Symptoms - 2/3

2170 Words
"Lataratara lataratara.." mahina kong kanta habang tinutugtog ang aking gitara. Nandito ako sa terrace ng second floor ng aming mansion. Nais ko sanang gumawa ng kanta pero ewan ko ba, hindi ako makabuo ng mga salita. Kahit ang nararamdamang emosyon na siyang bubuo sa aking kanta, hindi ko rin matukoy kung ano. Parang ang gulo-gulo ng aking isipan. "Eliz! Heto ang sandwich na paborito mo, at syempre ang orange juice!" masiglang saad ni Esme sa akin. Natigil ako sa pagtutugtog. Itinabi ko na muna ang aking gitara para tulungan siyang ihain ang mga dala niya sa table. "Ikaw ba ang gumawa nito?" tanong ko. "Syempre… Hindi, haha. Si Inay ang gumawa niyan. Tara na't pagsaluhan natin," saad niya saka kumuha ng isa. Masaya rin akong kumuha ng isang sandwich. Kumain lang kami ng pagkain habang pinag-uusapan namin ang pagtutugtog ko. "Buti naman at naisipan mong tumugtog ulit. Matagal-tagal na rin 'yung huling beses na tumugtog ka ng gitara eh," komento niya. Ngumiti ako habang kumakain. "Oo nga eh. Nakakamiss din," pagsang-ayon ko. "Uhm, excuse me po Miss Elizabeth," rinig kong sabat ng isang kasambahay na kakarating lang. Lumingon kami ni Esme sa kanya. "Uh, may bisista po kayo," balita niya sa akin. Kumunot naman ang noo namin ni Esme. "Sino po?" tanong ko. "Sino?" sabay na tanong din ni Esme. "S-si Sir Emmanuel po," sagot naman niya. Mas lalong kumunot ang noo ko. Bakit naman siya bibista sa akin? Napatingin ako kay Esme na nanatiling tahimik. "Uh, sige. Nasaan siya?" tanong ko. "Nasa garden po," sagot niya. Tumayo na ako para puntahan ang bisita ko. Pero bago ako tuluyang umalis, liningon ko si Esme. "Esme, hindi mo ba ako sasamahan?" tanong ko. Napatingin siya sa akin. "S-susunod na lang siguro ako. Liligpitin ko pa ang mga ito eh," dahilan niya. Bumuntong-hininga ako. "Teka, alam mo naman ang daan papunta sa hardin 'di ba? Lisa, pakisamahan na lang si Eliz," utos niya sa kasama namin. Tumango naman si Lisa at sumabay na sa akin habang siya nama'y naiwan sa terrace. Buti na lang at sinamahan ako ni Lisa papunta sa garden. Nalimutan ko na rin kasi ang papunta roon. Ilang sandali kaming naglakad hanggang sa natanaw ko ang aking bisita. Nakita ko siyang nakaupo sa upuan sa may pillars. Mukhang kanina pa siya naghihintay sa akin. Nauna naman si Lisa makalapit kaysa sa akin, at pinaalam kay Emmanuel na nandito na ako. Lumingon siya at nakangiting sinalubong ako. Nagpaalam naman na si Lisa at umalis na sa hardin. Naiwan kaming dalawa ni Emmanuel dito. Ngumiti na lang din ako. Tumayo siya at yinakap ako. Saglit ko lang siya niyakap at umupo na ako sa upuan na katapat ng kanya. "Kumusta ka, Eliz? Nag-alala ako nang nahimatay ka n'ong debut party mo. Pasensya na, ngayon lang ako nakadalaw," saad niya. Saka niya inabot ang isang bouquet ng rosas. Tinanggap ko naman 'yun saka linapag sa mesa. "Salamat," tipid kong tugon. Pagkatapos kong magsalita, parehas kaming nanahimik. "Uh, a-ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya. Sandali akong hindi nakasagot. Huminga ako nang malalim bago sumagot. "Hindi pa," sagot ko. Mukha naman siyang nag-aalala dahil sa sinabi ko. "B-bakit daw? Anong sakit mo?" tanong niya. "Chinecheck pa rin nila kung ano nga bang sakit ko," tangi kong saad. Bumuntong-hininga ako. "Eliz, magpakatatag ka," saad niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko. Umiwas naman ako at tumango na lang. Tumingin ako sa paligid para tingnan kung nasaan si Esme, at bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya pumupunta rito. Bumuntong-hininga ako saka tumingin sa kanya. "Oo naman, gagaling ako. Huwag kang mag-alala," kampante kong tugon saka ngumiti. "Uh Eliz, napag-usapan pala nila Dad na hindi na muna matutuloy ang kasal ngayong taon," utal niyang saad. Parang ito 'yung kanina pa yata niyang gustong sabihin sa akin. Kumunot ang noo ko. Kasal? Sinong ikakasal? "Uh, anong meron sa kasal?" maingat kong tanong. Panigurado ay nakalimutan ko ang tungkol dito. Kung nandito lang sana si Esme, maipapaliwanag niya agad ito sa akin. Mukha namang nagtaka siya sa tanong ko. "Ang kasal natin," sagot niya. Napasinghap ako. Kasal namin? Anong-- B-bakit? Sa pagkakatanda ko ay kaka-18 years old ko pa lang. Hindi ba parang masyado kaming bata para doon? "Mag… Magkasintahan ba tayo?" tanong ko sa kanya. Namangha siya sa paraan ng pagtatanong ko. Hindi yata siya makapaniwala na tinatanong ko ang mga bagay na dapat ay malinaw para sa akin. "Oo," sagot niya. Ilang sandali pa kaming natahamik. Ngunit bakit gan'on? Ba't parang wala naman akong nararamdamang pag-ibig para sa kanya? 'Yung… 'Yung kilig at saya kapag nakita ko siya? B-ba't wala akong maramdaman? Dala lang ba 'to ng pagkalimot ko? Pati ba ang damdamin ng isang may sakit na kagaya ko, maaari ko ring makalimutan? "Bakit Eliz, may bumabagabag ba sa'yo?" tanong ni Emmanuel. Napatingin ako sa kanya. "Mahal mo ba ako?" diretso kong tanong sa kanya. Napatigil naman siya nang marinig ang tanong ko. Hindi siya nakasagot agad. Ibig ba sabihin nito… "Oo mahal kita," sagot niya. Hindi ba dapat ay matutuwa ako? O 'di kaya'y kikiligin? Ba't 'di ko magawa? "Bilang kaibigan," tuloy niya. Napatingin ako nang diretso sa kanya. Ngayon naman ay nanaig ang kirot sa aking puso nang sabihin niya iyon. Ngunit mas nanaig ang kaginhawaan sa aking pakiramdam. "P-paanong magkasintahan tayo, gayong hindi mo 'ko mahal bilang isang kasintahan?" tanong ko. "Eh ako ba, mahal mo?" tanong naman niya. Ako naman ngayon ang hindi makasagot. Paano ko nga ba ipapaliwanag sa kanya ang kakaibang pagkalimot ko? Ni hindi ko nga naalala na may kasintahan pala ako. "Hindi mo rin ako masagot nang maayos, 'di ba?" saad niya sabay tawa. Tumayo siya at tumingin sa kabuuan ng garden. "Nakalimutan mo na ba na simula mga bata pa lang tayo ay ipinagkasundo na tayo ng mga magulang natin?" saad niya. Napatayo ako at lumapit sakanya. "Gan'on pala," mahina kong saad. Tumingin siya sa akin. "Masaya ako na kahit hindi natin mahal ang isa't-isa bilang magkasintahan, alam kong mayroon pa rin tayong pagmamahalan at pagkakaunawaan bilang magkaibigan. Napag-usapan na natin noon na kahit ganito ang sitwasyon natin, sisiguraduhin natin na magiging masaya pa rin tayo sa piling ng isa't-isa, kahit mahirap at masakit," pahayag niya. Natahimik naman ako, 'di ko alam pero ang lungkot naman ng kondisyon namin. Hindi naman gusto ang isa't-isa, pero hindi rin naman kami tutol. At iyon ang mas masakit. Humarap siya sa akin at hinawakan ang mga balikat ko para magkaharap kaming dalawa. "Ngayon Eliz, mas gusto kong maging maayos ang kondisyon mo. Magpahinga ka at magpagaling, handa naman akong maghintay para sa kasal natin. Kapag okay ka na, saka na tayo magpaplano para sa kasal," ngiti niyang saad. Tumango ako. Ngumiti na lang din ako habang nakatingin sa mga mata niya. Yinakap niya ako, at tinanggap ko naman iyon. Napapikit ako sa pagyakap niya sa akin. Tamang-tama na kailangan ko ng yakap ng isang kaibigan, mas nakakagaan ng pakiramdam kahit papaano. Pagdilat ng mga mata ko, tumingin ako sa paligid habang yakap ko pa rin si Emmanuel. Nahagip ng aking mga mata si Esme na nakatayo sa may b****a ng hardin. Nakatitig lang siya sa amin sa 'di kalayuan, at napansin ko ang luha sakanyang mga mata. "Esme," mahina kong saad. Bigla akong pumiglas sa yakap namin. Nagtataka naman si Emmanuel saka lumingon sa direksyon na tinitingnan ko. Kasabay n'on ang pagtalikod ni Esme sa amin at paglalakad niya palayo. Nagkatinginan kami ni Emmanuel, nagtataka ako kung bakit umalis na luhaan si Esme. Ang reaksyon naman ng kasama ko ay parang hindi maipinta. Para siyang nakakita ng multo, pagkatapos ay halatang may inis. Bago ko pa makalimutan, sinundan ko na si Esme at iniwan si Emmanuel. Nagpalinga-linga ako sa paligid habang mabilis na naglalakad. Saan ka na ba, Esme? Nagtanong-tanong din ako sa ibang mga taong nakakasalubong ko. Buti na lang at may nakakita sa kanya. "Excuse me, nakita mo ba si Esmeralda?" tanong ko sa isang kasambahay. "Naabutan ko po siya sa may balon, nandoon po siya," saad niya. Nagpasalamat ako at dire-diretsong tumungo sa balon na natatandaan kong nasa likod ng aming mansion, malapit sa dirty kitchen. Pagpunta ko roon, nakita ko si Esme na nasa lapag at nakatungo sa balon, mukhang nakatulala sa palayan. Tahimik akong lumapit sa kanya, at umupo sa may balon. Umayos ng tindig si Esme at hinarap ako. Kumunot ang noo ko dahil namumugto ang mga mata niya. "Bakit ka umiiyak? At saka bakit ka umalis?" naguguluhan kong tanong sa kanya. Umupo rin siya para magkatapat kami. "Hindi mo ba naaalala?" saad niya. Napatigil ako, may dapat na naman ba akong alalahanin? "Anong dapat kong maalala?" maingat kong tanong. Tumulo ang mga luha niya na parang nasaktan siya. Nagpanic naman ako dahil sa pag-iyak niya. "M-mahal mo ba siya?" tanong niya. "Sino?" tanong ko. Umirap naman siya dahil sa walang kwenta kong tanong. "Si Emmanuel! Gusto mo ba siya?" saad niya na tila naiinis na. "H-hindi?" sagot ko. Mukha naman siyang nakahinga nang maluwag. "Sa pagkakaalam ko, magkaibigan lang kami kahit na sa mata ng mga tao ay magkasintahan kami," saad ko pa. Umiwas naman siya ng tingin sa akin. "Bakit, Esme?" tanong ko. Pero hindi pa rin siya sumasagot at nakatingin lang sa kawalan. Bigla naman akong nahilo na parang umikot ang paligid ko, kaya napapikit ako. Nakaramdam tuloy ako ng pagka-irita at inis dahil kanina pa niya ako hindi kinikibo. Napakainit pa ngayong araw at nandito kami sa labas. "Ano ba!? Kanina pa kita tinatanong ah, bingi ka ba?" saad ko sabay hila sa kanya. Nang iharap ko siya sa akin, napasinghap siya. Tumayo siya at ngayon naman ay parang galit na siya. "Alam mo kung bakit? Hindi ba dapat alam mo 'yan? Eliz, ilang taon na tayong magkasama, pati ba naman 'yan nakalimutan mo? Hindi na 'ko magtataka kung isang araw, makakalimutan mo na rin ako," saad niya. Tumayo naman din ako't hinarap siya. "So may gusto ka kay Emmanuel?" saad ko. Tumahimik siya nang kaunti. "At ngayon, naiinggit ka dahil ako ang papakasalan niya?" tuloy ko pa. Natigilan siya dahil sa sinabi ko. Naramdaman kong nasaktan siya. Dahil sa galit ko ay hindi ko mapigilang inggitin siya, kahit pa'y labag sa loob ko. "Kung makapagsalita ka, parang gusto mo rin siya?" mahina niyang saad. Tila hindi makapaniwala sa mga winika ko. "Baka nakakalimutan mong kami ang may tunay na relasyon," saad naman niya. Nagulat ako, may relasyon pala sila? "Dapat ay limang taon na kami, Eliz," tuloy niya. Ako naman ngayon ang hindi makapagsalita. Kaya pala umiyak siya at umalis nang makita kaming magkayakap. Kung sana ay ipinaliwanag niya sa akin agad, sana ay naliwanagan na ako kanina pa. "Batid kong hindi mo naalala, kayo nga ang unang nagkakilala dahil magkababata kayo. Pero nang makilala niya ako, nagkaroon siya ng interes sa akin. Ikaw din mismo ang nagpakilala sa kanya para sa akin, at nagsilbi naming tulay. Kahit na n'ong una ay humahanga rin naman siya sa'yo. N'ong naging magkasintahan kami, at muntik nang mahuli, pinalabas niyo na kayo ang magkasintahan para mapagtakpan kaming dalawa. Iyon lang ang naiisip kong paraan, dahil alam ko rin namang sa huli ay kayo rin ang magkakatuluyan. Pero sumugal pa rin ako, kahit gan'on kasi alam kong mahal niya rin ako," kwento niya habang umiiyak. "Sa tuwing dadalaw siya dito sa mansion, akala ng lahat ay dinadalaw ka niya. Pero ang totoo, binibigyan mo kami ng pagkakataon na magkita at magsolo. Nagpapasalamat ako dahil sa'yo, pero Eliz ang sakit na malaman ko n'ong ipinagkasundo kayo," iyak niyang saad. Humahagulgol siya at hindi ko na napigilang yakapin siya. "Kasi 'yun din ang oras na sinubukan kong makipaghiwalay sa kanya. Hindi ko kaya 'yung katotohanan na ikakasal kayo, habang ako rito ay nag-iisa. Iyon ang araw na naghiwalay kami," hagulgol niyang saad. Tumulo rin ang aking mga luha. Hindi ko alam na labis siyang nasaktan dahil sa aming dalawa. Hindi ko maiwasang maramdamang ang sama ng loob para sa aking sarili, dahil hinayaan ko lang na maging gan'on ang kinahihinatnan namin. Ngayon na nagkasakit ako, hindi natuloy ang aming kasal. Sa tingin ko ay may pagkakataon pa na sabihin ang totoo para naman sa gan'on ay maging malaya na sila. "Alam mo rin bang hindi na muna matutuloy ang kasal?" saad ko. Bumitaw na siya sa yakap ko. Pinunasan ko ang mga luha niya. "Dahil sa sakit ko, kaya Esme, makipagbalikan ka na sa kanya. Baka sa pagkakataon na 'to, masabi niyo ang totoo," suhestyon ko. Bumuntong-hininga siya. "Kahit pa magkabalikan kami, malabo pa rin kaming maikasal. Ang fixed marriage ay isang tradisyon sa mga angkan niyo, lalo na kapag negosyo at politika ang pinag-uusapan. Isang malaking kahihiyan sa inyong angkan kapag sumuway kayo," saad niya. "Isa pa, mahirap lang ako. Habang kayo nama'y ubod ng yaman. Hindi kami ang para sa isa't-isa," malungkot niyang katwiran. Inakbayan ko siya. "Huwag kang mag-alala, gagawan natin ng paraan," saad ko sakanya. Kumunot ang kanyang noo. Mas mabuti pa rin na manaig ang kalayaan at pag-ibig, 'di ba?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD