tanong ko. Huminga siya nang malalim saka ako tinitigan.
"Hindi mo naalala ang palagi mong sinasabi sa'kin na nakakakita ka ng isang nilalang na naka-itim? Palagi mong sinasabi na dinadalaw ka niya tuwing nagigising ka sa gitna ng gabi. Hindi ka niya sinasagot sa tuwing tinatanong mo siya kung ano ang pakay niya sa'yo. Madalas kang sumisigaw at takot na takot kapag naaabutan kitang gising sa iyong kwarto," mahabang kwento niya. Natigilan ako dahil parang pamilyar ang pangyayaring nakwento niya.
"Bagay na hindi ko masabi sa iyong magulang o sa kahit na sino, sapagkat baka akalain nilang nababaliw ka na o 'di kaya'y sinasapian ka ng masamang espirito dahil sinasabi mong isang demonyo ang nakikita mo," seryoso niyang saad. Napatingin ako sakanya, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa aking kalagayan.
Totoo ba talaga ang ginagawa kong iyon? Dahil madalas ko na rin napapansin ang mga kakaibang nangyayari sa akin. Hindi kaya'y sinasapian na ako? O 'di kaya'y baliw na ako?
"Minsan ako na mismo ang natatakot sa mga kilos mo, at sa ugaling pinapakita mo sa akin. H-hindi ko nga alam kung lalapit pa ba ako sa'yo eh. Pasensya na sa aking mga sinasabi, ngunit iyon ang totoo. Naaawa na ako sa'yo, Eliz. Nais kong matuklasan na nila kung ano nga bang nangyayari sa'yo," saad niya sabay yakap sa akin. Hindi ko na napigilang maiyak.
Hindi ko makontrol ang mga emosyon ko. Iyak lang ako nang iyak kahit pa'y hindi naman kalungkutan ang nararamdaman ko.
Masaya naman ako eh. Pero ba't ako umiiyak? Ba't ganito, ang gulo-gulo na ng mga nararamdaman ko?
Ilang sandali pa'y natagpuan ko na ang sarili kong mag-isa sa lawa.
Napasinghap pa ako dahil hindi ko na maalala kung bakit ako nandito, mag-isa.
Linibot ko ang paligid para tingnan kung may kasama ba ako, at kung nasaan na si Esme ngunit ako lang ang nandito.
Palubog na ang araw, napatigil ako sa pagtataka. Na-distract kasi ako sa ganda ng sunset.
Tumitig ako't umupo na lamang sa d**o para panoorin ang tuluyang paglubog ng araw.
Nakakakalma ang panonood nito, bagay na napakaganda ng sunset. Naipapakita ang iba't-ibang kulay sa alapaap. May redish na orange, blue, lilac, at yello na naghahalo. Labis akong namamangha sa ganda nito.
Ilang minuto akong nakatunganga at nakatingin sa lawa. Hanggang sa tuluyan nang dumidilim.
Naisipan ko nang tumayo, pero natigilan ako dahil nakalimutan ko na rin kung paano umuwi sa aming tahanan.
H-hindi ko maalala kung saan ako papatungo.
Hinawakan ko ang aking sentido dahil sa inis.
"Lecheng sakit na 'to! H-hindi ko maalala!" sigaw ko. Nagsisisigaw lang ako dahil sa inis, sobra na akong nahihirapan. Gusto ko lang ilabas ang inis at galit ko sa pamamagitan ng p*******t ko mismo sa aking ulo at sa pagsigaw.
"Eliz!"
Napatigil lang ako nang may narinig ako. Mayroong sumigaw sa aking ngalan.
Nilibot ko ang tingin ko sa paligid para tingnan kung sino.
Nakita ko naman ang kaibigan kong si Esme na naglalakad papalapit sa'kin.
Lumapit na ako at agad ko siyang yinakap dahil sa labis kong tuwa.
"Buti naman at dumating ka," masaya kong saad. Nakakunot ang noo niya at tahimik lang akong pinagmamasdan.
"Bakit?" saad ko nang mapansin ang kanyang reaksyon.
"Kanina pa kita hinahanap. Akala ko kung saan ka na napunta! Sa susunod ay magpapaalam ka sa'kin, para naman hindi ako nag-aalala nang ganito!" saad niya sa akin. Napatahimik ako dahil sa panenermon niya.
Hindi ko nga rin alam kung bakit ako nandito, hindi ko maalala.
"S-sorry," tangi kong saad. Bununtong-hininga siya.
Bigla naman akong nakaramdam ng parang suntok sa aking ulo. Unti-unting nakarinig ng isang matinis na tunog sa aking tainga. Inayos ko ang aking pagdilat upang pakiramdaman ang sarili. Napatingin akong muli kay Esmeralda.
"Galit ka ba?" tanong ko sa kanya. Nahahalata kong masama ang tingin niya sa'kin ngayon.
"Hindi ako galit, nag-aalala lang ako sa'yo. Tara na, umuwi na tayo sa mansion upang makakain ka na," saad niya at hinawakan ang kamay ko. Ngunit pumiglas ako rito. Taka naman siyang napatingin sa akin.
Nakikita kong may galit siya sa akin. Masama ang tingin niya sa akin ngayon eh.
"Galit ka eh," saad ko. Kumunot naman ang noo niya.
"Eliz, pagod na ako ngayon. Ang dami kong ginawa kanina, kumain na tayo. Tara na," saad niya ngunit hindi ako sumunod sa kanya.
"Galit ka sabi eh!" sigaw ko.
Nakita ko naman siyang nagulat dahil sa pagsigaw ko.
Galit ba talaga siya? Pero iyon ang nakikita kong reaksyon niya ngayon sa akin. Marahil ay ayaw na niya akong maging kaibigan, at napapagod na raw siyang maging katulong ko.
B-baka iiwan na niya ako.
"Eliz?" tanong niya.
"Galit ka? Pagod ka na ba sa'kin? I-iiwan mo na ba ako?" mahina kong tanong at napabagsak na lang ako sa damuhan.
H-hindi ko maunawaan kung bakit naghahalo-halo na ang mga nararamdaman ko ngayon.
"Hindi kita iiwan, Eliz. Hindi ako galit. Tara na please," saad niya habang nakahawak sa kamay ko na parang nagmamakaawa na. Tiningnan ko siya na ngayon ay parang pagod na pagod na.
Tumango na ako at tumayo. Hindi niya binitawan ang kamay ko, at umalis na kami sa lawa na 'yun.
Habang naglalakad ay sinigurado kong makakabisado ko ang daan patungo sa mansion. Ayaw ko sana itong makalimutan.
Nang makarating na kami sa loob ng mansion, nakita ko ang magulang ko na mukhang kanina pa ako hinihintay.
"Elizabeth! Where have you been!?" tanong ni Papá. Mukhang galit din ito, ba't parang lahat sila ay galit sa ginawa kong pagpunta sa lawa? Ano bang ginagawa kong masama?
"Wala naman po akong ginawang masama," mahina kong saad.
"Nag-aalala ang lahat sa'yo, Eliz. Sa susunod ay magpapaalam ka sa'min. Lalo na kay Esmeralda," saad ni Mamá. Dahan-dahan akong tumango.
Kumain na kami sa dining table.
Tahimik lang akong nakatingin sa mga pagkaing nakahanda sa aking harap. Tinititigan ko ang mga ito, parang wala akong gana kumain.
Lumakas ang kabog ng aking dibdib, unti-unti akong nakaramdam ng pag-ikot ng paligid ko. Napapikit ako at sinubukan kong i-stretch ang leeg ko, at dumilat para tingnan kung maayos na ba ulit ang aking paningin.
"Ano bang ginagawa mo, Ate?" takang tanong ni Eleanor.
Marahas kong inalis ang mga kubyertos at mga pagkain sa harap ko. Napatayo naman ang pamilya ko dahil sa ginawa ko.
"Ano bang ginagawa mo, Elizabeth!?" galit na saad ni Papá.
"Ayaw kong kumain!?" sigaw ko.
Nagsi-kilos naman ang mga katulong sa pagliligpit ng mga nasira.
"Hija, pwede mo naman sabihin sa amin 'yan nang hindi nagwawala. What do you want to eat?" mahinahong tanong ni Mamá. Umiling ako, hinihingal pa rin.
"Ayaw ko nga kumain eh," saad ko sabay inihagis ang braso ni Mamá na nakalagay sa aking balikat.
"Esme, halika. Tulungan mo ako," rinig kong saad ni Mamà. Hinawakan niya ako. Lumapit si Esme sa'kin at hinawakan din ako.
"S-saan niyo ako dadalhin!?" saad ko. Naglakad na kami.
"Shh.. Magpapahinga na tayo, Eliz. Hindi ba't ayaw mong kumain?" saad ni Mamá sa akin habang papunta kami sa aking silid.
Tahimik niya akong pinahiga sa aking kama. Nagpupumiglas ako.
"Hindi pa po ako inaantok!" inis kong saad.
Kakain pa nga lang kami, hindi ba? Ba't na niya agad ako pinapatulog.
Busy naman si Mamá sa kagamitan niya, habang hawak pa rin ako ni Esme nang mahigpit.
Tumingin ako sakanya na tila nagmamakaawa.
"Eliz, mas mabuti kung magpapahinga ka na lang muna," malambing niyang saad. Nakita ko naman si Mamá na may hawak na syringe.
Mas lalo akong nagtaka at nagpanic. Nagpupumiglas ako sakanila, ngunit nakita kong may tatlo pang mga katulong ang humawak sa akin para hindi ako makatakas.
"A-ano bang ginagawa niyo sa akin!? Ayaw ko pa ngang matulog! Mamá, a-ano iyan!? Anong nangyayari!?" iyak kong tanong.
Walang sumagot sa tanong ko.
Nagsisisigaw ako habang naramdaman ko ang dahan-dahang pagtusok ng karayom sa aking balat.
Masakit ito kaya mas lalo akong umiyak at nagpupumiglas.
Sobrang sakit.
Masakit na masakit, unti-unti akong nanghina.
Hanggang sa unti-unti ko ring naramdaman ang antok. Nais ko na lang ipikit ang mga mata ko at matulog.
"Eliz, sweet dreams."