“Pasensya ka na ‘Dong sa bahay ko ha? Ito lang kasi pinaka murang paupahan ang naupahan ko rito eh,” sabi ni Kuya Daniel.
Binuksan niya ang pinto ng isang bahay. Napatingin ako sa kaliwang parte ng bahay dahil mayroon ding pinto roon. May harang lang sa gita na kahoy kaya mukhang magkaibang bahay. Ngunit kung titingnan ay iisa lamang iyon na hinati sa dalawa. Pagkapasok ko ay bumungad agad sa akin ang amoy ng sigarilyo. Agad namang kinuha ni Kuya Daniel isa-isa ang mga basyo ng alak na nakakalat sa sahig. Mayroong kahoy na upuan sa gilid na mayroong pang unan at hindi nakatuping kumot. Katapat niyon ay isang maliit na tv na flatscreen. Kita na rin ang kusina mula rito. Napangiti ako noong makita ko ang malaking ref sa kusina. Alam ko ‘yon dahil mayroon niyon ang magulang ni Sofia at sila Coach. Mukhang wala halos gamit ang bahay ni Kuya Daniel kahit maganda. Kung ganito siguro ang bahay namin ni Sofia ay hindi na siya magagalit sa akin palagi.
“Ano. Hindi na kasi ako nakapaglilinis palagi. Pasensya ka na sa kalat.”
Napatingin naman ako sa kanya. Nakangiwi siya habang hawak-hawak ang mga damit. Mabilis akong umiling. “Naku. Ayos lang ho. Naiintindihan ko.”
Tumango-tango si Kuya Daniel. Sabi ni Coach ay nasa trenta na ang edad nito ngunit wala pa ring asawa. Kaya hindi ko masisisi kung ganito ang hitsura ng bahay niya ngayon.
“‘Lika. Ikaw na ang gumamit ng kwarto.” Pumasok siya sa pinto na malapit sa kanya. Dala ang aking bag ay sumunod din ako sa kanya. “Hindi ko naman nagagamit kasi mas komportable ako sa sala matulog.”
Kung sa sala ay wala halos gamit. Sa kwarto naman niya ay hindi ko na malaman kung ano ang titingnan ko. May cabinet sa gilid at merong pom na nakatupi. Sa may tabi ng bintana ay may mga damit na nakatambak. May lamesa roon na mayroong kung ano-anong gamit. May mga pantalon at bag pang mga nakasabit sa dingding. Para akong biglang napunta sa palengke.
“H’wag ka mag-alala. Lilinisin ko ‘to ngayon.”
“Ha? H’wag na ho? Ayos lang sa akin.”
Napakamot si Kuya Daniel sa ulo. Lumapit siya sa cabinet. “Ito ang lagayan ko ng damit. Orocan lang ‘to pero bayad na. Pwede ka maglagay sa dulo ng mga dami mo.”
“Salamat po.”
“Ang CR ay nasa kabila lang. Sige. Bibili lang ako ng makakain natin.”
Tumango lang ako sa kanya. Lumabas na rin si Kuya Daniel kaya naiwan na ako sa loob ng kwarto. Napabuntonghininga ako habang nakatingin sa paligid. Napaka swerte niya at nakatira siya sa bahay na ganito. Hindi ko alam kung hanggang kailan pero pipilitin kong maitira si Sofia sa ganitong bahay. Sigurado akong matutuwa siya nang sobra. Oo nga pala! Ibinaba ko ang mga bag ko sa gilid ng pinto at kinuha ang maliit na notebook. Napangiti ako agad noong makita ko ang numero ni Sofia.
Tumayo akong muli at tiningnan ang kwarto. Mukhang matagal-tagal na linisan ang gagawin ko rito. Hindi naman problema sa akin dahil ako ang naglilinis sa amin noon. Madali lang ito.
“Dong! Halika! Kain tayo.”
Lumabas ako ng kwarto at tiningnan si Kuya Daniel. May dala na itong supot na may lamang kanin at plastic. Ipinatong niya iyon sa sementong patungan sa kusina at kumuha ng dalawang plato. Tumayo lang ako sa gilid ng pinto at pinanoo siya. Noong kinuha niya ang plato at tumingin sa paligid ay napangiwi siya. Hindi ko alam kung bakit kaya napatingin din ako sa paligid. Muli kong narinig na inilapag niya ang mga plato at naglakad papalapit sa akin.
“Kuhain ko lang ‘yong lamesa sa loob,” nakangiwing sabi niya. Tumango lang ako at gumilid. Nagulat pa ako noong makarinig ako ng mga pagbagsak ng gamit mula sa loob ng kwarto. Pagtingin ko ay nasa sahig na ang mga gamit na nakapatong sa lamesa kanina. Kinuha ni Kuya Daniel at lamesa at inilabas. “Pasensya ka na talaga. Doon lang kasi ako kumakain sa higaan ko.”
Napakamot ako sa ulo. “Ayos lang naman ho sa akin kahit sa sahig lang ako.”
Ibinaba ni Kuya Daniel ang lamesa at tumingin sa akin. “Gano’n ba?” Tumawa siya. “Wala rin pala akong upuan.” Umiling siya. “Oh. Kumain na nga tayo. Serve yourself.” Kinuha niya ang dalawang plato at ipinatong sa lamesa.
Lumapit na ako sa kanya at binuksan ang supot na dala niya. May apat na kanin doon na nakasupot at isang sinabawang ulam. Muling naglapag si Kuya Daniel ng mangkok kaya kinuha ko iyon at isinalin ang ulam doon.
“Nagkukutsara ka ba?”
Umiling ako. “Mas sanay po akong nakakamay.”
“Okay.” Kinuha ni Kuya Daniel ang dalawang supot ng kanin. “Hindi ko alam kung gaano ka karami kumain eh. Pasensya na at hindi kita natanong. Ginaya ko na lang sa akin.”
Tumango ako at ipinasok ang plastic labo na pinaglagyan ng ulam sa malaking supot. Kinuha ko ang kanin. “Marami na ho ito. Maraming salamat po.”
“Bukas. Sasamahan kita mag-asikaso ng mga requirements mo para makapasok ka na agad. H’wag kang mag-alala. Ako na backer mo ro’n.” Kinuha ni Kuya Daniel ang plato niya at mangkok saka naglakad papunta sa kahoy na upuan. Doon ko lang napansin na nakatupi na ang kumot at nakalagay sa ibaba kasama ang unan. “Dito na tayo kumain oh.”
Sumunod ako sa kanya at naupo sa kabilang gilid ng upuan. Muling tumayo si Kuya Daniel at lumapit sa ref. Kumuha siya roon ng isang pitsel na puno ng tubig. Kumuha na rin siya ng dalawang baso. Mukhang hindi na ako mahihirapan bumuli ng yelo. Ipinatong niya iyon sa upuan at doon sa sahig na upo.
“Naku, Kuya! Ikaw na rito. Ako na lang uupo sa sahig,” sabi ko. Umiling-iling lang si Kuya Daniel at muli akong pinaupo noong tumayo ako.
“Hayaan mo na. Mas gusto ko rito. Kain na tayo.” Tipid siyang ngumiti sa akin.
Hindi na ako nagprotesta pa. Mukhang mabait naman si Kuya Daniel kagaya nang sabi ni Coach. Masyado lang ata talaga siyang busy sa trabaho niya kaya ganito. Nag-umpisa na kaming kumain. Gutom na rin talaga ako dahil hindi na ako kumain mula pa kaninang umaga. Uminom na lang ako ng tubig. Nanghihinayang kasi ako gastusin ang perang ibinigay ni Coach sa akin eh.
“Ano ba ang requirements na meron ka?” tanong ni Kuya Daniel.
“Ano pong requirements?” balik-tanong ko. Tumingin siya sa akin na puno nang pagkalito. Napangiwi naman ako. “Hindi ko ho alam eh. Pero may pinadala si Coach sa akin. Birth certificate ko raw.”
“Diploma?”
Bigla akong napatingin sa plato ko. “Hindi po ako nakatapos ng high school.”
“Gano’n ba. Sige. Gawan natin ng paraan. Papasok lang ako ngayong hapon ha? Tapos bukas kukuha tayo ng iba mong requirements. Marunong ka naman magsulat at magbasa, ‘di ba?”
Muli akong tumingin kay Kuya Daniel. “Opo.”
“Mabuti naman. Hindi naman importante kung ‘di ka nakatapos. Basta magawa mo ang trabaho. Ako na ang bahala sa ‘yo.”
“Ano po ba ang trabaho niyo?”
“Magbubuhat ka lang ng kahoy tapos ayos na.”
Tumango-tango ako. Kung iyon lang naman pala ay madali lang para sa akin ang trabaho. Hindi ako mahihirapan. Pag-iigihan ko nang maige para sa mag-ina ko.