Hindi ko alam kung maniniwala ako sa mga matatamis niyang salita o hindi. Hindi siya nagbago. Mas lumala nga ang sweetness niya. It's just that I don't know how to react kaya nakakatanggap siya ng parang malamig na reaksyon sa akin.
Hindi ko kasi namamalayan na nag-oover think ako habang sweet siya kaya walang ibang reaksyon ang mukha ko. Talagang nakatitig lang ako sa kaniya. Gano'n lagi ang eksena namin.
Sa sumunod na umaga, nagising ako sa amoy ng bagong lutong sinangag at tuyo. Mga pagkaing simple pero tila naging espesyal dahil sa paraan ng paghahanda ni Carmichael. Bumangon ako at dumeretso sa kusina, kung saan naabutan ko siyang abala sa pag-aayos ng lamesa. Si Juday at Jennie ay nakaupo nang maayos sa gilid, naghihintay din ng kanilang hudyat para kumain.
"Good morning, Mayari," bati niya nang masilayan ako. Ang ngiti niya ay kasing liwanag ng sikat ng araw na tumatama sa bintana.
Hindi ako sumagot. Umupo lang ako sa dati kong pwesto. Sinandukan niya ako ng kanin at ulam bago siya umupo sa tapat ko. Habang kumakain, gaya ng dati, hindi siya nauubusan ng kwento. Kinukwento niya ang naging panaginip niya kagabi, ang mga plano niya sa trabaho ngayong araw, at kung paano tila mas lalong nagiging malambing si Jennie sa kaniya simula nang bumalik ito sa bahay.
Pinapanood ko lang siya. Sa bawat paggalaw ng labi niya, hindi ko maiwasang maisip. Kailan kaya magbabago ang ihip ng hangin? Sa likod ng bawat tawa niya, iniisip ko kung ginagawa niya ba 'to dahil sincere siya o para panandaliang limutin muna si Ophelia.
Isang oras matapos ang almusal, umalis na siya para pumasok sa trabaho. Naiwan ako kasama ang dalawang aso. Nakatingin lang ako sa kanila habang nakahiga sila sa paanan ko. Tahimik. Payapa. Pero ang isip ko, magulo.
Bakit ba kasi bigla niyang binanggit ang tungkol sa pagkakaroon ng anak? Ilang linggo pa lang kaming magkasama sa ilalim ng iisang bubong sa ganitong setup. Siyaka wala pang apat na buwan simula nang magkakilala kami. Tapos noong una pa nga ay ayaw niya sa sitwasyon namin.
Oo, nararamdaman ko ang pag-aalaga niya. Kitang kita ko ang mga efforts niya. Lahat lahat.
Pero hindi pa rin sapat sa akin iyon para mabura sa isip ko na may ibang babae sa puso niya. Na mahal niya pa rin. Na nakakausap niya pa rin hanggang ngayon.
Hindi ko man gusto ay bumibigat ng husto ang puso ko sa isiping iyon.
Tumunog ang doorbell. Inakala ko na baka nakalimutan lang ni Carmichael ang susi niya, pero pagbukas ko ng pinto, si Lou ang tumambad sa akin, hingal na hingal at may dalang makapal na folder.
"Mayari! Hindi ako susuko!" sigaw niya agad pagpasok.
'Akala ko ba change topic na?' senyas ko habang bored na nakatingin sa kaniya.
"This is important! Look," inilatag niya ang mga papeles sa center table. "The Romanovz Corporation... they increased the offer. Triple, Mayari! Triple! At ang sabi nila, hindi mo kailangang mag-shoot sa mataong lugar. They are willing to do it in a private studio. No press, no grand launch, just the billboards and digital ads."
Umiling ako. Tinuro ko ang sarili ko at pagkatapos ay ang bintana, senyas na ayaw kong makita ang mukha ko sa labas.
"Pero bakit ba? Dahil ba sa mga biktima?" tanong ni Lou, lumambot ang boses niya. "Mayari, ang tagal na niyon. Ang mga biktima ng adoptive parents mo, malamang ay may mga sarili na ring buhay. Hindi nila isisisi sa 'yo ang kasalanan ng mga umampon sa 'yo. Bata ka pa noon."
‘Pero ang alam ng lahat na anak pa rin ako ng adoptive parents ko.,’ gusto ko sanang sabihin sa kaniya sa sign language pero pinili kong manahimik.
"Anyway," buntong-hininga ni Lou nang makitang wala siyang mapapala sa akin. "Kamusta na kayo rito? I saw Carmichael earlier, blooming ang lolo mo. Anong pinakain mo ro'n?"
Kinuha ko ang notebook ko at nagsulat. 'Wala. Siya ang nagpapakain sa akin.'
"Ay wow, sana all may taga-luto," biro ni Lou. Pero biglang sumeryoso ang mukha niya. "Pero Mayari, mag-ingat ka rin. Carmichael is. . . complex. Alam naman nating dalawa ang history niya kay Ophelia, 'di ba? Siguraduhin mong hindi ka lang rebound o pansamantalang panakip-butas sa lungkot niya."
Parang tinusok ang puso ko sa sinabi ni Lou. Iyon din ang kinatatakutan ko.
Halata naman na botong boto si Lou kay Carmichael pero mas lamang pa rin ang pag-aalala niya sa akin.
Nang umalis si Lou, mas lalong bumigat ang pakiramdam ko. Hapon na nang maisipan kong linisin ang garden. Habang nagbubunot ng damo, lumapit sa akin si Juday, dala-dala ang isang lumang bola. Pinapanood ko siyang maglaro nang mag-isa hanggang sa mapunta ang bola sa ilalim ng isang lumang cabinet sa gilid ng garahe.
Sinubukan kong abutan ang bola, pero sa pag-usog ko sa cabinet, may nalaglag na isang maliit na kahon. Gawa ito sa kahoy, may mga ukit na bulaklak. Mukhang matagal na itong nakatago roon.
Dinala ko ang kahon sa loob ng bahay. Alam kong hindi dapat ako nangingialam ng gamit ni Carmichael, pero may kung anong pwersa na nagtulak sa akin na buksan ito.
Sa loob ng kahon, may mga lumang litrato.
Litrato ni Carmichael... at ng isang babaeng napakaganda. Maputi, mahaba ang buhok, at may mga matang tila laging nakangiti. May ideya na kaagad ako na si Ophelia ito.
May mga sulat din. Binasa ko ang isa.
"My dearest Carmichael, kahit nasaan man ako, asahan mong ikaw lang ang iibigin ko. Ang ating mga pangarap ay mananatiling buhay sa puso ko..."
Nabitawan ko ang sulat. Ang petsa nito ay ilang taon na ang nakalipas, pero ang bigat ng mga salita ay tila isinulat lang no'ng kailan.
Biglang bumukas ang pinto. Si Carmichael. May dala siyang plastik ng prutas at nakangiti, pero agad na nawala ang ngiti niya nang makita ang hawak ko.
Natahimik ang buong paligid. Kahit ang mga aso ay tila naramdaman ang tensyon at tumigil sa paglilikot.
"Mayari..." mahinang tawag niya. Lumapit siya sa akin at dahan-dahang kinuha ang kahon sa kamay ko. "Saan mo 'to nahanap?"
Hindi ako gumalaw. Hindi ako sumagot. Tinignan ko lang siya nang diretso sa mga mata. Gusto kong makita kung magagalit ba siya sa akin. Gusto kong makita kung paano siya mataranta para magpaliwanag o ano. Gusto kong makita kung nandoon pa rin ba ang pagmamahal para sa babaeng nasa litrato.
Pero wala akong nakita. . .
"Gusto mo bang malaman ang tungkol sa kaniya?" tanong niya, ang boses niya ay basag.
Kinuha ko ang notebook ko at mabilis na nagsulat. 'Bakit mo sinabing gusto mo akong pakasalan kung may ganyan ka pa ring tinatago?'
Huminga siya nang malalim at umupo sa tabi ko sa sofa. Inilapag niya ang kahon sa lamesa. "Ang nakaraan ay hindi basta-basta nawawala, Mayari. Pero hindi ibig sabihin niyon na hindi na ako pwedeng magmahal muli." panimula niya. "Ophelia was my past. She will always be a part of who I am," patuloy niya. "Pero ikaw... ikaw ang kasalukuyan ko. At gusto kitang maging kinabukasan ko."
Umiling ako. Paano ko paniniwalaan ang mga salitang 'yon kung ang ebidensya ng nakaraan niya ay nakatago lang sa ilalim ng cabinet?
"Nagtataka ka siguro kung bakit ako sobrang sweet, kung bakit parang sigurado na ako sa 'yo bigla," sabi niya habang hinahawakan ang kamay ko.
Hinayaan ko lang siya.
"It's because I've lost someone before, Mayari. I know how it feels to lose the chance to tell someone how much they mean to you. Kaya ngayon, habang nandito ka, ayaw kong sayangin ang bawat segundo."
Napatulala lamang ako sa kaniya.
Tumingin siya sa akin, ang mga mata niya ay puno ng katapatan. "Hindi kita ginagawang panakip-butas. You are Mayari. You are different. You are the silence that I need in this loud world."
Gusto kong maniwala. Gusto kong sumigaw at sabihing natatakot ako. Pero dahil hindi ako nakakapagsalita, tinitigan ko na lamang siya. Walang reaksyon o ano sa mukha ko pero kabaliktaran noon ang puso kong mabilis ang kabog.
"Take your time. I'm not rushing you. Waiting for you to believe and accept me is the easiest thing I've ever had to do."
Nang gabing iyon, hindi ako makatulog. Pinapanood ko si Carmichael na natutulog sa sofa. Gusto niya raw kasing tabihan ang mga aso niya.
Pinanood ko ang payapa niyang mukha.
Totoo kaya lahat ng sinabi niya?
Kinaumagahan, maaga akong nagising. Sa halip na maghintay sa kaniya, ako ang nagluto ng almusal. Simple lang—itlog at tinapay.
Pagkagising niya, halata ang gulat sa mukha niya.
Pagkatapos kumain, lumapit siya sa akin.
"Mayari, I've learned something by the way. Gusto mo makita?"
Tinignan ko siya at maikling tumango.
"Sign language." he signed. "Ang. . . Ganda. . . Mo. . " iyan ang mabagal at hindi pulidong senenyas niya gamit ang kamay niya.
Dahil sa nakita ko ang wala sa sariling may gumuhit na ngiti sa labi ko.
Nahihiyang umiwas siya ng tingin at napakamot sa batok. "Ano. . . Ayos lang ba 'yon? Nag-aaral talaga akong mag-sign language. Gusto kasi kitang maintindihan.