"Ano ang ibig sabihin nito, Demetrio!" malakas ang boses na sabi ng babae mula sa kanilang likuran. Lahat sila ay nagsilingon upang makita kung sino ang may-ari ng tinig. Kararating lang nila sa maliit na bayan nila Demetrio. Ang lalaking naging katulong nila ni Memphis sa kanilang plano. Dito rin nila kinukuha ang mga kinakailangan nilang gamot dahil sila Demetrio ay angkan ng mga white witch na namumuhay ng pasimple at patago mula sa mga mata ng karamihan.
"Anselma..."
"Hindi mo na talaga ako pinapakinggan ngayon, talagang dinala mo pa sila dito, kahit pa batid mo na maaari tayong ipahamak ng mga 'yan!" paasik na sabi nito.
"Nakikiusap ako sa iyo na kumalma ka, kailangan nila ng tulong at masusulingan. Kailangan natin silang tulungan kung ibig nating mamuhay ng mapayapa sa mga susunod pang siglo."
"Tulong? Hindi pa ba sapat sa'yo na nagbibigay ka ng tulong sa kanila magmula sa mga halamang gamot maging ng mga potion at pati dito sa ating lugar ay dinala mo pa ang mga 'yan! Nahihibang ka na ba?"
"Hindi ako nahihibang, makinig ka muna sa mga paliwanag namin." Pagsusumamo ng lalaki.
"Ilang ulit ko bang sasabihin sa'yo na pagdating sa mga bampirang 'yan ay sarado ang isipan ko. Baka nakakalimutan mo na sila ang dahilan kung bakit wala na tayong mga kapamilya." Nangangalit ang mga bagang na sambit nito.
"Nakaraan na iyon at batid mong hindi kampo ni Serena ang may gawa noon."
"Maaari ngang hindi sila, pero lahi nila ang dahilan ng ating pagkaulila. Binabalaan kita Demetrio, paalisin mo sila habang hindi pa dumadanak ang dugo sa ating tahanan. Dahil sinasabi ko sa'yo na ako mismo ang papatay sa inyo kapag nangyari 'yon!" gigil na wika ng babae habang nakatitig ng masama kay Serena.
Napayuko siya sa pagkapahiya, kung hindi lang sana siya nanghina baka hindi nila kinailangang manghingi ng tulong ng iba.
"Pagpasensiyahan mo na ang aking kabiyak, marahil ay nauunawaan naman ninyo ang kanyang pinanggagalingan. Maaari kayong tumuloy sa kubol na ginawa ni Memphis ng ilang araw. Kakausapin ko muna si Selma at kayo naman ay magpahinga na muna." Ani Demetrio.
Kaagad naman silang niyakag ni Memphis sa kubol na binanggit ng una. Inalalayan siya ni Elizabeth sa paglalakad habang pasan naman ni Memphis ang natutulog na si Iniego.
"Pasensya na kayo... kasalanan ko ang lahat ng ito," hinging-paumanhin niya sa dalawa.
"Serena, wala kang dapat ihingi ng pasensya. Kasama mo kami sa bawat laban mo sa buhay. Alam namin na hindi mo iyo sinasadya." Sagot ni Elizabeth.
"Oo nga naman, ang mabuti pa ay asikasuhin mo muna ang iyong sarili. Magpahinga ka dahil napagod ka sa mahabang paglalakbay." Nakangiting suhestiyon ni Memphis. "At huwag kayong mag-alala, ang lugar na ito ay hindi makikita ng mga masasamang bampira o kahit na ng normal na tao. Napapalibutan ito ng mahiwagang kalasag na gawa pa ng pinakamatandang babaylan na si Apo Maria."
"Maraming salamat, Memphis..." Sabi niya sabay ngiti. Maging si Elizabeth ay nahiga na rin sa nakita nitong papag na bakante. Samantalang tulog pa rin si Iniego sa sulok.
---
"Hanapin ninyo si Serena! Hindi siya pwedeng mawala, nasa kanya ang aking anak!" dumadagundong na sigaw ni Dalton sa kanyang mga tauhan.
"Hinalughog na namin ang buong lugar ngunit ni bakas niya ay hindi na namin matunton, marahil ay nasa malayong lugar na siya." Sagot ng isa.
"Wala akong pakialam kung saan sila nakarating, ang utos ko ay hanapin ninyo siya at iuwi dito! Kailangan kong masiguro na pagkapanganak niya ay nasa akin na ang aking supling!" nanlilisik ang mga matang wika ni Dalton.
Walang nagawa ang mga ito kundi tumalima upang sundin ang utos ng kanilang amo kahit gaano pa ito kahirap.
"Hindi mo mailalayo sa akin ang aking anak, Serena!" galit na galit na sigaw ni Dalton.
---
Malalim na ang gabi ngunit hindi makaramdam ng antok si Serena, balisa siya at hindi mapakali. Dala marahil ng pagdadalang-tao niya. Painat-inat siyang lumabas ng kubol. Tahimik na ang buong paligid at tanging kuliglig ang maririnig sa paligid. Dahan-dahan siyang umupo sa nakausling bata sa harapan ng kubol. Tumingala siya sa langit at nakita niya ang napakaraming bituin na waring nagpapaligsahan sa pagkinang.
"Hindi ka makatulog?" wika ng isang tinig na sa pakiwari niya ay galing sa matandang babae.
"Oo..." sagot niya.
"Dahil 'yan sa iyong anak." Sambit ng matandang babae kasabay ng paglapit sa kanya.
"Huh? Anong ibig mong sabihin?" nagtataka niyang tanong.
"Ako nga pala si Apo Maria, at ikaw si Serena, hindi ba?"
"Oo, ako nga si Serena." Simpleng sagot niya sabay titig sa matanda. "Ikaw marahil ang babaylan na binanggit ni Memphis kanina."
"Ako nga..."
"Ano ang kailangan mo sa'kin?"
"Ang iyong anak ay maaring magdala ng panganib o kaligtasan sa sanlibutan. Batid mo ba ito?"
"Anong ibig mong sabihin?" nagugulumihang tanong niya.
"Isang supling na may dugong maharlika, dugong mortal at may bahid ng kasamaan. Sa oras na siya ay isilang, muling magbubuklod ang masasama at mabubuti. At magkakaroon muli ng panibagong digmaan mula sa mabuti at masama." Seryosong turan nito. "Sa paglabas niya sa mundong ito, malaki ang posibilidad na matunton kayo ni Dalton sapagkat may koneksyon siya sa sanggol na iyan."
"Hindi maaari! Sa oras na isilang siya ay lalabanan ko na si Dalton upang hindi na niya mahawakan pa ang aking anak!"
"Serena, nauunawaan mo ba ako? Ang batang nasa iyong sinapupunan ay maaaring maghatid sa iyo ng kamatayan. Sa kapalaran nating lahat ay nakasalalay sa kanya. Nasa kanyang desisyon kung saan siya papanig. Sa kabutihan o kasamaan."
"Hindi na niya kakailanganin pang mamili dahil ilalayo ko siya sa kasamaan at titiyakin ko iyon!"
"Ipapaalala ko lang sa iyo, ang kapangyarihan mo ay unti-unti niyang kinukuha mula sa iyo. Sa oras na maging isang ganap na siyang nilalang. Mahihirapan ka ng maibalik sa dati ang iyong lakas." Sagot nito. "At ang iyong anak... Siya ang magiging pinakamalakas sa lahat dahil taglay niya ang tatlong katangian na wala ka."
"Bakit mo sinasabi sa akin ito?" Tanong niya.
"Upang makapaghanda ka. Huwag mong hayaan na gamitin ni Dalton ang sanggol na iyan upang magtagumpay siya sa kanyang masamang balak.