Albularyo
Hindi na matiis ni Lyca ang pananakot ng multo sa kaniyang inuupahang apartment sa Taguig. Walang pinipiling oras ang multong ito. Sa umaga, sa tanghali at sa gabi, palagi itong nagpaparamdam sa dalaga.
May mga pagkakataong bumubukas ang pintuan ng kusa kahit wala namang malakas na hanging pumapasok. Minsan naman ay namamatay ang ilaw ng biglaan. May mga oras din na nalalaglag ang ilang mga kagamitan sa kusina at sa sala na talaga namang nakakagulat.
Nahihirapan ang dalaga lalo pa't malapit na ang first periodical exam nila sa kolehiyong kaniyang pinapasukan. First year college pa lamang siya sa isang unibersidad sa Makati subalit gusto niyang mataas kaagad ang unang makuhang marka sa first quarter ng taon sa klase nila kaya naman masinsinan talaga ang kaniyang pagri-review para sa exam.
Dalawang buwan pa lamang na nangungupahan si Lyca sa isang palapag na apartment na iyon. Wala siyang kasama sa apartment at mas gusto niya ito dahil nakakapag-aral siyang mabuti. Hindi katulad ng ibang tao na gusto ay laging may kausap o kasama, mas productive si Lyca kapag nag-iisa.
Pangako niya sa kaniyang ate na siyang nagpapaaral sa kaniya ay pagbubutihin niya ito hanggang matapos niya ang kursong nursing at makatulong rin sa kanilang mga magulang kagaya ng ate niya.
Nahanap ng kaniyang ate ang apartment na iyon sa AirBNB. Sakto lamang sa budget ang renta. Hindi mahal at hindi rin mura. Hindi rin ganoon ka-luma ito at nasa ligtas na subdibisyon pa. Isang sakay lang din ito papunta sa paaralan ni Lyca kaya kinausap kaagad ng kaniyang ate ang may-ari nito at inayos nila ang kontrata. Agad silang nagbayad para sa isang taong pagtira dito ng dalaga.
Nais na sana niyang umalis pero nanghihinayang siya sa ibinayad ng kanyang ate sa apartment. Malaking pera din iyon at nakakahiya sa kapatid niya.
Hindi malaman ng dalaga kung paano sasabihin sa kaniyang ate o sa may-ari ng building ang mga kakatwang nangyayari sa loob ng kaniyang apartment. Baka pagtawanan lamang siya ng mga ito sa dahilan ng kagustuhan nitong umalis rito.
Wala sa diksiyunaryo ng kanilang pamilya ang naniniwala sa mga multo o iba pang nilalang ng kadiliman. Laki sa siyudad ang buong angkan ni Lyca kaya hindi talaga naniniwala ang mga ito sa multo.
Nang unang maranasan ni Lyca ang pagpaparamdam ng multo noong nakaraang linggo lamang, kaagad siyang nagresearch sa internet tungkol dito. Nabatid ng dalaga na hindi naman nakakasakit ang mga ito. Kumbaga maliliit lamang na bagay ang kayang pagalawin ng mga multo. Sa isiping iyon, binabalewala lamang ng dalaga ang mga unang pagpaparamdam ng multo sa kaniyang apartment.
Alam din ni Lyca na iisa lang ang multo sa apartment niya. Hindi naman talaga nananakit ng pisikal ito, sadya lamang na mapaglaro ito at nakakapikon dahil palagi siya nitong iniistorbo. Ayon din sa mga blog na kaniyang nabasa, sa pananakit din ito hahantong at maaaring ikapahamak din niya sa huli. Kaya napaisip ang dalaga sa komentong iyon.
Ikinuwento ni Lyca ang kakatwang nangyayaring iyon sa loob ng apartment sa kaniyang mga bagong kamag-aral sa kolehiyo para makakuha siya ng ideya kung ano ang kaniyang dapat gawin. Iba-iba ang komento ng mga ito. May nagsasabing huwag na lamang niya ito pansinin hanggang sa kusa itong umalis. May nagsasabi ring umalis na siya at lumipat na ng ibang apartment.
May suhestiyon din ang bago niyang bestfriend na si Jessa sa section nila na sumangguni siya sa isang albularyo para makausap at mapaalis ang naturang multo sa apartment. May kilala raw itong bagong saltang albularyo sa Fairview, Quezon. Puwede nila itong i-text o tawagan.
Sabado ng hapon, eksaktong tapos na sa pagliligpit ng mga kagamitan sa loob ng sala si Ricardo at ang kinakasama nitong si Sheena ng may pumaradang traysikel sa harap ng kanilang gate. Dahil bukas ang pintuan ng kanilang bahay ng mga oras na iyon, napansin kaagad nito ang tatlong babaeng bumaba sa traysikel.
Humarurot naman paalis ang traysikel matapos magbayad ng mga ito sa driver.
Mabilis na sinundo ni Ricardo at Sheena ang tatlong babaeng bumaba sa gate at nagpakilala sa mga ito. Agad na inaya ng magkasintahan ang tatlo sa loob ng bahay.
Sa tantiya ni Lyca, mga nasa apatnapung taong gulang lamang si Ricardo. Kahit hindi ito ganoon katanda, mabilis itong nakilala sa Quezon City dahil marami na raw itong nagamot sa probinsyang pinanggalingan nito.
Kalilipat lamang nina Ricardo at ng kinakasamang dalaga nito sa bagong dalawang palapag na bahay na iyon kaya nag-aayos pa rin ang mga ito ng mga gamit.
Habang nagku-kuwento si Ricardo tungkol sa buhay nito bilang isang albularyo sa probinsya, mabilisang sinuri naman ni Lyca ang buong kabahayan. Ito lamang ang tanging may ikalawang palapag sa buong village na iyon sa Fairview. Simple lang ang bahay pero mayroong mga mamahaling gamit na naka-display rito. Nagkatinginan sina Lyca at Jessa sa paghanga sa kabuuan ng bahay nina Ricardo at Sheena. Siguro'y napakagaling na albularyo ang lalaki kaya malaki ang kita nito sa trabaho sa probinsya.
Tahimik lang rin ang ikalawang palapag kaya naisip ni Lyca na wala pang mga anak ang dalawa.
Ilang minuto rin ang naging pag-uusap nina Lyca at nina Ricardo sa sala hanggang sa napagkasunduan na nila ang mga gagawin at ang magiging bayad sa serbisyo ng mga ito.
Niyaya ni Ricardo ang tatlo na sumunod sa kanya sa isang silid. Mabilis namang sumunod ang mga ito kasabay si Sheena.
Hindi alam ni Lyca kung ano ang mangyayari pero nagsimulang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Unang pagkakataon na gagawin niya ito. Hindi niya alam kung may katotohanan ba ang mga ganitong klaseng gawain o wala. Sa telebisyon lamang niya napapanood ang mga sitwasyong katulad nito. Ganoon pa man, gusto pa rin niyang tulungan siya ng lalaki na mapaalis ang nakakainis na multo sa kaniyang apartment.
Pinaupo ni Ricardo ang lahat ng mga bisita kasabay nito paikot sa bilog na mesang nasa gitna ng isang madilim na kuwarto. Samantalang si Sheena naman ay nakatayo lamang sa likod ni Ricardo. Siya ang hahalili dito sa pagsasagawa ng kung ano man ang ritwal na gagawin ng lalaking albularyo.
Sarado ang lahat ng bintana at pinto para sadyang madilim na madilim talaga ang loob ng silid. Tanging mga kandila lamang ang nakasindi sa gitna ng mesa at sa iba pang piling lugar paikot sa kanila sa loob ng kuwartong iyon.
Inutos ni Ricardo na ilabas ni Lyca ang mga lumang gamit mula sa apartment -- na posibleng pagma-may-ari ng multo.
Agad namang inilabas ni Lyca mula sa bag ang isang suklay, singsing at libro na nakita niya sa ilalim ng kaniyang kama. Nakalagay ang mga ito sa lumang baul. Mabuti na lamang at nabasa niya sa isang blog na kakailanganin ng mga lumang gamit ng nagmumulto para sa ritwal kung gusto mong tawagin ang kaluluwa nito. Ito rin ang bilin ni Ricardo sa text sa kaniya bago sila pumunta sa bahay nilang iyon.
Kinuha ang mga ito ni Ricardo at inutusan ang lahat na pumikit para sa kanyang pambungad na dasal.
Pangalawang pangungusap pa lamang ng dasal ni Ricardo ay ramdam na ni Lyca ang higpit ng pagkakahawak ni Jessa sa kaniyang kamay. Ito'y hudyat na nakakaramdam na ito ng takot.
Wari ni Lyca ay lumalamig ang hangin sa loob ng silid habang nagsasalita si Ricardo. Nagtaka ang dalaga dahil wala namang aircon o electric fan na puwedeng panggalingan ng hanging malamig sa loob ng kuwartong iyon. Higit sa lahat, sarado ang mga bintana nito.
Pagkatapos ng dasal, tahimik na napamulat ang lahat. Napabuntong-hininga naman sina Lyca at kaibigan nito. Nagsimula ng magsalita si Ricardo na wari ba'y may kinakausap. Kinakausap na hindi nakikita nina Lyca.
Sumenyas si Sheena na ituloy ng mga dalaga ang pananahimik dahil nagtatawag na raw si Ricardo ng multo mula sa kabilang buhay gamit ang mga lumang kagamitang binigay ni Lyca sa kanya.
Hindi maintindihan ng dalaga ang mga salitang namumutawi sa bibig ni Ricardo. Waring latin ang mga katagang binibigkas nito.
Maya-maya pa ay tumigil na ito sa pagsasalita. Sumenyas ulit si Sheena na nakikita na ng lalaki ang multong nagmamay-ari ng mga lumang gamit sa mesa. Ito na ang gusto nilang tanungin at kausapin.
Pinanindigan si Lyca ng balahibo ng mas lalong lumamig ang hangin sa buong silid. Lalo ring natakot ito ng sabihin ni Ricardo na galit na galit raw ang multong tinawag nila na sa mga oras na iyon at ito ay nasa loob na rin ng silid at pumapaikot ikot sa kanila.
May limang nakasinding kandila sa taas ng mesa. Ayon kay Ricardo, magtatanong siya at gusto niyang sagutin siya ng multo sa pamamagitan ng mga nakasinding kandila. Kung sang-ayon ang multo, papatayin lang nito ang kandila at kung hindi naman ay hahayaan lang nito itong nakasindi.
Dahil unang pagkakataon na makasaksi ni Lyca nito pati ng kasama, wala itong nagawa kundi ang makinig, magmasid at sumunod na lamang sa kung ano man ang sasabihin ni Ricardo at ni Sheena.
Tinanong ni Ricardo kung bakit nagmumulto ang ispiritong iyon. Kung bakit hindi siya matahimik. Dahil ba'y may gusto pa siyang sabihin sa kaniyang mga kamag-anak? Biglang namatay ang unang kandila.
Nabalot ng kilabot ang katauhan ng mga bisita sa nasaksihan lalong lalo na si Lyca. Ramdam na ramdam nito ang katotohanang nagaganap sa harap ng kaniyang mga mata.
Alam mo ba kung nasaan ang mga kamag-anak mo? Namatay ang pangalawang kandila.
Hanggang sa natapos ang maraming tanong at namatay ang mga natirang kandila. Mas nakakakilabot ang sumunod na nangyari dahil inuutusan na ni Ricardo ang multo na lisanin ang apartment ni Lyca. Umihip ang malamig na hangin sa buong sala kahit sarado naman ang mga bintana. Naglaglagan din ang mga libro sa gilid ng isang tokador at iba pang mga gamit na nasa loob ng silid na iyon.
Halos mawala si Lyca sa sarili sa sobrang takot. Subalit sa awa ng Diyos, natapos din ng grupo ang pakikipag-usap na iyon sa multo.
Pawisan ang lahat ng lumabas sa madilim na kuwarto.
Pagkatapos magbayad ng malaking halaga, nagpaalam na sina Lyca kay Ricardo at Sheena.
Pagkaalis ng traysikel na sinakyan ng mga bisita, abot hanggang tenga ang ngiti ng magkasintahan. Naka-loko na naman sila ng mga mapagpaniwalang mga tao. Napahalakhak nalang si Ricardo sa tuwa sa sarili dahil hindi parin siya pumapalya sa pekeng pag-a-albularyo. Agad na niyakap nito sa tuwa ang kinakasamang si Sheena at pinaghahalikan sa labi na labis namang ikinatuwa ng dalaga.
Kaya sila napunta rito sa Maynila ay dahil nabigyan sila ng kaso sa probinsya sa panlolokong kanilang ginagawa sa mga tao. Mga pekeng ispiritista ang mga ito at naniningil ng malaking halaga.
Pagkalipas ng isang araw, isang tawag mula kay Lyca ang nagpagising kay Ricardo sa hatinggabi sa cellphone ng lalaki. Nagising din si Sheena sa lakas ng ringtone nito kaya lumabas ito ng kuwarto sa ikalawang palapag at kumuha ng tubig sa kusina sa ibaba.
Gusto lang daw ipaalam ni Lyca na hindi na nagpaparamdam ang multo sa apartment niya at nagpapasalamat silang dalawa ni Jessa sa pagtulong nito sa kanila. Sana raw ay magkaroon pa siya ng maraming kliyente dahil magaling siya.
Naibaba na ni Ricardo ang cellphone ng mapagtanto niyang isa lang ang binanggit ni Lyca na kasama niya pagpunta sa kanila. Kung ganoon, sino iyong pangatlong babaeng kasabay ng mga itong pumasok sa kanilang bahay?
Nasa malalim na pag-iisip si Ricardo ng may tumawag ulit. Si Sheena ang nasa kabilang linya. Nagpapaalam ang kaniyang kinakasama na double shift siya sa hospital kaya di muna siya makakauwi ng gabing iyon.
Halos mahimatay si Ricardo sa takot sa narinig. Sino ang kaniyang katabi sa kama ng gabing iyon? Nasa ganoong pag-iisip siya ng narinig niya ang yabag sa hagdan ng mga paa ng babaeng paakyat sa kuwartong kanyang kinaroroonan.
Kinaumagahan, patay na si Ricardo ng madatnan ni Sheena sa kuwarto nito. Naliligo ito sa sariling dugo at napapalibutan ng mga patay na kandila.