BLESSIE
“HUY, Blessie, kumusta naman si Sir Trigger? Masarap ba siya? Share naman d’yan!”
Halos magkumpulan ang mga empleyado nang makalabas ako sa opisina ni Trigger. Muntik nang umikot papuntang outer space ang mga mata ko dahil sa mga tanong nila. Por favor, wholesome akong tao!
Napangiwi ako at akmang sasagot na sana nang hilahin nila ako papunta sa gilid.
“Alam mo ba, animal daw ’yan si Sir sa kama!” Sinipat nila ang kabuuan ng katawan ko. “Buti nakapasok ka pa?”
Oo, animal talaga siya. Literal na animal ang ugali.
Kumalas ako mula sa pagkakapit nila. “Mali yata ang iniisip niyo sa amin. Walang nangyari at walang mangyayari sa aming dalawa,” mariin kong saad, may diin sa bawat salita.
Nagkatinginan silang lahat saka muling ngumiti ng nakakaloko. Parang gusto ko biglang maging karate kid dahil sa inis. Alam niyo ’yon? Parang ang sarap nilang i-flying kick sabay tumbling with poise.
“Sige, magtitimpla pa ako—”
“Blessie, Blessie, Blessie~”
Napamura ako sa isip nang marinig ang malalim at baritonong tinig ni Trigger na paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko mula sa loob ng kaniyang opisina. Dahan-dahan silang nagsilingunan sa akin bago nagsiatrasan na tila ba mayroon akong dalang virus sa katawan. Napabuga ako ng hangin saka padaskol na nilingon ang pinto ng kaniyang opisina.
Inutusan niya akong magtimpla ng kape tapos ngayon tatawagin na naman ako? Kigwa ka talaga, Trigger!
“Ehem, sige na. Baka magwala na ’yon kapag hindi ka nakita,” pagtaboy sa akin ni Ma’m Carina, ang Head ng Finance Department. Mukhang napadaan lang talaga siya at nahila lang ng mga chismosang froglets kaya naririto pa rin siya hanggang ngayon.
Napangiwi ako saka marahang tumango. Muli silang umatras nang humakbang ako kaya nakagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili na sakalin sila isa-isa.
“Mauna na ako sa inyo.”
PADASKOL kong binuksan ang pinto saka dali-daling lumapit kay Trigger na ngayon ay abala sa pagtipa sa kaniyang laptop. Humalukipkip ako sa harap niya.
“Ano ho ang kailangan niyo, sir?”
Saglit niya akong binalingan bago muling binalik ang tingin sa laptop. Nakakunot ang noo niya at mukhang may binabasa base sa galaw ng kaniyang mata. Baka ito iyong kontratang hinihintay niyang dumating kanina? Ang alam ko ay may isang business man na interesadong mag-invest sa kompanya. Masiyado raw kasi itong namamangha sa pamamalakad ni Trigger kaya nais niyang maging parte ng Mortel Group.
Sa una ay nagdududa ako sa kakayahan ni Trigger na magpatakbo ng kompanya. Honestly, ang akala ko talaga ay matanda at talagang competitive tingnan ang CEO ng Mortel Group. Kaya nga ako nag-apply dito, eh, to nurture my skills pero d*mn. Hindi ko inaasahan na isang antipatiko at pilyong lalaki ang magiging boss ko.
Parang hindi ko matanggap, eh. Unang araw ko pa lang, pinakita niya na kung gaano siya kabangis in terms of being mischievous.
“I have an important guest later and I want you to stay with me while I have a short talk with him,” seryosong turan nito nang hindi man lang lumilingon sa akin.
“With all due respect, Sir Trigger, but may I at least know the purpose of this short talk?”
Natigil siya mula sa pagtipa at dahan-dahang bumaling sa akin. Sumilay ang nakakalokong ngiti sa kaniyang labi kaya agad na nangunot ang noo ko.
“I’ll tell you when the right time comes,” biro nito.
Napahinga ako ng malalim. Gusto kong malaman kung tungkol saan ang pupuntahan namin mamaya. Alangan namang magmukha akong tanga sa harap ng guest na ’yon, ’di ba? And I have this weird guess na paglalaruan na naman ako ng mokong na ’to mamaya. He is Trigger Mortel, for Pete’s sake!
Bumalik na lang ako sa table ko para abalahin ang sarili sa pag-scroll ng f*******:. Nakakabuwisit! Wala naman talaga akong ginagawa sa opisinang ’to, eh! Nasasayang ang pinag-aralan ko dahil sa damuhong ’to. My gosh!
Bakit ba kasi ang rupok ko? I was blinded by money! Pinagpalit ko ang pinag-aralan ko sa pangarap kong buhay. Ang inaakala kong secretarial ay malayo sa posisyon ko ngayon.
“Blessie, nasaan nga pala ’yong pinapatimpla kong kape?”
Mariin ako pumikit at ilang beses na huminga ng malalim bago siya nginitian.
“Ay, oo nga pala, sir! Nawala sa isip ko. Ikaw ba naman kasi ang tawagin ulit, eh, kita namang kalalabas mo pa lang ng opisina. Naku! Mukhang kasalanan ko na naman kung bakit hindi kita natimplahan ng masarap na kape.” Nakakuyom ang kamao ko habang binibigkas ang mga salitang iyon.
Malakas siyang napahalakhak. “Ikaw talaga, masiyado ka nang makakalimutin. Kebata-bata mo pa naman,” napapailing nitong sabi habang hindi nawawala ang nakakalokong ngisi sa labi.
“Minsan kasi, mas mainam nang kalimutan ang mga bagay na hindi naman mahalaga. Ano naman ang silbi no’n sa akin? Eh, hindi ko naman mapapakinabangan.”
“Hindi ka naman siguro galit niyan, ’no?”
Nakagat ko ang dila ko. “Ay hindi po!”
“Ah, akala ko kasi galit ka. Parang may halong panggigigil kasi ’yong sinabi mo kanina,” tumatangong saad niya bago muling ngumiti. “Oh, nasaan na ang kape ko?”
Gago.
Iniwan ko na siya at nagtungo na sa mini kitchen. Hindi ko na pinansin pa ang mga empleyado na lalapit pa sana sa akin nang lumabas ako sa opisina ni Trigger. Paniguradong hihilahin na naman ako no’n sa isang tabi para pagkuwentuhin kung ano ang sinabi ng buwist na iyon.
At ito pa ang isang kinaiinisan ko, ha? Napakachismosa ng mga tao rito. Nandiyan ’yong mga nagdududang tingin tuwing lalabas ako sa pintong iyon tapos maya-maya ay magbubulungan. Parang mga bubuyog na hindi mapakali. Makakatikim talaga ng laser gun ang mga chikadorang iyon.
“Oh, Blessie. Nanghihingi ba ulit ng kape?” bungad sa akin ni Jury na nagtitimpla rin ng kape.
Matamlay ko siyang nginitian bago lumapit. Kinuha ko mula sa dispenser na nakalaan para sa CEO ang mug na palagi niyang ginagamit. Panda ang design noon kung saan nakasulat ang mga letrang T.M sa bandang ibaba.
Ang ganda sana basagin, eh. Kung wala lang talagang CCTV dito.
“Napapadalas yata ang pagkape ni Sir Trigger, ah? Hindi naman ’yan nagpapatimpla ng kape dati, eh. Sa Starbucks siya palaging nagpapabili ng inumin o kaya ay doon sa coffee shop sa tapat.”
Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi niya. So, trip niya lang talaga akong utusan, gano’n? Oo nga naman, mayaman naman siya, bakit hindi na lang siya magpa-deliver ng kape galing Starbucks?
“Gano’n ba? Baka nasarapan lang sa timpla ko kaya inaaraw-araw?” biro ko kahit alam ko namang sala sa init, sala sa lamig ang lasa ng mga tinitimpla ko.
May oras na walang asukal o kaya ay kokonti lang ang nilalagay ko. Mayroon din na oras na halos mangalahati na sa mug ang nilalagay ko. Depende na ’yon sa kaniya kung iinumin niya o hindi. Baka sakaling magbago ang isip at mag-order na lang sa labas.
“Baka nga. Buti nga at hindi ka pa nagre-resign sa trabaho. Sana naman umabot ka ng tatlong buwan sa kaniya,” sambit nito saka sumimsim sa kape.
“Ano’ng ibig mong sabihin? Marami na bang naging secretary si Sir?”
“Sobrang dami. Siguro tatlong beses sa isang buwan siyang nagpapalit noon.” Lumapit ito sa akin para bumulong. “Tinatanggal kasi ni Sir kapag nalaman o naramdaman niyang nagkakagusto na sa kaniya ang secretary niya.”
Bahagya akong natigilan. Anong klaseng trip naman ’yon? Tatanggalin dahil crush siya ng tao? Naku, mukhang magtatagal talaga ako sa kompanyang ’to.
“Seryoso ba ’yan?” paninigurado ko. Mahirap na. Baka maling chismis ang nasagap ko.
“Galing ’yan mismo sa dating secretary niya. Iyan daw ang dahilan ni Sir kung bakit siya tinanggal.”
“Eh, bakit—”
“Blessie! Kape ang hinihingi ko, hindi mainit na chismis.”
Napapiksi ako nang may biglang nagsalita mula sa pinto. Halos matapon pa ang hawak kong kape dahil sa gulat. Taas-kilay na nakatingin si Trigger na mukhang hindi natutuwa sa nakikita.
“Masarap ba iyang pinag-uusapan niyo? Baka puwede namang pa-share para maka-relate ako,” pahabol pa nito.