Habang inaayusan ako rito sa silid, ay hindi ako makapaniwala sa nalaman ko. Sobrang lala ng pagkalimot ko, hindi ko maunawaan kung bakit ba ako nagkakaganito?
Madalas naman akong makalimot, katulad ng pagkalimot ko sa aking mga gamit at mga ilang impormasyon tungkol sa mga tao sa paligid ko. Ngunit hindi katulad ng ganito na maya't-maya ay nakakalimot ako!
Napuno tuloy ang aking isipan ng pag-aalala at labis na pagkabahala dahil sa matinding pagkalimot ko. Para yata akong magkakasakit dahil dito. Nakakabagabag talaga at hindi ko maunawaan.
"Eliz, ano na? Bakit nakatulala ka lang d'yan? Nagmamadali na ang lahat. May mga bisita nang dumadating. Kailangan mo nang maghanda," saad ni Esme sa'kin. Noon ko lang napansin na kanina pa pala ako natapos sa pag-aayos.
"Maghanda. Oo nga, maghanda," paulit-ulit kong saad. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa isang sofa.
"Ngayon, saan na ako pupunta para maghanda?" tanong ko sa aking sarili habang naglalakad. Hindi ko rin alam kung saan ako pupunta. Bigla akong naguguluhan sa mga nangyayari sa aking paligid.
May humila sa'kin at napalingon ako rito.
"Jusmiyo, Elizabeth!? Ayos ka lang ba talaga? Saan ka pupunta? Tara na, magbihis ka na!" saad ni Esmeralda na stressed na stressed na. Kulang na lang ay kaladkarin niya ako para sumunod sa kanya.
Pumunta kami sa isang silid, nakita kong may tatlong gowns na nasa closet at kinuha ni Esme ang isa sa mga 'yun.
"Heto, suotin mo na. Dali!" saad niya. Kinuha ko naman 'to agad at sinuot. Tinulungan niya akong isuot ang gown at inayos niya ang hitsura't tindig ko.
Ngayon ko lang din napansin na kanina pa pala siya naka-ayos, at nakasuot ng gown din. Bagay ito sa kanya dahil tumingkad ang kagandahan niya.
Siguro, inayusan din siya. Bilang kaibigan ko na rin at isa sa mga nag-organize ng party na to, alam ko kung gaano na siya ka-stress dahil gusto niyang maging maayos ang daloy nito.
"Ang ganda mo, Elizabeth," puri niya sa'kin habang inaayos ang gown kong nakasuot na sa'kin.
"Ikaw din," saad ko sa kanya habang nakangiti.
Lumabas na kami sa silid at habang naglalakad ay pinaalala niya sa'kin ang lahat ng dapat kong gawin mamaya. Nang makababa na kami, inihanda na niya ako at muling pinaalala ang lahat ng gagawin ko. Pero parang wala rin akong naririnig dahil mabilis kong makalimutan ang mga iyon.
"Tandaan mo 'yung lahat, Eliz ah?" saad niya sa'kin. Tumango ako at ngumiti para hindi na siya mag-alala pa.
Sumilip ako sa likod ng parang stage, nakita kong mayroon nang mga bisita. Karamihan sakanila ay mga kilalang pamilyang mula rito sa San Imperial, mga kaibigang doktor ng aking ina, mga kaibigan din ng aking ama sa negosyo at politika, at ang mga kaibigan ko sa eskwelahan.
At tuluyan na ngang nagsimula ang programme.
Bigla akong kinabahan- hindi ako makahinga nang maayos, ang mga kamay ko ay nanlalamig at namamawis, hindi ako mapakali, ang tiyan ko ay parang masakit.
Isa-isang pumasok sa aking utak ang mga pala-isipan na nagpapailang sa'kin. Paano kung mapahiya ako mamaya? Anong sinasabi ng mga tao tungkol sa'kin? Ano kayang tingin nila sa'kin?
Hindi na siguro dapat pang matuloy ang party na 'to. Maaari kaya akong umalis na lang? Gustong-gusto ko nang tumakas.
"Please welcome our debutant, Miss Elizabeth Concepcion!" rinig kong saad ng host.
Naramdaman kong tinulak ako ni Esmeralda para maglakad palabas ng munting silid na 'to. Wala na akong nagawa kun'di maglakad at umalis doon.
Habang naglalakad sa harap ng maraming tao, hindi ko maiwasang magtaka kung ba't tila yata ako'y nabingi na. Parang isang matinis na tunog lang ang tangi kong naririnig. Nakakabingi iyon, to the point na gusto ko na lang takpan ang aking mga tainga.
Napatigil ako sa gitna. Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko rin alam kung bat ako tumigil.
Bigla ko namang narinig ang bulungan ng mga tao.
"Eliz? Pumunta ka na sa stage," mahinang saad sa'kin ni Esme na hindi ko namalayang nasa likod ko na pala. Agad din siyang bumalik sa pwesto niya pagkatapos niya akong pagsabihan.
Dahan-dahan akong naglakad, kasabay ang pagbigat ng aking pakiramdam.
Nagpalakpakan ang mga tao nang makarating ako sa harapan nila. Nanatili ako sa harapan nang nakatayo, hindi ko alam ang gagawin ko. Naging blanko bigla ang aking isip, hindi ko maintindihan kung ba't ako nandito. Ang gulo-gulo ng mga iniisip ko, hanggang sa wala na akong maalala at maisip.
Bumabalik na naman ang matinis na tunog. Tumingin ako sa aking paligid. Agad akong napapikit nang manlabo ang aking paningin. Muli akong dumilat para tingnan kong maayos na ulit ito, pero gan'on pa rin. Ang paningin ko ay parang nanlalabo na at nagiging magulo na rin.
Hindi ko maintindihan kung ba't ako nagkakaganito.
"Elizabeth, Happy 18th birthday!" bati ng kung sino.
Nakarinig na naman ako ng disturbing sounds. Ano ba yun? Napatakip ako sa aking tainga, umiling-iling. Sumasakit ang ulo ko sa hindi ko malamang dahilan.
"Elizabeth? Elizabeth, anong nangyayari sa'yo?"
"Elizaskdh----"
Narinig kong nagsigawan ang mga tao.
Bigla na lang nandilim ang aking mga paningin, at nawalan ng koneksyon sa realidad.
Nang maramdaman kong muli ang aking sarili, sinubukan kong idilat ang aking mga mata. Malabo ang aking paningin, ngunit nilibot ko pa rin ito.
May nakita akong kakaibang nilalang sa may gilid. Nakatayo lang ito na parang mannequin at naka-itim pa. Hindi ko makita ang buong hitsura niya dahil malabo nga ang paningin ko, at medyo nahihilo rin ako.
Totoo ba ang nakikita kong ito? O nananaginip lang ako?
"Ikaw ba si Elizabeth Concepcion?" biglang pumasok ang tanong na ito sa aking isip.
Maya-maya pa ay ang nilalang na iyon unti-unting naglaho na parang naging abot usok na lang.
Pero nararamdaman ko pa rin ang presensya niya,
Sa pagkakataon na 'to, nasa pagitan ako ng kaligtasan at panganib. Tumataas ang aking mga balahibo, hindi ako mapakali, at nais kong humingi ng tulong dahil sa labis na takot. Ngunit, pakiramdam ko ay ligtas ako dahil may kasama ako.
Gayon pa man, nais ko na munang magpahinga.
Nasa pagitan nga ba talaga ako ng buhay at kamatayan?