2

1799 Words
“BIBIGYAN tayo ni Mama ng bahay at lupa,” buong galak na wika ni Rogel nang nakasakay na silang muli sa sasakyan. Dapat sana ay iisang kotse na lamang ang sasakyan nila pero didiretso na siya sa university pagkagaling doon at mayroon ding ibang pupuntahan ang mama ni Rogel kaya nag-convoy na lamang sila. “Bahay at lupa sa La Vista? Milyones ang halaga doon!” wika niya. Tumawa lang si Rogel. “Sweetheart, milyones naman talaga ang halaga ng bahay at lupa ngayon. Kahit naman simpleng bahay, malaking halaga ang inaabot.” “Pero ibibigay lang sa atin ng mama mo.” “Mama natin,” he corrected her. “Gusto mo ba, bayaran ko sa kanya? I have my own money. Iyong sahod ko bilang konsehal, alam mo namang pangtulong ko din iyon sa iba. May sarili din naman akong puwesto ng pawnshop. At nabanggit ko na sa iyo dati na ilang branches ang bubuksan ko sa mga darating na buwan.” “Minsan, Rogel, iniisip ko, hindi kaya alangan ako sa inyo? Sobrang yaman ninyo samantalang pangkaraniwan lang kami.” “Ano ka ba, sweetheart. Huwag kang mag-isip ng ganyan, okay?” Huminto ang sinusundan nilang kotse sa tapat ng isang bakanteng lote. Mayroon nang nakasalansan doon na mga bakal at semento. Mayroon na ring munting barracks. “Baba na kayo, Rogel, Shelby,” lapit sa kanila ni Mrs. Madlang-hari. “Ano, sweetheart, Bahay at lupa, ‘no?” baling sa kanya ni Rogel. Napatango na lang siya. “Mrs. Madlang-Hari,” bati dito ng isang medyo may edad nang lalaki. “Napaaga po kayo nang kaunti. Mayamaya pa raw po darating si Architect. May meeting po kasi siya sa board of directors ng itinatayong mall sa Laguna.” “Okay lang, Maning. Iyan ang anak ko, si Rogel at ang mapapangasawa niyang si Shelby. Si Maning ang foreman dito,” pakilala nito. “Mama, ipinagpagawa mo nga kami ng bahay?” tila batang tanong ni Rogel sa ina. “Regalo ko para sa kasal ninyo. Mamaya, darating ang arkitekto. Kayo ang mag-usap tungkol sa plano. May nauna nang plano pero puwede pa naman iyong baguhin hangga’t hindi nakakapagtayo ng haligi.” “Mama, nakakahiya naman po yata,” sabi niya. Nag-aalangan pa rin siyang tawagin itong mama pero napagtalunan na nila dati ni Rogel ang pagtawag niya ng tita dito. “Of course not, Shelby. Talaga namang ang mag-asawa ay dapat na bumukod ng tirahan. At tamang-tama naman ang lugar na ito, malapit lang sa bahay ko. Kapag nagkaanak kayo, madali kong madadalaw ang mga apo ko.” Nilinga ni Shelby ang loteng pagtitirikan ng bahay. Karaniwan nang may paskil iyon na nagsasaad ng kung anu-anong permit numbers at pangalan ng arkitekto at engineer pero wala siyang nakita. “Wala pa po yatang building permit?” tanong niya sa foreman. “Ikakabit na. Pinagawa ko pa sa tao ko, kanina lang kasi namin nakuha ang permit sa city hall. Hayan na pala si Architect!” wika ng foreman. Isang bagung-bago at mamahaling pick-up ang pumarada sa likuran ng kotse ni Rogel. Kung pagbabatayan niya ang uri ng kotse ng dumating, natural lang na mahal din ang bayad sa arkitektong iyon. Kungsabagay, hidi naman talaga makikipagkontrata ang mama ni Rogel sa mga basta-basta lang. “Tiyak, ang laki ng professional fee ng arkitekto na iyan,” hindi pa rin naiwasan at bumulong siya kay Rogel. “Well, building at shopping malls ang dine-design ni Architect Sandoval. Kung tama ang pagkakatanda ko, may sarili siyang firm. Pero dahil kaibigan siya ni Mama, I’m sure, binigyan naman niya si Mama ng discount.” “Kilala mo ang arkitekto?” gulat na wika niya. “Oo naman. Lately ay madalas silang magkita ni Mama pero hindi ko naisip na para sa mismong bahay natin ang pinag-uusapan nila. Tsk, you’ll have a very wonderful house, sweetheart. Napakagaling na arkitekto niyang si Marcus.” “Marcus?” ulit niya na parang ngayon lang nare-realize ang pangalang binanggit. “Marcus Sandoval?” “Architect Marcus Sandoval. Bakit kilala mo rin siya?” ANG isasagot niya ay nabitin nang makitang nakababa na ng sasakyan ang lalaki. At bigla ay parang hindi siya makahinga. Hindi niya tiyak kung bumagal o bumilis pa kaysa normal ang t***k ng kanyang puso. Parang namatanda siya sa lalaking papalapit ngayon sa kanila. Dati nang matangkad si Marcus kaya hindi niya alam kung nadagdagan pa ang height nito. But he looked taller. At puwede ring dahil iyon sa matikas na pagtindig nito. His stride commanded authority and power. Bagaman nakangiti, nasa ekspresyon din ng mukhang iyon na marunong itong magsabi ng hindi. He had a wavy hair. Ang haba ay umabot sa bandang batok nito ngunit malinis pa ring tingnan. Ang malagong kilay ay tila lalo pang nagpapaitim sa itim na mga mata nito. His nose was straight, slightly crooked. Parang natatandaan pa niya kung paanong na-deform ang ilong na iyon. Dahil sa isang away noong nag-aaral pa ito at ang kuya niya. And his lips were thin. Nang mapalapit pa ito ay natiyak niyang hindi nagawan ng damage ng nicotine ang natural na kulay niyon. Ang aga nitong sumubok sa paninigarilyo. Siguro ay tumigil na ito ngayon. He had a pinkish lips. Ang katangiang nakakuha sa atensyon niya some ten years ago--- noong panahong sumusubok ito sa pagsisigarilyo at tahasang kumokontra ang mommy niya sa bisyong iyon. “Hijo, mabuti at napaaga ka. Akala ko ay may meeting ka?” salubong na agad dito ni Estella. “Na-postpone ho. Papunta na nga ako doon nang tawagan ako na hindi matutuloy. So dito na ako dumiretso. Rogel,” baling na bati nito sa lalaki. “Sorpresa daw ni Mama itong bahay,” tugon ni Rogel. “Well, sorpresa talaga. Hindi ko alam na kaya pala madalas ka sa amin lately ay dahil mismong bahay ko na pala ang pinaplano ninyo.” “Hindi pa naman masyadong tapos ang plano. Basic structure pa lang. Kokonsultahin ko pa kayo na mismong titira, siyempre.” “Oh, by the way, si Shelby. Ang pakakasalan ko.” Inakbayan siya ni Rogel. “Hello,” polite na inabot ni Marcus ang kamay nito sa kanya. Atubili namang inabot niya iyon. Surely, hindi siya nito natatandaan. “Hi.” “Shelby?” Tila napatda ito at sa wari ay nakalimutan ding magkadaop ang mga palad nila. “Shelby Sta. Ana?” Hindi niya naiwasang mapangiti. “Ako nga. Kumusta, Marc?” Nauwi sa yakap ang pagkakamay nila. “Magkakilala kayo?” gulat na wika nina Estella at Rogel. Hindi rin madaling bigyan ng kahulugan ang gulat ng mga ito. Lalo na si Rogel na sa isang tingin pa lang niya ay alam niyang nagselos agad. “Yes, Mrs. Madlang-hari,” si Marcus ang sumagot. “Best friend ko ang kuya nito noong college pa kami. Iyon nga lang, limang taon ako sa abroad at nang bumalik ako dito ay naging busy naman sa firm. Kumusta na si Jonas?” baling nito uli sa kanya. “Nasa Cebu. Doon siya naka-base, eh. Pero once a month umuuwi siya.” “Shelby, muntik na kitang hindi makilala,” wika ni Marcus sa tonong parang silang dalawa lang ang naroroon. “You’re beautiful.” Sa nakalipas na mahigit sampung taon ay hindi na yata niya naranasang pinamulahan ng mukha pero may palagay siyang nangyayari iyon sa kasalukuyan dahil tila sumasagad hanggang sa magkabila niyang tenga ang init na gumapang mula sa mga pisngi niya. “Nasaan na ang heavy glasses at braces?” wika nito na walang dudang puno ng papuri ang tinig. “Itinapon ko na ang braces. Ang heavy glasses naman, pinapalitan ko na ng contact lens.” “Good for you. Dati ka na namang maganda. Iyon nga lang natabingan iyon ng makapal na salamin at braces. At natatandaan ko, patpatin ka pa noon. But look at you now, voluptuous curves in proper places.” Napabungisngis siya. “Hindi ko alam na bolero ka pala, Marcus.” Isang malakas na tikhim ang ginawa ni Rogel at tinapik siya sa balikat. Mabilis ding bumaba ang kamay nito papulupot sa kanyang bewang. Sa halip na maalarma ay naaliw na lang siya. No doubt, nagseselos nga si Rogel. “Marcus, gusto kong ipakita sa kanila itong lugar, eh. Saka iyong puwesto ng bawat kuwarto, di ba dapat ay malaman din natin sa kanila kung saan nila gustong mailagay?” “Yeah. Iyong blue print na ginawa ko, dapat ay makita muna nila. Kung ire-revise man iyon ay madali na lang.” Minsan pa ay bumaling ito sa kanila. “Shelby, mahilig ka ba sa halaman? Kung ipapa-landscape ang paligid, dapat ay ikaw na rin ang konsultahin. May partner ako na landscape architect. Siya rin ang bahala sa garden nito.” “Orchids at bromeliads ang ipalagay mo sa garden, hijo. Lagyan ninyo rin ng philodendrons at anthurium foliage,” ani Estella. “Maganda kung mayroong gazebo, pagapangan mo ng miniature yellow bell. At siyempre, pinakapinong Bermuda grass ang ipalatag mo sa lupa.” Sa mismong hood ng kotse nito inilatag ang blue print. “I have designed a three-wing split-level. Ideal iyon para sa lokasyon nitong lupa. Five bedrooms—the master bedroom has an own toilet and bath, of course, spacious for a walk-in closet provision, a formal and informal dining room, living room, mini-library. Two more toilet and bath and a toilet and powder room at the ground floor,” mahabang paliwanag nito. “May private terrace din para sa master bedroom.” “Bakit hindi ka maglagay ng common terrace para sa ibang bedrooms,” wika ni Estella. Saka bukod sa dalawang dining rooms, hindi ba maganda kung mayroon ding breakfast island?” “Madali na naman ho iyon. Usually, interior designer na ang may sagot a ganoon. But we could coordinate para sa sukat.” “At tama ka, Marcus. Maganda talaga iyong may walk-in closet kagaya ng sa kuwarto ko,” sabi uli nito. Sinulyapan siya ni Marcus. “Would you like that, Shel?” tila may kahalong lambing na wika nito. After all, calling her Shel was definitely a kind of endearment. “Okay lang.” Pinili niyang maging kaswal ang pagtugon. “Sweetheart, baka ma-late ka sa klase mo. Mabuti pang ihatid na kita,” wika sa kanya ni Rogel. “Oh, don’t worry. Ako na ang bahala dito,” segunda naman ni Estella. “Nagtuturo kasi ako sa college. Sa hapon ang klase ko,” sabi niya bilang paliwanag sa nagtatanong na mga mata ni Marcus. “Wait, doon pa rin ba kayo sa San Juan?” “Oo naman.” Mabilis niyang kinuha ang cell phone at ipinasa iyon kay Marcus. “Iyan ang number ni Kuya Jonas. Tiyak na matutuwa iyon kapag nagkaroon kayo ng contact.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD