1
You are the one that makes me happy
When everything else turn to gray...
AS USUAL, umagaw na naman ang magandang boses ni Shelby sa atensyon ng mga panauhin. Kahit naman minsan ay nasa isang gilid lang siya at inaakampanyahan ng minus one ang tinig niya ay nagagawa niyong mang-agaw ng atensyon.
She was a very good singer. Hindi iilang beses na may nag-alok sa kanya na sumubok sa show business para magkaroon pa ng tsansa ang boses niya pero masaya na siya na nabibigyan ng pagkakataon na kumanta sa pamamagitan ng mga kasal na kumukuha sa serbisyo niya.
You are one of the few things worth remembering
And since it’s so true, how could anyone mean more to me than you…
Huling kanta na niya para sa kasal na iyon. Pero madalas ay nahihilingan pa siya na kumanta uli. At nagpapaunlak din naman siya kahit hindi malinaw kung mayroon ba o wala iyong dagdag na bayad. Basta ba nakikita niya sa mga bisita na nagugustuhan ang kanta niya, kakanta pa rin siya.
“Shelby, pakiulit mo raw kantahin iyong Love Is All That Matters. Iyon ang theme song ng bride and groom, eh,” lapit sa kanya ni Eve. “Don’t worry, bibigyan ka ng tip ng parents ng groom.
Ngumiti siya nang matamis. “Ngayon na ba? Okay.”
At segundo lang ay pumailanlang na ang intro ng naturang kanta. Siyempre pa, kabisadong-kabisado na niya ang piyesang iyon. Isa yata iyon sa mga most requested songs sa mga kasalan.
“Thank you, Shelby,” masayang wika sa kanya ng bride nang magpaalam na siya. Tapos na ang bahagi niya sa program ng kasal nito at maaari na siyang umuwi.
“Sa kasal ng pinsan namin sa isang buwan, kukunin ka uli para kumanta. Parang may professional kaming singer dahil sa ganda ng boses mo,” papuri naman sa kanya ng groom.
“Salamat,” polite na tugon niya. “Basta kay Eve na lang kayo makipag-coordinate. Hindi kasi ako tumatanggap ng offer kung hindi nagdadaaan sa kanya.”
“Exclusive ka sa Romantic Events?”
“Parang ganoon na nga.”
“Well, Romantic Events din naman ang kukuning wedding coordinator ng pinsan namin so malamang tayo-tayo rin ang magkikita-kita.” Inabutan siya nito ng sobre. Alam niya, tip lang iyon. Ang talagang bayad sa kanya ay kasama na sa package na binayaran ng mga ito kay Eve.
“Ganoon na nga siguro. Mauuna na ako. Thank you din.” Inilagay na niya sa bag ang sobre. Hindi niya ugaling buksan ang sobre kapag kaharap ang nagbigay.
Hinubad niya ang gown at nagpalit ng maong at cotton tee saka niya hinanap si Eve. “Mauuna na ako sa inyo. Nasa labas si Rogel, eh. Naghihintay sa akin.”
“Okay. Teka, nakapamanhikan na ba sa inyo iyang fiancé mong konsehal? Baka sa susunod maging first lady ka na ng isang bayan. May dugong politico iyang mapapangasawa mo, di ba? Hindi malabong umakyat sa pagiging mayor iyang si Rogel,” tudyo nito.
“Ewan ko sa kanya. Second term pa lang naman niya na konsehal, eh. Hindi pa niya nababanggit na magme-mayor siya.”
“So kailan ang pamanhikan? Mas maganda kung medyo matagal pa ang wedding ninyo para mahaba rin ang preparation. Hindi naman sa hindi ko kaya ang mabilisan. Pero alam mo na, iba pa rin iyong we more than enough time to prepare.”
“This weekend, isasama na daw niya ang mama niya sa bahay. Alam na rin naman ng parents ko, eh. Sino ba naman ang hindi magtatanong kapag nakitaan ako ng ganito kalaking singsing?” Ipinakita niya kay Eve ang marangyang engagement ring. Hindi iyon pahuhuli sa uri ng mga alahas na tinda ni Lorelle.
“Mahal iyan, I’m sure,” komento ni Eve.
“Two hundred thousand. Nang malaman ng mama ni Rogel na tinanggap ko na ang alok niyang kasal, ibinigay sa akin ang certificate nitong singsing. Siyempre, nakita ko na rin doon ang presyo.”
Tumikwas ang sulok ng labi ni Eve. “Dapat bang ganoon? Mali yata iyon.”
“Ewan ko ba sa mama ni Rogel. Mabait naman pero kung minsan parang masasakal ako sa kabaitan. Parang pakialamera, eh. At mata-pobre nang slight,” binuntutan niya ang tawa ang sinabi. “At itong singsing na ito, siya din pala ang bumili nito. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ako o maiinis. Si Rogel ang pakakasalan ko, di ba dapat siya ang bumili?”
“Well, ano ba ang masasabi ko tungkol diyan. Dalawang set ang naging biyenan ko. Pawang mababait pero hindi pakialamera.Kung tungkol naman diyan sa pagbili niya ng singsing, let’s see it on the positive side. Na baka sobrang excited siya na alukin ka ng kasal ng anak niya kaya inako na niya ang pagbili.”
Napailing na lang siya. “Oh, well, sana nga ay ganoon. Sige, mauuna na ako.”
“Shelby, don’t forget. Sa makalawa iyong kasal ng isa nating client.”
“Don’t worry. Eleven AM naman iyong kasal kaya merienda time lang malamang na tapos na din pati reception. Sa gabi naman ang pamanhikan. May time pa akong makapag-beauty rest. Or… tumakas?”
Sabay silang tumawa ni Eve.
“MATAGAL ka yata?” tanong ni Rogel nang sumakay siya sa kotse nito.
“Nagpa-extra pa ng isang kanta, eh. Saka nag-usap pa kami sandali ni Eve. Nainip ka?”
“Si Mama ang inip na inip na. Hinihintay niya tayo, eh. Sa bahay tayo tutuloy ngayon, Shelby.”
“Bakit? May pasok pa ako mamayang hapon.” Part-time college instructor siya sa isang university. Bukod doon, katuwang din siya sa pagtulong sa family business nila kaya ang pagkanta niya sa mga kasal ay parang break lang niya sa busy schedules niya.
“May surprise daw sa atin si Mama.”
Bahagya lang ang tuwang gumapang sa dibdib niya, ang mas malamang na naramdaman niya pangamba. Ewan ba niya kung bakit hindi niya agad matanggap na siyento por syento ang kabaitan ng mama nito. Nag-aalangan siya kadalasan.
“Palagi na lang may surprise sa atin ang mama mo. Baka naman sobra-sobra na ang mga ibinibigay niya sa atin.”
“Ano naman ang masama doon? Ayaw mo ba nu’n, generous sa atin si Mama? Saka solong anak ako kaya talagang sa atin lang ang atensyon ni Mama. Alam mo, Shelby, ang suwerte mo. Dahil gustong-gusto ka ni Mama para sa akin. I’m sure, kung ang niligawan ko at pakakasalan ay hindi niya gusto, hindi magiging ganyan si Mama.”
Pinigil niya ng sarili na bilangin kung ilang beses na binanggit ni Rogel ang “Mama.”
“Pero nakakahiya na rin sa Mama mo, Rogel. Baka mamaya sinusubukan lang niya ako, ako naman tanggap nang tanggap sa mga regalo niya.”
“Ano ka ba, sweetheart? Mas magtatampo si Mama kapag tinanggihan mo ang mga bigay niya. At saka dapat Mama na rin ang itawag mo sa kanya. Officially engaged na tayo ngayon. Sa weekend mamamanhikan na kami sa inyo. And maybe three or four months from now, mag-asawa na tayo. Magiging mama mo na talaga ang mama ko.”
“Naiilang kasi ako kung minsan,” amin niya.
“Tsk! You should not feel that. Mabait si Mama. Kung sa ibang biyenan-to-be lang diyan, aba, suwerte ka na sa mama ko.”
Naglapat ang mga labi niya. Hindi niya alam kung bakit parang may bumabangong pagkapikon sa kanya pero kinontrol niya iyon.
“Here we are,” wika ni Rogel nang ipasok sa malawak na bakuran ang sasakyan.
Her fiancé was obviously rich. Anak ng isang yumaong congressman at negosyante. Ang mama nito ay may chain ng pawnshop at bukod pa roon ang malawak na lupain sa Cavite na pinagawang industrial site. At madalas sabihin ng mama nito na balang-araw ay sa kanila din ni Rogel masasalin ang kayamanang iyon.
Hindi naman madamot ang mama ni Rogel. Sobrang galante nga. Iyon nga lang, hindi niya maipaliwanag kung bakit hindi siya maging kampante sa pagiging mabait ng biyuda sa kanya. Mas matining ang pakiramdam niya na pakikialam iyon sa kanila ng kanyang magiging biyenan.
“Shelby, I have a feeling na hindi basta sorpresa ang inihanda sa atin ni Mama. So please, huwag mo namang tanggihan. Pagbigyan na natin siya sa kaligayahan niyang bigyan tayo ng kung anu-ano.”
Hindi na lang siya kumibo.
“Rogel, Shelby,” salubong sa kanila ni Mrs. Estella Madlang-hari. “Nakakain na ba kayo?”
“Sa kasalan galing si Shelby, Mama. Hindi ba’t wedding singer siya? Siyempre pinakain na siya doon. Ako naman, nakakain na rin sa labas bago ko siya sinundo.”
“Sa kasal ka galing?” baling sa kanya ng babae. “Parang hindi yata bagay ang damit mo kung kasal ang pinuntahan ninyo. Masyadong simple. Hindi ko alam na may uma-attend sa kasal na naka-maong.”
She was offended. Gusto niyang ipaliwanag na hindi naman iyon ang suot niya sa pormal na okasyong pinanggalingan niya pero bumaling agad ang babae sa anak nito. Sa itsura ay mukhang hindi na siya talaga binigyan ng pagkakataon na mangatwiran.
“Siguradong hindi kayo gutom, ha? Aalis tayo,” tila walang anumang wika nito.
“Saan tayo pupunta, Mama?” indulgent na tanong dito ni Rogel. Sa itsura ay tila balewala dito ang naging damdaming niya. And she doubted kung napansin man lang nga ba iyon ng lalaki.
“Surprise!”
“M-Mama,” asiwang wika niya. “M-may pasok po kasi ako sa university mamayang alas kuatro. Baka po malayo ang pupuntahan natin.”
“Of course not, hija. Hindi naman tayo masyadong lalayo. Diyan lang tayo sa may La Vista.”
“Aano naman tayo sa La Vista?” tukoy ni Rogel sa isang de-klaseng subdivision.
“Sorpresa nga, eh. Ano, lalakad na tayo?”